2025
6 na Paraan upang Makapaglingkod na Katulad ng Tagapagligtas Ngayong Kapaskuhan
Disyembre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

6 na Paraan upang Makapaglingkod na Katulad ng Tagapagligtas Ngayong Kapaskuhan

Sa paggawa ng mga himala, nakatuon si Jesus sa mga indibidwal.

isang young adult na papalapit upang umupo sa tabi ng isa pang young adult

Sa Kapaskuhan, madalas tayong makadama ng dagdag na hangarin—siguro ay isang obligasyon pa nga—na maglingkod sa iba at gawin iyon na katulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Maaaring mahirap ito! Gumawa ng ilang pambihirang himala ang Panginoon noong Kanyang mortal na ministeryo! Paano matutumbasan ng ating mga mapagpakumbabang paglilingkod ang Kanyang ginawa?

Hindi ito kailangang katakutan. Bukod sa malilinaw na himala tulad ng paggawang alak ng tubig, ang ating Huwaran ay nagsagawa rin ng mga di-gaanong nakikitang himala tulad ng pag-antig sa mga puso ng mga tao at pagpapabuti ng kanilang mga buhay.

Ang karamihan sa ginawa Niya ay may kakayahan tayong tularan kapag sinusunod natin Siya. Narito ang ilang pangunahing alituntuning dapat tandaan habang naghahanap ka ng mga paraan upang makapaglingkod ngayong Kapaskuhan.

Makinig.

Alam ni Jesus na hindi sinunod ng babaeng Samaritano sa may balon ang batas ng kalinisang-puri (tingnan sa Juan 4:6–29). Alam Niya na ang babaeng pinaratangan ng pangangalunya ay nagkasala nito (tingnan sa Juan 8:3–11).

Ngunit hindi pinagtuunan ng pansin ng Tagapagligtas ang mga bagay na iyon. May habag na ipinaunawa Niya sa kanila na maaari nilang baguhin ang kanilang mga buhay. Binigyan Niya sila ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan. Ang resulta? Ang dalawang babaeng iyon ay parehong nagkaroon ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas (tingnan sa Juan 4:29; Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 8:11

Tulad ng Tagapagligtas, maaari tayong makinig nang hindi hinuhusgahan ang iba. Maaari tayong magbigay ng pag-asa at maghikayat sa iba na tuklasin ang kagalakan ng pagsunod sa Kanya.

Magpakita ng habag. Umiyak ka kung kailangan.

Nang makita ni Jesus ang mga kaibigan at kapamilya ni Lazaro na iniiyakan ang pagkamatay nito, nalaman Niya na bubuhayin Niya ang lalaki mula sa mga patay. Maaari sana Niyang sabihin sa mga tao, "Hindi kailangang umiyak. Magiging maayos ang lahat!”

Ngunit hindi Niya ginawa iyon. Ano ang ginawa Niya? Siya ay umiyak kasabay nila (tingnan sa Juan 11:35).

Maaaring may mga problema ang ating mga mahal sa buhay na hindi personal na nakaaapekto sa atin. Maaaring may mga pangamba sila na wala tayo o mga alalahanin na nalutas na natin. Maaaring mahirapan sila sa mga alituntunin ng ebanghelyo na madali lamang sa atin. Nagpapakita tayo ng habag sa pamamagitan ng pag-unawa sa damdamin ng iba—hindi sa pag-iisip ng mga negatibong ideya kasama nila kundi sa seryosong pagharap sa kanilang mga hamon at pagtulong sa kanila na malampasan ang mga ito.

Isama ang lahat.

Madalas batikusin si Jesus sa labis na pakikisama sa iba, sa pakikisalamuha sa mga taong hindi “nararapat” na makasama Niya (tingnan sa Mateo 9:10–12). Ngunit ang hindi pagsama sa mga tao? Hindi Niya iyan ginawa. Siya ay nag-alala para sa lahat, pati na sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Tulad ng Tagapagligtas, maaari mong hangaring malaman kung sino ang kailangang makadama ng higit na pagmamahal ng Diyos.

Tandaan iyan kapag nagpaplano ka ng mga handaan at aktibidad sa Kapaskuhan. SAJ: Sino ang Aanyayahan ni Jesus?

Gamitin ang iyong resources. Mag-isip ng mga ideyang malikhain at hindi pangkaraniwan.

Nang magutom ang limang libong tao at walang pagkain sa malapit, hindi sinabi ng Panginoon na, “Pasensiya na, wala rin akong pagkain. Wala akong magagawa para tulungan kayo.” Sa halip, hiniling Niya sa Kanyang mga alagad na tipunin kung ano ang mayroon, nanalangin Siya, at gumawa Siya ng himala.

Ang mga himalang bunga ng iyong mga panalangin ay maaaring hindi katulad ng malaking himalang iyon. Ngunit maaaring magulat ka sa mga ideyang ibubulong sa iyo ng Espiritu kapag sinabi mo sa Ama sa Langit: “Gusto kong tumulong sa sitwasyong ito, ngunit sa palagay ko ay wala akong resources. Mali ba ako tungkol diyan? Ano ang maaari kong gawin?”

Maging mapanghikayat at magkaroon ng magandang pananaw.

Gaano kadalas nagsabi si Jesus ng mga bagay na tulad ng “Huwag kayong matakot” (Mateo 17:7; Marcos 5:36), “Huwag kang matakot” (Mateo 10:28; Lucas 8:50; 12:7), at “Lakasan ninyo ang inyong loob” (Mateo 14:27; Juan 16:33)?

Napansin ba ninyo na gayon din ang ating mga propeta sa mga huling araw? (Bilis, isipin si Pangulong Nelson. Nakikita mong nakangiti siya, hindi ba?) Ang pagiging negatibo ay madaling madama ng sinumang gusto ito. Hindi kailangang ikaw ang pagmulan nito.

Maglingkod kahit (lalo na kapag) nahihirapan ka rin.

Parang ito ay kabalintunaan, ngunit ang isang magandang paraan upang makayanan kapag nalulungkot ka ay paglingkuran ang iba. Huwag hayaang maging dahilan ang sarili mong mga problema upang maging makasarili ka. Ang buong buhay at misyon ng Tagapagligtas ay isang halimbawa nito. Bagama’t Siya ay “hinamak at [itinakwil] ng mga tao; isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan” (Isaias 53:3), “naglibot [si Jesus] na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38).

Nang malapit na Siyang mamatay sa krus—isang pagkakataon kung kailan madaling unawain ang makasariling pag-iisip—hiniling Niya sa Kanyang Ama na patawarin ang mga taong responsable (tingnan sa Lucas 23:34) at tiniyak Niya na maaalagaan ang Kanyang ina (tingnan sa Juan 19:26–27).

May isa pang bagay na ginawa ang Tagapagligtas. Maraming beses Siyang nanalangin. Kung taos-puso kang humihingi ng patnubay sa Ama sa Langit sa paglilingkod sa iba—kung ano ang sasabihin, ano ang gagawin, paano makatutulong—gagabayan ka ng Espiritu Santo. Iyan talaga ang buong kahulugan ng “paglilingkod na katulad ng Tagapagligtas”: ang mapasaatin ang Espiritu. Magpalaganap tayo ng kagalakan ngayong Pasko!