2025
Paanong Hindi Ako Magiging Masaya?
Abril 2025


Paanong Hindi Ako Magiging Masaya?,” Liahona, Abr. 2025.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Paanong Hindi Ako Magiging Masaya?

May malubha akong sakit na naging sanhi ng aking pagiging quadriplegic, pero dahil sa teknolohiya na nakatutulong sa akin na mag-type gamit ang aking mga mata, patuloy kong ibabahagi ang aking patotoo tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos hanggang sa ako’y pumanaw.

babae kasama ang kanyang asawa na isang quadriplegic

Larawang kuha ni Amy Schaffer

May malubha akong sakit na 100 porsyentong nakamamatay. Bakit hindi ako galit sa Diyos? Dahil napatunayan Niyang tapat Siya sa mga panahon ng pagsubok, at natutuhan kong magtiwala sa Kanya.

Hindi nagtagal matapos isilang ang panganay kong anak, natuklasan na may kapansanan siya na tinatawag na Hirschsprung’s disease. Nagtagal siya sa neonatal intensive care unit, kinailangang patuloy na alagaan sa bahay, at sumailalim sa operasyon. Puno ng pangamba ang panahong iyon.

Kasabay nito, ang pangarap kong trabaho ay tila naging bangungot. Bumagsak ang lahat sa paligid ko, na humantong sa pagkawala ng trabaho namin ng mentor ko. Uuwi ako pagkatapos ng mahabang araw na pagtatrabaho at hihiga sa sahig, na naghihinagpis.

Ang aking anak na babae ay mayroon ding sakit na Hirschsprung. Bukod pa riyan, may depekto siya sa puso at may Down syndrome. Ginugol niya ang kanyang unang ilang linggo sa mundo sa ospital. Pagkatapos ng tatlong malalaking operasyon, naging masayahin siya at palangiti. Noong una, parang isang trahedya ang resulta ng pagsusuri sa kanya, pero ngayon ay parang mas naging pagpapala ito. Sa kabila ng mga nararanasang hirap paminsan-minsan, itinuro niya sa aming pamilya ang pagmamahal at tiyaga. Nagdudulot siya ng kagalakan sa mga simpleng sandali, lagi niya kaming nasusorpresa, pinasasaya ang mga tao saan man siya magpunta.

Sa lahat ng ito, naisip ko si Propetang Joseph Smith na nakakulong sa miserableng silid sa Liberty Jail. Pinanatag siya ng Panginoon sa paglalahad ng mas mahalagang dahilan ng lahat ng ito: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at magiging para sa iyong ikabubuti. Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat” (Doktrina at mga Tipan 122:7–8).

ang awtor kasama ang kanyang pamilya

Isang litrato na kuha bago ako nasuri na may ALS. Habang iniisip ko ang mga hamon ko, sinisikap kong alalahanin kung gaano ako pinagpala sa buhay. Ang aking kahanga-hangang asawa ang magiging katuwang ko sa kawalang-hanggan kung tutuparin namin ang aming mga tipan, at magkakaroon ako ng malaking kagalakan sa aking mga inapo.

Larawang kuha ni Lisa Harbertson

Isang Pananaw ng Ebanghelyo

Sa kabila ng aking mga pagsubok, ang patotoo ko kay Jesucristo ay nagbigay sa akin ng pananaw sa buhay. Natanto ko na marami pang ibang anak na lalaki at babae ang mas mahirap ang kalagayan kaysa sa akin. Kaya, natutuhan ko na maaari akong magpasalamat sa aking mga pagsubok. Dahil alam ko na ngayon kung gaano karami ang natutuhan ko sa hirap na pinagdaanan ko, kahit paano hindi na kasinghirap na katulad ng dati ang pakiramdam ko sa mga hamong iyon na kinaharap ko noong mga sandaling iyon.

Noong mga huling buwan ng 2018, nasuri ako na may amyotrophic lateral sclerosis, na mas kilala bilang ALS o Lou Gehrig’s disease—isang bihira at nakamamatay na neurological disease. Ang ALS ay pumapatay sa mga motor neuron na ikinokonekta ang aking utak sa aking mga kalamnan. Ang aking isip ay tumatakbo pa rin nang normal, at nauunawaan ko ang lahat ng sinasabi ng mga tao sa akin, pero hindi ko na makontrol ang aking mga kalamnan maliban sa aking mga mata. Mahirap at mabagal na sa akin ang pakikipag-ugnayan, ngayon kailangan kong gamitin ang aking mga mata para i-type sa isang device ang gusto kong sabihin.

Ang ALS ay humantong sa pagiging quadriplegic ko, nakadepende sa isang makina para makahinga at sa aking asawa, si Tiffany, para sa lahat ng iba pa. Malamang na mamatay ako dahil sa aking sakit bago ko pa man makitang nagsilakihan ang mga anak ko. Naglathala ako ng aklat tungkol sa mga lesson at mensahe ko para mabasa nila at ng iba pa kapag wala na ako.

Gayunman, habang iniisip ko ang mga hamon ko sa buhay, sinisikap kong alalahanin kung gaano ako pinagpala sa buhay. Naglakbay ako sa buong mundo, natutuhan ang maraming iba’t ibang kultura, nakipag-usap sa isang pangulo ng Estados Unidos, kumain kasama ang punong ministro ng Syria, at tumayo sa mga tuktok ng bundok na nababalot ng niyebe na namamangha sa kariktan nito.

Ang mas mahalaga, tumawa ako—malakas at mahaba—kasama ang aking mga magulang, kapatid, pamilya, at kaibigan. Tumayo ako sa mga banal na lugar, natuto mula sa mga turo ng mga buhay na propeta, at naglingkod sa templo. Inanyayahan ko ang iba na lumapit kay Cristo at makahanap ng kaligayahan. Ang aking kahanga-hangang asawa ang magiging katuwang ko sa kawalang-hanggan kung tutuparin namin ang aming mga tipan, at magkakaroon ako ng malaking kagalakan sa aking mga inapo.

Sa ganitong mapagpasalamat na pananaw, paanong hindi ako magiging masaya? Ang ALS ay hindi masayang danasin, at malinaw na ito ang pinakamahirap na yugto ng aking buhay. Pero hindi ito masyadong mahirap para makahadlang sa aking kaligayahan.

Ang Natutuhan Ko

Nakikita ko ang ALS na parang isang tungkulin, at sinisikap kong gampanan ito nang mabuti. Sa katunayan, inaasahan kong maaalala ang sakit na ito at tatawa—nagpapasalamat sa hamong ito na nakatulong sa paghubog sa akin. At kung ganoon ang magiging pananaw ko sa mga bagay-bagay kalaunan, bakit hindi na lang ganito ang maging pananaw ko sa mga ito ngayon?

Ayokong isipin ninyo na madali lang ang hamong ito. Matagal bago ko nakontrol ang mga emosyon at takot ko. Marami akong natututuhan habang humihina nang humihina ang katawan ko.

Natutuhan ko kung paano tayo binibigyan kung minsan ng Diyos ng mga pagpapala. Sa una, tinatawag tayo na gumawa ng isang bagay na tila mahirap—o imposible pa nga! Pagkatapos ay tinuturuan at pinasisigla tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, o ng “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan” na naging posible sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Pagkatapos lamang nating maisakatuparan ang gawain ay saka natin makikita ang Kanyang kamay at ang Kanyang mga pagpapala sa ating buhay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Huwag manalangin at humingi ng gawaing katumbas ng inyong kakayahan, kundi manalangin na magkaroon ng mga kakayahang tutulong para maisagawa ang inyong gawain. Sa gayon ang inyong pag-unlad ang magiging himala, hindi ang gawain.”

Paulit-ulit na nangyari sa akin ang pattern na iyan. Kaya, may pananampalataya ako na gayon din ang kalalabasan ng ALS para sa akin.

mag-iina

Malamang na mamatay ako dahil sa aking sakit bago ko pa man makitang nagsilakihan ang mga anak ko. Naglathala ako ng aklat tungkol sa mga lesson at mensahe ko para mabasa nila at ng iba pa kapag wala na ako. Hanggang sa dumating ang katapusan ng aking buhay, pinagsisikapan kong gampanan ang aking tungkulin at maging mas katulad ni Jesus.

Larawang kuha ni Debra Jo Borden

Kung totoo ang ebanghelyo, ibinahagi minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “kung gayon ano pa ang talagang mahalaga?” Marami akong natututuhan tungkol sa kung ano ang talagang mahalaga. Sa aking mga pagsubok, nalaman ko na mahal ako ng Diyos ng sansinukob. Sa aking pagbabalik-tanaw, nakikita ko ang Kanyang kamay sa buhay ko. Bawat pagsubok na aking hinarap ay naghanda sa akin sa susunod. Wala ang ALS sa mga plano ko, pero natutuhan ko na “ang Kanyang mga paraan ay hindi natin mga paraan.”

Mahal tayo ng Diyos anuman ang kalagayan natin ngayon, pero mas marami rin Siyang nais mula sa atin. Malayo pa tayo sa finish line. Malayo pa ang lalakbayin natin, pero kailangan nating maging “mas mabuti sa bawat araw.” Dahil mahal tayo ng Diyos, hinihiling Niya sa atin na maging mas responsable, maging mas mabuti, at sumunod sa Kanya.

Nang tanungin siya ng isang tanong na hindi niya alam kung paano sasagutin, ang propetang si Nephi ng Aklat ni Mormon ay umasa sa alam na niya: “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

Naniniwala ako na kahit gaano man kahirap, hindi makatarungan, o puno ng pasakit ang buhay na ito, lahat tayo ay magiging napakasaya sa huling resolusyon ng lahat ng ating mga pagsubok at paghihirap. Ang ating mga pagpili ay mananaig sa ating mga kalagayan.

“Magiging maayos ang lahat sa huli, at kung hindi ito tama, hindi ito ang katapusan,” sabi sa isang popular na kasabihan. Sinabi mismo ng Panginoon:

“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong mga likas na mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian.

“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito, darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian; hindi pa oras, subalit nalalapit na” (Doktrina at mga Tipan 58:3–4).

Hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay. Ngunit alam ko na mahal ako ng Diyos. Mahal ka rin Niya. Ang Kanyang perpektong pagmamahal ay nagwawaksi sa aking mga takot (tingnan sa Moroni 8:16). Hanggang sa dumating ang katapusan ng aking buhay, pinagsisikapan kong gampanan ang aking tungkulin at maging mas katulad ni Jesus.

Dahil sa teknolohiya na nakatutulong sa akin na mag-type gamit ang aking mga mata, patuloy kong ibabahagi ang aking patotoo at pananampalataya tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos hanggang sa ako’y pumanaw.