“Kayo ba ang mga Sugo?” Liahona, Abr. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Kayo ba ang mga Sugo?
Pinahalagahan ng Panginoon ang aming pagsisikap nang akayin Niya kami sa mag-asawang handang tanggapin at ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Paglalarawan ni Bradley Clark
Isa ako sa apat lamang na missionary na nagsasalita ng Espanyol sa New England Mission. Nagsikap kaming matutuhan ang wika at ibahagi ang ebanghelyo, pero mas madalas na hindi kami tinatanggap.
Isang araw kumatok kami sa pinto nina Hugo at Niza Diaz, isang mag-asawa sa Providence, Rhode Island. Pagkatapos nila kaming papasukin sa apartment nila, itinanong ko kung gaano katagal na silang nakatira doon.
“Kalilipat lang namin dito mula sa New York,” sabi nila. “Sinabi sa amin ng Panginoon na lumipat sa Providence at magpapadala Siya sa amin ng mga sugo upang turuan kami ng katotohanan. Kayo ba ang mga sugo?”
Sumagot kami nang walang alinlangan, “Oo, kami ang mga sugo.” Itinuro namin kina Hugo at Niza ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, at madali nilang tinanggap ang aming mensahe at kaagad nabinyagan.
Hindi nagtagal matapos ang kanilang binyag, bumisita sina Hugo at Niza sa kanilang bayang sinilangan sa Guayaquil, Ecuador. Nang bumalik sila sa Providence, ibinahagi nila ang mga larawan nila na kasama si Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982), na noon ay nasa Unang Panguluhan, at ang kanyang asawang si Sara, sa isang area conference sa Ecuador. Habang naroon, ibinahagi nina Hugo at Niza ang ebanghelyo sa mga kapamilya. Labing-isa ang sumapi sa Simbahan.
Kalaunan ay nalaman namin ng kompanyon ko na sina Brother at Sister Diaz ay kapwa nagtatrabaho na maliit lang ang suweldo sa isang pabrika ng tela at ipinapadala ang kalahati ng kanilang kinikita sa Guayaquil upang makatulong sa pagsuporta sa kanilang pamilya. Nang imungkahi naming hindi na kami kakain nang madalas sa bahay nila para hindi kami makadagdag sa gastusin, ibinulalas ni Niza, “Naku, hindi pwede ‘yan, Elder Norman!”
Ipinaliwanag niya na mula nang mabinyagan sila at magsimulang magbayad ng ikapu, tila nanatiling puno ng manok at isda ang kanilang freezer, kahit madalas niyang pakainin ang mga missionary.
Sa Doktrina at mga Tipan 123:12 natututuhan natin na, “Marami pa sa mundo … na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.” Sa pamamagitan ng mga gawaing misyonero nina Hugo at Niza bilang mga miyembro at kalaunan bilang mga stake missionary, marami ang nakaalam ng katotohanan ng ebanghelyo.
Kapag tayo, tulad nina Hugo at Niza, ay masigasig na naghahangad ng katotohanan at pagkatapos ay sabik na ibinabahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikita natin ang napakaraming pagpapala sa ating buhay at sa maraming buhay na naaantig natin.