2025
Paglikha ng Kapatiran at Paglinang ng Makabuluhang mga Koneksyon sa Elders Quorum
Oktubre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Paglikha ng Kapatiran at Paglinang ng Makabuluhang mga Koneksyon sa Elders Quorum

Ang pagiging proactive sa elders quorum ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng nakasisiglang mga karanasang hinahangad mo.

kalalakihan sa elders quorum na nakangiti at sama-samang nagtatawanan

Nauupo ka ba sa elders quorum at nadarama mo na … malayo ang damdamin mo sa iba?

Maaaring hindi ganito ang sitwasyon ng lahat, pero kung nahihirapan kang kumonekta sa inyong korum, maaaring magpalungkot talaga ito sa mga karanasan mo sa simbahan.

Ano ang magagawa mo kapag ang karanasan ay hindi tulad ng inasahan mo? Narito ang tatlong payo na tutulong sa iyo na madama ang kapatiran sa elders quorum.

1. Makipag-ugnayan Kahit Hindi Linggo

Kapag nag-scroll ka sa iyong cell phone at ayaw mong makipagtinginan sa elders quorum, subukan ang isang bagay na naiiba. Sa halip, paano kung gamitin mo ang oras bago at pagkatapos ng mga lesson para kilalanin ang mga nasa paligid mo? Maaari mo pa ngang anyayahan din ang mga tao na magkita-kita kayo sa labas ng simbahan.

Kung gagawa ka ng sarili mong natatanging mga oportunidad na makipagkita sa iba pang mga kapatid na lalaki sa labas ng simbahan, magsisimula kang magkaroon ng mas maraming kaibigan, at susundan ng iba ang iyong halimbawa!

“Dapat tayong tumigil sa paghahanap ng mga dahilan upang magkawatak-watak at sa halip ay maghanap ng mga pagkakataong ‘maging isa’ [Doktrina at mga Tipan 38:27],” pagtuturo ni Elder David L. Buckner ng Pitumpu. “Ang pagwatak-watakin at paglupig ay plano ng kaaway upang sirain ang pagkakaibigan, pamilya, at pananampalataya. Ang Tagapagligtas ang nagbubuklod.”

Kilalanin ang isa’t isa at mag-ukol ng oras sa mga tao sa labas ng simbahan sa pamamagitan ng paglahok sa parehong mga libangan, paglikha ng isang group game night minsan sa isang buwan, o sama-samang pagdalo sa templo. Ang mga bagay na ito ay tutulong sa inyong korum na maging isa.

2. Mag-minister o maglingkod sa Lahat—Lalo na sa mga Taong Naka-assign sa Iyo

Kung hindi mo alam kung saan magsisimula, isiping maglingkod. Ang paglilingkod ay nagbibigay sa atin ng perpektong oportunidad na tumulong at makipag-ugnayan sa elders quorum. At hindi natin kailangang limitahan ang ating sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na kailangan nating maglingkod sa isang partikular na paraan, sa isang partikular na oras, o sa ilang tao lamang.

Itinuro ni Elder Juan Pablo Villar ng Pitumpu: “Mayroon tayong mga kapatid na naiwang sugatan sa gilid ng [landas] ng buhay. Maaari silang maging sinuman—mga kaibigan, kapamilya, kapitbahay, miyembro ng komunidad, at maging ang mga nakaupo sa chapel na kasama natin tuwing Linggo. … Hindi natin makikita ang mga sugat ng karamihan sa mga tao. Marami ang tahimik na nagdurusa at hindi humihingi ng tulong. Ang tanging paraan para makatiyak sa ating pamamaraan ay ang tumugon sa iba nang may pagmamahal at habag na ipinakita ng Samaritano. Ang ibig sabihin ng maglingkod na tulad ni Cristo ay magpakita ng habag sa lahat.”

Ang ministering o paglilingkod ay isang pamamaraang itinalaga ng Diyos para sa pagsuporta sa isa’t isa sa espirituwal at temporal na paraan. Kailangang paglingkuran ang lahat, at pagmamahal at habag ang paraan para makapagsimula.

3. Gawing Makabuluhan ang Oras na Magkakasama Kayo tuwing Linggo

Malaki ang nagagawa ng pagkikita-kita. Sabi nga ng Panginoon, “Kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila” (Mateo 18:20). Introvert ka man o extrovert, gawing makabuluhan ang mga pakikipag-ugnayan mo sa korum sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga karanasan, pagsuporta sa iba, at pakikibahagi sa mga talakayan para patatagin ang pananampalataya kay Jesucristo.

Ang isang ideya ay simulan ang mga elders quorum meeting sa pamamagitan ng paglalaan ng oras at pagtutulot sa mga miyembro na magkuwento tungkol sa buong linggo nila at kung ano ang pinagdaraanan nila. Ang pakikipag-ugnayan na tulad nito ay makakatulong sa inyong korum na makahanap ng suporta ng iba sa kanilang mga hamon sa mga bagay na tulad ng paggamit ng pornograpiya at mga problema sa kalusugang pangkaisipan, na bumubuti sa pamamagitan ng pagiging bukas, pagkonekta, at pagiging tapat. Maaari ka ring mabigyang-inspirasyon ng pananampalataya ng bawat isa kapag ikinuwento ninyo kung paano ninyo nakita ang tulong ng Tagapagligtas sa buhay ninyo mula noong huli kayong magkita-kita.

Maaari ka ring sadyang magsikap na makibahagi sa lesson at magkomento. Ikuwento ang iyong mga karanasan at makinig sa iba habang ikinukuwento nila ang sa kanila. Anyayahan ang isang taong hindi mo gaanong kilala na tabihan ka sa upuan. Maaari mo pa nga sigurong hikayatin ang iyong guro na hatiin sa mas maliliit na grupo ang korum para magkaroon ng mas malalalim na talakayan. Magboluntaryong tumulong sa pagpaplano ng mga espesyal na aktibidad sa elders quorum pagkatapos ng mga miting tuwing Linggo na nagtutulot sa inyo na magkaroon ng diwa ng pagkakaisa.

Tandaan na maaari kang sumangguni palagi sa inyong elders quorum presidency tungkol sa paglilinang ng makabuluhang mga espirituwal na karanasan sa oras ng klase. Ngunit higit sa lahat, sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Nakipagkaibigan Siya sa mga panatiko at mangingisda, naglingkod sa mga senturion at ketongin, at pinagkaisa ang lahat ng Kanyang mga disipulo sa kabila ng mga pagkakaiba-iba nila.

Sa matwid na hangarin at tulong mula sa Ama sa Langit, matutulungan mo ang inyong elders quorum na maging katulad ng nilayon ng Tagapagligtas na kahinatnan nito.