“Mga Anak ng Diyos,” Mga Paksa at Mga Tanong (2025)
Overview
Mga Anak ng Diyos
Ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Tayo ay literal na Kanyang mga espiritung anak na lalaki at babae. Itinuro ni Apostol Pablo: “Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo’y mga anak ng Diyos.” Tulad ng karamihan sa atin na kamukha ng ating mga magulang dito sa lupa, tayo ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos: Siya ay may katawan na may laman at buto tulad natin, at tayo ay nilikha na kahawig Niya.
Dahil tayong lahat ay mga anak ng Diyos, ang bawat tao na isinilang sa mundo ay ating mga espiritung kapatid. At dahil tayo ay mga espiritung anak ng Diyos, namana ng bawat isa sa atin ang potensiyal na magkaroon ng mga banal na katangian na Kanyang taglay. Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo na nagbibigay-daan para madaig natin ang ating mga kahinaan, kasalanan, at kamatayan, tayo ay maaaring maging katulad ng ating Ama sa Langit at makatanggap ng ganap na kagalakan.
Ang bawat isa sa atin ay may kaniya-kaniyang pagkakakilanlan sa langit. Halimbawa, alam natin na tayo ay mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit—na tayo ay may walang hanggang pagkakakilanlan bilang mga lalaki at babae. Pinagpala rin tayo ng iba’t ibang mga talento at kakayahan, at tayo ay tinawag na gawin ang partikular na mga bagay dito sa mundo.
Hindi natin maalala ang ating premortal na buhay, pero namuhay tayo kasama ang ating mga magulang sa langit bago tayo pumarito sa lupa. Alam ng ating Ama sa Langit kung sino tayo at kung ano ang ginawa natin bago tayo pumarito. Bilang bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan para sa atin, ipinadala Niya tayo rito sa mundo upang tayo ay makatanggap ng pisikal na katawan, matuto mula sa ating sariling karanasan na piliin ang mabuti, at umunlad sa espirituwal.
Kapag namuhay tayo ayon sa ating banal na potensiyal bilang mga anak ng Diyos—habang ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para sundin Siya at ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo—tayo ay lubos na pagpapalain at mapagpapala rin natin ang buhay ng iba sa pamamagitan ng ating mga indibiduwal na talento at personalidad. Tayo rin ay tatanggap ng walang hanggang mga pagpapala sa kabilang-buhay kapag nakabalik tayo sa Kanyang piling kasama ng ating mga pamilya.
Kaugnay na mga Paksa
-
Pagiging Tulad ng Diyos
-
Ina sa Langit