2025
Mga Susi sa Pagbuo ng mga Koneksyon na Tulad ng kay Cristo sa mga Relasyon
Oktubre 2025 Liahona


“Mga Susi sa Pagbuo ng mga Koneksyon na Tulad ni Cristo sa mga Relasyon,” Liahona, Okt. 2025.

Mula sa Lingguhang YA

Mga Susi sa Pagbuo ng mga Koneksyon na Tulad ni Cristo sa mga Relasyon

Kapag binuo natin ang ating mga relasyon kay Jesucristo, maaari tayong makaranas ng higit na pagkakaisa at kagalakan.

nililok na estatuwa ni Jesucristo

Ang isang bagay na gustung-gusto ko sa mga young adult ay yaong handa silang magtanong ng mahihirap na tanong.

Karaniwang itinatanong ng mga kaibigan kong ito na mga bata pa, “Paano ako bubuo ng mga relasyon na tunay at katulad ni Cristo?” Ang paghahanap at pagbuo ng tunay at malalim na mga koneksyon sa iba ay maaaring maging isang hamon para sa marami ngayon.

Ang pagnanais na magkaroon ng koneksyon sa kapwa ay isang likas na bahagi ng buhay sa mundo. Dinisenyo ng Ama sa Langit ang Kanyang plano para magtaguyod ng mga walang-hanggang koneksyon sa pagitan ng mga mag-asawa, mga magulang at anak, at mga magkakamag-anak (tingnan sa Malakias 4:6; 1 Corinto 11:11).

Ang kaaway ang pinakamatinding tagapaghiwalay. Dahil nakapagsagawa na ako ng maraming pagbubuklod para sa mga young adult at, ang nakalulungkot, nakita ko ring mabuwag ang pagsasama ng mga bata pang nabuklod na mag-asawa, nasaksihan ko ang sakit na maaaring idulot ng mga taktika ni Satanas.

Ang mga pangit na katotohanan na tulad ng pang-aabuso, pagtataksil, o pag-abandona ay maaaring maging sanhi ng pagkawasak ng pagsasama ng mga mag-asawa, ngunit napakaraming beses, ang kakulangan ng espirituwal at emosyonal na intimasiya ang nagwawakas o pumipigil na mabuo ang isang relasyon.

Pakiramdam ng ilang young adult ay nakahiwalay sila at malungkot dahil sa kakulangan ng tunay na koneksyon sa iba pang mga kaedad sa kanilang lugar. Maaari nilang maramdaman na wala silang mapagsasabihang sinuman tungkol sa kanilang mga paghihirap kaya isinusuko ang kanilang sarili sa kalungkutan. Ang malalalim na koneksyon sa Tagapagligtas at sa isa’t isa ay maaaring makatulong sa atin na mahanap ang suportang kailangan natin para gumaling mula sa pinakamalalalim nating paghihirap at magkaroon ng kasiya-siyang relasyon sa mga tao sa ating paligid.

Napakahalagang magkaroon ng emosyonal at espirituwal na intimasiya sa maraming relasyon, mula sa tunay na pagkakaibigan hanggang sa pangmatagalang pagsasama ng mag-asawa. Kadalasa’y kinaliligtaan o iniiwasan ang pagkakaroon nito dahil sa mga gambala, panghihina-ng-loob, o pangamba. Gayunman, kapag sinunod natin ang mga alituntunin ng tunay na koneksyon at binuo ang ating mga relasyon kay Jesucristo, maisasaayos natin ang ating sarili para sa higit na tagumpay, pagkakaisa, at kagalakan.

isang taong tumutulong sa isang batang lalaki na tumayo

Huwag Umasa sa Huwad na Koneksyon

Ang intimasiya ay nangyayari kapag nadarama ng mga tao na sila ay malalim at tunay na minamahal, nauunawaan, at konektado sa isa’t isa. Sa isang mundo na may napakaraming pag-unlad sa teknolohiya, tila mas konektado tayo kaysa rati. Gayunman, hindi natin nakikita na maaaring nakagagambala sa ating koneksyon sa iba ang mas maraming panahong ginugugol natin sa mga electronic device.

