Lingguhang YA
4 na Paraan upang Ipagdiwang si Cristo sa Buong Taon
Disyembre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

4 na Paraan upang Ipagdiwang si Cristo sa Buong Taon

Tuwing Pasko, ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Cristo. Paano natin maipagdiriwang ang iba pang bahagi ng Kanyang buhay?

dalawang young adult na nakatingala sa isang estatwa ng Christus

Hindi ba magandang ipagdiwang ang Pasko sa buong taon?

Ang masarap na pagkain, magagandang dekorasyon, masasayang tradisyon, at ang pinakamahalaga, ang oportunidad na magtuon kay Jesucristo.

Ang magandang balita: Hindi ibig sabihin na tapos na ang Pasko ay nangangahulugan na hindi mo na maaaring patuloy na ipagdiwang ang Tagapagligtas. Ang mga gawa at turo ni Cristo ay maaaring bigyang-pugay sa buong taon! Narito ang apat na paraan upang makatuon sa palaging pag-alaala sa Kanya, kahit lagpas na ang Kapaskuhan.

1. Hangaring Makilala Siya

Ang kapanganakan ni Jesucristo ay isang sagradong pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak, at tulad ng mga pastol sa Betlehem, talagang dapat nating igalang ang banal na gabing iyon.

Ngunit may isang grupo ng mga tao sa kuwento ng Pasko—ang mga Pantas—na hindi nakarating noong gabing ipinanganak si Cristo. Natagpuan nila Siya kalaunan. Maaaring inabot ng ilang buwan o taon ang kanilang paglalakbay! Ngunit naging determinado silang sambahin ang kanilang Hari, kahit gaano pa iyon katagal abutin. Maaari din nating hangarin makasama ang Tagapagligtas kahit lagpas na ang Kapaskuhan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “[Kapag] mas marami kayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal.” Maaari mong hangaring matuto ng iba pa tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pananalangin na madama ang Kanyang pagmamahal, pag-aaral ng Kanyang buhay sa mga banal na kasulatan, at pakikipagtipan sa Kanya.

2. Magkaroon ng Espirituwal na Lakas sa Pamamagitan ng Pag-aayuno

Bago Niya sinimulan ang Kanyang ministeryo, nag-ayuno si Jesus nang 40 araw sa ilang. Inihanda Siya ng pagkakataong ito na labanan ang lahat ng tuksong haharapin Niya at magturo "[sa] kapangyarihan ng Espiritu" (Lucas 4:14) sa Galilea.

Hindi mo kailangang mag-ayuno nang dire-diretso sa loob ng 40 araw upang matularan ang Kanyang halimbawa, ngunit totoo ang alituntunin: Ang pagtalikod sa mga makamundong hangarin at gawi ay nagbibigay ng mas malaking puwang para sa Tagapagligtas at sa Espiritu sa iyong buhay.

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang pag-aayuno ay nagbibigay sa atin ng “[kapangyarihang] tumanggap ng inspirasyon at higit na kakayahang labanan ang tukso.” Ang pagsunod sa utos na mag-ayuno nang madalas ay tutulong sa iyo na magtuon kay Jesucristo at tulutan Siyang pagpalain ka at ang mga taong ipinag-aayuno mo.

3. Maghanda para sa Kanyang Pagbalik

Nagministeryo si Jesus sa Kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, pagkatapos ay umakyat Siya sa kalangitan, na may pangakong Siya ay babalik (tingnan sa Mga Gawa 1:2–11).

Kamakailan, binigyang-diin ng mga propeta at apostol ang pangangailangang maghanda para sa pagbalik na iyon. Halimbawa, itinuro ni Pangulong Nelson na “ang dagdag na oras sa templo ay tutulong sa atin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito” at hinimok ang lahat na sumamba sa templo nang madalas hangga’t maaari. Maaari mong asamin ang Ikalawang Pagparito ni Cristo nang may kagalakan at pananampalataya sa pamamagitan ng espirituwal na pagsulong sa langit, kabilang na ang pagsamba sa templo.

4. Matutong Pakinggan Siya

Hindi nagtagal pagkaraan ng Pag-akyat sa Langit, natanggap ng mga Apostol ni Jesus ang kaloob na Espiritu Santo habang nakatipon para sa isang piging (tingnan sa Mga Gawa 2). Ang kaloob na ito ay nagtulot sa kanila na matanggap ang patnubay ni Cristo kahit hindi na nila Siya kasama sa lupa.

Sa pamamagitan ng ipinanumbalik na awtoridad ng priesthood ng Diyos, maaari tayong magkaroon ng access sa kaloob na Espiritu Santo—at sa tinig ng Tagapagligtas! Hinikayat ni Pangulong Nelson ang lahat na “gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.”

Kapag hinanap mo si Jesus sa espesyal na panahong ito at nagtuon ka sa Kanya sa buong taon, ang iyong buhay ay mapupuspos ng patnubay, pag-asa, at lakas na ipinangako Niya. Sapat na dahilan iyon upang magdiwang—hindi lamang sa panahong ito kundi palagi.