2025
Ang Itinuro sa Akin ng Isang Malungkot na Pangyayari sa Kapaskuhan Tungkol sa Aking Pakikipagtipan
Disyembre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Ang Itinuro sa Akin ng Isang Malungkot na Pangyayari sa Kapaskuhan Tungkol sa Aking Pakikipagtipan

Ang ninakaw na mga regalo at bagong tradisyon ng pamilya ay nakatulong sa akin na mapagtanto ang kahalagahan ng pangangalaga sa aking pakikipagtipan sa Ama sa Langit.

paglalarawan sa isang lalaking nakatitig sa Christmas tree

Paglalarawan ni Stephen Neilsen

Lumaki ako sa American Samoa bilang isa sa 13 magkakapatid. Lahat kami ay nakatira sa isang maliit na bahay na may tatlong kuwarto sa nayon ng Leone. Ang Pasko ay laging espesyal para sa aming pamilya—panahon iyon para magmuni-muni tungkol sa pagsilang at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at panahon para maglingkod at magbigay.

Isang Kapaskuhan, matapos magtrabaho nang husto at mag-ipon, binilhan ng aking mga magulang ng regalo ang bawat isa sa amin at inilagay ang mga iyon sa ilalim ng Christmas tree. Tuwang-tuwa kami!

Pero bago dumating ang Pasko, ginising kami ng kuya ko isang umaga na may nakapanlulumong balita: Ninakaw ang lahat ng mga regalo. May nakapasok sa bahay namin sa gabi at kinuha ang lahat ng iyon.

Mula sa nakalulungkot na karanasang iyon, nagsimula ang isang bagong tradisyon. Tuwing Pasko pagkatapos niyon, natutulog kami sa paligid ng Christmas tree para protektahan ang aming mga regalo.

Nakakatawa at nakalulungkot man ang alaalang ito, hindi lamang pag-iingat ang itinuro nito sa akin tungkol sa mga regalo sa Pasko—ipinaalala nito sa akin kung gaano kahalaga na pangalagaan at unahin ang ating pakikipagtipan sa Ama sa Langit.

Isang Paalala ng Ating Pakikipagtipan

Madalas magturo si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahalagahan ng mga tipan. Sabi niya: “Ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagpapabago sa ating ugnayan sa Kanya magpakailanman. Binibiyayaan tayo nito ng karagdagang pagmamahal at awa. Nakakaapekto ito sa kung sino tayo at kung paano tayo tutulungan ng Diyos na maging kung ano ang maaari nating kahinatnan.”

Tulad ng pagprotekta ng pamilya ko sa aming mga regalo, ang ating pakikipagtipan sa Ama sa Langit ang pinakamahalagang relasyon natin. Dapat nating pahalagahan ito. Pero paano natin gagawin iyan sa isang mundong puno ng mga panggagambala? Narito ang ilang ideyang nakatulong sa akin:

1. Itakda ang mga Bagay na Ayaw Ninyong Baguhin o Isuko

Bilang isang young adult na abala sa eskwela, football, at pakikipagdeyt sa Brigham Young University, madalas akong malungkot. Noon ko natanto na kailangan kong itakda ang “mga bagay na ayaw kong baguhin o isuko”—mga prayoridad na tapat kong gagawin anuman ang mangyari.

Ang pag-uukol ng oras sa Panginoon at pagtutuon kay Jesucristo ay naging isa sa mga ayaw kong baguhin. Tuwing umaga ay may nakaiskedyul akong oras sa Panginoon kung saan inilalabas ko ang mga banal na kasulatan at ang pinakahuling mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Ang pang-araw-araw na gawaing ito ay nagbibigay sa akin ng maliliit na espirituwal na karanasan at nakakaimpluwensya sa aking maghapon.

Sabi ni Pangulong Nelson, “Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo.” Ang pagbibigay ng prayoridad sa pag-uukol ng panahon sa Panginoon ay hindi nag-aalis ng mga hamon o gambala sa buhay—ngunit tinutulungan ako nitong harapin ang mga ito gamit ang Kanyang lakas.

