Pag-aangkop ng Doktrina at mga Tipan sa Inyong Buhay
Ang Pagdamay ay Makakatulong na Masagot ang Iyong Mahihirap na Tanong
Ang pagtingin sa iba na tulad ng pagtingin ni Cristo sa kanila ay makakatulong sa atin na makadama ng kapayapaan kapag mayroon tayong mahihirap na tanong tungkol sa kasaysayan o doktrina ng Simbahan.
Kung nagsikap ka nang bumuo ng isang rocket engine habang isinusulat pa ang tagubilin kung paano ito bubuuin, baka sakaling maunawaan mo kung ano ang naging pakiramdam ng mga unang miyembro ng Simbahan nang hangarin nilang itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.
Para sa mga taong katulad ko na kung minsa’y may taos-pusong mga tanong tungkol sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan, hinihikayat kitang unawain sila na tulad ng gagawin mo sa isang mabuting kaibigan: may hangaring tunay na maunawaan kung sino ang mga taong iyon at kung bakit nila ginawa ang kanilang ginawa. Sa madaling salita, magsimula sa pagdamay.
Ang Konteksto ay Maaaring Maghikayat ng Pag-unawa
Si Thomas B. Marsh ay isa sa pinakaunang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan, ngunit ni wala pang limang taon mula nang siya ay nabinyagan, at ngayo’y Pangulo na siya ng Korum ng Labindalawang Apostol. Natututuhan niya kung paano sundin ang mga utos ng Diyos, at hindi pa naihayag ng Diyos ang lahat ng detalye ng kanyang mga responsibilidad.
Naiintindihan ko na maaaring inakala niya, bilang pangulo, na siya ang magpapasiya kung ano ang dapat iatas sa iba pang mga Apostol. Kaya nang tawagin ni Joseph Smith ang dalawa sa mga Apostol upang ipangaral ang ebanghelyo sa England, nagalit si Pangulong Marsh na hindi siya nakonsulta sa desisyon.
Nang una kong malaman ito, nagulat ako. Isang Apostol, na tinawag ng Diyos, ang nagalit sa propeta?
Karamihan sa pagkalantad ko sa mga propeta at apostol ngayon ay sa mga opisyal na brodkast, kaya mas mahirap para sa akin na maalala na mga tao sila talaga—mga taong tinawag ng Diyos na mamuno at maglingkod, pero mga tao pa rin.
Tinakbuhan ni Jonas ang kanyang tungkulin (tingnan sa Jonas 1). Ikinalungkot ni Nephi ang kanyang mga kahinaan, tinawag ang kanyang sarili na “kahabag-habag,” at sinabi na may mga tukso at kasalanan na “madaling bumibihag sa [kanya]” (2 Nephi 4:17–18).
At mga halimbawa lamang ang mga ito mula sa kasaysayan noong unang panahon. Kamakailan lamang, nalaman natin na pinayagan ni Joseph Smith si Martin na kunin ang 116 na pahinang nawala kalaunan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 3).
Kaya paano natin magagamit ang mga kuwentong ito para makita natin nang may tamang impormasyon ang mga kilos na ginawa noon at ginagawa ngayon?
Naniniwala ako na maaari tayong magsimula sa gayon ding paraan na ginagawa ng Panginoon noong kausapin Niya ang Kanyang lingkod na si Thomas B. Marsh bilang tugon sa galit ni Thomas: “Aking narinig ang iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:1; idinagdag ang diin).
Sa madaling salita, maaari tayong magsimula sa pakikinig.
Ang Pagdamay ay Nagsisimula sa Pakikinig
Walang sinumang higit na nakauunawa sa pagdamay kaysa sa Tagapagligtas. Naranasan Niya ang pagdurusa ng lahat (tingnan sa Alma 7:11–12). Kung may sinumang makapagtuturo sa atin kung paano higit na mauunawaan ang iba at makikinig nang may pagdamay, Siya iyon.
Patuloy na nangusap ang Panginoon kay Thomas sa pamamagitan ni Joseph Smith, sinasabing, “Batid ko ang iyong puso, at narinig ko ang iyong mga panalangin hinggil sa iyong mga kapatid” (Doktrina at mga Tipan 112:11). Bagama’t patuloy na pinarusahan ng Panginoon si Thomas, sa palagay ko ay mahalaga na ipinaalam niya kay Thomas na narinig Niya ang mga dalangin nito.
Sa talata ring iyon, ipinayo ng Panginoon, “Huwag kumiling sa kanila sa pagmamahal nang higit sa marami pang iba, bagkus mahalin sila tulad ng sa iyong sarili; at ang iyong pag-ibig ay pasaganahin sa lahat ng tao, at sa lahat ng nagmamahal sa aking pangalan.”
Ang isang dahilan kaya lubos tayong nauunawaan ng Tagapagligtas ay dahil lubos Niya tayong minamahal. Kung nais nating tunay na maunawaan ang nangyari sa kasaysayan ng Simbahan, ang pagmamahal natin sa iba ay tutulong sa atin na tunay na makinig.
Sinisira ng Pagmamalaki ang Koneksyon
Napakalaki ng kalamangan natin kapag nagbalik-tanaw tayo sa kasaysayan dahil nakikita natin ang kuwento mula simula hanggang wakas; makikita natin ang mga ibinunga nito na maaaring nangailangan ng ilang buwan, taon, o maging ng mga dekada bago lumabas.
Dahil diyan madaling husgahan ang ginawa ng isang tao at sabihing, “Hindi ganoon ang gagawin ko.”
Dahil hindi natin alam ang ilan sa mga detalye ng kasaysayan, may ilang konteksto na maaaring hindi natin lubos na maunawaan, kaya hindi natin lubos na mahuhusgahan ang nangyari.
Hindi ko sinasabi na dapat nating bigyang-katwiran o ipaliwanag ang lahat ng hindi natin nauunawaan. Mahalaga ang mga tanong dahil tinutulungan tayo ng mga ito na palawakin ang ating pang-unawa. Ngunit habang naghahanap ng mga sagot sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin, mahalagang isaalang-alang ang utos ng Panginoon kay Thomas na “huwag dakilain ang iyong sarili” (Doktrina at mga Tipan 112:15). Sa palagay ko maaaring ang isang pahayag na katulad niyon ay “Huwag ipalagay na mas mahusay ka kaysa sa iba.”
Magandang payo ito sa maraming sitwasyon (tulad ng mga relasyon), at magandang payo ito kapag sinusuri ang mga nangyari sa kasaysayan. Hindi ko maaaring ipalagay na, kung ako si Thomas B. Marsh, Joseph Smith, o sinuman, mas maganda ang gagawin ko. Maaaring hindi ko iyon nagawa sa kanilang paraan, ngunit malamang na katulad noon o iba ang mga pagkakamaling nagawa ko.
Magtiwala sa Panginoon
Anuman ang mga alalahanin mo, ang paghahanap ng mga sagot na naghahatid ng kapayapaan ay nagsisimula sa tunay na hangaring sundin ang kalooban ng Diyos at magtiwala sa Kanyang walang-hanggang pananaw. “Maging mapagpakumbaba ka,” inihayag ng Panginoon kay Thomas, “at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10).
Nag-apostasiya si Thomas B. Marsh sa Simbahan nang ilang panahon ngunit kalaunan ay bumalik at tinanggap. Tulad ng nasabi na sa kanya ng Panginoon ilang taon na ang nakararaan, “sapagkat ibinaba mo ang iyong sarili, ikaw ay itataas; kaya nga, ang lahat ng iyong mga kasalanan ay pinatatawad na” (Doktrina at mga Tipan 112:3).
Nawa’y ipaunawa natin sa isa’t isa ang gayon ding pang-unawa na ipinaaabot ni Cristo sa atin.