2021
Maaari Kang Makatulong Tulad ni Jesus!
Enero 2021


Imbitasyon ng mga Matulunging Kamay

Maaari Kang Makatulong Tulad ni Jesus!

Jesus with children

Noong narito pa sa lupa si Jesus, tinulungan Niya ang lahat ng Kanyang nakita. Pinakain Niya ang mga nagugutom. Inalo Niya ang mga nalulungkot. Itinuro Niya sa lahat ang Kanyang ebanghelyo. Inaanyayahan tayo ni Jesus na sumunod sa Kanya. Kapag tayo ay binibinyagan, nangangako tayong magsisikap na gawin ang ginawa Niya.

Maraming tao sa mundo ngayon ang nangangailangan ng ating tulong. Ang ilan ay nalulungkot. Ang ilan ay nagugutom. Ang ilan ay kailangang umalis sa kanilang mga tahanan. Ang ilan ay hindi pa naririnig ang ebanghelyo. Bawat isa sa atin ay may magagawa para tumulong sa iba.

Ang Magagawa ng mga Matulunging Kamay Ninyo

Mababago ng mga bata ang mundo sa pamamagitan ng kanilang mga mapagmahal na puso at mga matulunging kamay. Mga 100 taon na ang nakalipas, tumulong ang mga batang Primary sa pagtatayo ng isang ospital sa Salt Lake City, Utah, USA. Bawat linggo, nagdala sila ng tig-iisang sentimo para ibigay sa bagong ospital. Nang binuksan ito noong 1922, tinawag itong Primary Children’s Hospital. Iyan ay dahil tumulong nang paunti-unti ang mga bata sa pagtatayo nito!

Habang tumitingin kayo sa paligid, makakahanap kayo ng maraming tao na maaari ninyong tulungan. Maibabahagi ninyo ang ebanghelyo sa pamamagitan ng paraan ng inyong pamumuhay at paglilingkod sa iba. Matutulungan ninyo silang maramdaman ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Isang Imbitasyon na Tumulong

Sa taon na ito iniimbita namin kayo na gamitin ang inyong mga mapagmahal na puso at mga matulunging kamay para tulungan ang iba. Ang masayang pakiramdam na mayroon kayo kapag tumutulong kayo sa isang tao ay nagmumula sa Espiritu Santo. Ipinapaalam nito sa inyo na masayang-masaya ang Ama sa Langit sa mga pagsisikap ninyo!