2021
Géoffroy Koussemou
Enero 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Géoffroy Koussemou

Unang Missionary mula sa Benin

Alam ni Géoffroy na handa ang Diyos na tulungan siya kung gagawin niya ang kanyang bahagi.

missionary in Benin

Naglakad si Géoffroy palabas ng klase kasama ang kanyang kaibigang si Théodore. Kapwa sila 16 anyos, at nakatira sila sa Benin, isang bansa sa Africa. Pupunta sila sa isang bagong paaralan para matuto tungkol sa pagsasaka. Iyon ang unang pagkakataon nilang mapalayo sa kanilang mga pamilya. Kinailangan nilang mag-aral at magtrabaho nang maraming oras bawat araw.

Hinatak ni Géoffroy sa balikat ang kanyang backpack. “Palagay ko ay hihinto ako sa pag-aaral. Napakahirap ng mga klaseng ito.”

“Huwag!” sabi ni Théodore. “Huwag kang hihinto. Kailangan mong umasa sa Diyos. Kung gagawin mo ito, magtatagumpay ka.”

Naaalala ni Géoffroy ang mga salita ni Théodore sa buong maghapon. Pinalaki si Géoffroy bilang isang Kristiyano, ngunit hindi niya kailanman tinangkang umasa sa Diyos. Lumuhod siya sa sahig pero hindi muna siya nagsimulang magdasal. Kinakabahan siya. Pero kung hindi siya makakuha ng tulong kahit saan, hindi niya maipapasa ang kanyang mga klase. Dahan-dahang iniyuko ni Géoffroy ang kanyang ulo.

“Ama sa Langit,” sabi niya, “ipakita po ninyo sa akin kung paano ako aasa sa inyo. Maaari mo ba akong tulungang ipasa ang mga klase ko? Ipinapangako ko na paglilingkuran ko kayo sa lahat ng makakaya ko sa buong buhay ko.”

Mula noon, nadama ni Géoffroy na siya ay mas matapang na at mas determinado. Mahirap pa rin ang mga klase, ngunit alam niya na handa siyang tulungan ng Diyos kung gagawin niya ang kanyang bahagi. Isinantabi ni Géoffroy ang kanyang takot at nagsikap nang mabuti.

Naging magaling siya sa eskuwela. Makalipas ang labingwalong buwan, handa na siyang magtapos. Nagawa niya ito!

Matapos siyang mag-aral, nanatiling masipag si Géoffroy. Hindi naglaon nagkaroon na siya ng sariling bukirin.

At isang araw ay nakita niya ang isang kaibigang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Binigyan siya ng kanyang kaibigan ng Aklat ni Mormon. Binasa ni Géoffroy ang Aklat ni Mormon at nanalangin. Nakadama siya ng init at kapayapaan at alam niyang tiyak na totoo ang Simbahan.

Alam na niya ang susunod na gagawin. Siya ay nagtrabaho, nagdasal, at umasa sa Diyos. Una ay nagpabinyag muna siya. Pagkatapos ay ibinahagi niya ang kanyang patotoo sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nagpabinyag din ang ilan sa kanyang mga kaibigan. Hindi nagtagal, ang nagsimula bilang isang maliit na grupo ng mga miyembro ay naging isang branch. Tinutulungan niyang lumaki ang Simbahan sa Benin!

Gustong magmisyon ni Géoffroy. Kulang ang pera niya, kaya ipinagbili niya ang kanyang sakahan. Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap siya ng mission call sa Ivory Coast. Siya ang unang missionary mula sa Benin na nakatanggap ng mission call!

Ang kanyang dedikasyon ay nakatulong sa kanya sa loob ng maraming taon. Dahil sa kanyang pananampalataya, at ng iba pang mga miyembro, marami pang tao ang nabinyagan. Ang kanyang branch ay naging ward. Ang ward na iyon ay bahagi na ngayon ng unang stake sa Benin!

Patuloy si Géoffroy Koussemou na nagsisikap at umaasa sa Diyos. Alam niya na ang mga dakilang bagay ay maaaring mangyari sa tulong ng Diyos. ●