Nakikibaka ang maraming young adult sa paggamit ng pornograpiya na kapag hindi napigilan ay maaaring lumikha ng mga hadlang sa pagkakaroon ng tunay na intimasiya sa iba. Nagiging kasangkapan din ang artificial intelligence hindi lamang para sa impormasyon kundi para din sa mga gawa-gawang koneksyon. Nagkukunwari ang ilang young adult sa kanilang damdamin na kabilang sila sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang oras sa pagkukumpara sa kanilang sarili sa mga social media influencer o pagsunod sa mga uso ukol sa kagandahan at pamumuhay sa mundo. Ang ilan ay gumugugol ng labis-labis na oras sa mga aklat, video game, o telebisyon, na nag-aakalang konektado sila sa mga huwad na tao sa di-makatotohanang mga relasyon. Ang iba ay inihihiwalay lamang ang kanilang sarili at pinapalitan ng makamundong kaginhawahan ang tunay na intimasiya, at iniiwasang makipag-ugnayan sa mga tunay na tao hangga’t maaari.

Binalaan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga young adult tungkol sa mga panganib ng pamumuhay sa digital na mundo, na nagsasabing, “Ang hindi tunay na emosyonal na [intimasiya] ay maaaring pumalit sa [emosyonal na intimasiya sa totoong buhay]—ang mismong bagay na magkasamang nagbubuklod sa dalawang tao.”

Sa kasamaang-palad, pinagmumukhang mas kaakit-akit ng kaaway ang paghiwalay kaysa sa pagkonekta—mas madaling manatili sa mga dating gawi kaysa gumawa ng mga hakbang para magbago at bumuo ng mga relasyon. Alam niya na ang mahabagin at tunay na mga relasyon sa pagitan ng magkakaibigan, magpapamilya, mga lider, at mag-asawa ay magpapadama sa atin na mas konektado tayo sa isa’t isa at sa dalisay na pagmamahal ni Jesucristo.

Nagpatotoo si Elder David L. Buckner ng Pitumpu: “Mga kapatid, dapat tayong tumigil sa paghahanap ng mga dahilan upang magkawatak-watak at sa halip ay maghanap ng mga pagkakataong ‘maging isa’ [Doktrina at mga Tipan 38:27]. Pinagkalooban [tayo ng Tagapagligtas] ng mga natatanging kaloob at katangian na nag-aanyaya sa ating matuto sa isa’t isa at personal na umunlad. … Ang pagwatak-watakin at [lupigin] ay plano ng kaaway upang sirain ang pagkakaibigan, pamilya, at pananampalataya. Ang Tagapagligtas ang nagbubuklod.”

“Pag-isipan Ninyo ang Inyong mga Lakad”

Ang pinipili nating bigyan ng ating oras, lakas, o tuon ang magpapasiya sa gantimpalang aanihin natin.

Sa Lumang Tipan, itinuro ng propetang si Hagai, “Kayo’y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo’y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo’y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo’y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas” (Hagai 1:6).

Kapag naglaan tayo ng napakaraming oras sa anumang bagay na lumilikha ng huwad na koneksyon, tulad iyon ng pagkita ng sahod na inilagay sa isang supot na may mga butas. Wala kang makukuhang pakinabang dito. Wala itong ibubunga. Sinusubukan nating bumuo ng intimasiya sa isang bagay o isang tao na hindi umiiral, na lumilikha ng mga hadlang sa pagbuo ng tunay na koneksyon at intimasiya sa iba.

May potensyal na lunas na ibinigay ang Panginoon, hindi lamang minsan, kundi dalawang beses: “Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad” (Hagai 1:5, 7).

