Mula sa Lingguhang YA
Noong Nasa NICU ang Aming Kambal na Anak, Bumaling Kami kay Cristo upang Mapayapa
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.
Itinuro sa amin ng pinakanakakatakot na kabanata ng aming buhay ang tahimik na kapangyarihan ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.
Larawan na mula sa awtor
Ang pinakamagandang Pamaskong regalo na natanggap namin ng asawa kong si Heidi ay ang maiuwi ang aming kambal na anak mula sa neonatal intensive care unit (NICU).
Nagkakilala kami ni Heidi noong mga estudyante kami sa unibersidad, at hindi nagtagal matapos kaming makasal sa Rexburg Idaho Temple, nalaman namin na magkakaanak kami ng kambal. Tuwang-tuwa kami—ngunit ilang buwan pa lamang ng pagbubuntis, nagkaroon ng mga problemang hindi namin inaasahan. Isinilang ang aming kambal na anak na lalaki sa loob lamang ng 27 linggo, na ang bawat isa ay mga dalawang libra ang timbang. Direkta silang isinugod sa NICU, kung saan nila ginugol ang sumunod na apat na buwan na nakikipaglaban upang mabuhay.
Pagtitiwala sa Kabila ng mga Luha
Ang mga unang araw na iyon ay ilan sa pinakamahirap na naranasan namin. Paulit-ulit kaming tinawagan ng mga doktor—ang bawat isa ay nagbabalita ng iba pang mga komplikasyon o iba pang mga operasyon. Nakakatakot iyon. Maraming gabi kaming walang tulog at puno ng mga panalangin, luha, at matinding kawalang-katiyakan.
Sa gitna ng lahat ng kaguluhan, nagpasiya kaming magtiwala sa Ama sa Langit. Ngunit hindi iyon naging madali. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit sumandig kami sa pananampalatayang binuo namin sa buong buhay namin. Ang isang talata sa banal na kasulatan na naghatid sa amin ng matinding lakas ay ang Helaman 5:12, na nagsasabi na itayo ang iyong saligan sa “bato na ating Manunubos, na si Cristo.”
Ang talatang iyon ay nagpaalala sa amin na hindi kami nag-iisa. Naranasan na ni Jesucristo ang landas ng pasakit at kawalang-katiyakan. Naunawaan Niya ang mismong nadarama namin. Nang Siya ang pinanatili naming sentro ng aming buhay, napansin namin ang mga tahimik na paalala na kasama namin ang Diyos.
Patuloy na Pag-asa
Ang pagpunta sa templo at pag-upo sa silid-selestiyal ay nagbigay sa amin ng mga sandali ng kapayapaan na kailangang-kailangan namin. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari, ngunit napanatag kami. Hindi iyon nangahulugan na aayon ang lahat sa inaasahan namin, ngunit nangahulugan ito na hindi namin pinasan ang lahat ng iyon nang mag-isa.
Ang isang talata na tunay na tumatak sa aking isipan sa sandaling ito ay ang Doktrina at mga Tipan 121:7: “Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang.” Ang talatang iyon ay nakatulong na magbago ang aking pananaw. Napakahirap ng aming mga pagsubok sa panahong iyon, ngunit sa walang-hanggang pananaw, maikling sandali lamang ang mga iyon.
Ang pagtutuon kay Jesucristo ay nakatulong sa amin na isantabi ang sakit at simulang pansinin ang mga pagpapala—ang unti-unting paglakas ng aming mga anak na lalaki, mas kakaunting nakakakabang pagtawag ng mga doktor, at ang pagbuhos ng pagmamahal at mga panalangin mula sa pamilya at mga kaibigan.
Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Pananaw
Sa huli, sa araw ng Pasko, naiuwi na namin sa wakas ang aming mga anak na lalaki. Sa pag-alaala ngayon tungkol doon, labis akong nagpapasalamat. Nabubuhay nang maayos ang aming mga anak na lalaki, at kahit ayaw kong mangyari iyon sa kahit kanino, hindi ko ipagpapalit ang mga aral na natutuhan namin. Naunawaan namin ang kahulugan ng magtiwala sa Diyos at patuloy na umasa kay Jesucristo.
Hindi pare-pareho ang wakas ng kuwento ng lahat. Ngunit kahit magkaiba ang resulta, naghahandog si Jesucristo ng kapayapaan, kapanatagan, at lakas upang malagpasan ito. Kung nasa kalagitnaan ka ng isang bagay na mahirap ngayon, tandaan lamang na ang buhay na ito ay hindi ang wakas. Mahal ka ng Ama sa Langit. May plano Siya para sa iyo. At sa Kanyang tulong, maging ang pinakamahihirap na sandali ay maaaring maging bahagi ng isang bagay na maganda.
Minsang sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kapag nagtitiwala tayo sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal sa atin, kahit ang ating pinakamatitinding kalungkutan, sa huli, ay maaaring magkakalakip na gumawa para sa ating ikabubuti.” Nakita ko ang katotohanang iyon sa sarili kong buhay.
Kaya, kapag naging mas mahirap ang buhay, kapag parang hindi ka nakatitiyak kung ano ang mga pagpiling susunod na gagawin sa buhay—bumaling kay Cristo. Hayaan Siyang tulungan ka na dalhin ang iyong mga pasanin. Sa Kanya, maaari tayong magpatuloy. Sa Kanya, makasusumpong tayo ng pag-asa. At taglay ang walang-hanggang pananaw, maaari tayong magtiwala na anuman ang pinagdaraanan natin ngayon ay hindi ang katapusan ng kuwento.