2025
Pagbabahagi ng Liwanag ng Pagmamahal ni Cristo Ngayong Kapaskuhan at Pagkaraan Nito
Disyembre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Pagbabahagi ng Liwanag ng Pagmamahal ni Cristo Ngayong Pasko at Pagkaraan Nito

Ano ang naituro ng mga buhay na propeta at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa halimbawa ng pagmamahal at paglilingkod ni Jesucristo?

si Jesus na nagbibigay ng tubig sa isang kordero

Gentle Shepherd [Magiliw na Pastol], ni Yongsung Kim

Ang Kapaskuhan ay laging puno ng matatapang na pahayag tungkol sa impluwensiya ni Jesucristo sa mundo:

“Kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14).

“O Magsaya”

“Magandang balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10).

Ipinasa-pasa sa bawat henerasyon, ipinararating ng mga pariralang ito ang di-masukat na kapayapaan, kagalakan, at liwanag na ipinaabot ng Tagapagligtas.

Sa buong buhay Niya sa lupa, ipinakita sa atin ni Cristo kung paano ibahagi ang pagmamahal Niya sa iba. Itinuro sa atin na si Cristo ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan” (2 Nephi 26:24).

Sa paggunita natin sa kapanganakan ni Cristo, maaari nating hangaring maunawaan ang Kanyang pagmamahal para sa bawat isa sa mga anak ng Diyos at ipaabot sa iba ang pagmamahal ding iyon.

Nagsalita sa social media ang mga pinuno ng Simbahan tungkol sa Kanyang mga turo. Ang sumusunod na mga mensahe ay gumagabay sa atin na ibahagi sa iba ang pagmamahal ni Cristo sa Paskong ito at pagkaraan nito:

Tulungan ang “Isa”

“Bagama’t 99 sa kanyang kawan ay ligtas sa kanyang tabi, hinanap ng pastol ang 1 na nawala. …

“… Inaanyayahan ko kayo na mapanalanging pag-isipan: sino ang kilala ninyo na maaaring pinanghihinaan ng loob? Kanino kayo kailangang makipagbati o humingi ng tawad? May pangalan bang pumasok sa inyong isipan nitong huli, ngunit hindi ninyo alam kung bakit? Kapag inilapit ninyo ang mga tanong na ito sa Panginoon, bibigyan Niya kayo ng inspirasyon na malaman kung paano ninyo magagawang tulungan at pasiglahin ang isang taong nangangailangan ng tulong.

“… Sa pamamagitan ng bawat isa sa atin na naglilingkod sa isang tao na abot-kamay natin, maipalalaganap natin ang pagmamahal ni Jesucristo sa buong mundo.”

Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Hunyo 1, 2024, facebook.com/russell.m.nelson.

Magpatawad, Paghilumin ang mga Dating Sugat, Ipanumbalik ang mga Relasyon

“Ang mga hukbo ng langit ay nagpahayag ng mabuting kalooban sa lahat ng tao—sa kaswal na mga kaibigan at sa mga estranghero.

“Itinuro ng Tagapagligtas, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili’ (Mateo 22:39). Itinuro pa Niya na dapat nating mahalin ang ating mga kaaway, basbasan ang sumusumpa sa atin, gawan ng mabuti ang napopoot sa atin, at ipanalangin ang malupit na gumagamit sa atin at umuusig sa atin.

“Sa pagsisikap nating makamit ang mithiing ipinahayag sa mga turong iyon, ang Pasko ay dapat maging panahon upang magpatawad, isang panahon upang paghilumin ang mga dating sugat at ipanumbalik ang mga relasyong nasira.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, Facebook, Dis. 8, 2024, facebook.com/dallin.h.oaks.

Huwag Itong Gawing Napakakumplikado

“Ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa ating relasyon sa ating Ama sa Langit at sa isa’t isa ay tuwiran: Mahalin ang Diyos at paglingkuran Siya, pagkatapos ay mahalin ang ating kapwa at paglingkuran sila.

“Huwag itong gawing napakakumplikado. Tumanggap tayo ng responsibilidad na mahalin ang lahat ng anak ng Diyos at anyayahan ang lahat na pumarito at tingnan—na alamin ang iba pa tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. … Panatilihin itong simple. Tayo ay nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya.

Elder Dieter F. Uchtdorf, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Ene. 31, 2025, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Hayaan ang Dalisay na Pagmamahal ni Cristo na Maging Lunas sa Pagtatalo

“Naaalala ko ang isang kahanga-hangang tradisyon sa Pasko na naghalo ng isang sinaunang kaugalian sa Africa sa mga turong Kristiyano. Ang tradisyong ito ay nabuo sa ilang nayon sa West at Central Africa. …

“Sinabi sa akin ng isang lalaki mula sa isa sa mga nayong ito na sa kanyang munting nayon ay may tradisyon sa Pasko kung saan ang lahat ng may kaalitan na isa pang taganayon ay magkikita-kita sa umaga ng Bisperas ng Pasko kasama ang pinuno ng nayon. Ang pinuno ay makikinig at maghahangad na lutasin ang pagtatalo sa kasiyahan ng dalawang partido.

“Ang prosesong ito ng paglutas sa alitan ay magpapatuloy sa buong maghapon ngunit sa pagtatapos ng araw, walang taganayon na hindi nalutas ang pakikipag-alitan sa isa pang taganayon. Ang layunin ng tradisyon ay upang maging handa ang mga taganayon kinabukasan na ipagdiwang ang pagsilang ng Prinsipe ng Kapayapaan. …

“Marahil ang isang paraan na maigagalang natin ang Tagapagligtas sa Paskong ito ay sa paglimot sa mga sama ng loob, paghingi ng tawad, at pagpapatawad. Maaari nating hayaan ang dalisay na pagmamahal ni Cristo na maging lunas sa pagtatalo.”

Elder Dale G. Renlund, Korum ng Labindalawang Apostol, Facebook, Dis. 24, 2024, facebook.com/DaleGRenlund.

Maging mga Anghel sa Buhay ng Isa’t Isa

“Sa 2 Nephi 32:3 nalaman natin na ipinapahayag ng mga anghel ang mga salita ni Cristo: ‘Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.’

“Ang isang anghel ay sinumang nangungusap ng mga salita ni Cristo at naglilingkod sa paraan ng paglilingkod ni Cristo.

“Maaari tayong maging mga anghel sa buhay ng isa’t isa!

Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, Facebook, Dis. 9, 2024, facebook.com/Primary1stCounselor.

Mga Tala

  1. O Magsaya,” Mga Himno, blg. 121.