Kahit Isang Taxi Lamang
Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.
“Tulungan po ninyo kaming makahanap ng kahit isang taxi lamang para makarating sa Simbahan ngayon,” pagdarasal ng mga dalagita.
“Masaya ako sa tuwing akoʼy nagsisimba” (Children’s Songbook, 157).
“Masaya ako sa tuwing akoʼy nagsisimba” (Children’s Songbook, 157). Ang kuwentong ito ay naganap sa Cantabria, Spain.
“Paano tayo ngayon makakarating sa simbahan?” Tanong ng nakababatang kapatid ni Ellie na si Peppa. “Napakalakas ng ulan!”
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Ellie. “Matapang tayo!”
Tinulungan ni Ellie si Peppa na ikabit ang mga butones ng kapote nito. Pagkatapos ay isinuot niya ang kanyang mga bota.
Naglakad palabas sina Ellie at Peppa kasama sina Mami at Papi. Mas lumalakas pa ang ulan. Binaligtad na ng hangin ang kanilang mga payong. Hindi na gaanong nakadarama ng tapang si Ellie.
“Ano ang dapat nating gawin?” tanong ni Ellie. Masyadong malakas ang ulan para maglakad papunta sa bus.
“Sasakay na lang tayo ng taxi,” sabi ni Papi.
“Magandang ideya,” sabi ni Mami. “Tara na!”
Tinawid nila ang binahang daan. Walang mga taxi o mga sasakyan na dumadaan. Kahit ang panadería ay sarado.
Sa wakas ay nakita nila ang sakayan ng mga taxi. Ngunit walang nakaparada sa unang espasyo sa taxi.
“Naku po!” sabi ni Peppa.
“Está bien. OK lang,” sabi ni Ellie. “Maaaring mayroong isa. “Hindi lang natin ito nakikita pa.”
Naglakad sila papalapit. Wala ring sasakyan sa sumunod na paradahan.
“Paano na ngayon?” tanong ni Peppa.
“Alam ko na,” sabi ni Ellie. “Manalangin tayo.”
Bumulong ng panalangin ang mga bata. “Nuestro Padre Celestial, tulungan po ninyo kaming makahanap ng isang taxi para makarating kami sa Simbahan ngayon. Sinusubukan naming piliin ang tama, at pinahihirapan kami ng ulan na ito. En el nombre de Jesucristo, amén.” Nag-aaral pa rin ng Espanyol si Ellie, kaya pinagsasama niya ang Ingles at Espanyol.
Naglakad pa sila. Bakante rin ang sumunod na paradahan.
“Siguro dapat na tayong bumalik at umuwi na,” sigaw ni Papi sa gitna ng malakas na hangin.
“Basa na ang mga paa natin!” sabi ni Mami.
“Lakad pa tayo nang kaunti,” sabi ni Ellie. “Isang taxi lang ang kailangan natin.”
Ngayon ay nakita nila ang huling paradahan.
Doon, bukas ang berdeng ilaw, ay may isang taxi!
Sumakay sina Ellie at Peppa sa taxi. Tinulungan sila ni Mami na ayusin ang kanilang buhok. “Nakakahiya po na nababasa namin ang upuan,” sabi ni Papi sa drayber.
Dumating sila sa chapel at binati nila ang kanilang mga kaibigan ng mga besos at abrazos (mga halik at yakap).
“Hindi ako makapaniwala na nakakita kami ng taxi,” sabi ni Mami. “¡Que suerte!”
“Hindi po iyon suwerte,” sabi ni Ellie. “Nagdasal kami ni Peppa na tulungan tayo ng Ama sa Langit na makapunta sa simbahan. At nakinig Siya!” ●