Lalo na para sa mga Bagong Kasal
Pagbibigay-Puwang para sa Personal na mga Kahinaan sa Pagsasama ng Mag-asawa
Ang mga kahinaan at hamon ay maaaring makatulong sa inyo ng iyong asawa na mas mapalapit sa Diyos.
Ang apat na taong pagsasama naming mag-asawa ay tiyak na hindi ako ginagawang eksperto tungkol sa pagsasama ng mag-asawa. Pero sa panahong iyon, nagkaroon na kami ng mga hamon, at bawat karanasan ay nagpatatag sa aming relasyon at nagpatindi sa aming pagmamahal para sa isa’t isa.
Ngunit bawat aral ay nagpaalala rin sa amin na hindi kami perpektong mga tao—pareho kaming mayroong sariling mga kahinaan—at ang walang-hanggang kasal ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap, sakripisyo, paglago, at pag-asa sa Tagapagligtas.
Para matulungan kayong mag-asawa na iwasan ang di-kinakailangang pagtatalo, narito ang mahahalagang aral na natutuhan ko tungkol sa pagbibigay-puwang para sa personal na mga kahinaan sa pagsasama ng mag-asawa.
Sadyang Pagsasabi ng “Pinapatawad Kita”
Sa unang bahagi ng aming pagsasama, madalas naming talakayin ng asawa ko ang mga ugaling dapat naming baguhin. Sa isang seryosong pag-uusap, humingi ako ng tawad na nasaktan ko ang damdamin niya at nangako akong babaguhin ko iyon. Ngunit nang sumagot siya ng “Pinapatawad kita,” nagulat ako.
Noon pa man ay sanay na akong makarinig ng “OK lang” matapos humingi ng tawad, pero hindi gumagaan ang konsiyensya ko sa ganoong mga salita. Iba ang naramdaman ko sa “Pinapatawad kita”; hindi ako nito pinalaya sa aking pananagutan. Nagkamali ako, at hindi iyon “OK.” Napilitan akong harapin ang mga ikinilos ko.
Simula noon, ang “Pinapatawad kita” ay naging malaking bahagi ng aming pagsasama. Sadya naming ginagamit iyon, para masundan ang mga pagbabagong kailangan naming gawin. Inilalaan namin ngayon ang pariralang ito para sa mga sandali na totoo ang sinasabi namin, na ipinapaalala sa isa’t isa ang epekto ng aming mga kilos at ang kahalagahan ng pagpapatawad.
Pagpayag na Panagutin ang Iyong Asawa
Kapag nakikita natin ang mga kapintasan sa ating asawa, madaling makagawian na subaybayan ang mga ito—tingnan, paalalahanan, o guluhin sila para matiyak na tama ang ginagawa nila. Maaaring nakakatukso ito sa mga aspetong tulad ng pananalapi, pagsisimba, o personal na mga pakikibaka.
Hindi ko natanto kung gaano ko ginagawa ito hanggang sa ipaliwanag ng isang kaibigan na ang laging pagtatanong sa aking asawa ay hindi bumuo ng tiwala. Pinipilit ko siyang managot sa akin sa halip na hayaan siyang magpakita ng integridad at pananagutan sa Diyos. Ang palagiang pagtatanong na ito ay isa sa aking mga kahinaan!
Sa paglipas ng panahon, natutuhan naming magtiwala sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagbibigay-puwang na magpasiyang mag-isa at paglapit sa isa’t isa kapag nagkamali kami o nangailangan ng tulong. Ipinapakita rin namin na mapagkakatiwalaan kami kapag gumagawa kami ng mga pagpapasiya na nakaayon sa pareho naming mga paniniwala at pinipiling managot sa isa’t isa at sa Ama sa Langit. Napalakas ng paraang ito ang tiwala namin sa isa’t isa. “Ang ating pagpili at kalayaan ay may kahulugan dahil tayo ay may pananagutan sa Diyos at sa ating sarili sa kung sino tayo, sa kung ano ang alam natin at ginagawa,” pagtuturo ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Pangakong Sikapin na Daigin ang Ating mga Kahinaan
Ang ilang kahinaan ay nakakaapekto sa emosyonal na intimasiya at tiwala, kaya mahalagang bigyan ng puwang ang mga ito habang sinisikap na daigin ang mga ito. Maaaring mahirap ang pag-uusap na ito, lalo na kung walang puwang ang ilang pag-uugali sa inyong pagsasama. Para sa aming mag-asawa, tinanggap namin ang ilang kahinaan basta’t tapat kami sa pangakong patuloy na magpapakabuti at magiging tapat.
Sa aklat ni Alma, pinatibay ni Kapitan Moroni ang mga lungsod ng mga Nephita para protektahan ang mga ito laban sa mga pagsalakay, at nagtayo ng mga pader na kahoy at lupa hanggang sa maging matitibay na muog ang mga iyon (tingnan sa Alma 53:4–5). Gayundin, maaaring mahirap tanggapin ang mga kamalian natin mismo o ng ating asawa, ngunit ang pagmamasid sa pagsisikap ng isa’t isa na magpakabuti ay nagpapalakas sa emosyonal na intimasiya. Ang pagsisikap na patibayin ang isa’t isa sa ating mga kahinaan ay naglalapit sa atin sa huli, at bumubuo ng walang-hanggang matibay na muog ng pagmamahal at suporta.
Ang Inyong mga Tipan sa Diyos ay Naghahatid ng Kapangyarihan
Nang mabuklod kayo sa templo, gumawa kayo ng mga pangako hindi lamang sa isa’t isa kundi maging sa Diyos. Tungkol sa pakikipagtipan na ito, ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati.”
Sa mga oras ng kahinaan, tandaan na sa pagtupad ng inyong mga tipan sa templo, may karapatan kayong tumanggap ng tulong ng Diyos sa inyong pagsasama. Sa kapangyarihan ng Diyos, matutulungan Niya kayong magpatawad, magtiwala, managot, magbigay-puwang sa mga kahinaan ng isa’t isa, at “[gawin] ang mahihinang bagay na maging malalakas” (Eter 12:27).