2025
Pagtatatag ng Sion sa Ating mga Ward at Branch: Maaari Itong Magsimula sa Akin
Abril 2025


“Pagtatatag ng Sion sa Ating mga Ward at Branch: Maaari Itong Magsimula sa Akin,” Liahona, Abr. 2025.

Pagtatatag ng Sion sa Ating mga Ward at Branch: Maaari Itong Magsimula sa Akin

Ang pagkakaroon ng ward o branch na parang Sion ay isang napakagandang pagpapala. Narito ang ilang praktikal na paraan upang magawa iyan.

isang sister na nakaakbay sa isa pang sister

Ano ang mararamdaman mo kung dumalo ang Tagapagligtas sa inyong ward o branch sa araw ng Sabbath? Hindi lang ba magiging komportable ang mga miyembro kundi magiging masaya rin sila kapag naroon Siya? Anong mga katangiang tulad ng kay Cristo ang makikita Niya sa mga miyembro?

Iniutos ng Panginoon sa mga unang miyembro ng Simbahan na itatag ang sentrong lugar ng Sion sa Missouri (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 57:1–3). Sa ating panahon, itinatayo natin ang Sion sa ating mga stake, ward, at branch—at bawat isa sa atin ay bahagi ng gawaing ito.

Ano ang Sion? “Tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila” (Moises 7:18).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano ipamuhay ang banal na kasulatang ito upang “itatag ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake. … Kailangan na (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan sa paraang mapapawi natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito.”

Kapag sinusuri natin ang ating paglilingkod at pakikipag-ugnayan sa iba sa simbahan, maaari nating itanong sa ating sarili ang tulad ng mga sumusunod:

  • Paano ko pinakikitunguhan ang mga bisita?

  • Naghahangad ba akong magkaroon ng pagkakaisa?

  • Ginagawa ko ba ang bahagi ko para anyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo?

  • Tapat ba ako sa pagtupad ng mga tungkulin at paglilingkod?

  • Determinado ba akong dumalo sa mga miting ng Simbahan at sa templo?

  • Sinusuportahan ko ba ang mga maralita at nangangailangan at tinutulungan silang magkaroon ng sariling kakayahan?

Bagama’t hindi tayo perpekto, makagagawa tayo ng kaibhan sa bawat pagsisikap na ito.

mga kababaihan na binabati ang isa’t isa sa simbahan

Pagbuo ng Pagkakaisa

Ang Sion na ward o branch ay masasalamin sa paraan ng pakikitungo ng mga miyembro sa iba. Itinuro ni Elder Christofferson na mas nagkakaroon tayo ng pagkakaisa sa pagsunod sa utos ng Tagapagligtas na “mahalin ang isa’t isa hindi lamang gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili kundi gaya ng pagmamahal Niya sa atin.” Maaari tayong magsikap na itaguyod ang magandang pagkakaisa sa ating mga kongregasyon. Ano ang magagawa natin para maging mga taong “may isang puso at isang isipan”? (Moises 7:18). Narito ang ilang ideya:

  • Isang sister ang tumangging magsalita ng masama tungkol sa sinuman sa kanyang ward. Marami pang iba ang naimpluwensiyahan nito na nagsimulang kumilos sa parehong paraan.

  • Isang brother ang determinadong alamin ang lahat ng pangalan ng mga miyembro ng ward at babatiin sila nang madalas hangga’t maaari.

  • Sa isang ward, inaanyayahan ng bishopric ang mga bago sa ward na pumunta sa harap ng chapel pagkatapos ng sacrament meeting para kanilang mabati at maipakilala sila sa mga lider mula sa bawat organisasyon.

  • Inanyayahan ng Relief Society presidency sa aming ward ang mga bagong sister na magpakilala sa loob ng anim na sunud-sunod na linggo. (Nangyari ito noong bago maging dalawang oras na lang ang pagsisimba, noong may Relief Society pa tayo tuwing Linggo.) Nagtatawanan kami tuwing nangyayari iyon, pero dahil doon talagang mas nakilala at nakaugnayan namin ang mga bagong sister.

isang grupo ng mga kabataan na nakaupo at nakangiti

Pagiging Banal na mga Tao

Ipinaliwanag ni Elder Christofferson, “Karamihan sa gagawin sa pagtatatag ng Sion ay nasa ating pagsisikap na maging “dalisay [ang] puso” [Doktrina at mga Tipan 97:21].”

Ano ang partikular na magagawa natin para maging banal na mga tao? Nagsisimula ito sa pagsisikap ng bawat isa sa atin na mamuhay ayon sa mga tipang ginawa natin sa Diyos.

Kabilang ako sa isang ward kung saan isang babae ang parang isang parola ng kabutihan. Si Jessica (binago ang pangalan) ay nagpapakita ng pagmamahal at kabutihan linggu-linggo sa aming mga miting. Pinupuntahan niya ang bawat tao, binabati at minamahal sila—lalo na ang mga taong “halos hindi napapansin” ng ward. Inaanyayahan niya ang mga nalulumbay sa kanyang tahanan, kinakausap ang mga nahihiya, at nagsisikap na ipalaganap ang kanyang katapatan kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo. Nakaapekto ito nang maganda sa buong ward.

Bawat isa sa atin ay makatutulong din sa pagiging espirituwal ng ating mga miting sa Simbahan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng pag-unawa sa doktrina at katapatan sa ebanghelyo.

  • Maaari tayong magsimba na handang alalahanin ang Tagapagligtas kapag tumatanggap tayo ng sakramento nang may “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20)—at turuan din ang ating mga pamilya na gawin din ito.

  • Maaari nating hangarin ang palagiang pagsama at nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo kapag ating “[natuklasan] ang kagalakan ng araw-araw na pagsisisi.”

