2025
Paglilinang ng Espirituwal na Katahimikan sa Kapaskuhan
Disyembre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Paglilinang ng Espirituwal na Katahimikan sa Kapaskuhan

Ang awtor ay naninirahan sa Vienna, Austria.

Kapag nakatuon tayo sa tahimik at banal na gabi ng kapanganakan ng Tagapagligtas, madaragdagan ang ating diwa ng kabanalan sa sarili nating mga pagdiriwang.

si Maria na nakangiti sa sanggol na si Jesus

Unto Us a Son Is Given [Sa Atin ay Ibinigay ang Isang Anak na Lalaki], ni Eva Koleva Timothy

Naisip mo na ba ang kahalagahan ng Pamaskong himnong “Kay Tahimik ng Paligid”?

Bagama’t ang Kapaskuhan ay puno ng masasayang aktibidad, tradisyon, at masisiglang tugtog, noon pa man ay napakahalaga na ng awiting ito sa akin. Ito ay isang mapitagan at magandang himig na naglalarawan sa tahimik na kapayapaan ng mundo noong gabing ipinanganak ang Tagapagligtas at nagpapaalala sa akin na kailangan kong maglaan ng oras para sa katahimikan at kabanalan sa gitna ng sarili kong mga pagdiriwang ng holiday.

Ang diwa ng kabanalan na nadarama natin kapag pinagninilayan natin ang kapanganakan ng Tagapagligtas at kung ano ang kahulugan ng Kanyang buhay para sa atin ay maaaring maging napakatindi sa panahong ito, kung bibigyan natin ito ng wastong pansin. Ngunit dahil ang Disyembre ay kadalasang puno ng mga huling pagsusulit, pagtitipon ng mga pamilya at kaibigan, paglalakbay, pamimili, at iba pang mga obligasyon, maaari nating madama na hindi kapaki-pakinabang ni posible ang maghinay-hinay.

Gayunman, natutuhan ko ang ilang bagay tungkol sa kapangyarihan ng katahimikan sa Kapaskuhan—at kung paano nito mapalalalim kapwa ang diwa ng Pasko at ang kaugnayan natin sa Tagapagligtas.

Paglilingkod sa mga Holiday

Bagama’t maaaring abala ang Kapaskuhan, ang isa sa pinakamakabuluhang aspekto ng panahon para sa akin ay ang oportunidad na maglingkod sa iba. Ang ilan sa aking pinakamagagandang holiday ay nagugol sa paggawa ng iba’t ibang proyektong paglilingkod sa aking ward at pamilya. Kahit abala ako at gusto kong magpahinga sa aking mga libreng sandali, ang paglilingkod ay nagtutulot sa akin na isipin ang iba at anyayahan ang Espiritu sa aking buhay.

Kapag naglilingkod ako sa isang tao, naiisip ko ang Tagapagligtas. Nang paglingkuran ng Tagapagligtas ang iba, tiningnan at pinakinggan Niya silang mabuti, at nakita Niya ang kanilang mga pangangailangan. Naghinay-hinay siya upang mapaglingkuran lamang sila nang isa-isa, tulad ng babaeng dinudugo o ng lalaki sa tangke ng Bethesda (tingnan sa Marcos 5:24–34; Juan 5:5–9). Makapangyarihan ang mga himalang iyon, ngunit ang tingin ko sa mga ito ay tahimik at personal na sandali sa pagitan ng Tagapagligtas at ng mga anak ng Diyos.

Kahit maingay o matao ang mga proyektong paglilingkod sa Pasko, kapag ako ay naghinay-hinay at nagtuon kay Cristo, nakadarama ako ng diwa ng pagpipitagan at pasasalamat sa Kanya. Ang paglilingkod ay naghahatid ng diwa ng katahimikan sa aking kaluluwa at nakatutulong sa akin na mas mapalapit sa Kanya.

Katahimikan sa Kapaskuhan

Dito sa Austria, ang pagkanta ng “Kay Tahimik ng Paligid” ay mas espesyal dahil isinulat ito ng dalawang kompositor na Austriyano. Hindi namin ito inaawit hanggang sumapit ang Bisperas ng Pasko. Sa aking pamilya, matapos naming basahin ang Lucas 2 tungkol sa kapanganakan ng Tagapagligtas, sama-sama namin itong kinakanta sa liwanag ng mga kandila sa aming Christmas tree.

Kay tahimik ng paligid!

Ang badya’y pag-ibig

Ang mga titik ay tumutulong sa akin na pagnilayan ang Tagapagligtas at ang dahilan ng Kapaskuhan. Nakadarama ako ng diwa ng kabanalan at pagpipitagan habang iniisip ko Siya na nakahiga sa Kanyang sabsaban sa pinakamatahimik at payapang gabing naranasan ng mundo. Napakagandang paraan nito upang maranasan din ang isang tahimik na gabi habang nagwawakas ang mga pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Kahit wala kayong ganitong tradisyon, hinihikayat ko kayong alisin ang mga gambala at maghanap ng sandali ng katahimikan sa panahong ito upang pag-aralan ang buhay ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan at pagnilayan kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagsilang para sa inyo.

Pagtanggap sa Kagalakan ng Tagapagligtas

Itinuro nang maganda ni Sister Tamara W. Runia, First Counselor sa Young Women General Presidency, na: “Sa banal na gabi ng Paskong iyon, ipinarating ng isang anghel ang magandang balita, ang magandang balita ng malaking kagalakan. … Naniniwala ako na sinasabi ng anghel na, ‘Ang inyong kaibigan, ang inyong matalik na kaibigan ay dumating na. At kung alam ninyo kung gaano kalapit Siyang nakamasid sa inyo, kung gaano kayo umasa sa Kanya noong kapiling ninyo Siya dati, kung naunawaan ninyo ang isasakripisyo Niya para sa inyo at kung gaano Siya magiging handang tulungan kayo kailanman na makauwi pagkatapos noon, magdudumali kayong batiin Siya sa sabsaban.’”

Ang mga sandaling iyon ng katahimikan—sa pamamagitan ng panalangin, sa templo, sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at habang naglilingkod ako sa iba—ang panahon kung kailan nadarama ko na lubos akong nakaugnay sa Tagapagligtas. Alam ko na matatagpuan natin Siya at madarama ang Kanyang kapayapaan sa buong panahong ito at sa bawat panahon kapag pinaglilingkuran natin Siya at pinagninilayan ang kagalakan ng Kanyang kapanganakan.