2025
Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalaya, Hindi Naglilimita
Abril 2025


“Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalaya, Hindi Naglilimita,” Liahona, Abr. 2025.

Mga Babaeng Nakipagtipan

Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalaya, Hindi Naglilimita

Sinasabi sa atin ng mundo na nililimitahan tayo ng pakikipagtipan sa Diyos, pero tayo’y ibinibigkis nito sa Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng bahagi ng Kanyang lakas at kapangyarihan.

Washington D.C. Temple

Larawan ng Washington D.C. Temple

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na makipagtulungan sa Kanya, at sinasabi Niya sa atin na madaling dalhin ang Kanyang pamatok at magaan ang Kanyang pasan (tingnan sa Mateo 11:28–30). Ang maging katuwang Niya ay nangangahulugang tayo ay konektado sa Kanya, katulad ng pagkakonekta ng mga baka sa isang pamatok. Ang dalawang baka, na magkapamatok at nagtutulungan sa parehong layunin, ay maaaring magpasan ng mas mabigat kaysa sa nag-iisang baka. Ito ang ibig sabihin ng mabigkis sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga tipan: Dadalhin Niya ang iba nating pasanin at tutulungan tayong iakyat ang ating pasanin patungo sa kadakilaan.

Ang Panlilinlang ni Korihor

Huwag tayong magpalinlang kay Satanas sa puntong ito. Ang kuwento tungkol kay Korihor, sa Alma 30 sa Aklat ni Mormon, ay kapupulutan ng aral.

Si Korihor, ang anti-Cristo, ay kinutya ang mga tao dahil sa paniniwala sa mga tradisyon ng kanilang mga ama at ina. Sinabi niya na sila ay “nakagapos sa ilalim ng isang hangal at walang kabuluhang pag-asa,” sinasabing, “Bakit ninyo sinisingkawan ang inyong sarili ng mga bagay na hangal?” (talata 13).

Ipinangaral niya na hindi na kailangan ng Tagapagligtas dahil umuunlad tayo ayon sa ating sariling talino at nagtatagumpay ayon sa ating sariling lakas. Tinawag niyang baliw at hangal ang mga mananampalataya. Itinuro niya na kailangan ninyong makita ang isang bagay para malaman kung totoo ito. Ipinangaral niya na kamatayan ang katapusan—kaya gawin ang anumang nagpapasaya sa inyo. (Tingnan sa mga talata 13–28.)

Tungkol sa mga ordenansa ng priesthood, sinabi niya, “hindi ko itinuturo sa mga taong ito na igapos ang kanilang sarili sa ilalim ng mga hangal na ordenansa … gawaing inilatag ng mga sinaunang saserdote, upang mangamkam ng kapangyarihan at karapatan sa kanila, upang panatilihin sila sa kawalang-malay, nang sa gayon hindi nila itaas ang kanilang mga ulo, kundi hilahing pababa” (talata 23).

Nakikita ba natin ang mga turong katulad nito sa ating panahon?

  • Tayo ba ay pinagtatawanan at tinatawag na hangal dahil sa paniniwala sa Tagapagligtas?

  • Sinasabi ba sa atin na nababaliw na tayo dahil naniniwala tayo sa isang bagay na hindi pa natin nakikita?

  • Narinig ba natin na ang pagiging nakabigkis sa Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan ay nagbibigay sa atin ng limitasyon?

dalawang bakang magkasama sa isang pamatok

Larawan © Steve Callahan | Dreamstime.com

Ang Pakikipagtipan ay Nagpapalaya

Ang mga taktika na ginamit ni Korihor upang linlangin ang maraming kababaihan at kalalakihan ay ginagamit na rin ngayon laban sa atin. Tulad ni Korihor, sinasabi sa atin ng mundo na ang ibig sabihin ng nakabigkis o kapamatok ang Tagapagligtas ay “nakagapos” o “nililimitahan” tayo, at walang kakayahang gumalaw o umunlad. Dapat nating tuklasin sa ating sarili na ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapalaya, hindi naglilimita! “Walang ibang pangalan kung saan kayo ay kayang gawing malaya,” itinuro ni Haring Benjamin. “Kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo” (Mosias 5:8).

Ang mga tumutupad ng tipan ay pinagpapala ng kapangyarihan ng Diyos. Ang pagtupad sa ating mga tipan ay nagpapalaya, nagbibigay ng kapangyarihan, at nagdudulot sa atin ng kapayapaan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati. Pinadadali ng kapangyarihang ito ang ating buhay. Ang mga taong nagsasabuhay ng mga nakatataas na batas ni Jesucristo ay nakatatamo ng Kanyang nakatataas na kapangyarihan. Sa gayon, ang mga tumutupad sa tipan ay nagiging karapat-dapat sa isang espesyal na uri ng kapahingahan na dumarating sa kanila sa pamamagitan ng kanilang kaugnayan dala ng pakikipagtipan sa Diyos.”

Alam kong iyan ay totoo.

Sa pagpili na mabigkis sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan ko sa Diyos, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Ang mga pagsisikap kong tuparin ang aking mga tipan—bagama’t hindi perpekto—ay ginagantimpalaan ng mas malaking kakayahan na gawin ang ipinagagawa sa akin. Pinagpala ako ng mas malaking kakayahan na maglingkod. Pinagpala ako ng inspirasyon na kailangan ko para gawin ang gawain ng Panginoon sa mga paraan na nais Niyang ipagawa sa akin. Taglay ang pananampalataya sa Panginoon, pinagpala akong harapin ang aking mga hamon nang may positibong pananaw. Ang kapangyarihan ng Diyos ang nagpapadali sa aking landas—kahit pataas ang daan!

Ngunit dapat nating gamitin ang ating kalayaang pumili upang magamit ang kapangyarihang ito. Tulad ng itinuro ng aking counselor na si Sister Anette Dennis, “Kapag pinili nating makipagtipan sa [Diyos], pinatototohanan natin sa Kanya na nais natin Siyang lalong maging bahagi ng ating buhay at na handa tayong tanggapin ang ibubunga nito para makatanggap ng dagdag na kapangyarihan at mga pribilehiyo sa pakikipagtipang iyon.”

Pumunta sa Templo

Tinatanggap natin ang kapangyarihang iyan kapag lumalakad tayo sa landas ng tipan pabalik sa ating tahanan sa langit. Pumapasok tayo sa landas ng tipan kapag nabinyagan at nakumpirma tayo. Pumapasok tayo rito nang mas lubusan sa bahay ng Panginoon. Bilang Relief Society General Presidency, hangad namin na lahat ng kababaihan ay magkaroon ng mga mapagpalayang pagpapala na dulot ng pakikipagtipan sa Diyos, kabilang na ang kapangyarihan ng Diyos na magagamit ng mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan at sumasamba sa bahay ng Panginoon.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan.”

Ang pagpapala ng pagtanggap ng kapangyarihan ng Diyos ay nakasalalay sa ating pakikipagtipan sa Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, na nagbibigkis sa atin sa Kanya.

Bilang panguluhan, hangad naming tulungan ang bawat babae na hangarin at linangin ang pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nais naming makita ang ating kababaihan na tumatanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon, na nagtutulot na mabigyan sila ng espirituwal na mga pribilehiyo at kadakilaan, nakabigkis sa Tagapagligtas at nabigyan ng kapangyarihan sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan. Nangangako kami na kapag gumawa at tumupad kayo ng mga tipan, pagpapalain kayo ng nagpapalayang kapangyarihan na inilalaan sa mga tumutupad ng tipan.