2025
3 Paraan para Maghilom mula sa Nakapipinsalang mga Pananaw tungkol sa Seks at Tingnan ang Intimasiya Ayon sa Layon ng Diyos
Oktubre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

3 Paraan para Maghilom mula sa Nakapipinsalang mga Pananaw tungkol sa Seks at Tingnan ang Intimasiya Ayon sa Layon ng Diyos

Tinutulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang tunay na mga layunin ng seksuwal na intimasiya.

maraming iba’t ibang arrow na nagtatagpo sa isang linya

Sa high school, ang tatlong pinakamataas na resulta ng aking career aptitude test ay:

  1. Model

  2. Professional athlete

  3. Stuntman

Wala ni isa sa mga ito ang nagpaisip sa akin na magiging propesor ako sa Brigham Young University na nag-aaral tungkol sa paggamit ng pornograpiya at seksuwalidad. Pero narito ako.

Bakit? Dahil nakita ko kung gaano karaming masasayang relasyon ang nasusugatan ng mga di-tapat na pakikipag-ugnayan, alitan, at paglabag sa mga pangako sa asawa nang ikasal sila na kung minsa’y nangyayari kapag ang isang partner ay gumagamit ng pornograpiya o baluktot ang pananaw tungkol sa seks.

Ngunit nakakita rin ako ng paghilom, kagalakan, at tiwala kapag pinipili ng mga tao na bumaling kay Cristo at tinatanggap ang seksuwal na intimasiya ayon sa turo ng ebanghelyo.

Narito ang tatlong aral na natutuhan ko sa mga taon ng pagsasaliksik at pagtingin kung paano gumagana ang mga ito sa tunay na buhay.

1. Huwag Limitahan ang Pagbabayad-sala ni Cristo

Ang Diyos ay isang Diyos na kapwa makatarungan at maawain. Inuutusan Niya tayong iwasan ang ilang bagay at sundin ang Kanyang mga batas. Samantala, kaluwagan ang iginigiit ng kaaway: “Hindi iyon malaking bagay. Hindi iyon makakasakit kung minsan lang.”

Pero matapos tayong magpatangay sa tukso, ang tinig na iyon ay nagiging malupit at walang patawad: “Hindi ako makapaniwala na nakagawa ka ng mali. Wala nang paraan para magsisi. Hindi ka nararapat mahalin.”

Sa kabilang dako, naririnig natin ang maawaing tinig ng Diyos sa pamamagitan ng Tagapagligtas, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi ng inyong mga kasalanan, at magbabalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” (3 Nephi 9:13).

Kahit may mapagmahal na pag-anyaya, karaniwan kong naririnig ang mga young adult na sinasabi ang mga bagay na tulad ng, “May problema ako sa paggamit ng pornograpiya, kaya kailanma’y hindi ako magiging karapat-dapat na makasal sa templo,” “Pakiramdam ko ay sirang-sira na ako para mahalin,” o “Hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa nagawa ko.”

Para sa mga nababalisa sa ganitong uri ng kahihiyan, pakinggan ang sinabi ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung nag-aalala kayo na baka hindi kayo maging karapat-dapat kahit kailan, o na ang mapagmahal na yakap ng walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo ay maawaing sasakupin ang lahat ng tao maliban sa inyo, nagkakamali kayo. Ang kahulugan ng walang hanggan ay walang katapusan. Ang walang hanggan ay sumasakop sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay.”

Ang unang hakbang sa paghilom mula sa masasamang mensahe ng pornograpiya at nakapipinsalang mga pananaw tungkol sa seksuwalidad ay ang maniwala na kaya ninyo ito sa tulong ni Jesucristo.

Ang tamang gawin ay huwag magtago sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Bumaling sa Kanila para sa pag-asa, tulong, at kapayapaan.

Itinuro kamakailan ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency: “Si Jesucristo ay nagbibigay ng liwanag sa mga taong nasa kadiliman. Kaya, sa mga araw na iyon kung kailan nadarama ninyong sinasabihan kayo ng tinig na iyon na magtago, na dapat kayong magtago sa madilim na silid nang mag-isa, inaanyayahan ko kayo na maging matapang at maniwala kay Cristo! Kumilos at buksan ang Ilaw—ang ating Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa.”

Huwag limitahan ang Pagbabayad-sala ni Cristo at ang kakayahan Niyang gumawa ng mga himala sa inyong buhay.

2. Alamin ang mga Layunin ng Diyos para sa Seksuwal na Intimasiya

Minsa’y binigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) ang isang kuwento mula sa Alice’s Adventures in Wonderland. Nang malaman ni Alice na nasa sangang-daan siya, itinanong niya sa Cheshire Cat kung aling daan ang tatahakin. Sagot ng pusa, “Depende kung saan mo gustong pumunta. Kung hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta, hindi na mahalaga kung aling landas ang tatahakin mo.”

Gayundin, maaaring nasa sangang-daan kayo sa pagitan ng kaswal na pagtingin sa seks at sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos para sa seksuwal na intimasiya. Kailangan ninyong maunawaan ang landas ng tipan at ang mga layunin ng Diyos para sa positibo at mapagmahal na seksuwal na intimasiya para mapansin ang mga pag-uugali at landas na hindi tugma sa Kanyang mga daan. Maraming mensahe—pornograpiya, kaswal na pakikipagtalik, baluktot na mga paglalarawan ng media—ang nagtutulak ng maling pananaw tungkol sa seksuwalidad na nakatuon sa dagliang pisikal na kasiyahan at humahamak sa iba.

Ngunit ang pananaw ng ebanghelyo tungkol sa seksuwal na intimasiya sa loob ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mas maganda. Layon nitong pag-ugnayin ang damdamin at espirituwalidad ng mag-asawa, at palalimin ang kanilang relasyon.

Hindi natatanto ng maraming tao kung gaano nila hindi nauunawaan ang seksuwalidad hanggang sa marinig nila ang isang pananaw na nakasentro sa ebanghelyo. Minsa’y nakausap ko ang isang binatilyo kung paano pinasasama ng paggamit ng pornograpiya ang espirituwal na aspeto ng seksuwalidad. Gulat, sinabi niya na hindi pa niya narinig kailanman ang mga salitang seksuwal at espirituwal sa iisang pangungusap.

Kapag mas espirituwal ang pananaw mo sa tunay na layunin ng seksuwal na intimasiya, nagiging mas madaling labanan ang mapanlinlang na bersyon na inaalok ng mundo.

Para mabago ang ating pananaw, hindi lamang natin kailangang iwasan ang nakapipinsalang mga mensahe—kailangan nating masigasig na alamin ang layunin ng Diyos para sa seksuwal na intimasiya at humingi ng tulong ng Espiritu sa panalangin na hubugin ang ating pananaw.

3. Tahakin ang Landas ng Paghilom

Kapag natulungan kayo ng Espiritu na maunawaan ang mas dakilang mga layunin ng Diyos para sa seksuwal na intimasiya, lalakas kayo sa pagpiling tahakin ang landas ng paghilom at pagbabago.

Narito ang ilang paraan na makapagsisimula kayo:

  • Bagama’t maaaring sinusubukan pa rin ninyong daigin ang nakagawiang paggamit ng pornograpiya, simulang gamitin ang pornograpiya at baluktot na media bilang pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa kung ano ang normal o positibong seksuwal na intimasiya.

  • Pag-aralan ang resources tungkol sa seksuwalidad na naaayon sa mga turo ng ebanghelyo, tulad ng bahaging Addressing Pornography sa Gospel Library. Itinuturo sa kurso ng institute na “The Eternal Family” ang tungkol sa paghahanda para sa seksuwal na intimasiya ng mag-asawa. Tinatalakay sa isyu ng Agosto 2020 ng Lingguhang YA kung paano magkaroon ng positibong pananaw tungkol sa seksuwalidad. Marami ring aklat na isinulat ng mapagkakatiwalaang mga miyembro ng Simbahan na maaaring makatulong. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa paggabay sa inyo sa mga inspiradong resource.

  • Makipag-usap nang hayagan sa mga magulang, mapagkakatiwalaang mga lider ng Simbahan, matatalinong guro, o therapist na maaaring makatulong sa inyo na maunawaan ang seksuwal na intimasiya sa paraang nais ng Diyos na maunawaan ninyo ito.

  • Palibutan ang inyong sarili ng mga kaibigan na kapareho ninyo ang mga pinahahalagahan at nagsisikap na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri.

Ang impluwensya ng mga nakaraang pagkakamali o nakapipinsalang mga mensahe ay hindi naglalaho sa magdamag—ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting tumatahimik ang mga tinig ng mundo habang tinatahak natin ang landas ng tipan nang may pananampalataya. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Dahil nadaig ni Jesucristo ang masamang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang makasalanan, makasarili, at madalas na nakapapagod na mundong ito.”

Kapag humingi kayo ng tulong sa Ama sa Langit sa muling paghubog ng inyong mga pananaw tungkol sa seksuwalidad, maaari kayong magkaroon ng pag-asa na bumuo ng seksuwal na relasyon sa inyong mapapangasawa (o kasalukuyan) ninyong asawa batay sa pagtitiwala, pagmamahal, at paggalang sa isa’t isa.

Maaari Kayong Magpakabuti

Tumingin ako sa mga mata ng mga taong lubhang nasaktan sa mga problemadong mensahe tungkol sa seksuwalidad. Ngunit nakita ko rin ang mga matang iyon na kuminang sa kapayapaan, kagalakan, at pag-asa nang matuklasan nila ang katotohanan ng Diyos tungkol sa seksuwal na intimasiya at taos-pusong magsisi kapag kailangan.

Kung nasasaktan ang inyong damdamin, nahihiya, o nalilito, dapat ninyong malaman ito: Posible ang paghilom. Hindi kayo diskwalipikado sa pagmamahal, intimasiya, o kagalakan.

Mas maganda ang nararapat sa inyo kaysa sa huwad na koneksyon. Pagandahin ang inyong pananaw. Tahakin ang landas. Hayaang gabayan kayo ng liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo tungo sa isang hinaharap na dumaranas ng tunay na pagiging buo at intimasiya.