2025
Sakripisyo at ang Templo
Abril 2025


“Sakripisyo at ang Templo,” Liahona, Abr. 2025.

Mga Pananaw sa Kasaysayan sa Bahay ng Panginoon

Sakripisyo at ang Templo

Bakit ipinamumuhay ng mga pinagtipanang tao ng Diyos ang batas ng pag-aalay sa bawat panahon.

Tore ng orasan ng Nauvoo Temple

Larawan ng Nauvoo Illinois Temple na kuha ni Alan William Jensen

Nang magsimulang magtayo ng templo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo, iniutos sa kanila sa paghahayag na isipin ang nakaraan at hinaharap. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na ihahayag Niya sa templo ang “mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 124:41).

Kasabay nito, binigyang-diin Niya na ang templo ay magiging lugar kung saan ang mga Banal ay maaaring hugasan at pahiran ng langis tulad ng mga sinaunang saserdoteng Israelita at isang lugar para sa “mga pag-alaala para sa inyong mga hain sa pamamagitan ng mga anak na lalaki ni Levi” (Doktrina at mga Tipan 124:39).

Bagama’t ang mga dambana sa mga templo sa mga huling araw ay ginagamit sa paggawa ng mga tipan sa halip na sa paghahain ng mga hayop, butil, langis, o alak, ipinaaalala pa rin nito sa atin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ang kaugnay na alituntunin ng sakripisyo. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagsakripisyo para magtayo ng mga templo, makarating sa mga templo, at tuparin ang kanilang mga tipan sa templo. Tulad ng sinaunang Israel, ang mga karanasang ito ay tumutulong sa atin na maging malapit sa Panginoon at maranasan ang mga pagpapala ng pagiging pinagtipanang tao.

Pag-aalay sa Templo sa Jerusalem

Sa sinaunang Israel, ang pagkakataong makibahagi sa mga pisikal na pag-aalay ang madalas na humikayat sa mga tao na pumunta sa templo sa Jerusalem. Inilalarawan sa mga talata sa Biblia ang talaan ng araw-araw, lingguhan, at taunang mga paghahandog sa templo, gayundin ang mga partikular na handog para sa ilang pangyayari sa buhay (tingnan sa Levitico 1–7; Mga Bilang 28–29). Ang mga pag-aalay na ito ay nakatuon sa iba’t ibang aspeto ng ugnayan ng mga tao sa Diyos. Halimbawa:

  • Ang mga handog na pangkasalanan at mga handog para sa budhing maysala ay nagpapaalala sa mga tao na makipagkasundo sa Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan.

  • Ang mga handog na pangkapayapaan ay pagdiriwang sa pakikipagtipan ng Diyos sa Kanyang mga tao at nagpapakita ng pasasalamat sa mga pagpapala.

  • Ang mga handog na susunugin at handog na pagkain ay pagkilala sa presensya ng Diyos at nagpapakita ng katapatan ng mga tao sa Kanya.

Naghandog man ang isang tao ng maliit na butil, isang pares ng ibon, o isang malusog na hayop, ang mga pag-aalay ay kinapapalooban ng pagbibigay ng isang bagay na may halaga. Bukod pa rito, ang pag-aalay ng isang bagay ay pagbabahagi nito sa Diyos at sa iba. Sa maraming pag-aalay, literal ang pagbabahagi na ito. Ang dugo at taba ng isang alay na hayop ay maaaring ihain sa altar habang ang mga saserdote ay tumatanggap ng balat para magamit sa hinaharap at ang nagbigay ay tumatanggap ng karne na makakain. Sa pamamagitan ng mga pag-aalay sa templo, ang mga anak ni Israel ay maaaring simbolikong nakikisalo sa pagkain sa kanilang Ama sa Langit at Hari.

Maaaring abangan ng mga pamilya sa Jerusalem ang mga usok na pumapaitaas mula sa mga dambana ng templo papunta sa kalangitan at maamoy ang “mabangong samyo” ng mga karne, produkto, at inuming inihahandog sa Panginoon (tingnan sa Levitico 1:9, 13, 17). Ang mga handog na ito ay naglalapit sa kanilang sariling mga hayop, pananim, lupa, at paggawa sa Diyos. Tinatanggap ng mabubuting hari ang mga manlalakbay mula sa iba’t ibang panig ng lupang pangako sa mga kaganapang tulad ng pagdiriwang ng Paskua sa templo, kung saan ang bawat pamilya ay naghahandog ng kordero bilang hain (tingnan sa 2 Cronica 29–30; 35). Ang pakikilahok sa mga pag-aalay at pagbabahagi ng mga pagkain sa kapistahan kasama ang iba pang mga sumasamba ay nagsisilbing matinding paalala ng ibinahaging espirituwal na pamana at tadhana. Sa paglabas mula sa templo, ang mga Israelita ay mas handang gumawa ng pang-araw-araw na mga sakripisyo para sa Diyos at sa isa’t isa.

Ang diwa ng pagbabahagi at pakikipagkaibigan sa templo sa pamamagitan ng pag-aalay ay malinaw na makikita sa Bagong Tipan. Noong bata pa si Jesus, naglakbay ang Kanyang pamilya sa templo para maghandog ng mga hain at nakilala ang mga taong tulad nina Ana, Simeon, at mga guro sa relihiyon (tingnan sa Lucas 2). Ang rurok ng misyon at ministeryo ni Jesus ay dumating nang Siya ay naglakbay sa huling pagkakataon papunta sa templo, pagkatapos ay inialay ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa iba. Pagkatapos ng pagpanaw ni Jesus, madalas bumisita ang mga Apostol sa templo at tinuruan ang mga tao mula sa maraming bansa na nagtipon doon. Inilarawan ng ilan sa mga may-akda sa Bagong Tipan ang Pagbabayad-sala ni Jesus sa pamamagitan ng paghahambing sa mga pag-aalay sa templo.

mga naunang mga Banal na nagtatrabaho sa itinatayong Salt Lake Temple

Isinakripisyo ng mga Banal noon ang kanilang oras at talento para makatulong sa pagtatayo ng mga templo. Makikita sa larawan ang trabahong ginagawa sa Salt Lake Temple.

Sakripisyo sa Pagpapanumbalik

Nang nagtatayo na ng mga templo ang mga Banal sa mga Huling Araw, nadalisay na ang kanilang pagkaunawa sa pag-aalay. Ipinaliwanag ng Aklat ni Mormon na ang pangunahing layunin ng mga sinaunang pag-aalay ay ihanda ang isipan ng mga tao para sa darating na sakripisyo ni Jesucristo. Ang sakripisyong hinihingi Niya sa atin ngayon ay “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20). Sa pagsamba sa templo sa mga huling araw, ang mga pisikal na paalala tungkol sa sakripisyo ni Jesucristo ay naghahanda sa atin na magmahal, maglingkod, at magsakripisyo na tulad ni Jesus.

Inihandog ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang oras, talento, at ari-arian para tumulong sa pagtatayo ng mga templo noon. Natanto ni Lucy Mack Smith na pinagkaisa ng gawain sa Kirtland Temple ang mga tao. “Isa lang ang pangunahing layuning pinagtutuunan ng aming isipan,” sabi niya, “at iyon ay ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon.” Si Jesucristo ay nagpakita sa natapos na templo at nangako na makapapasok ang mga Banal sa Kanyang presensya roon: “Ipakikita ko ang aking sarili nang may awa sa aking mga tao sa bahay na ito” (Doktrina at mga Tipan 110:7).

Sa Nauvoo, maraming kalalakihan ang nagsakripisyo ng kanilang oras sa paggawa ng templo tuwing ika-10 araw. Itinatag ang Relief Society matapos kausapin ng isang mananahi na si Margaret Cook ang kanyang amo na si Sarah Granger Kimball tungkol sa planong pag-aambag ng kababaihan sa pamamagitan ng paggawa ng mga kamiseta para sa mga manggagawa sa templo. Ang mga pagsisikap na ito ay nangangahulugang ang mga manggagawa sa Nauvoo Temple ay madalas na nakasuot ng damit na tinahi sa pamamagitan ng mga sakripisyo ng kanilang mga kapwa Banal. Sa mga pioneer temple sa Kirtland, Nauvoo, at Utah, nakatulong ang pagbibigay ng mga materyales at paggawa para ilapit ang mga templo magpakailanman sa mga pamilya ng mga nag-ambag.

