2025
Pagpiling Magtuon sa Kabanalan sa Halip na sa Kaabalahan Ngayong Kapaskuhan
Disyembre 2025 Liahona


“Pagpiling Magtuon sa Kabanalan sa Halip na sa Kaabalahan Ngayong Kapaskuhan,” Liahona, Dis. 2025

Mula sa Lingguhang YA

Pagpiling Magtuon sa Kabanalan sa Halip na sa Kaabalahan Ngayong Kapaskuhan

Paano kung tumigil tayo sa pagsisikap na gawing perpekto ang Pasko at sa halip ay puspusin ito ng kabanalan?

paglalarawan sa isang babaeng nakararamdam ng kapayapaan sa harap ng Christmas tree

Paglalarawan ni Nicole Choi

Naiyak ka na ba dahil sa isang Christmas tree?

Naranasan ko na iyan. Isisi ito sa mga epekto ng pagbubuntis, pero tumulo ang mga luha ko nang ipaalam sa akin ng asawa ko na baka kailangang ibalik ang bago naming Christmas tree dahil sa mga ilaw na ayaw sumindi.

Nang ibalita niya iyon, ang tanging naisip ko ay ang daan-daang tao sa social media na maagang nagtayo ng kanilang mga Christmas tree, ayon sa iskedyul nila sa Pasko.

Ang kuwentong ito ay malamang na kakatwa sa iyo at gayon din naman sa akin. Pero gaano kadalas ba nating pinahihirapan ang ating sarili para makapantay sa iba, kahit wala tayong pinansyal, emosyonal, o pisikal na kakayahan?

Hindi nakapagtatakang madama ng marami sa atin ang labis na pagkapagod.

Ngunit sa halip na punuin ng di-makatotohanang mga inaasahan ang ating Kapaskuhan, maaari natin itong puspusin ng kabanalan.

Ang Gabing Banal

Marahil ay parang hindi perpekto ang unang Pasko.

Una sa lahat, tiyak na wala sa plano ni Maria na iluwal si Jesucristo sa isang kuwadra.

Hindi niya iniluwal si Jesus sa kanyang bayang sinilangan. Ni wala siya sa isang siksikang bahay-panuluyan. Sa halip, iniluwal niya ang kanyang sanggol sa isang kuwadra, na malamang na may mga baka o asno sa malapit.

Sabi ni Sister Bonnie H. Cordon, dating Young Women General President: “Sa pagsunod sa paanyaya ng anghel na ‘huwag matakot’ at [naghahanda] na ngayon sa pagsilang ni Jesus, nagawa [nina Maria at Jose na] kalimutan ang pag-asam sa komportableng matutuluyan at sa halip ay namalagi sa tahimik at abang kuwadra. Pero ang nadama nila na tila isang abang lugar ay hindi mananatiling gayon. Hindi magtatagal ay pupuspusin ng kabanalan ng Panginoon ang kahungkagang iyon.”

Maaaring naisip ni Maria na ang gabing ito ay hindi perpekto—lalo na para sa pagsilang ng gayon kahalagang sanggol. Ngunit isipin ang kabanalang malamang na pumuspos sa kuwadra at sa kanyang puso nang malugod niyang isilang ang Anak ng Diyos.

Binibigkas natin kung paano “isinilang [ni Maria] ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin, at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan” (Lucas 2:7).

Ang mga di-perpektong bahagi ng gabing iyon ay ginawang banal sa pamamagitan ng Banal na Sanggol.

Puspos ng Kabanalan

Kaya ano ang kinalaman nito sa kapaguran sa pagsisikap na maging perpekto ang Pasko na inaakala nating dapat nating maranasan?

Tulad nina Jose at Maria, maaari din nating kalimutan ang mga inaasahan na nagpapahirap sa atin at tulutan si Cristo na puspusin tayo ng Kanyang kabanalan.

Hindi masamang magdekorasyon para sa Pasko, magpalitan ng mga regalo, o magdaos ng mga holiday party. Pero kapag pinilit natin ang ating sarili na matugunan ang iniisip nating mga inaasahan para maging perpekto ang Pasko, nakakaligtaan natin ang pinakamahalaga.

Kapag inilagay mo ang bituin sa puno, naaalala mo ba ang bagong talang nagningning nang isilang si Cristo? Kapag nagsabit ka ng mga ilaw, naaalala mo ba ang Ilaw ng Sanlibutan? Kapag nagbalot ka ng mga regalo sa makintab na papel, naaalala mo ba na si Jesucristo ang pinakadakilang regalong ibinigay?

Inanyayahan tayo ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na maghatid ng higit na kabanalan sa ating buhay—at ang Kapaskuhan ang perpektong panahon para magsimula. Itinuro niya, “Ang kabanalan sa Panginoon ay tinatangkilik ang sagrado at mapitagan, ang pagiging pinakamalaya, pinakamaligaya, pinakatunay, pinakamainam na pagkatao habang sinusundan natin Siya nang may pananampalataya.”

Sa pagbibigay ng puwang para sa higit na kabanalan sa aking Kapaskuhan, naging malaya ako sa mga impluwensya ng panahon. Dahil dito, maaari ko nang ialay ang pinakamainam kong sarili kay Cristo ngayong Pasko at tunay na pagnilayan ang kabanalan at kapayapaang hatid Niya sa buhay ko.

Kaya oras na siguro para suriin ang iyong listahan ng mga gagawin at ilagay sa unahan ang kabanalan.

Hindi mo kailangan ang mga ternong damit, magagarang palamuti, o mga garland na gawang-kamay. Ayos lang kung hindi mo dalhin ang iyong kasintahan sa bahay para sa holiday, kung mapalampas mo ang ilang pagdiriwang dahil nag-aaral ka, o kung hindi mo pa nagawa ang plano mo sa buhay.

At ayos lang kung hindi gumagana nang wasto ang inyong Christmas tree.

Siya lamang ang kailangan mo.