Mula sa Lingguhang YA
3 Mabibisang Gawi na Tumutulong sa Akin na Ipamuhay ang Batas ng Kalinisang-Puri
Ang awtor ay naninirahan sa Formosa, Brazil.
Tila imposibleng maging malinis ang puri. Ngunit tinulungan ako ni Jesucristo na mamuhay sa ganitong paraan nang lubusan.
Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay hindi palaging madali para sa akin.
Nang sumapi ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa edad na 15, isa ako sa iilang miyembro sa aming paaralan, kaya kadalasa’y mali ang pagkaunawa ng iba sa mga pamantayan ko sa pakikipagdeyt at pinagtawanan nila ito.
Isa sa pinakamalalaking hamon ko ay ang itugma ang aking seksuwal na oryentasyon sa batas ng kalinisang-puri. Bisexual ako, at nang mabinyagan ako, nahirapan akong unawain kung paano ko masusunod ang batas na ito, lalo na nang karamihan sa mga kaibigan ko ay hindi naging interesado na ipamuhay ito na kasama ko.
Habang tumatanda ako, nakakita ako ng tatlong mabibisang bagay na tumutulong sa akin na tuparin ang aking mga tipan:
1. Unahin ang Templo
Ang pagdalo sa templo ay tumutulong sa akin na manatiling tapat sa batas ng kalinisang-puri. Sinisikap kong pumunta sa templo nang madalas hangga’t maaari. Isang linggong puno ng hamon, pumasok ako sa silid-selestiyal na nabibigatan sa mga pagkakamaling nagawa ko. Nang makita ko ang sarili ko sa salamin, nakadama ako ng kapayapaan at naalala ko kung gaano ako kamahal ng Tagapagligtas.
Ipinapaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos.”
Tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson, kapag inuuna ko ang templo, naaalala ko ang mga sagradong tipan na ginawa ko sa aking Ama sa Langit. Ang pagpunta sa bahay ng Panginoon ay nagpapalakas sa aking pasiya na sundin ang Kanyang mga utos at tinutulungan akong madama ang Kanyang pagmamahal.
2. Pakikibahagi sa Simbahan
Nang una akong magsimba, madalas akong magsimbang mag-isa, dahil ako lamang ang miyembro sa aking pamilya. Paminsan-minsan, nahirapan akong madama na kabilang ako, na lalo lang nagparami ng mga tukso na kumonekta sa mga maling lugar. Natanto ko na ang isang paraan para malabanan ko ito ay sa mas malalim na pakikibahagi sa aking kongregasyon. Tulad ng itinuturo sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 58:27, dapat tayong maging “sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban.”
Nagsimula ako sa kusang pagtulong sa paglilinis ng chapel. Sinimulan kong dumalo sa lahat ng aktibidad ng ward at nag-alok na tumulong saanman maaari. Unti-unti, nagkaroon ako ng mas malalalim na koneksyon sa mga miyembro ng aking ward. Sinimulan akong anyayahan ng isang pamilya sa kanilang mga home evening, hapunan tuwing Linggo, at kahit sumama lang at maglaro ng mga game. Naging mabubuting kaibigan nila ang pamilya ko, at isang magandang karanasan ito para sa aming lahat.
Sa lubos na pakikibahagi ko sa aking ward, nakahanap ako ng mga oportunidad na kumonekta sa iba na kapareho ko ang mga pinahahalagahan at pamantayan, kabilang na ang batas ng kalinisang-puri. Ang ward family ko ay naging malaking suporta sa pagtulong sa akin na manatiling tapat at matatag.
3. Pagpayag na Magsisi
Ang pagsisisi ay hindi isang bagay na dapat katakutan—ito ay isang pagpapala, isang kaloob mula sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Tuwing pinagninilayan ko ang ginawa ni Jesucristo para sa akin, napupuspos ako ng pasasalamat. Ipinapaalala ko sa aking sarili na sakop ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng aking kahinaan, pagkakamali, at kasalanan at na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23).
Itinuro ni Sister Kristin M. Yee, Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Kung nahihirapan kayo sa isang sitwasyon na sa inyong palagay ay [napagtagumpayan na ninyo dapat], huwag sumuko. Maging mapagpasensya sa inyong sarili, tuparin ang inyong mga tipan, madalas na magsisi, humingi ng tulong sa inyong mga lider kung kinakailangan, at malimit na pumunta sa bahay ng Panginoon hangga’t kaya ninyo. … Hindi Niya tatalikuran ang Kanyang kaugnayan sa inyo sa pamamagitan ng tipan.”
Huwag matakot na kausapin ang inyong bishop o mga lider ng priesthood tungkol sa anumang nagpapabigat sa inyong puso, lalo na tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Nais nila kayong tulungang magsisi at makahanap ng paggaling sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. At huwag kalimutan ang kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi. Bagama’t kailangan ng lakas-ng-loob, lagi itong sulit. Nadama ko nang matindi ang Espiritu sa buhay ko at naalala ko ang pagmamahal ni Cristo para sa akin tuwing magsisisi ako.
Ang Pagsunod sa Batas ng Kalinisang-Puri ay Isang Patuloy na Proseso
Tandaan na ang pagtupad sa ating mga tipan, pati na ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, ay isang patuloy na proseso na nararanasan natin sa buong buhay natin at hindi isang checklist. Kahit isama ninyo ang tatlong mabibisang gawing ito, ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay isang palagiang pagsisikap.
Nahaharap man tayo sa mga hamon sa mga tukso o pakiramdam natin ay nagkukulang tayo, mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Ang batas ng kalinisang-puri ay isang banal na batas, at ang pagsunod dito ay naghahatid ng kapayapaan, kagalakan, at espirituwal na lakas. Alam ko na sa pamamagitan ni Jesucristo, matatagpuan natin ang paggaling, kapanatagan, at pagmamahal na kailangan natin.
Pinatototohanan ko na anuman ang inyong sitwasyon, talagang sulit ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri!