“Kilalanin ang Inyong Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2025.
Kilalanin ang Inyong Tagapagligtas
Ang isa sa pinakamagagandang paraan para makilala si Jesucristo sa malalim at masidhing paraan ay ang paglingkuran Siya sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga anak ng Diyos.
The Way [Ang Daan], ni Jeanette Borup
Kapag pumupunta ako sa mga kumperensya at debosyonal, madalas akong tanungin, lalo na ng mga kabataan, kung ano ang paborito kong talata sa banal na kasulatan. Kadalasan wala akong maibigay. Ang paborito kong talata sa banal na kasulatan ay depende sa araw. Paiba-iba ito palagi. Pero, sa ilang kadahilanan, sa nakalipas na ilang buwan ay walang araw na hindi ko naisip ang talatang ito, sa anupamang kaparaanan:
“Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?” (Mosias 5:13).
Paulit-ulit kong pinag-isipan ang talatang ito mula sa napakagandang mensahe ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon. Kailangan nating lahat na makilala ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa pamamagitan ng paglalakad sa Kanyang nilalakaran, pagmamahal sa Kanyang minamahal, at pagsunod sa Kanyang sinusunod, makikilala natin Siya.
Sikaping Makapaglingkod
May pribilehiyo at pagkakataon tayong matuto tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ngunit upang tunay na makilala Siya at maging Kanyang disipulo, hindi sapat ang pagbabasa at pag-aaral. Makikilala natin nang mas malalim ang Tagapagligtas kapag ginagawa natin ang mga bagay na gagawin Niya—lalo na ang paglilingkod sa iba tulad ng paglilingkod Niya.
Matapos ang mapaminsalang lindol sa Europa, binisita ko ang mga kampo kung saan nakatira ang mga nagsilikas dahil sa lindol. Nakilala ko ang maraming pamilya na nakatira sa mga tolda. Hindi nila alam kung sino ako o na magpapadala ng tulong ang Simbahan. Pero sa unang pagkikita namin, ang pinakaunang ginawa nila ay abutan ako ng makakain o maiinom na may mga ngiti sa kanilang mga mukha.
Nawalan na ng lahat ang mga taong ito. Naroon ako para maglingkod sa kanila. Pero sa kabila nito hangad pa rin nilang maglingkod. Nagdulot ito sa akin ng kagalakan at nagpaalala sa akin na isa sa pinakamagagandang paraan para makilala si Jesucristo sa malalim at masidhing paraan ay ang paglingkuran ang mga anak ng Diyos.
Maging Isang Halimbawa
Para sa maraming tao sa paligid natin, ang tanging paraan para malaman nila ang tungkol sa Pagpapanumbalik at totoong Simbahan ni Jesucristo—at kung minsan tungkol kay Jesucristo mismo—ay sa pamamagitan natin. Dahil dito, kailangan nating laging tandaan ang kahalagahan ng pagiging mabuting halimbawa.
Dapat tayong mamuhay sa paraang makikilala ng mga nakapaligid sa atin ang Tagapagligtas. Kung namumuhay tayo nang iba sa ating pinaniniwalaan at itinuturo, maaaring hindi maniwala ang iba sa ating mga sinasabi o maging sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Sa halip, makikilala nila si Jesucristo dahil kilala nila kayo at nakikita at nadarama nila ang Kanyang liwanag sa buhay ninyo.
Totoo ito lalo na sa mga magulang. Noong ipinagdadalang-tao ng asawa ko ang panganay namin, tinawagan ko ang tiyo ko para humingi ng payo. Siya ang nagpakilala sa akin sa Simbahan, at mahal na mahal ko siya.
“Ano po ang maaari kong gawin?” tanong ko. “Paano ko matuturuan ang aking mga anak para matulungan silang umunlad at maging matatag?”
Nagulat ako sa sinabi ng aking tiyuhin.
“Huwag kang mag-alala tungkol sa kanila,” sabi niya. “Ito ay tungkol sa iyo. Makakasama mo sila at makikita ka sa lahat ng oras. Pagsikapan mo nang mabuti na masunod ang mga kautusan. Maging tapat at karapat-dapat sa lahat ng iyong ginagawa, at tutularan nila ang iyong halimbawa.”
Makalipas ang ilang taon, habang nag-aahit ako isang umaga, pumasok sa banyo ang pangalawa kong anak na mga apat na taong gulang, na may hawak na stick at sabon at nagsimulang gayahin ako. Nang makita ko siya, naalala ko ang sinabi ng aking tiyo. Naisip kong muli ang ipinayo niya sa mas malalim na paraan.
Marami ang tumanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil may nakita silang kakaiba sa mga miyembro ng Simbahan. Kailangan nating tiyakin na ang ebanghelyo ay nababanaag sa ating mga mukha. Hindi natin kailangang maging perpekto, ngunit dapat tayong maging handa na pagsikapang maging mas katulad ni Jesucristo sa lahat ng ating ginagawa.