Itinuro din ni Pangulong Nelson, “Ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan.” Kapag nagtakda kayo ng sarili ninyong mga bagay na ayaw ninyong baguhin o isuko at inuna ninyo ang inyong pakikipagtipan sa Panginoon, magiging mas madali ang mga hamon sa inyong buhay at magkakaroon kayo ng nagpapalakas at espirituwal na mga karanasan araw-araw.

Kaya ano ang mga bagay na hindi ninyo babaguhin o isusuko? Paano ninyo matitiyak na uunahin ninyo ang inyong relasyon sa Diyos sa tuwina?

2. Pagsikapang Gawin ang mga Espirituwal na Gawain

Ang pagtatakda ng mga bagay na ayaw ninyong baguhin o isuko ay simula lamang; kailangan din nating gumawa ng espirituwal na gawain. Kung minsan alam natin ang gagawin—magbasa ng mga banal na kasulatan, manalangin, magsimba—pero kulang tayo sa motibasyon. Naramdaman ko na rin iyan.

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pananampalataya kay Cristo ay humahantong sa [matwid na] pagkilos, na nagpapaibayo ng ating espirituwal na kakayahan at lakas.”

Kapag wala akong motibasyon na gawin ang espirituwal na gawain, ipinagdarasal ko na magkaroon ako ng hangarin at lakas na kumilos. At kapag ginagawa ko ito, napapansin ko na nawawala ang agwat sa pagitan ko at ng Panginoon. Ang aking pakikipagtipan sa Ama sa Langit, tulad ng anumang relasyon, ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi ito checklist kundi isang prosesong pinangangalagaan ko habambuhay.

3. Maghanap ng mga Oportunidad na Maglingkod

Kapag pinalalakas ko ang aking pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, madalas akong ginagabayan ng Espiritu para mapaglingkuran ang iba. Ang paggabay na iyan ay lalong nagpapalalim sa aking koneksyon sa Diyos. Hindi hinihintay ng Espiritu ang Pasko—maaari tayong maglingkod araw-araw sa ating tahanan, simbahan, at komunidad.

Sa mundong puno ng pagkakahiwalay at pagtatalu-talo, ang isa sa pinakamaiinam na paraan para madama na mas konektado tayo ay sa pagtuon sa pangangailangan ng ating kapwa hindi lamang sa sarili natin at paglilingkod sa kanila. Tulad ng pinatotohanan ni Haring Benjamin, kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, naglilingkod tayo sa Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 2:17).

Kapag naging kaswal tayo sa ating pakikipagtipan, nawawala ang ating kakayahan na tunay na makagawa ng kaibhan sa mundo. Tulad ng itinuro ni Elder Bednar, “Sa bawat di-makasariling paglilingkod na ibinibigay natin, mas nakikilala natin ang Panginoon na ating kinakatawan at bawat kilos ay naglalapit sa atin sa Kanya.” Kapag aktibo tayong naghanap ng mga paraan para makapaglingkod, hindi lamang natin pinagpapala ang buhay ng iba kundi pinalalakas din natin ang ating sariling koneksyon sa Ama sa Langit, na nagpapatibay sa katapatan natin sa ating mga tipan.

Hayaang Gabayan ng Inyong mga Tipan ang Inyong Buhay

Tulad ng pagprotekta namin sa aming mga regalo, kailangan nating protektahan at unahin ang ating pakikipagtipan.

Marami sa atin ang nahaharap sa malalaking desisyon—tungkol sa paaralan, pakikipagdeyt, mga propesyon, o mga misyon. Madaling makadama ng kawalang-katiyakan o kakulangan. Kapag gayon ang pakiramdam ko, hinahayaan kong gabayan ako ng aking mga tipan.

Ano ang sinasabi ng inyong mga tipan sa binyag at sa templo? Anong mga pagpapala ang ipinangako sa inyo ng Diyos?

Kapag inuna ninyo ang inyong pakikipagtipan, lahat ng iba pa ay nagsisimulang maging maayos. Ibinahagi ni Pangulong Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.” At ang madama ang pagmamahal at galak ng Tagapagligtas ay tiyak na ang pinakamagandang regalo sa Pasko na ating matatanggap.