Mula sa Mission Field
Paano Itinuro sa Akin ng Misyon Ko ang Kagalakan ng Pasko
Bago ako sumapi sa Simbahan, walang gaanong kabuluhan sa akin ang Pasko. Alam ko na ngayon na isang pagkakataon iyon upang marinig—at ibahagi—ang mabuting balita tungkol sa aking Tagapagligtas.
Ang pagtanggap ng tawag sa misyon na maglingkod sa China Hong Kong Mission ay napakaespesyal para sa akin—dahil taga-Hong Kong ako!
Ang paglilingkod bilang isang teaching missionary sa sarili kong bansa ay nangahulugan na hindi ko na kailangang mag-aral ng isang bagong wika o kultura. Ngunit kahit hindi ko kailangang mag-adjust sa mga bagong tradisyon, tinulungan ako ng aking misyon na tingnan ang isang holiday—ang Pasko—sa lubos na panibagong paraan.
Pagbabahagi ng Mabuting Balita
Sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw apat na taon na ang nakararaan, at ako lamang ang miyembro sa aking pamilya. Kami ng aking mga magulang at kapatid ay hindi pinalaki bilang mga Kristiyano, kaya bagama’t magandang dahilan ang Pasko upang maglakbay o masiyahan kami sa masarap na pagkain, hindi ito gaanong mahalaga sa amin.
Ngunit naghanda ng landas ang Ama sa Langit upang matutuhan ko ang Kanyang ebanghelyo at sumapi ako sa Kanyang Simbahan. Bilang missionary, ang aking layunin ay tulungan ang iba na lumapit kay Cristo. Kakaibang oportunidad para sa akin ang maunawaan ang tunay na kahulugan ng Pasko.
Napakaraming iba pang tao na iniisip ang Pasko kung paano ko ito iniisip dati. Maaaring alam nila na holiday iyon, ngunit hindi nila palaging alam ang kahulugan sa likod nito. Maaaring ni hindi nila alam kung sino si Jesucristo. Ngunit para sa akin, ang Kapaskuhan ay naging isang panahon upang ibahagi sa lahat ang mabuting balita na mayroon tayong isang Tagapagligtas.
Itinuro ni Elder S. Mark Palmer ng Pitumpu, “Mas mahalaga kaysa ginto, kamangyan, o mira, ang dalisay na patotoo tungkol kay Jesucristo bilang ating personal na Tagapagligtas at Manunubos ang pinakasentro ng lahat ng ipinagdiriwang natin sa Pasko.”
Lubos akong nagpapasalamat na bilang missionary ay nagugol ko ang aking Pasko na hindi lamang ipinagdiriwang ang aking patotoo kay Jesucristo kundi ibinabahagi rin sa iba ang aking patotoo.
Ang Kagalakan ng Pagtutuon sa Iba
Sa isang misyon, hindi ka gaanong nakatuon sa iyong sarili kundi sa paglilingkod sa iba. Pakiramdam ko mas iniisip ko na ang iba ngayon. Kaya nga naging napakasaya ng Pasko para sa akin.
Maaaring ang ibang tao ay malungkot, kailangan ng tulong, o espirituwal lamang na nanlalamig sa panahong ito ng taon. Ngunit dahil kay Jesucristo, nakadarama ako ng matinding kagalakan at pagmamahal sa aking puso. Ang pagiging missionary ay nagbigay sa akin ng mga oportunidad na maipadama sa iba ang nadarama ko tungkol sa aking Tagapagligtas.
Noong nakaraang Pasko, binisita namin ng kompanyon ko ang Giving Machine ng Simbahan sa Hong Kong. Ang service campaign na Maging Ilaw ng Sanlibutan ay magandang oportunidad upang magmalasakit sa iba at ibahagi sa kanila ang kagalakan ng Tagapagligtas.
Sinabing minsan ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ipinagdiriwang ng Pasko ang pagiging kabilang, ugnayan, at komunidad na batay sa pakikipagtipan kay Jesucristo at sa isa’t isa.” Ipinagdiriwang natin ang Pasko upang maalala natin si Jesucristo, na nag-uugnay sa ating lahat. Kapag naglingkod tayo sa iba, mas napapalapit tayo sa isa’t isa at mas napapalapit tayo sa Kanya.
Pagsunod sa Halimbawa ng Tagapagligtas
Sa kabila ng lahat ng kagalakan ng Kapaskuhan at ng kagalakang nagmumula sa pagbabahagi ng ebanghelyo, maaaring maging mahirap ang mga holiday habang nasa misyon. Ang pangungulila sa pamilya o takot na hindi makagugol ng oras sa piling ng mga kaibigan at kapamilya ay mga tunay na damdamin.
Ngunit hinihiling sa iyo ng Panginoon na gawin ang Kanyang gawain. Kung nalulungkot ka sa Pasko bilang missionary, ang aking payo ay isipin mo si Jesucristo.
Mapagpakumbabang pumarito ang Tagapagligtas sa mundo. Nilisan Niya ang Kanyang tahanan sa langit at pumarito sa mundo upang gawin ang gawain ng Kanyang Ama. Isinakripisyo Niya ang Kanyang sarili upang tubusin tayong lahat. Maaaring tila malungkot iyon, ngunit kasama Niya ang Ama sa Langit.
At gayon ka rin kapag nagmisyon ka. Hindi ka talaga nag-iisa. Kahit maaaring malayo ka sa iyong pamilya, kasama mo pa rin ang iyong Ama sa Langit at ang iyong Tagapagligtas. Sa pamamagitan Nila, tatanggap ka ng lakas na madaig ang iyong mga hamon.
Nang magmisyon ako, nakadama ako ng labis na pagmamahal. Mas malapit na ang aking kaugnayan ngayon sa Diyos at kay Jesucristo. Alam kong ipinagmamalaki Nila ako sa paggawa ng Kanilang gawain. Ito ang pinakadakilang gawain sa mundo.