Ang Panalangin ng Tinapay
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Paano mo malalaman kapag nakikipag-usap sa iyo ang Espiritu Santo?
“Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (Doktrina at mga Tipan 11:12).
“Paano mo malalaman kapag nakikipag-usap sa iyo ang Espiritu Santo?” Tumingala si Carver mula sa pagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan.
Ngumiti si Itay at ibinaba ang kanyang aklat na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. “Ang Espiritu Santo ay maaaring mangusap sa iyo sa maraming paraan. Kung minsan ito ay isang pakiramdam, o isang ideya na pumapasok sa iyong ulo.”
Kumunot ang noo ni Carver. “Pero paano ninyo malalaman na ito ang Espiritu Santo?”
“Siguro puwede tayong magdasal para matulungan tayong mahanap ang sagot,” sabi ni Inay.
Isa sa mga kapatid ni Carver ang nagdasal. Pagkatapos ay nagpunta sila sa eskuwela. Maghapong pinag-isipan ni Carver ang kanyang tanong.
Pag-uwi niya, nakakatakam ang amoy sa bahay. “Tinapay!” sigaw ni Carver.
“Tama,” sabi ni Inay. “Nagluto ako ng tinapay para makapagbigay sa iba.”
Tiningnan ni Carver ang kanyang mga kapatid na babae. Sumimangot si Eva. Itinaas ni Jane ang kanyang mga kilay. “Ibig ninyong sabihin hindi natin ito kakainin?” tanong ni Jane.
“Gusto naming magsanay sa pakikinig sa Espiritu Santo,” sabi ni Itay. “Kaya’t may naisip si Inay.”
Bawat isa sa kanila ay magdarasal para hilingin sa Ama sa Langit kung sino ang nangangailangang makadama na mahal sila ngayon. Pagkatapos ay bibigyan nila ng tinapay ang taong iyon.
Lumuhod sa tabi ng kanyang kama si Carver. Gusto niyang marinig ang Espiritu Santo, ngunit ano ba ang tunog ng Espiritu Santo? Huminga siya nang malalim at pumikit.
“Ama sa Langit, sino po ang nangangailangan ng tinapay ngayon?”
Sinikap ni Carver na marinig ang Espiritu Santo, pero wala siyang narinig. Pagkatapos ay naalala niya na dinaanan niya ang bahay ni Sister Smith pauwi mula sa paaralan. Lagi itong kumakaway sa kanya. Siguro ay mahilig ito sa tinapay. Ayos!
Nagbigay ng mga kard si Inay para sulatan ng mga munting mensahe para sa mga taong bibisitahin nila. Isinulat ni Carver, “Mahal naming Sister Smith, nagdasal po ako para makita kung kanino ko dapat ibigay ang tinapay na ito. Naghintay po ako para sa isang pahiwatig, at POP! kayo po ang pumasok sa isipan ko. Nagmamahal, Carver.”
Nang mag-drive si Inay papunta sa bahay ni Sister Smith, kinuha ni Carver ang kanyang tinapay at naglakad papunta sa pintuan sa harapan. Kinakabahan siya. Paano kung hindi mahilig sa tinapay si Sister Smith? Paano kung ang pagbisita rito ay ideya lang ng isipan niya at hindi ng Espiritu Santo?
Pagkatapos ay may iba pang sinabi si Inay na naalala ni Carver. Sinabi nito na kung ito ay mabuti o magandang ideya, hindi mo kailangang mag-alala kung ito man ay sarili mong kaisipan. Ang magagandang bagay ay palaging magandang gawin! Huminga nang malalim si Carver at pinindot ang doorbell.
Binuksan ni Sister Smith ang pintuan. “Hello, Carver! Napapunta ka yata rito?”
Iniabot ni Carver ang kanyang tinapay. Tumingin siya sa kanyang sapatos, at pagkatapos ay tumingin kay Sister Smith. “Mahilig po ba kayo sa tinapay na lutong bahay?”
“Iyan din ang paborito ko!” Ngumiti siya. “Maraming maraming salamat.”
Ngumiti rin si Carver. “Wala pong anuman!” Pagkatapos ay marami pang salitang pumasok sa kanyang isipan. Kaagad siyang sumunod sa paramdam. “Alam po ng Ama sa Langit na paborito ninyo ito. Mahal na mahal po Niya kayo!”
Nagsimulang magningning ang mga mata ni Sister Smith. “Natutuwa ako’t nakakaasa Siya sa iyo na pakinggan Siya.”
Pakiramdam ni Carver ay kasinggaan siya ng lobo. Kinawayan niya si Sister Smith at naglakad pabalik sa kotse. Ngayon ay alam na niya na ang pagbibigay kay Sister Smith ng tinapay ay isang paramdam mula sa Espiritu Santo. Sabik siyang muling makinig sa Espiritu Santo! ●