Mula sa Lingguhang YA
Dapat ba Kayong Makipagdeyt Kahit May Problema Kayo sa Pornograpiya? 5 Bagay na Itatanong Muna sa Inyong Sarili
Bago tumuloy sa seryosong pakikipagdeyt, mag-ukol ng oras para sa tapat na pagmumuni-muni sa sarili.
Araw-araw, nakikinig tayo mula sa mga young adult na may problema sa paggamit ng pornograpiya. Nais nila ng makabuluhang mga ugnayan na maaaring humantong sa mga walang-hanggang kasal pero iniisip nila kung posible ba ito kapag patuloy na nagiging hamon ang pornograpiya.
Kung pakiramdam ninyo kung minsan ay hindi kayo nararapat mahalin o duda kayo sa kakayahan ninyo na maging kahanga-hangang kasama sa kawalang-hanggan, tinitiyak namin sa inyo: Posible iyan, kahit may problema kayo sa pornograpiya. Paano? Dahil sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ipinayo kamakailan ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga may problema sa pornograpiya: “Ang pinakainaasam ko para sa inyo na nahihirapan pa rin, na alam kong makakamtan ninyo, ay na matanggap ninyo ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos, ang buhay na walang hanggan. Maaabot ninyo ito. Plano Niyang iuwi kayo, hindi ang pagsaraduhan kayo ng pinto, at gagawin Niya ang lahat ng posibleng hakbang para maibalik kayo.”
Para matulungan kayong malaman kung handa kayo para sa isang relasyon na humahantong sa walang-hanggang kasal, narito ang limang bagay na dapat itanong sa inyong sarili:
1. Alam ba Ninyo ang Pinag-uugatan ng Paggamit Ninyo ng Pornograpiya?
Ang paggamit ng pornograpiya ay kadalasang mas kumplikado kaysa sa isang seksuwal na isyu—ang paulit-ulit na paggamit ay maaaring maging isang mekanismo para sa pagkainip, pagkabalisa, depresyon, o emosyonal na mga paghihirap. Tulad ng pag-scroll sa media o panonood ng TV nang hindi nag-iisip, ang pornograpiya ay nagsisilbi upang itago ang mas malalalim na sugat ng damdamin. Ang paghingi ng tulong sa inyong bishop, isang mental health professional, o mga support group (tulad ng 12-hakbang na mga miting sa paghilom mula sa adiksyon) ay makakatulong sa inyo na matukoy ang mga dahilan at magkaroon ng mas positibong mga estratehiya para mapaglabanan ito.
Tulad ng idinagdag ni Elder Kearon, “Ang tulong ay matatagpuan mula sa iba sa paligid ninyo, at ang tulong ay nagmumula sa itaas, at pareho nating kailangan ito.” Ang pagbaling sa espirituwal at praktikal na mga mapagkukunan ng suporta ay makakatulong sa inyo na magkaroon ng mas positibong mga gawi, makahanap ng support system na tutulong sa inyo na gumawa ng mas mabubuting pasiya, at maunawaan at matanggap ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na pagalingin ang mga sugat sa inyong kalooban.
2. Tapat ba Kayong Nagsisikap na Madaig ang Paggamit Ninyo ng Pornograpiya?
Alam natin na kinokondena ng Simbahan ang pornograpiya, at maraming young adult na may problema sa pornograpiya ang nag-iisip na sana’y hindi nila ginawa ito. Pag-isipan kung talagang gusto ninyong mabawasan ang dalas nito at palitan ang nakapipinsalang mga gawi ng mas positibong mga bagay. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang tunay na pagsisisi mula sa pornograpiya ay hindi lamang pagtigil sa paggamit nito. Kailangan sa gayong pagsisisi ang pagbabago ng puso sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”
Ang kahandaan ninyong makipagdeyt ay depende sa katapatan ninyo sa inyong sarili. Tulad ng itinuro ni Brother Bradley R. Wilcox, Unang Tagapayo sa Young Men General Presidency: “Ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian. Ang pagiging karapat-dapat ay pagiging matapat at masikap. Dapat tayong maging matapat sa Diyos, sa mga priesthood leader, at iba pang nagmamahal sa atin, at dapat tayong magsikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos at huwag sumuko dahil lamang sa tayo ay nagkamali.”