Magsimula sa maliliit na mithiin. Umalis ka sa computer, sa gaming system, sa cell phone, at gumugol ka ng oras araw-araw sa Salita! Itinuro ni Juan, “Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos” (Juan 1:1). Ituon ang inyong sarili kay Jesucristo. Siya ang Salita!

Bukod pa riyan, matapos payuhan ng Panginoon na “pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad,” inanyayahan Niya ang Kanyang mga tao na magtayo ng isang bahay ng Panginoon: “Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako’y luwalhatiin, sabi ng Panginoon” (Hagai 1:8).

Kung kailangan ninyo ng pagganyak na kumonekta sa Diyos at sa iba, humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Habang lumalago ang intimasiya at koneksyon ninyo sa Diyos, lalalim ang kakayahan ninyong makaranas ng pag-ibig sa kapwa-tao sa sarili ninyong buhay at sa inyong mga relasyon.

Kalimutan ang Pagmamataas at Magpakumbaba

Ang pagbuo ng emosyonal at espirituwal na intimasiya sa isang relasyon ay nangangailangan ng matapat na pag-uusap tungkol sa isang potensyal na mahirap na paksa: ang ating sarili.

Ang pagbabahagi ng ating mga pakikibaka, kahinaan, hangarin, interes, at damdamin ay nangangailangan ng pagiging sensitibo at lakas-ng-loob. Ngunit may isang pangunahing hadlang na pumipigil sa atin na pag-usapan nang husto ang ganitong klaseng mga isyu:

Pagmamalaki.

Ito ang pakiramdam na hindi natin maaaring ipakita ang tunay nating pagkatao dahil baka kung ano ang isipin ng iba. Mamahalin ba tayo o aayawan? Ang pagkukumpara sa iba ay maaaring umagaw sa ating kagalakan.

Ang pagiging sensitibo, maamo, at matapat ay humahantong sa mas malaking tiwala, paglalapit, at intimasiya sa mga relasyon. Ang pagbabahagi ng mga sensitibong emosyon ay maaaring magparamdam ng panganib, pero pinoprotektahan natin ang ating pagmamataas kapag hindi tayo nagbabahagi ng damdamin sa ating mga relasyon.

Kailangan nating magpakumbaba.

Paano tayo mag-aanyaya ng higit na pagpapakumbaba sa ating buhay?

Tumayo sa mga banal na lugar. Sumama sa mga banal na tao. Makibahagi sa mga banal na gawi.

Ang ilan sa pinakamamaganda at nag-uugnay na mga pakikipag-usap ko sa asawa kong si Amy ay sa celestial room ng templo. Mas handa akong maging emosyonal na malapit kapag nasa mga lugar ako kung saan maaaring manahanan ang Espiritu.

Ipinangako ito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo. Madarama ninyo ang Kanyang awa. Makikita ninyo roon ang mga sagot sa mga tanong ninyo na lubos na bumabalisa sa inyo. Mas mauunawaan ninyo ang kagalakan ng Kanyang ebanghelyo.”

Kung uunahin nating magpunta kung saan naaantig ng Espiritu ang ating puso, tulad ng templo, institute, o sacrament meeting, magsisimula tayong maghangad na maging mapagpakumbaba; magsisimula tayong maghangad na maging malapit sa Diyos at nagnanais na magkaroon ng mas malalim at nag-uugnay na mga pag-uusap.

Ipinapangako ko na palalakasin Niya kayo kapag tapat kayo sa mga taong idinedeyt ninyo nang seryoso tungkol sa mga nakaraang pakikibaka o mahihirap na gawi, paggamit ng pornograpiya o kahinaan sa pamamahala sa pananalapi, trauma o pang-aabuso. Aakayin Niya kayo sa sumusuportang mga kaibigan at mentor na maaari ninyong pagkatiwalaan ng inyong mga tanong tungkol sa ebanghelyo, mga problema sa kalusugang pangkaisipan, o damdamin ng kalungkutan.

