2025
5 Tip na Nakasentro sa Ebanghelyo para Tulungan Kang Magtagumpay sa Iyong Propesyon
Oktubre 2025 Liahona


Mga Kasanayan sa Buhay

5 Tip na Nakasentro sa Ebanghelyo para Tulungan Kang Magtagumpay sa Iyong Propesyon

Ang mga turo ni Cristo ay hindi lamang angkop sa inyong espirituwal na buhay.

isang paglalarawan sa dalawang tao sa isang interbyu sa trabaho

Noong bata pa akong ama, madalas akong humingi ng tulong sa panalangin na makahanap ng trabaho. Nahihiga ako sa gabi na nag-iisip kung paano ko babayaran ang mga bayarin. At bagama’t isang walang-hanggang pananaw ang nagturo sa akin na ang tagumpay sa buhay ay hindi nasusukat sa laki ng perang kinikita ko, gusto ko pa ring masuportahan ang aking pamilya at magkaroon ng magandang trabaho.

Bagama’t iniisip ko pa ang sarili kong landas tungo sa isang magandang trabaho, nagsikap na ako nang sapat noong nasa kolehiyo ako para malaman na hindi lamang sa personal na buhay ko angkop ang mga turo ni Cristo. Narito ang limang alituntunin ng ebanghelyo na nakatulong sa akin na umasenso sa trabaho.

1. Makipag-usap, Makipag-usap, Makipag-usap

Nababalisa ako sa mga personal na pakikipag-ugnayan, tawag sa telepono, o kahit mga email. Gayunman, naging malinaw na ang magandang komunikasyon ay napakahalaga sa isang kapaligiran sa trabaho. Kailangan mo ritong magsalita, magtanong, at, makipag-usap.

Mahalaga ring maging epektibo ang iyong komunikasyon. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “[Ang Ama sa Langit] ay nakikipag-ugnayan nang simple, tahimik, at napakalinaw kaya tiyak na maiintindihan natin Siya.” Natutuhan ko na ang tuwiran, magalang, at tapat na komunikasyon ang pinakamainam sa trabaho.

Huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa Ama sa Langit tungkol sa iyong propesyon sa pamamagitan ng panalangin. Ang Santiago 1:5 ay nag-aanyaya, “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos.” Pinagpala ako ng panalangin sa bawat aspeto ng buhay ko, pati na sa mga pagsisikap ko sa trabaho.

2. Masigasig na Magtrabaho (Kilala rin Bilang Magpakasipag)

Ang trabaho ay mahirap. Hindi ito magiging masaya palagi, at bihira na madali itong gawin. Maaaring ang hula mo ay wala sa listahan ng mga paborito kong trabaho ang paglilinis ng mga banyo (mawalang-galang na sa sinumang janitor na nagbabasa nito; mahal at kailangan namin kayo), pero lumilingon ako nang may pasasalamat na ginawa kong iyon—at hindi lamang dahil kumita ako ng kaunting pera.

Nangako ang Diyos sa mga Banal sa Nauvoo, “Kung kayo ay gagawa nang buo ninyong lakas, aking ilalaan ang pook na ito upang ito ay maging banal” (Doktrina at mga Tipan 124:44). Bagama’t tumutukoy ito sa pagtatayo ng templo, maaari din itong umangkop sa gawaing ginagawa natin sa ibang lugar.

Naniniwala ako na ang pinakamahahalagang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Ang pagmimisyon ay nangailangan ng malaking pagsisikap, pero labis akong nagpapasalamat sa karanasang iyon. Kailangan ng pagsisikap sa mga romantikong relasyon, ngunit maaaring magbigay ang mga ito ng malaking kagalakan. Ganoon din sa mga propesyon. Kung minsan kailangan mo lamang yumuko at gawin ang gawain.

3. Maging Matiyaga

Inilista ni Apostol Pablo ang pagtitiyaga, o mahabang pagtitiis, bilang isang katangian ng Espiritu (tingnan sa Galacia 5:22). Hindi pa ako nakapagtrabaho sa isang lugar nang hindi ako nakaranas ng kaunting kabiguan, sa pagharap man sa katrabahong mahirap pakisamahan, pagsusuri sa mga problema, o pagkaantala sa pagkakamit ng mga mithiin. Ang pagkatutong umakma sa mahihirap na sitwasyon, pagtitiwala na magiging maayos ang mga bagay-bagay, at pananatiling nakatuon sa pangmatagalang layunin ay naging mahalaga sa sarili kong karanasan sa trabaho.

4. Tumanggap ng Feedback

Mahirap matutong tumanggap ng feedback pero kailangan. Ang tumanggap ng isang pintas ay hindi nangangahulugan ng kabiguan; nangangahulugan lamang ito na may puwang pa para mapagbuti ang trabaho. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng mga tao na natututong gumawa at maging mas mabuti—isipin ang mga Israelita na nagpagala-gala sa ilang o si Nakababatang Alma. Dahil mahal sila ng Panginoon, kinastigo Niya sila at ang maraming iba pang dakilang kalalakihan at kababaihan.

Inilarawan ni Alma ang sakit na nadama niya tungkol sa kanyang mga kasalanan bilang “walang hanggang pagdurusa” (Alma 36:12). Subalit inilarawan niya ang kanyang pagsisisi, o pagbabago ng puso, at sinabing, “Walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan” (Alma 36:21).

Ilang taon akong nagtrabaho sa isang podcast writers’ room. Halos lahat ng araw ay may kinalaman sa paglalahad ng mga draft at pagtalakay kung paano mapapaganda ang mga iyon. Kung minsan, parang itinuturo ng mga tao ang lahat ng maling nagawa ko. Gayunman, sa paglipas ng panahon, napahalagahan ko ang feedback dahil masasabi kong nagawa ako nitong mas mahusay na manunulat at tao.

5. Magtakda ng mga Mithiin at Kamtin ang mga Ito

Huwag mag-alala kapag kailangan ng ilang panahon para mapagbuti ang trabaho. Iilang tao lang ang naging matagumpay sa magdamag. Inihayag ni Nephi na ang Panginoon ay nagtuturo nang “taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Itinuro ni Alma na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Ang paggawa at pagtatamo ng karapat-dapat na mga mithiin ay isang magandang paraan para umunlad nang paunti-unti. Ang maganda ay na hindi kailangang maging malaki ang mga mithiin para maging karapat-dapat na pagsikapan ang mga ito, kundi ang kailangan ay patuloy tayong magsikap. Itinuro ni Elder Michael A. Dunn ng Pitumpu, “Upang mapagsama-sama ang maliliit na pagpapabuti, kailangan ng tuluy-tuloy na pagsisikap.”

Madalas akong mag-alala tungkol sa pagkakaroon ng sapat na pag-unlad sa aking personal na buhay at trabaho. Ngunit kapag nililingon ko ang nakaraan, nakakakita ako ng malinaw na landas mula sa isang lugar patungo sa isa pa, kahit hindi ko ito nakikita noon.

Alam ko na gagabayan tayo ng Diyos sa ating gawain kapag nanampalataya tayo sa Kanya.