2021
Nangungulila kina Lolo at Lola
Enero 2021


Nangungulila kina Lolo at Lola

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

Paano mangungulila si Zoe sa isang taong hindi naman niya nakilala?

“Ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (Doktrina at mga Tipan 2:2).

picture frame with photo of grandparents

Kumagat si Zoe sa kanyang cookie. “Yummm.”

“Ang mga ito ay tulad ng sikat na cookies ni Lola,” sabi ng kuya ni Zoe na si Zach. “Siya ang pinakamahusay magluto ng cookies!”

Namatay ang mga magulang ni Itay bago isinilang si Zoe. Ang kuya at ate at mga pinsan niya ay nag-uusap tungkol kina Lolo at Lola sa lahat ng oras.

“Ang lola mo ay magaling magluto,” sabi ni Itay habang kumukuha siya ng isa pang cookie. “Nangungulila ako sa mga hapunan kina Lolo at Lola tuwing Linggo. Lagi nilang inaanyayahan ang buong pamilya. ”

Ano kaya ang pakiramdam ng makilala sina Lolo at Lola? Iniisip ni Zoe.

Pinakinggan ni Zoe ang kanyang pamilya na marami pang ikinuwento tungkol sa kanyang lolo at lola. Gustung-gusto niyang marinig ang tungkol sa kanila, pero minsan ay parang hindi siya kasali sa usapan. Wala siyang anumang alaalang maibabahagi.

Makalipas ang ilang araw, nasa bahay siya ng kanyang mas matandang pinsang si Lily. Sa kama ni Lily ay may isang manikang gawa sa tela.

“Ang ganda niya!” Sabi ni Zoe. Marahan niyang hinipo ang damit ng manika.

“Ibinigay ito ni Lola sa akin,” sabi ni Lily. “Lagi siyang gumagawa ng magagandang bagay tulad niyan. Talagang nangungulila ako sa kanya.”

“Nangungulila rin ako sa kanya,” sabi ni Zoe. Pagkatapos ay napakunot ang noo niya. Paano siya mangungulila sa isang taong hindi niya nakilala?

Nang sumunod na linggo nagpatuloy si Zoe sa pag-iisip tungkol sa kanyang lolo at lola. Tuwing may nagbabanggit sa kanila, nakadarama siya ng kakulangan sa puso niya.

“Hindi ko man lang nakilala sina Lolo at Lola,” sabi ni Zoe kay Itay isang gabi. “Bakit napakalungkot ko na wala sila?”

Ngumiti si Itay. Nagbugtong-hininga ito. “Mahal nina lolo at lola ang kanilang pamilya nang higit kaysa anupaman.” Ang kanyang tinig ay tila napaos. “Alam ko na hindi iyon nagbago pagkamatay nila. Mahal na mahal ka nila. At masayang-masaya sila para sa iyo habang ikaw ay lumalaki.”

Nag-snap ng kanyang mga daliri si Itay. “Ah, may naisip ako. Siguro ay dapat tayong magkaroon ng espesyal na family lesson para tulungan kang mas makilala ang iyong lolo at lola.”

“Mukhang okay po iyan,” sabi ni Zoe.

Muling ngumiti si Itay. “Maaari mong malaman ang lahat ng uri ng masasayang bagay, tulad ng kung paano gumawa si Lola ng mga nakakatuwang awit para sa kanyang mga apo.”

Naisip ni Zoe na sana ay mayroon siyang awit na isinulat ng kanyang lola.

Nang sumunod na gabi, nagtipon ang pamilya para magbahagi pa ng mga paboritong kuwento tungkol kina Lolo at Lola. Ibinahagi pa nila ang ilan sa mga nakakaaliw na awiting isinulat ni Lola!

Pagkatapos ng lesson, bumaling si Inay kay Zoe. “Alam kong marami kang naiisip tungkol sa inyong lolo at lola,” sabi niya. “Balang-araw ay makikilala mo sila. Bago mangyari iyon, naisip namin ni Itay na makakatulong ito para mas mapalapit ka sa kanila. ” Iniabot ni Itay kay Zoe ang isang larawan nina Lolo at Lola.

Masaya si Zoe nang tiningnan niya ang larawan ng kanyang lolo at lola. Balang-araw ay makikilala na niya ang mga ito! ●

Natutuwa akong matuto tungkol sa aking pamilya. Gusto kong makilala ang aking pamilya at malaman ang kasaysayan ng aking mga ninuno. Natutuwa akong matutulungan ako ng ibang tao na malaman pa ang tungkol sa aking pamilya.

Enzo R., edad 9, Rio Grande do Sul, Brazil