2025
Kayo ang Simbahan
Abril 2025


“Kayo ang Simbahan,” Liahona, Abr. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Kayo ang Simbahan

Sa loob ng 70 araw sa isang lookout tower, nasa aming mag-asawa ang lahat ng kailangan namin para manatiling tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

lalaki at babae na nakatingin sa mga bundok at kagubatan sa pamamagitan ng binoculars mula sa isang fire watchtower station

Paglalarawan ni Bradley Clark

Noong Hunyo 1963, nilisan namin ng asawa kong si Gary ang Cardston Alberta Temple at nagsimulang maglakbay bilang mga bagong kasal sa ebanghelyo ni Jesucristo. Lahat ng aming ari-arian ay pinagkasya sa iilang bag na inilagay namin sa upuan sa likod ng aming maliit na sasakyan habang papunta kami sa Clarkia, Idaho, USA.

Si Gary ay magsisimulang magtrabaho bilang tagapagmasid sa anumang wildfire habang nasa lookout tower sa Anthony Peak sa St. Joe National Forest. Bumiyahe ng limang milya (8 km) sa kapatagan at tatlong milya (5 km) pa sa kabundukan, ang una naming tahanan ay isang silid sa isang lookout tower na 30 talampakan (9 m) ang taas mula sa lupa.

Bago dumating sa Clarkia, binisita namin si Pangulong Larson, ang pangulo ng isang maliit na branch sa lugar na iyon. Ipinaliwanag namin na sa susunod na 70 araw, maninirahan kami sa isang lookout tower at hindi kami makakaliban ng isang araw para makasimba sa araw ng Linggo sa kanyang branch sa St. Maries, Idaho.

Dahil sa kakaibang kalagayan namin, nagbigay si Pangulong Larson ng inspirado at nakatutulong na payo: “Brother at Sister Coleman, kayo ang magiging Simbahan sa inyong munting tahanan sa Anthony Peak. Nasa inyo ang priesthood, ang inyong mga tipan, ang inyong patotoo, ang inyong mga banal na kasulatan, at ang inyong pananampalataya na gawin ang lahat ng kailangan para maging tapat sa ebanghelyo. Pinahihintulutan ko kayong magdaos ng sacrament meeting tuwing Linggo, kung saan maaari kayong tumanggap ng sakramento at magbigay ng mga mensahe tungkol sa ebanghelyo. Magdaraos kayo ng inyong priesthood meeting, Relief Society meeting, Sunday School class, at family home evening. Kayo ang Simbahan!”

Nang magpaalam kami kay Pangulong Larson, nadama naming mapalad kaming simulan ang aming paglalakbay bilang pamilya sa aming awtorisadong grupong binubuo ng dalawang tao sa Anthony Peak. Nagdaos kami ng araw-araw na panalangin, nang mag-isa at bilang mag-asawa. Bawat isa sa amin ay may kopya ng mga banal na kasulatan, at mayroon kaming manwal sa Sunday School. Magtuturo si Gary sa priesthood meeting, at makikibahagi ako. Magtuturo ako sa miting ng Relief Society, at makikibahagi siya. Sa angkop na Linggo, magdaraos kami ng miting para sa pag-aayuno at pagpapatotoo.

Isang Espesyal na Pagmamahal para kay Nephi

Sa kapaligirang ito, sinimulan namin ang aming habambuhay na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at pagmamahal sa sagradong aklat na ito, na malaki ang naging papel sa pagpapabinyag ni Gary noong 1962. Habang nag-aaral kami, lalo naming espesyal na minahal si Nephi.

Noong bata pa si Nephi, iniwan niya at ng kanyang pamilya ang kanilang tahanan sa Jerusalem, ayon sa tagubiling ipinahayag kay Lehi (tingnan sa 1 Nephi 2:2). Sa ilang at kalaunan sa lupang pangako ng Amerika, nahiwalay sila sa iba na naniniwala sa pagdating ng Tagapagligtas. Ngunit nasa pamilya ni Lehi ang lahat ng kailangan nila. Sila ay may pananampalataya, may mga banal na kasulatan sa anyo ng mga laminang tanso, at may patnubay ng propeta.

Sa ganitong sitwasyon, si Nephi ay naghangad at nagkaroon ng personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas at ng mga espirituwal na karanasan sa Kanya (tingnan sa 1 Nephi 2:16). Wala siyang mapupuntahang mga sinagoga o marurunong na guro ng Jerusalem. Subalit espirituwal na umunlad si Nephi at nagkaroon ng personal na ugnayan sa Diyos, na pinatutunayan ng paggamit niya ng maraming iba’t ibang titulo para sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Sa ilang, sinabi ni Nephi, “Ito ay nangyari na, na ang Panginoon ay nangusap sa akin” (1 Nephi 2:19). Sa gayunding paraan, nangusap kay Gary at sa akin ang Ama sa Langit sa tuktok ng burol sa aming kagubatan sa ilang.

Tungkol sa mahahalagang bagay ng ebanghelyo ni Jesucristo, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Isang lalaking Muslim ang nagsabi nito sa ganitong paraan, ‘Kapag ang kasimplehan ng inyong Kristiyanismo ay sapat para mailagay ko sa likod ng kamelyo, magiging interesado ako.’ Mahalaga ang pananampalataya, pagsisisi, binyag, endowment, at ordenansa ng pagbubuklod.”

Nasa amin ang lahat ng kailangan namin.

Nagpapasalamat ako sa patnubay ng isang branch president sa Idaho at sa payo ng sinauna at makabagong mga propeta. Tunay nga ang ipinahayag ng Panginoon sa Mateo 18:20, “Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”

Nawa’y lumakas ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas, kagalakan sa Kanyang ebanghelyo, at pasasalamat sa Aklat ni Mormon kapag nagtitipon tayo kasama ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw—ilan man ang ating bilang at saanman tayo naroroon.

Tala

  1. Russell M. Nelson, sa Sheri Dew, Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson (2019), 405–6.