Lalo na para sa mga Bagong Kasal
Pagbabalanse ng mga Pagkakaiba ng Kultura sa Pagsasama Naming Mag-asawa
Ang pagtutuon kay Cristo ay nakatutulong sa akin na malaman kung sino ako at kung ano ang maaari kong kahinatnan sa pagsasama naming mag-asawa.
Kami ng aking asawa ay lumaki sa magkaibang bansa. Magkaibang kontinente, sa katunayan.
Kaya, gaya ng hula mo, may ilang pagkakaibang dala ang bawat isa sa amin nang magsimula kaming magsama bilang mag-asawa: mga gawi, kilos, pananaw sa buhay. Kahit bukod pa sa mga pagkakaiba ng aming kultura, magkaiba kami sa maraming iba pang paraan. Bagama’t kung minsa’y mahirap ito, kapwa namin batid na kakaunti ang mga pagkakaibang iyon kumpara sa pagkakapareho namin: ang aming pagmamahal sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Habang nagpaplano kami ng aming kasal, pinag-usapan namin nang husto kung ano ang magiging takbo ng aming pagsasama bilang mag-asawa. Lumitaw na magkaiba ang mga inaasahan namin kung paano gagampanan ang aming mga tungkulin bilang mag-asawa—at kalaunan bilang mga magulang—at nagpahirap iyon sa akin nang husto.
Sabi sa Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo, “Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa.“
Maraming karagdagang paraan upang magampanan ang ating mga tungkulin bilang asawa batay sa ating mga personalidad at indibidwal na karanasan. Ngunit habang naghahanda sa pag-aasawa at paglikha ng sarili kong pamilya, kinailangan kong malaman kung anong klaseng tao ang kailangan ng Diyos na aking kahinatnan—at kahihinatnan—bilang isang asawa at bilang isang tao.
Sino Ako bilang Asawa?
Habang nagpaplano ng aming kasal, madalas kong isipin kung paano maiimpluwensiyahan ng magkaibang kultura at karanasan namin ng aking asawa ang aming pagsasama, kapwa sa ngayon at sa malayong hinaharap.
Ngunit habang patuloy akong nagninilay, isang mensahe sa pangkalahatang kumperensiya ang paulit-ulit na pumasok sa isipan ko: “Ang Kultura ni Cristo” ni Elder William K. Jackson ng Pitumpu. Sa mensaheng ito, inilalarawan niya kung paanong kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at nagsisikap tayong maging katulad Niya, lumilikha tayo ng kulturang katulad ng kay Cristo sa ating tahanan, sa ating mga kakilala, at saanman tayo naroon. Sabi niya, “Ang kultura ni Cristo ay nakatutulong sa atin na makita ang ating sarili sa kung sino talaga tayo, at kapag tiningnan ito sa pananaw na pangwalang-hanggan, na nilakipan ng kabutihan, paiigtingin nito ang kakayahan nating maisakatuparan ang dakilang plano ng kaligayahan.”
“Sino ako bilang asawa?” Tinatanong ko ang aking sarili bilang isang bagong kasal. Ngunit ang bagay na talagang kailangan kong itanong ay “Anong klaseng tao ang nais ng Ama sa Langit na kahinatnan ko?” Gusto kong sikaping iharap ang pinakamagandang bersiyon ng aking sarili, sa tulong ng Diyos, at lumikha ng isang pagsasama ng mag-asawa na nakatuon kay Jesucristo.
Para sa amin, kinailangan naming iangkop ang aming pagsasama batay sa mga pagkakaiba sa kultura at kung paano kami pinalaki. Nalaman din namin na ang mga sitwasyon ay maaaring magbago nang madalas, at kailangan naming iakma ang aming mga kilos sa bawat sitwasyon.
Pag-akma sa Isa’t Isa
Hindi lamang namin kinailangang umakma sa pabagu-bago naming sitwasyon—kinailangan din naming umakma sa isa’t isa. At umaakma pa rin kami! Habang patuloy na nagbabago ang aming buhay, gayon din kami.
Bilang isang taong malapit ang puso sa panahon ng kanyang kabataan at sa kanyang pamilya, nahirapan akong umakma sa mga tradisyon ng aking asawa noong una. At gayon din siya. Kung minsa’y mainit kaming nagtatalo kung sino ang mas “tama”—kung minsa’y pati sa mga bagay na tulad ng paraan ng paglilinis namin ng lababo sa kusina.
Gayunman, natanto ko kalaunan na ang pagiging tama ay halos hindi kailanman mas mahalaga kaysa pakikipagkasundo sa iyong asawa. Ang pagtatalo at mga pangit na damdaming naiwan pagkaraan ng isang pagtatalo ay hindi kailanman naging sulit na kapalit ng paggawa ng mga bagay-bagay sa aking paraan. Kinailangan kong umakma hindi lamang sa pamumuhay na kasama ang aking asawa kundi maging sa paglikha ng isang panibagong buhay—na kasama siya. Sinimulan naming pagsamahin ang aming mga kultura (ang aming mga nasyonalidad at kultura ng pamilya) upang makalikha ng sarili naming kultura.
Paano kami nakalikha ng kultura ng sarili naming pamilya na nakasentro sa Tagapagligtas? Paano pa rin kami lumilikha ng gayon?
Isinasakripisyo namin ang aming kayabangan. Naghahandog kami ng pag-unawa at pagdamay sa halip na sikaping “manalo” sa mga argumento. Inaalala namin kung ano ang aming mga priyoridad: mahalin at igalang ang isa’t isa sa paraang katulad ng kay Cristo, pinananatili ang Espiritu sa aming tahanan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagtatalo.
Pareho pa rin kaming natututo ng aking asawa araw-araw tungkol sa kung sino kami bilang indibidwal at bilang mag-asawa. Bagama’t ang aming iba’t ibang karanasan at kultura bago ikasal ay may saysay, ang pinakamahalagang kulturang makatutulong sa amin na maunawaan kung sino kami ay isang kulturang nakatuon kay Jesucristo.
Ang Kultura ni Cristo sa Pagsasama ng Mag-asawa
At ano ba talaga ang kultura ni Cristo? Sinabi ni Elder Jackson na “paiigtingin nito ang kakayahan nating maisakatuparan ang dakilang plano ng kaligayahan,” ngunit ano ang kahulugan niyon?
Para sa akin, ang kultura ni Cristo ay isang kultura ng proseso ng kahihinatnan natin. Ang ibig sabihin nito ay makita ang potensyal sa aking sarili at sa iba, lalo na sa pagsasama naming mag-asawa. Kailan lamang ako nag-asawa, ngunit sapat na ang tagal nito upang malaman ko na ang pag-aasawa ay isa sa pinakamaiinam na paraan na natulungan ako ng Ama sa Langit na maging mas mabuting tao at disipulo ni Cristo.
Anuman ang mga bagong sitwasyon at kalagayang natututuhan mong tuklasin sa inyong pagsasama, dapat mong malaman na kapag kumapit ka sa iyong mga tipan at naghandog ka sa iyong asawa ng pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapatawad, at suporta, matatagpuan mo si Cristo sa inyong relasyon.