Isang Mensahe mula sa Propeta
Mahal Ko Kayo
Hango mula sa “Restoration Conversations with President Russell M. Nelson,” koleksyon ng mga video, Gospel Media Library.
Nakipagkita si Pangulong Nelson sa ilang bata sa Primary sa isang bahay na yari sa troso sa Palmyra, New York, USA. Kamukha ito ng bahay kung saan nakatira si Joseph Smith nang magkaroon siya ng Unang Pangitain. Narito ang ilan sa mga bagay na ibinahagi ni Pangulong Nelson sa mga bata.
Lahat ng Anak ng Diyos
Hindi mahalaga kung saan ka ipinanganak o anong watawat ang iyong iwinawagayway o kung anong wika ang iyong sinasalita. Lahat tayo ay mga anak ng Ama sa Langit, at tayo ay uunlad na katulad Niya.
Mga Pagsisikap at mga Gantimpala
Ang pagiging propeta ay nangangailangan ng maraming gawain at maraming pag-aaral. Lahat ng ginagawa para maging higit na katulad ng Tagapagligtas ay kailangan ng pagsisikap. Halimbawa, nang gustong ibigay ng Diyos ang Sampung Utos kay Moises, saan Niya pinapunta si Moises? Sa tuktok ng Bundok ng Sinai. Kaya kinailangang umakyat si Moises sa tuktok ng bundok na iyon para makuha ang Sampung Utos. Nais ng Panginoon na may pagsisikap dahil nagbibigay ng gantimpala ang pagsisikap na hindi darating kung wala ito.
Ang Pamilya ng Propeta
Kami ay mga magulang ng sampung anak, siyam na magagandang anak na babae at isang anak na lalaki. Dalawa sa kanila ang nabubuhay ngayon sa langit. Mayroon silang maikling panahon sa lupa, at pinalalakas nila kami sa langit. Pinagkaisa kami sa kasal sa templo, ibig sabihin ay magkakasama-sama kami magpakailanman matapos ang maikling panahong bigay sa amin dito sa mundo.
Isang Resipe para sa Kaligayahan
Ang mga banal na kasulatan ay parang isang cookbook. Kung wala kang cookbook, at basta ka na lamang nagsimulang maghalo ng harina at gatas at itlog, baka hindi ka magkaroon ng isang magandang cake. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng resipe para sa kaligayahan, at ito ay tinatawag na mga kautusan.
Ang salitang utos ay tila isang atas, parang idinidikta sa atin kung ano ang gagawin. Ngunit ito ay talagang isang shortcut para matuto. Halimbawa, iniutos Niya sa atin na huwag uminom ng alak o manigarilyo at iba pang mapaminsalang mga sangkap. Bakit? Para mabuhay ka nang mas matagal at maging mas masaya. Sa palagay ba ninyo ay mabubuhay ako nang 95 na taong gulang kung naninigarilyo at umiinom ako? Hindi. At masaya ako. At maaari akong mag-ski kasama ng aking mga apo.
Napakagandang Bagay
Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay sa araw-araw, mas sinisikap nating lalo at lalo pang nagiging katulad ng Panginoong Jesucristo. Nagsisisi pa rin ako. Araw-araw ay sinisikap kong matuto nang higit pa at maging higit na katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan ko. At hindi ito parusa. Napakasayang pagkakataon nito. Araw-araw, mabilis akong bumabangon mula sa kama tuwing umaga at sinasabing, “Ah, may isang bagay na napakagandang mangyayari ngayon! Pagsisikapan ko na maging higit na katulad ni Jesus.” ●