Si Oliver na Matapang
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
“Ahhhh!” sigaw ni Oliver. Tumalon siya sa kama nina Inay at Itay. “Hinahabol ako ng halimaw!”
“May masamang panaginip ka,” sabi ni Inay. “Hindi totoo ang halimaw.” Inakbayan siya ni Inay. Mahigpit silang nagyakap.
Nanginig si Oliver. “Ang tangkad po niya. Dilaw po ang mga mata at berde ang ngipin,” sabi niya. “Nagdasal po ako. Pero nakikita ko pa rin pong lumalapit ito!”
“Natutuwa akong humingi ka ng tulong sa Ama sa Langit,” sabi ni Itay. “Ano pa ang maaari mong gawin?”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” sabi ni Oliver.
“Naaalala mo ba noong nagsalita ka sa Primary? Nagdasal ka para humingi ng tulong. Pero iyon lang ba ang ginawa mo?”
“Nagsanay po ako,” sabi ni Oliver. “Tumayo ako sa harapan ng salamin. Paulit-ulit ko pong binigkas ang mensahe ko.”
“At maganda ang ibinigay mong mensahe!” sabi ni Itay.
“At naalala mo ba noong naiwala mo ang laruang kotse mo?” sabi ni Inay. “Nagdasal ka para mahanap ito. Pagkatapos ay basta nakaluhod ka lang ba?”
“Hindi po. Naghanap po ako nang naghanap. Tiningnan ko po ang ilalim ng kama ko. Pagkatapos ay tiningnan ko ang likod ng sopa.”
“At nandoon nga iyon!” sabi ni Inay.
“Kung ganoon,” sabi ni Itay, “paano mo mapapaalis ang halimaw?”
Nakinita ni Oliver ang kanyang sarili na nakasuot ng sandata.
“Una po,” sabi niya, “magdasal.”
“Magaling. At pagkatapos?”
“Puwede po akong huminga nang malalim nang ilang ulit. At pagkatapos ay aawitin ko ang “Ako ay Anak ng Diyos.”
“Magandang plano iyan!” sabi ni Inay. “O sige, balik ka na sa kuwarto.”
Kinaumagahan tumakbo si Oliver para kausapin sina Inay at Itay.
“Napanaginipan ko po ulit ang halimaw,” sabi niya. “Pero nagdasal po ako at sinunod ko ang plano ko. At umalis ang halimaw!”
“Natutuwa ako’t umalis ang halimaw,” sabi ni Itay. “Talagang pinakikinggan ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin!” ●