Tulad ng itinuro ni Elder Joseph W. Sitati, emeritus General Authority Seventy, “Ipinakita Niya ang halimbawa na sa pagpapakumbaba, talagang posibleng kilalanin at mahalin ang Diyos Ama nang ating buong pagkatao at mahalin ang iba tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili, nang walang pagpipigil.”

mga batang babaeng nagtatawanan sa loob ng kotse

Maghanap ng Balanse at Pagiging Buo

Ang isang bagay na madalas kong makita sa mga young single adult ay ang pangamba na hindi sila makapag-asawa. Dahil dito, ang iba pa nilang mga mithiing espirituwal, intelektuwal, pisikal, at pakikisama ay hindi nabibigyan ng kahalagahan, at maraming nagmamadaling makipagrelasyon at mag-asawa nang hindi nag-uukol ng oras para tunay na makilala ang isang tao at magkaroon ng espirituwal at emosyonal na intimasiya sa kanila.

Naranasan na ba ninyong makipagdeyt dahil sa pangamba? Nauunawaan ko kung gaano nakakatakot ang hindi malaman ang hinaharap. Sa mga natatakot, ipinayo ni Santiago:

“Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo’y nahaharap sa sari-saring pagsubok;

“Yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

“At inyong hayaang malubos ng pagtitiis ang gawain nito, upang kayo’y maging sakdal at buo, na walang anumang kakulangan” (Joseph Smith Translation, James 1:2 [sa James 1:2, footnote a]; James 1:3–4).

Ang Griyegong salin ng salitang perpekto ay “buo” o “ganap.” Isipin kung paano nito binabago ang talata sa banal na kasulatan: Inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo ay maging sakdal at ganap.

Maaari nating hayaan ang anumang hindi natin makokontrol at hayaang gawin ng pagtitiis ang perpektong gawain nito.

Ang makasal sa templo at magkaroon ng pamilya ay mga mithiing kasiya-siya, pero dapat ding magkaroon kayo ng mga mithiin at plano na hindi nauugnay sa romantikong relasyon. Magiging mas banal ang isang relasyon kapag naghangad kayo ng iba pang mga mithiin sa buhay, lalo na kung kasama sa mga iyon ang pagtataguyod ng mas malalalim na koneksyon at isang kakayahan na magkaroon ng emosyonal na intimasiya sa mga kaibigan at kapamilya, sa Ama sa Langit, at kay Jesucristo.

Unahin ang Diyos

Itinuro ni Jesus sa mga banal na kasulatan, “Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Kung minsa’y minamaliit natin ang pangakong ito.

Kailangan muna nating hanapin ang Diyos. Kung hahanapin natin Siya, maaakit tayo sa iba na naghahanap din sa Kanya. Mahalaga ito sa pagkakaroon ng matibay at pangmatagalang pagkakaibigan at pagsasama ng mag-asawa.

Dapat manguna sa ating isipan ang mga espirituwal na bagay, dapat sambitin ng ating mga labi ang pangalan ng Tagapagligtas.

Pinatotohanan ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023): “Sa aking paglilingkod, natutuhan ko na ang pinakamahalaga ay ang ating mga ugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak, sa ating pamilya, at sa ating kapwa, at ang pagpayag sa Espiritu ng Panginoon na gabayan tayo sa mga ugnayang iyon upang mapatotohanan natin ang mga bagay na pinakamahalaga at pinaka-nagtatagal.”

Kailangan natin ang isa’t isa. At sa pamamagitan ng ating mga koneksyon, matutulungan natin ang isa’t isa na bumaling kay Jesucristo.

Ang ating koneksyon kay Jesucristo ang susi sa pagbabago ng ating mga gawi, ating mga ugali, at ating kahandaang kumonekta nang malalim sa mga tao sa ating paligid. Habang inuuna natin ang ating relasyon sa Kanya, maaari nating lubos na ipakita ang ating tunay na sarili at bumuo ng tunay na intimasiya at makabuluhang mga relasyon na nagbibigay sa ating buhay ng walang-hanggang kagalakan at pagmamahal.