2025
Paano Kung Wala Akong Nadaramang “Kilig” sa Unang Deyt?
Oktubre 2025 Liahona


Mula sa Lingguhang YA

Paano Kung Wala Akong Nadaramang “Kilig” sa Unang Deyt?

Sa pagtutuon sa mga maling bagay, maaaring maging imposibleng makahanap ng makakasundo.

magkasintahang nakaupo sa magkabilang panig ng isang bangko at mukhang hindi komportable

Noong una akong makipagdeyt sa lalaki na kalaunan ay magiging asawa ko, wala akong nadamang kilig.

At ang tugon ko ay malamang na siyang inaasahan ninyo—inakala ko na ang kahulugan niyan ay hindi kami magkasundo, at kinalimutan ko na siya.

Ngunit makalipas ang ilang taon, matapos ang sunud-sunod na mga pangyayari na masasabi kong impluwensya ng Diyos, muli kaming nagkaroon ng ugnayan. At sa pagkakataong ito, nagkaibigan kami at nagpakasal.

Kaya ano ang nangyari? Narinig ko sa lahat ng kaibigan kong may-asawa at kapamilya ko na “basta’t malalaman” ko kapag nakilala ko ang tamang tao, at malinaw na hindi ko iyon nalaman sa unang deyt na iyon.

Isang Nawawalang Koneksyon

Para mabigyan ka ng kaunting impormasyon, nagkakilala kami ng magiging asawa ko nang magmisyon siya sa aming ward. Makalipas ang ilang taon, nakipag-ugnayan siya sa social media. Nag-usap kami sa pamamagitan ng pagte-text at mga video call, pero nakatira siya sa ibang isla, kaya mahirap magkita nang personal.

Nang magkita na nga kami para sa isang opisyal na deyt, mga isang taon na kaming nag-uusap, at marami kaming inasahan sa kauuwian ng unang deyt na ito.

Pero ilang taon na kaming hindi nagkita, at sa totoo lang, pareho kaming naasiwa.

Hindi naging kamangha-mangha o nakakatuwa ang mga bagay-bagay na tulad ng inasahan namin. Kaya nang makauwi ako, dahil abala ako sa bago kong trabaho at siya naman ay abala sa maraming responsibilidad bilang estudyante ng medisina, unti-unting nawalan ng kabuluhan ang pag-uusap namin. Walang mahiwagang koneksyon, kaya bakit pa ako mag-aabala?

Tatlong taon ang lumipas, at ginawa niya ang kanyang medical residency sa lugar na ilang oras ang layo kung saan ako nakatira—sapat ang lapit para masakop ang hangganan namin para sa mga YSA conference.

Alam ko na kakatwa ito, pero habang nakaupo ako sa likod ng isa sa mga kaganapan sa kumperensya, nagpalinga-linga ako at nakita ko siya. At bigla, siya lang ang nakikita ko, at nadama ko ang impresyong ito mula sa Espiritu:

“Siya ang tamang lalaki.”

Ha?

Tahimik akong nakaupo roon, at tulala. Bakit ngayon ko natatanggap ang sagot na ito—pagkaraan ng maraming taon? At ano ang dapat kong gawin tungkol dito?

Ang nangyari, kahit sa gayong malinaw at mahimalang sagot, kinailangan pa rin naming kilalanin ang isa’t isa. Muli niya akong niyayang lumabas; pumayag ako. Pagkatapos ay patuloy na kaming nagdeyt. At nang bigyan namin ng oras ang aming sarili na kilalanin ang isa’t isa sa halip na umasa sa madaliang koneksyon, nagkaroon kami ng damdaming malalim at totoo.

Ilang Tanong na Pag-iisipan

At paano naman ang mailap na kilig na iyon?

Bakit wala iyon sa una naming pagkikita?

Kung wala kang nadarama sa unang deyt, ibig bang sabihin niyan ay walang anumang potensyal na ibigin namin ang isa’t isa?

Magagandang tanong ang lahat ng ito. At wala akong sagot sa lahat ng ito. Pero narito pa ang ilang tanong na pag-iisipan kapag interesado ka sa isang tao pero wala kang nadaramang koneksyon kaagad:

  • Ineengganyo at hinihikayat ba ako ng taong ito na maging pinakamagandang bersyon ng aking sarili?

  • Alam ko ba kung ano talaga ang hinahanap ko sa isang asawa?

  • Alam ko ba ang tunay na kahalagahan ko bilang anak ng Diyos? At kinikilala ba ng taong ito ang kahalagahan ko?

  • Humingi na ba ako ng patunay mula sa Espiritu na mabuting tao ito para ideyt ko?

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maging katulad ng taong hinahanap ninyo. Hanapin ang isang taong makakasama ninyong lumago. Ang ibig sabihin ng makakasamang lumago ay bawat isa sa inyo ay lumalago bilang isang indibiduwal sa espirituwal, intelektuwal, at pakikisalamuha. Pero ang paglago nang magkasama ay nangangahulugan din na tutuparin ninyo ang inyong buong potensyal habang magkasama kayong lumalago bilang mag-asawa at bilang pamilya.

Ang Pag-ibig ay Higit pa sa Isang Kilig

Ayaw kong maliitin ang hangaring maakit at makasundo ang iyong asawa. Siyempre dapat kang maghanap ng isang tao na sa palagay mo ay kawili-wili, mabait, kaakit-akit, nakakatuwa, at taglay ang anumang mga katangian na sa palagay mo ay gagawing mas masaya at kahanga-hanga ang buhay sa landas ng tipan.

Pero kung balisa ka sa pagsusuri sa unang deyt, na iniisip kung “tama” ang mga bagay na nadama mo at kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng iyon, tandaan na “hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng ka[ru]wagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili” (2 Timoteo 1:7). Kung tiwala ka na mayroon kang malinaw na pag-iisip at maaari kang tumanggap ng personal na paghahayag, maaari kang magdahan-dahan, lubos na maunawaan ang iyong damdamin, at huwag magmadali sa pagpapasiya kung nakikita mo na may kinabukasan ka sa piling ng isang tao.

Ang totoo at tunay na pag-ibig ay higit pa sa isang kilig.

Mga Tala

  1. Gerrit W. Gong, “Your Future Is Bright and Full of Promise” (debosyonal sa Brigham Young University–Hawaii), speeches.byuh.edu.