Mga Kasanayan sa Buhay
Tulong! Nadodomina na ng Aking Telepono ang Buhay Ko!
Ang pagputol ng koneksiyon sa iyong device ay tutulong sa iyo na kumonekta sa mga yaong pinakamahalaga.
Itapon ang telepono!
Sige, siguro huwag naman talagang itapon ito. (Mahal ang mga telepono, at sayang naman kung itatapon mo ito.)
Ngunit kung ikaw ay isang tao na nais itigil ang nakaaabala, ang paggamit nito nang napakatagal, ang pag-aaksaya ng oras … para sa iyo ito.
Paghahanap ng Motibasyon na Ibaba ang Iyong Telepono
Mas madaling gawin ang isang bagay kapag naaalala mo kung bakit mo ginagawa ito. Bago natin pag-usapan ang mga estratehiyang tutulong sa iyo na itabi ang iyong teleponoo, maghanap tayo ng kaunting motibasyon.
1. Gawin Ito para sa Iyong Sarili
Bagama’t maraming bagay sa iyong telepono na magagandang aktibidad kung paminsan-minsan lamang (tulad ng pagbabasa ng Lingguhang YA, siyempre), ang paggawa ng alinman sa mga ito sa loob ng napakaraming oras ay malamang na hindi magbibigay sa iyo ng balanseng espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangalagang kailangan mo.
Sa pinakamahinahon at maunawaing paraan, higit pa roon ang nararapat sa iyo! At maaaring ang kahulugan ng higit pa ay mas kaunting paggamit ng telepono.
2. Gawin Ito para sa mga Iyong mga Mahal sa Buhay
Sino ang nagmamahal sa iyo? Pasintabi sa spoiler: hindi ang iyong telepono. Bagama’t tinutulutan tayo ng mga telepono na patuloy na kumonekta sa mga mahal natin sa buhay, kung minsan ang paraan ng paggamit natin ng ating mga telepono (na umaabala sa atin, pumapalit sa harapang pakikipag-usap, nagpapahirap sa ating mga sarili sa di-magandang pagkukumpara, atbp.) ay mas nakasisira kaysa sa nakatutulong sa ating mga relasyon. Huwag nating hayaang makahadlang ang dami ng koneksiyon sa kalidad nito.
Ang mas madalas na pagbababa ng iyong telepono ay mas makapagbubukas ng pinto para sa mga mas malalim at mas matagumpay na koneksiyon sa mga taong kaharap mo mismo.
3. Gawin Ito para sa Diyos
Sa pagpapatuloy ng tanong na “Sino ang nagmamahal sa iyo?”: Talagang ang Ama sa Langit at si Jesucristo! Ngunit ang kanilang mga mensahe sa iyo ay hindi biglang lilitaw sa screen ng iyong telepono.
Sa halip, ang kanilang mga mensahe—na personal, makapangyarihan, at nagpapabago ng buhay—ay titimo sa iyong puso’t isipan at buhay sa tulong ng Espiritu Santo. Maaari kang maging mas handang tanggapin ang mga mensaheng iyon nang wala ang palaging pang-aabala ng iyong telepono.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras.” Gayundin, ipinayo ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Anuman ang nasa inyong listahan ng mga gagawin, bigyan ninyo ng panahon, at hindi lamang ng natitirang oras, ang Panginoon.”
Ang pakikipagpalit ng napakaraming oras sa telepono para sa pantay at makatarungang oras sa langit (tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pakikinig sa musikang nakasentro sa ebanghelyo, pananalangin, pagninilay, at pagdalo sa templo) ay magpapalalim sa iyong relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Paano Ko ba Talaga Gagawin Ito?
Sinisikap mo man na bawasan ang paggamit ng iyong telepono para sa iyong sarili, sa iyong mga mahal sa buhay, sa iyong Ama sa Langit at sa Tagapagligtas, o sa lahat ng nabanggit, ang matagumpay na pagtigil sa labis na paggamit ng telepono ay maaari pa ring magingmahirap! Tulad ng anumang gawi, kailangang may gawin ka upang maputol ang siklo. Narito ang ilang ideya:
-
Huwag mong ibulsa ang iyong telepono. Kung hindi mo abot-kamay ang iyong telepono sa mga oras na hindi mo naman talaga kailangan ito, hindi mo ito basta-basta magagamit nang walang saysay!
-
Magtalaga ng mga lugar na walang telepono. Saan mo labis na ginagamit ang iyong telepono? Sa iyong kama? Sa hapag-kainan? Sa banyo? Subukang italaga ang mga lugar at oras na kung saan bawal ang telepono. Iwanan ang iyong telepono sa ibang kuwarto upang hindi ka matuksong gamitin ito sa mga oras na ito.
-
Maghanda ng ibang makaaalis ng pagkabagot. Kapag sinusubukan mong putulin ang siklo ng masasamang kaisipan, nakatutulong na punuin ang iyong isipan ng magagandang kaisipan. Totoo rin ito sa iyong mga gawi sa telepono. Kapag parang nangangati ang kamay mong gamitin ito nang napakatagal, sa halip ay isipin kung may iba pang kasiya-siya, malikhain, masaya, o makabuluhang aktibidad na maaaring pumuno sa iyong oras. Magsimula ng journal. Gumawa ng origami crane. Maglakad-lakad. Maging ang pagpili lamang ng mas magandang kalidad ng aktibidad sa iyong telepono, tulad ng pagtawag sa isang kaibigan sa halip na manood ng walang-katapusang maiikling video, ay isang magandang paraan upang makapagsimula.
-
Humiling ng mga partikular na ideya sa Ama sa Langit. Iniisip mo ba na balewala sa Diyos ang ganitong kapayak na mithiin? Mag-isip kang muli. Nagmamalasakit Siya sa iyong mga matwid na mithiin. Lalo na dahil ang pagbabawas ng oras sa iyong paggamit ng telepono ay makatutulong sa iyo na madagdagan ang iyong kahandaang tumanggap ng mga espirituwal na ideya. Manalangin araw-araw para sa mga ideya upang malimitahan ang oras na ginugugol mo sa telepono at para sa lakas na masunod ang iyong mga plano. Mabibigyang-inspirasyon ka ng Espiritu Santo sa mga ideyang partikular na makatutulong sa iyo.
-
Mag-ulat sa isang tao. Anumang mga estratehiya ang piliin mo, ang regular na pag-uulat ng iyong progreso sa iyong asawa, kasama sa kuwarto, o kaibigan ay makatutulong sa iyo na sundin ang iyong plano. Maaari mo rin silang anyayahan na subukang pagbutihin ang sarili nilang mga gawi sa paggamit ng telepono kasama mo.
Huwag Sumuko
Kung masubukan mo ang alinman sa mga bagay na ito at malutas nito ang iyong mga problema sa paggamit ng telepono sa unang pagsubok, binabati kita! Gayundin, bahagian mo naman ako ng iyong pambihirang DNA. Ngunit kung ikaw ay magsikap, mabigo, bumaling sa Diyos, at muling mangakong gawin ito, panatag na malaman na natatanggap mo ang isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos: ang pagsisisi.
Ang labis na paggamit ng iyong telepono ay hindi kasalanan, ngunit maaari itong maging dahilan upang hindi mo magawa ang pinakamahalaga. Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.
“Sana huwag [katakutan] o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensiya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao.”
Kaya, magsisi! Subukang muli! Magsimula ngayon na baguhin ang iyong mga gawi sa paggamit ng telepono. Pagpapalain nito ang iyong buhay at bibigyan ka nito ng mas maraming oras upang pagpalain ang mga yaong nasa paligid mo.