2025
Mahalagang Payo para sa Paghahanap sa Tamang Taong Pakakasalan
Oktubre 2025 Liahona


Tampok na Debosyonal

Mahalagang Payo para sa Paghahanap sa Tamang Taong Pakakasalan

May limang salitang nais kong alalahanin ninyo: lubos na katapatan, di-makasariling pagpapakumbaba.

isang mag-asawang magkasamang kumakain at nagtatawanan

May malalaking pribilehiyo, posibilidad, at oportunidad sa napakagandang panahong ito ng buhay.

Gusto kong magbahagi ng ilang ideya sa inyo na mga wala pang asawa ngunit nasa nakatutuwa, kapana-panabik, kamangha-mangha, at kung minsa’y nakakatakot at nakakakabang proseso ng paghahanap sa tao na makakasama ninyo sa huli sa natitira pa ninyong buhay sa mundo at sa buong kawalang-hanggan. Ito ay maaaring isang napakasagrado at lubhang nakasisiyang karanasan sa inyong buhay.

Maging Matapang

Ang unang payo ko sa inyo ay maging matapang. Pilitin ang inyong sarili na magkaroon ng matatalik na kaibigan. Hindi mo kailangang isipin na bawat pagkakaibigan ay kailangang humantong sa pag-iibigan, ngunit maraming matutuklasan sa matalik na pakikipag-ugnayan.

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang punang ito: “Pinapayuhan namin kayo na ituon ang inyong mga pakikisalamuha sa ibang kasarian sa mga pakikipagdeyt na may potensyal na mauwi sa kasalan.”

Idinagdag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) kalaunan: “Kapag nagdeyt kayo, alamin ang lahat ng kaya ninyong alamin tungkol sa isa’t isa. Kilalanin ang pamilya ng isa’t isa hangga’t maaari. Magkatugma ba ang inyong mga mithiin? Pareho ba ang damdamin ninyo tungkol sa mga kautusan, sa Tagapagligtas, sa priesthood, sa templo, sa pagiging magulang, sa mga calling sa Simbahan, at sa paglilingkod sa iba? Namasdan na ba ninyo ang isa’t isa kapag may problema, tumutugon sa tagumpay at kabiguan, nilalabanan ang galit, at hinaharap ang mga dagok sa buhay? Sinisiraan ba ng kadeyt ninyo ang iba o pinupuri sila? Ang kanya bang ugali, pananalita, at kilos ay kaya ninyong pakibagayan araw-araw?”

Sundin ang mga Batas ng Kadalisayan, Disiplina, at Kalinisang-Puri

Kapag hangad ninyong mauwi sa pag-iibigan ang inyong pagkakaibigan, napakahalagang sundin ang mga batas ng kadalisayan, disiplina, at kalinisang-puri.

Alam ninyo na mayroon kayong malakas na pisikal na damdamin at mga silakbo ng damdamin na kailangang kontrolin at maingat na pamahalaan para maiwasan ang sobrang halikan o anumang uri ng di-angkop na paghipo.

Tinitiyak ko sa inyo bilang isang Apostol ng Panginoon na ang pagbibigay-katwiran sa inyong sarili dahil pakiramdam ninyo ay mahal na mahal ninyo ang isa’t isa at ang di-angkop na pagkilos na halos lumabag sa batas ng kalinisang-puri ay hindi makakatulong sa inyo sa napakahalagang espirituwal na pagpili na inaasam ninyong gawin. Lalabo ang inyong isipan, puso, at espirituwal na mga pakiwari.

Itakda ang inyong mga limitasyon. Itimo nang malalim ang mga limitasyong iyon sa lahat ng inyong ginagawa nang magkasama upang hindi ninyo malampasan o maisantabi ang mga iyon kapag tumindi ang inyong damdamin para sa isa’t isa.

Magbakasakali

Pagkatapos, huwag matakot na magbakasakali sa isang tao na maaaring hindi tamang piliin. Nang magsimula kami ni Kathy na kilalanin ang isa’t isa, para sa akin ay hindi lamang siya isang taong napakatindi ng pananampalataya at katalinuhan, kundi isa rin siyang prinsesa sa Florida. Magagandang damit ang isinusuot niya at may pagkasopistikada. Isa akong tagabukid. Nagmula ako sa isang maliit na dairy farm.

Kaya nagbakasakali sa akin si Kathy. Sigurado ako na naiiba ang pinagmulan ko sa inakala niyang magiging potensyal niyang asawa. Hindi kailangang mga tao lamang na kapareho natin ang pinagmulan ang ating makilala. Tumitingin tayo nang mas malalim at higit pa sa kung sino sila at kung ano ang kanilang kahihinatnan.