Huwag bumigay sa mga kasinungalingan ng kaaway na mas mabuting tumigil sa pagsisikap na daigin ang inyong mga gawi dahil napakahirap talikuran nito. Patuloy na humingi ng tulong sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang nagsisikap kayong magkaroon ng mas mabubuting gawi.
3. Itinuturing ba Ninyong Solusyon sa Problema ang Pag-aasawa?
Muli, ang pornograpiya ay hindi palaging isang seksuwal na isyu. Kaya hindi ninyo maaaring ipalagay na malulutas ng pag-aasawa at paglikha ng seksuwal na relasyon sa inyong asawa ang mga problema ninyo sa pornograpiya, lalo na kung hindi pa ninyo nalulutas ang mga pinag-uugatan nito.
At kung hindi pa ninyo nalulutas ang problemang ito sa isang kadeyt o asawa, maaaring tumindi ang mga tukso dahil sa paglilihim. Ang pagkausap sa inyong bishop at mga kwalipikadong mental health professional ay susi sa pagbibigay ng lunas sa inyong mga paghihirap.
4. Plano ba Ninyong Maging Lubos na Matapat sa Taong Idinedeyt Ninyo Ngayon at sa Hinaharap?
Nais ng kaaway na makadama kayo ng kahihiyan, takot, at panghihina-ng-loob tungkol sa mga problema ninyo sa pornograpiya. Ngunit ang katapatan at pananagutan ay ilan sa pinakamahahalagang bahagi ng anumang relasyon. Ang pagiging hindi tapat o pagtatago ng inyong mga paghihirap ay makapipinsala lamang sa inyong dalawa.
At kung hindi pa kayo handang managot o gumawa ng mga hakbang tungo sa paghilom, malamang na hindi pa kayo handa para sa isang seryosong relasyon. Ang nagtatagal na mga relasyon ay nakasalig sa kahinaan, tiwala, at pagiging tapat.
“Ang pagdaig sa nakapipinsalang mga pag-uugali, gawi, at adiksyon ay isang napakahirap na proseso, ngunit bawat hakbang ay isang hakbang tungo sa paggaling,” pagtuturo ni Elder Kearon. “Kapag nagtulungan ang mga mahal sa buhay sa isang positibo, mapagbigay ng suporta, at walang paninising paraan, ang landas tungo sa paghilom ay bumibilis para sa lahat.”
Ang sama-samang pagharap sa mga hamon—sa tulong ng Tagapagligtas—ay tutulong sa inyo na magkaroon ng di-matitinag na pundasyon sa relasyon ninyo sa isa’t isa at sa Kanya.
5. Naniniwala ba Kayo na Matutulungan Kayo ng Tagapagligtas na Magbago?
Hindi kayo nag-iisa sa inyong mga problema sa pornograpiya. Maraming young adult ang nagsisikap na madaig ang paggamit ng pornograpiya. Kapag patuloy ninyong binabalikan ang isang bagay na hindi ninyo maitigil, maaaring madaling isipin na pagod na sa inyo ang Ama sa Langit gaya ng pagkapagod ninyo sa inyong sarili.
Gayunman, tiniyak sa atin ni Elder Kearon: “Kung nag-aalala kayo na baka hindi kayo maging karapat-dapat kahit kailan, o na ang mapagmahal na yakap ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo ay maawaing sasakupin ang lahat ng tao maliban sa inyo, nagkakamali kayo. Ang kahulugan ng walang hanggan ay walang katapusan. Ang walang hanggan ay sumasakop sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay.
Huwag mawalan ng pananampalataya na matutulungan kayo ng Tagapagligtas na magbago sa pamamagitan ng pagsisisi, pag-uukol ng panahon, tiyaga, katapatan, at pagkahabag sa sarili.
Bumaling sa Ama sa Langit sa panalangin habang nakikipagdeyt kayo. Sa Tagapagligtas, maaari kayong magkaroon ng tiwala at pag-asa sa kakayahan ninyong makabuo ng walang-hanggan at magandang relasyon at walang-hanggang kasal.
Mahal namin kayo. Ipinagdarasal namin kayo. Tandaan na makakagawa ng mga himala ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa ating buhay. Patuloy na magsikap at umasa, mga kaibigan. Kaya ninyong gawin ito.