“Nagpapasalamat na Malaman ang Kanyang Kalooban,” Liahona, Abril 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Nagpapasalamat na Malaman ang Kanyang Kalooban
Nagpasiya kaming pamilya na tingnan ang mangyayari kung magtitiwala kami sa Panginoon.
Paglalarawan ni Bradley Clark
Noong estudyante pa ako sa unibersidad, alam ko na gusto kong tahakin ang isang partikular na landas sa aking propesyon. Pinagplanuhan ko na ang lahat ng klase ko hanggang sa graduation, at nagkaroon ako ng oportunidad sa negosyo na handa ko nang tanggapin. Lahat ay nakaplano at nakahanda na.
Gayunman, matapos makipag-usap sa Ama sa Langit sa panalangin, nadama ko na sinasabi Niya sa akin, “Kailangan mong mag-iba ng direksyon.” Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagkaroon ako ng oportunidad na magtrabaho para sa Simbahan. Talagang hindi ko ito inaasahan, pero natanto ko na ito ang bagong direksyon na inihanda Niyang tahakin ko.
Ipinaliwanag ko sa aking pamilya na nagkaroon ako ng bagong oportunidad bilang training and operations manager sa Pacific Missionary Training Center. Makalipas ang tatlong taon, humantong ito sa posisyon na institute director sa Seminaries and Institutes of Religion. Ang orihinal na plano ko sa aking propesyon ay malamang na mas magpaunlad sa akin sa temporal, pero nagpasiya kaming tingnan kung ano ang mangyayari kung magtitiwala kami sa Panginoon.
Ang desisyong iyon ay humantong sa mga pagpapalang tila inihanda ng Panginoon para sa amin. Kamangha-mangha ito. Hindi kami mayaman, pero lagi kaming may sapat na panustos sa mga bagay na kailangan namin, at lumaki ang aming mga anak sa napakagandang kapaligiran ng ebanghelyo.
Hindi ko kailanman pinagsisihan ang aking desisyon 23 taon na ang nakalilipas, bagama’t kinailangan kong talikuran ang ilang mga bagay at iwanan ang ilang mga tao, lugar, ari-arian, at posisyon. Pero masaya kaming ginawa iyon para sa Ama sa Langit. Ang paggawa nito ay naging malaking pagpapala.
Nalaman ko na kapag inaakay ka ng Panginoon sa isang tiyak na direksyon at nakikinig at sumusunod ka, may mga pagpapalang naghihintay sa iyo. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa dalawang salitang iyon—‘Pakinggan Siya’—binibigyan tayo ng Diyos ng huwaran para sa tagumpay, kaligayahan, at kagalakan sa buhay na ito. Dapat nating pakinggan ang mga salita ng Panginoon, makinig sa mga ito, at bigyang-pansin ang sinabi Niya sa atin!”
Kung minsan ay maaaring iginigiit natin ang gusto natin sa Ama sa Langit, iniisip na, “Alam ko ang pinakamagandang gawin.” Sa halip, kailangan nating buksan ang ating puso at makinig sa Kanya, nagtitipon ng kaalaman at pang-unawa. Kung lalapit tayo sa Kanya at ibabahagi sa Kanya ang mga pangangailangan at hangarin ng ating puso, at pagkatapos ay makikinig nang mabuti, malalaman natin ang Kanyang kalooban para sa atin.