Gustung-gusto ko ang pahayag na ito ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), na noon ay propeta ng Panginoon sa lupa nang pumasok ako sa unang taon ko sa unibersidad. Sa pagsasalita sa kalalakihan, sinabi niya:

“Kung may makilala kayong babae na ang presensya ay nagpapadama sa inyo ng hangarin na magtagumpay, na naghihikayat sa inyo na gawin ang lahat ng makakaya ninyo, at maging pinakamabuting bersyon ng inyong sarili, ang dalagang iyon ay karapat-dapat sa inyong pagmamahal. …

“… Sa kanyang presensya hindi ninyo siya tinatangkang pagsamantalahan; sa kanyang presensya nadarama ninyo na gusto ninyong maging katulad ng taong dapat [ninyong] kahinatnan, sapagkat bibigyan niya kayo ng inspirasyon na maging gayon.”

Mangakong Maging Tapat at Mapagpakumbaba

May limang salitang nais kong alalahanin ninyo: lubos na katapatan, di-makasariling pagpapakumbaba.

Sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tunay na pag-ibig ay namumukadkad kapag mas nagmamalasakit tayo sa ibang tao kaysa sa ating sarili.”

Habang umuusad kayo sa inyong pakikipagdeyt para seryosong isipin na magsama kayo sa buhay, ibinabahagi ninyo ang inyong pinakalihim na mga ideya, pangarap, at pangamba. Ibinabahagi ninyo kung sino kayo, kung ano ang buhay ninyo, at kung ano ang nais ninyong kahinatnan. Lubos na katapatan at di-makasariling pagpapakumbaba.

Kung nahihirapan kayo sa pornograpiya o nahirapan kayo noon, ang isang taong nag-iisip na makasama kayo bilang walang-hanggang asawa ay nararapat na malaman ang inyong hamon at kung paano ninyo ito hinarap. Kung nahirapan kayo sa iba pang mga adiksyon, ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, pagsisinungaling, o pagnanakaw, pagpapakumbaba at katapatan ay naghihimok na ibigay ninyo sa taong mahal ninyo ang oportunidad na espirituwal at mapanalanging timbanging mabuti ang kanyang mga opsiyon bago magpasiyang tanggapin at ipaalam ang alok na magpakasal.

Kailangan bang sabihin ang lahat ng nangyari? Gamitin ninyo ang inyong talino at mabuting paghatol. Kung kinuha mo nang walang pahintulot ang bubblegum ni Nancy sa desk niya noong nasa ikaanim na grado kayo, maaari sigurong kalimutan iyon. Ngunit kung dalawang taon kayong nahirapan sa pornograpiya, mas mahalaga iyan.

Ang magandang gawin ay tanungin ang inyong sarili kung ano ang gusto ninyong malaman kung kayo ang nasa katayuan ng inyong kompanyon, na mapanalanging naghahanda na iukol ang inyong buhay sa piling ng taong mahal ninyo.

Ang isang bagay na nangyari sa nakalipas na mga taon ay maaaring mabilis na maunawaan at hindi man lang maging balakid. Kung ang problema o kahinaan o kasalanan ay kamakailan lamang, maaaring maging dahilan ito para magdahan-dahan ang isa sa relasyon at maglaan ng mas maraming panahon at magkaroon ng iba pang mga karanasan upang makapagpasiya kung handa na ba siyang magpakasal. Maaaring mangailangan ito ng mas maraming panalangin, mga pakikipag-usap sa mga magulang o mapagkakatiwalaang mga lider, at mas marami pang karanasan sa tao na inaasam ninyong makapiling magpakailanman.

Dapat nating tandaan na walang sinumang perpekto. Lahat tayo ay nagkakamali. Habang ang taong mahal ninyo ay tapat magsalita sa inyo, igalang ang tapang na ipinapakita niya. Kung malinaw na nakaraan na ang isang pangyayari, isapuso ang talatang ito sa banal na kasulatan: “Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (Doktrina at mga Tipan 58:42).

Babanggitin kong muli ang sinabi ni Pangulong Holland: “Walang seryosong panliligaw o engagement o pag-aasawa ang sulit na tawaging gayon kung hindi natin ibubuhos dito ang lahat ng mayroon tayo at sa gayon ay lubos nating ipagkatiwala ang ating sarili sa taong mahal natin.”

Lubos na katapatan, di-makasariling pagpapakumbaba.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “The Dedication of a Lifetime” (Church Educational System Fireside para sa mga Young Adult, Mayo 1, 2005), 5–6, Gospel Library.

  2. Robert D. Hales, “Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon,” Liahona, Nob. 2015, 45–46.

  3. David O. McKay, “As Youth Contemplates an Eternal Partnership,” Improvement Era, Mar. 1938, 139.

  4. Jeffrey R. Holland, “How Do I Love Thee?” (debosyonal sa Brigham Young University, Peb. 15, 2000), 3, speeches.byu.edu.

  5. Jeffrey R. Holland, “How Do I Love Thee?,” 3.