  • Maaari tayong magtala habang nasa mga miting ng Simbahan at sikaping magbigay ng mga inspiradong komento na nagpapabuti sa pag-aaral ng bawat klase.

  • Ang mga guro ay maaaring maghanda nang masigasig at dagdagan pa ang antas ng pagkatuto sa kanilang mga klase. Ang mga dagdag na pagsisikap ay makikita sa mas mahusay na pakikibahagi ng klase at sa espiritu o diwa na nadarama sa mga klase.

  • Maaari nating tuparin ang mga tipang ginawa natin sa loob ng templo. Ang pagsamba sa bahay ng Panginoon nang madalas hangga’t kaya ng ating kalagayan ay tutulong sa atin na mapalapit sa Kanya, at maaari nating anyayahan ang iba na sumama sa atin para suportahan din sila sa kanilang pagdalo sa templo.

Kapag nagsisikap ang bawat isa sa atin na itaguyod sa loob ng ating ward o branch ang espirituwal na lakas at kabutihan nang may pagpapakumbaba at palagiang pagsisikap, ang buong kongregasyon ay pagpapalain at bibigyang-inspirasyon na mas maging espirituwal at tapat.

mga dalagitang magkayakap

Pangalagaan ang mga Maralita at Nangangailangan

Itinuro ni Haring Benjamin ang maraming katotohanang makatutulong sa atin na maitatag ang Sion. Sa pagtuturo sa atin na pangalagaan ang mga maralita at yaong nangangailangan, sinabi niya, “Kayo na rin sa inyong sarili ang tutulong sa kanila na nangangailangan ng inyong tulong; ibabahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa kanya na nangangailangan” (Mosias 4:16).

Bawat isa sa atin ay maaaring maging bahagi ng pagmamalasakit at pagbabahagi. Maaari nating itanong, Ano ang magagawa ko para maibsan ang pangangailangan sa aking ward o branch? Paano ko magagamit ang aking resources para tulungan ang mga maralita at nangangailangan?

Tulad ng paliwanag sa Pangkalahatang Hanbuk, “Ang mga lider ay kadalasang tinutulungan ang mga indibiduwal at pamilya na makahanap ng mga solusyon sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng paggamit sa kaalaman, kakayahan, at paglilingkod na ibinibigay ng mga miyembro ng ward at stake.”

Narito ang ilang nakapagpapasiglang halimbawa na nakita ko:

  • Isang sister ang nakipagtulungan sa mga miyembro ng ward na nahihirapan sa pananalapi at tinuruan sila kung paano gumawa ng badyet at sundin ito.

  • Isang brother ang nag-alok ng pansamantalang trabaho sa kanilang kumpanya para tulungan ang mga miyembro habang naghahanap sila ng pangmatagalang trabaho.

  • Isang sister ang lihim na naglalagay ng mga supot ng pagkain sa mga balkonahe ng mga pamilya sa kanyang ward na nahihirapan.

  • Tinuruan ng isang brother ang iba kung paano magkumpuni ng mga kotse para matuto sila ng bagong kasanayan.

  • Nag-alok ang mga miyembro ng ward ng mga serbisyo—tulad ng paggupit ng buhok, pag-aayos ng buwis, pag-aalaga ng mga sanggol, paghahanda ng mga résumé—na magagamit ng bishop sa pagtulong sa mga nangangailangan. Dahil handang maglingkod ang mga miyembro, hindi na kailangang gastusin pa sa mga serbisyong iyon ang perang kailangang-kailangan ng mga pamilya.

  • Isang ministering brother ang nag-organisa ng paglilinis ng bakuran para sa isang pamilyang may matagal nang karamdaman.

  • Isang ministering sister ang nag-organisa ng paglilinis ng bahay para sa isang ina na labis na napapagod.

  • Isa pang sister ang nangalap ng mga donasyon ng mga gamit sa paglilinis para sa mga single mom sa kanyang ward.

  • Nang maraming buwan nang walang trabaho ang asawa ko, isang ina na bata pa mula sa aming ward ang pumunta sa aming pintuan at nag-alok sa amin ng pera para tulungan kami. Nagulat ako! Hinding-hindi ko malilimutan ang kanyang pagiging bukas-palad.

Maaari tayong magtulungan upang mahikayat ang iba na itaguyod ang sariling pangangailangan. Kapag nagsikap ang bawat isa sa atin na pagmalasakitan at bahagian ang mga nangangailangan, mapapabuti natin ang temporal at espirituwal na kapakanan ng ating mga ward at branch.

Mga Tao ng Sion sa Aklat ni Mormon

Ang mga taong inilarawan sa 4 Nephi ay nagpapakita ng ilan sa mga kalagayang umiiral kapag ang lahat ng tao ay naghahangad na itatag ang Sion. Ang kanilang halimbawa ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na huwaran na dapat nating tularan. Matapos ang pagdalaw ng Panginoon sa mga Nephita:

  • “Ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon” (talata 2).

  • “May pagkakapantay-pantay sila sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap” (talata 3).

  • “Hindi nagkaroon ng alitan sa lupain dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao” (talata 15).

  • “Ni nagkaroon ng … anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos” (talata 17).

  • “O labis silang pinagpala!” (talata 18).

Bilang buod, iniutos ng Panginoon sa lahat ng miyembro na tumulong sa pagtatatag ng Sion (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:6), at ang mga tumanggap ng kanilang endowment sa templo ay nakipagtipan na gagawin ito. Lahat tayo ay maaaring magtulungan upang ang mga miyembro ng ating ward at branch ay may isang puso at may isang isipan na walang mahirap sa atin.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.