Mga Tanong at mga Sagot
Inilalagak Ko Ba ang Aking Pananampalataya sa mga Resulta o kay Jesucristo?
Akala ko ang panalangin ay tungkol sa pagtamo ng gusto ko.
Habang lumalaki ako, hindi ko pinag-isipan kailanman kung paano ako manalangin. Ipinalagay ko na sa pamamagitan ng panalangin ay matatamo ko palagi ang gusto ko.
Noong nawala ko ang isang laruan, nanalangin akong mahanap ito.
Noong nagkasakit ang mga taong kilala ko, nanalangin akong bumuti ang lagay nila.
At noong naisip kong oras nang mag-asawa ako, nanalangin akong lumitaw ang mapapangasawa ko.
Kamakailan lamang ako tumigil at nag-isip tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya sa mga resulta at ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo. Ngunit noong napansin ko na madalas kong ilagak ang aking pananampalataya sa mga hangad kong resulta, natanto ko na kailangan kong magbago. Bumaling ako sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, na nagbibigay-kahulugan sa pananampalataya kay Jesucristo: “Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan. Kapag nananampalataya ka kay Jesucristo, pagpapalain ka ng Kanyang kapangyarihan na angkop sa iyong kalagayan. Makakaranas ka ng mga himala ayon sa kalooban ng Panginoon.”
Kaya, kapag nagpapahayag tayo ng pananampalataya kay Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng kapangyarihang harapin ang nangyayari sa ating mga buhay. Ngunit paano ba talaga ako hindi mananampalataya sa ilang resulta kapag partikular kong gusto ang mga iyon?
Upang mabago ang aking pamamaraan sa panalangin, nagsimula akong gumawa ng tatlong bagay na nakatulong sa akin na ilagak ang aking pananampalataya at puso sa tamang lugar.
1. Pagpapalakas ng Aking Pananampalataya kay Jesucristo
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay hindi lamang umiiral nang mag-isa. Kailangan dito ang ating mga pagsisikap na umunlad at lumago. Nang manalangin akong mapalakas ang aking pananampalataya sa Kanya, nakakita ako ng mga paraan upang mas maanyayahan si Cristo sa aking personal na buhay. Humantong ito sa mas matibay na relasyon sa Kanya at sa mga mas makabuluhang panalangin. Lumago ang aking pananampalataya sa Kanya, anuman ang nararanasan ko.
2. Regular na Pagdalo sa Templo
Nakadama ako ng matinding pressure na mag-asawa. Nang ako ay makauwi mula sa aking misyon at malungkot dahil kakaunti lamang ang nakakadeyt ko, hinamon ako ng isang kaibigan na dumalo sa templo nang minsan sa isang linggo. Bagama’t wala pa rin akong nakitang sinuman na gusto kong maging asawa, may iba akong nakita: kapangyarihan at lakas na maging mas matapang at magkaroon ng layunin sa aking pakikipagdeyt.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Sa bahay ng Panginoon, nakatuon tayo kay Jesucristo. Natututo tayo tungkol sa Kanya. Nakikipagtipan tayo na susundin Siya. Nakikilala natin Siya. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan sa templo, lalo nating natatamo ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Panginoon.” Ang pagdalo sa templo ay nakatulong sa akin na ituon ang aking pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang kapangyarihan, hindi sa pag-asa na makapag-asawa ako.
3. Pananalangin na Maunawaan at Pagkatiwalaan ang Takdang Panahon ng Ama sa Langit
Sa palagay ko ay karaniwan ang mahirapang maunawaan ang takdang panahon ng Ama sa Langit para sa ating mabubuting hangarin. Ang isang bagay na nakatulong sa akin na maunawaan ang mga pagpapalang inilaan Niya para sa akin ay ang pag-aaral ng aking patriarchal blessing.
Bagama’t hindi nito ibinigay sa akin ang lahat ng sagot na inasam ko, napanatag ako sa kaalaman na ako ay minamahal na anak ng Ama sa Langit at na gagabayan Niya ako tungo sa mga kamangha-manghang pagpapala. Gagabayan ka rin Niya. Habang patuloy akong nananalangin na maunawaan ang Kanyang pagkatao at ang Kanyang mga pangako sa akin, napupuspos ako ng kapayapaan na nagmumula lamang kay Jesucristo—kapayapaan mula sa Kanya, hindi mula sa mga resulta na aking inasam.
Mali bang umasa na mangyari ang ilang bagay sa aking buhay? Hindi. Ngunit ang pananampalataya lamang sa mga resultang iyon ay hindi sapat upang mangyari ito o magdulot ito sa akin ng kapayapaan. Sa halip, ang pagpapalakas ng aking pananampalataya kay Jesucristo ay nagturo sa akin na magtiwala sa Kanya at sa Ama sa Langit.
Tulad ng itinuro ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu, “Bagama’t hindi lahat ng sitwasyon ay umaayon sa inaasahan at ipinapanalangin natin, ang mga himala ng Diyos ay laging magaganap ayon sa Kanyang kalooban, Kanyang takdang panahon, at Kanyang plano para sa atin.”
Natitiyak ko na kapag sinunod ko si Jesucristo, magiging katulad ako ng nais Niyang kahinatnan ko.