Ang mga ambag ng mga pangkaraniwang Banal sa mga Huling Araw, tulad ng balo na nagbigay ng kung ano ang mayroon siya sa kaban ng templo noong panahon ni Jesus, ay patuloy na ginagawang posible ang pagtatayo ng templo (tingnan sa Marcos 12:41–44). Sa maraming pagkakataon, nagsakripisyo rin ang mga Banal para makarating sa templo. Halimbawa, matapos maisalin nang kumpleto sa Espanyol ang mga seremonya sa templo noong 1945, ang mga Banal mula sa Mexico, Estados Unidos, at kalaunan sa Central America ay sumama sa taunang caravan para bisitahin ang Mesa Arizona Temple. Ang mga miyembro sa kahabaan ng ruta at sa Mesa ay nag-alok sa mga manlalakbay ng pagkain, mga lugar na matutuluyan, at nagbahagi ng nakaaantig na mga karanasan.

Sumasakay man sa bus ang mga Banal ngayon na kahalintulad ng caravan, palagiang nagdaraos ng ward temple night, o nagpaplano ng mga pagbisita ng mga kabataan sa templo, ang mga tradisyon sa templo ay makatutulong sa atin na mapalapit sa Diyos at sa isa’t isa kapag naaalala natin ang sakripisyo ni Jesucristo.

Sa loob ng templo, nangangako tayo na susundin ang batas ng pag-aalay, na kinabibilangan ng pagtanggap ng diwa ng sakripisyo at pagbabahagi kapag lumabas na tayong muli sa mundo upang gawin ang gawain ng Panginoon. Ang ating kahandaang talikuran ang makamundong mga hangarin at mamuhay sa mas dakila at mas banal na paraan ay nagpapakita sa Panginoon na handa tayong maghandog sa Kanya ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20).

Tulad ng madalas na pagtanggap ng mga sinaunang Israelita ng bahagi ng kanilang mga hain bilang pagkain na kakainin, madalas nating makita na ang ating sariling mga sakripisyo ay espirituwal na nagpapalusog sa atin. Sa pagpasok natin sa bahay ng Panginoon, maaalala natin na ang oras na ibinigay natin para makibahagi sa gawain sa templo ay higit pa sa isang bagay na isinasakripisyo natin—ang oras na maibabahagi natin sa Panginoon at ang mahalagang pagkakataong magkasama-sama tayo sa Kanyang presensya.

Mga Tala

  1. Tulad ng natutuhan nina Adan at Eva mula sa isang anghel ng Panginoon, ang mga hain ay nilayon bilang “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama” (Moises 5:7).

  2. Kapwa binigyang-diin ng mga sinauna at makabagong templo ang pagdadala sa mga tao sa presensya ng Diyos. Noong unang panahon, ang mga simbolong may kaugnayan sa pagkain ay bahagi ng karanasang iyon. Halimbawa, ang tabernakulo at templo sa Biblia ay may hapag na may mga pagkain at mga “tinapay na handog,” na tinatawag ng maraming makabagong salin na “tinapay ng presensya [ng Diyos]” (tingnan sa Exodo 25:29–30). Ipinapahiwatig ng imahe na ang templo, bilang bahay ng Diyos, ay isang lugar kung saan inaanyayahan ng Diyos ang mga sumasamba na kumain sa Kanyang harapan. Ang mga sakripisyo ay bahagi rin ng matalinghagang paglalarawan sa pagkain. Ang layunin ng pagsunog ng bahagi ng isang hayop kung saan ang usok ay pumapaitaas ay kumakatawan sa sakripisyo na ipinaaabot sa Diyos. Ang totoo, sa pagbibigay ng handog na susunugin, ang mga sumasamba ay hindi nagbabahagi ng pagkain sa Diyos kundi nagbibigay lamang sa Diyos ng pagkain sa anyo ng usok na pumapaitaas o “isang mabangong samyo sa Panginoon” (Levitico 1:17). Gayunman, sa handog na pangkapayapaan o handog na pagkain, ang hain ay ipinamamahagi sa pagitan ng Diyos, ng mga saserdote, at ng mga nag-aalay.

  3. Tingnan, halimbawa, sa Mga Hebreo 9:13–14; 1 Pedro 1:19.

  4. Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” aklat 14, pahina 3, josephsmithpapers.org, iniayon sa pamantayan ang pagbaybay, binanggit din sa Lisa Olsen Tait and Brent Rogers, “A House for Our God,” sa Revelations in Context: The Stories behind the Sections of the Doctrine and Covenants (2016), 170.

  5. Tingnan sa James Goldberg, “Five People Who Helped Found the Relief Society,” history.churchofjesuschrist.org.

  6. Tingnan sa Eduardo Balderas, “Northward to Mesa,” Ensign, Set. 1972, 30–33.

  7. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2, Gospel Library.