I See You [Ikaw ay aking Nakikita], ni Greg Olsen, hindi maaaring kopyahin
Umasa sa Tagapagligtas
Minsan ay ipinahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang Pagbabayad-sala kung wala ang pagkatao ni Cristo!” Kahit sa pinakamahirap na kalagayan ng Kanyang buhay, nasa pagkatao ni Jesucristo na huwag isipin ang Kanyang sarili. Lagi Niyang iniisip ang iba.
Matapos malaman na pinatay si Juan Bautista, inanyayahan ni Jesus ang Kanyang mga Apostol na umalis kasama Niya papunta sa isang lugar na makapagpapahinga Siya. Mahigit 5,000 tao ang sumunod sa Kanya. Isinantabi ni Jesus ang Kanyang pagnanais na makapagpahinga para pagalingin, turuan, at pakainin sila—lahat sila (tingnan sa Mateo 14:12–21).
Nang malaman Niya na ang Kanyang mga disipulo ay nahihirapan sa kanilang bangka sa Dagat ng Galilea, lumakad si Jesus sa tubig palapit sa kanila at sinabing, “Ako ito. Huwag kayong matakot” (tingnan sa Mateo 14:22–27).
Kalaunan, habang nagdurusa nang matindi sa krus, ipinagbilin ng Tagapagligtas kay Apostol Juan na alagaan ang Kanyang ina (tingnan sa Juan 19:25–27). Matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus, nagpunta Siya sa daigdig ng mga espiritu at “inatasan [ang mabubuting espiritu] na humayo at dalhin ang liwanag ng ebanghelyo sa kanila na nasa kadiliman, maging sa lahat ng espiritu ng tao” (Doktrina at mga Tipan 138:30).
Tulad ng minsang nabanggit ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, bilang mga tao, likas sa atin na isipin ang sarili sa panahon ng ating mga pagsubok o pagkabalisa, ngunit kabaligtaran nito ang ginawa ni Jesucristo. Kahit sa Kanyang pinakaabala at nakapapagal na sandali, lagi Niyang inilalaan ang Kanyang sarili sa mga pangangailangan ng iba. Ginagawa Niya pa rin ito ngayon. Naisakatuparan Niya ang Pagbabayad-sala para sa atin at ginawang posible na makabalik tayong muli sa Ama. Makakaasa tayo sa Kanya sa bawat sandali, at lagi Siyang nariyan upang tulungan tayo.
Patuloy na Umasa
Nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo. Ang magandang balita ay hindi ito nangyari nang hindi sinasadya. Ang makasalanang mundong ito ay may layunin, at ito ay maluwalhati (tingnan sa Moises 1:39). Bagama’t nabubuhay tayo sa panahon na maraming hamon at kasamaan sa mundo, may paraan para makayanan ito dahil kay Jesucristo. Siya ang dahilan ng lahat ng pag-asa.
Bawat templo sa mundo ay nagpapatotoo sa ating pag-asa sa Tagapagligtas. Sa isang banda, sa tuwing magpapahayag ang propeta ng isang bagong templo ito ay pagpapahayag ng katotohanan ni Jesucristo at ng Kanyang kapangyarihang magtubos. Ang tanging dahilan kung bakit tayo may mga templo ay dahil sa Kanya at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. At tuwing sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon at nakikipagtipan sa Diyos para sa ating sarili at sa ngalan ng mga nasa kabilang panig ng tabing, ipinapahayag natin ang ating pananampalataya sa nabuhay na mag-uling Cristo.
Si Jesucristo ay buhay. Kasama natin Siya sa mortal na paglalakbay na ito. Siya ay puspos ng biyaya. Mahal na mahal Niya tayo kaya Siya naparito sa mundong ito upang gawin ang imposible nating magawa kung aasa lamang tayo sa ating sarili. Siya ay ating kaibigan. Sinabi Niya, “Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan” (Juan 15:13).
Isang pribilehiyo para sa akin ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Buong puso kong ninanais na ako ay maging kaibigan Niya. Pinamumunuan Niya ang Simbahang ito sa pamamagitan ng mga propeta at apostol. Iniisip Niya ang bawat isa sa atin. Kilala Niya tayo sa pangalan at alam Niya ang ating mga pangangailangan, mga paghihirap, at mga hangarin ng ating puso. Sa pamamagitan Niya ay patuloy tayong magkakaroon ng pag-asa. Kapag naglilingkod tayo sa iba, sinisikap na maging mabuting halimbawa, umaasa kay Jesucristo, at nagpapatuloy “na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20), makikilala natin Siya at matutuklasan na Siya ay lagi nating kasama upang punuin ang ating buhay ng kapayapaan at kagalakan.