2025
Pag-alaala kay Pangulong Nelson
Nobyembre 2025


“Alalahanin si Pangulong Nelson,” Liahona, Nob. 2025.

Mga Balita sa Simbahan

Pag-alaala kay Pangulong Nelson

Nagbigay-pugay ang pamilya, mga kaibigan, at mga lider sa ika-17 Pangulo ng Simbahan para sa kanyang pagmamahal, paglilingkod, at katapatan kay Jesucristo.

Dalawang araw matapos ang pangkalahatang kumperensiya, nagpugay ang mga lider ng Simbahan at mga kapamilya kay Pangulong Russell M. Nelson bilang mapagmahal na ama at asawa, mahal na kaibigan, tapat na disipulo ng Panginoong Jesucristo, at inspiradong propeta ng Diyos.

Ang buhay ni Pangulong Nelson ay “nagpatotoo … sa kanyang tapat na patotoo bilang propeta at lingkod ng Panginoong Jesucristo,” sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks sa funeral service para kay Pangulong Nelson noong Oktubre 7, 2025, sa Conference Center. Tinawag ni Pangulong Oaks si Pangulong Nelson, na payapang pumanaw sa tahanan noong Setyembre 27, 2025, na “pinakamatalik kong kaibigan at pinakamabisang guro.”

Tinawag din ni Pangulong Oaks si Pangulong Nelson na “isa sa mga pinakamabisang missionary ng Israel.” Sabi niya, “ang kanyang ngiti, ang lambing ng kanyang tinig, at ang kapangyarihan ng kanyang presensiya ay nakaantig ng mga puso” ng mga bansa at lider ng mga relihiyon.

Nagbigay-pugay si Pangulong Oaks at ang lima pang tagapagsalita kay Pangulong Nelson sa kanyang pagmamahal, paglilingkod, at katapatan sa Panginoong Jesucristo at sa mga anak ng Diyos sa buong mundo.

Kasama ang iba pang mga tagapagsalita, pinasalamatan niya si Sister Wendy Watson Nelson sa pangangalaga at pagsuporta kay Pangulong Nelson sa kanilang 19 na taong pagsasama bilang mag-asawa. Nagpasalamat din siya sa naunang asawa ni Pangulong Nelson na si Dantzel White Nelson, at sa kanilang 10 anak sa kanilang katapatan sa “kanyang ipinangaral at ipinamuhay.”

Si Elder Henry B. Eyring, na naglingkod na kasama nina Pangulong Oaks at Pangulong Nelson sa Unang Panguluhan, ay nagpatotoo tungkol sa tungkulin ng propetang si Pangulong Nelson at sa kanyang kakayahan at hangaring pagpalain ang iba.

“Simula nang maglingkod ako sa tabi niya sa Unang Panguluhan, noong Enero 2018, naging personal akong saksi sa katotohanan na binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang kanyang propeta,” sabi ni Elder Eyring. “Nagpapasalamat ako na nakilala ko si Pangulong Russell M. Nelson.”

Sa kanilang mensahe, binanggit ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President, ang walang-maliw na kabaitan ni Pangulong Nelson sa mga tao kapwa sa loob at sa labas ng Simbahan.

“Ang pagkakaroon ng pagkakataong makita na mahal niya ang mga tao at mahal siya ng mga tao ang ilan sa aking pinakamagagandang alaala,” sabi ni Elder Holland. Naalala niya si Pangulong Nelson bilang “humahawak sa mga kamay at nagpapagaling ng mga puso.”

Dagdag pa ni Pangulong Johnson, “Literal na binago ni Pangulong Nelson ang mundo sa pakikipag-ugnayan sa bawat tao sa bawat pagkakataon, at inanyayahan niya tayong gawin din iyon sa pamamagitan ng pagtanggap sa kapangyarihan ng Diyos bilang pinagtipanang kababaihan at kalalakihan.”

Sinabi ng dalawa sa mga anak ni Pangulong Nelson na sina Laurie N. Marsh at Russell M. Nelson Jr., na namuhay nang masaya ang kanilang ama dahil isinentro niya ang kanyang buhay sa Tagapagligtas na si Jesucristo at inuna ang iba.

“Lumaki kami sa isang tahanang nakasentro sa Tagapagligtas at puno ng kagalakan,” sabi ni Sister Marsh. Sinabi niya na ang mithiin ng pamilya ay maging walang-hanggang pamilya.

Idinagdag ni Brother Nelson na walang-pagod ang kanyang ama sa paglilingkod. “Ipinakita mismo sa atin ni Pangulong Nelson na walang ‘rest’ sa kanyang bersiyon ng Restoration [o ‘pahinga’ sa kanyang bersiyon ng Pagpapanumbalik].” Sinabi niya na nang tawagin siyang mamuno sa Simbahan, nangako ang kanyang ama na maglilingkod sa Ama at sa Anak hanggang sa araw na siya ay mamatay. “Ginawa niya iyan.”

Sina Marjorie N. Lowder at Gloria N. Irion, mga anak ni Pangulong Nelson, ay nag-alay ng mga panalangin sa serbisyo. Ang The Tabernacle Choir at Temple Square ang naglaan ng musika.

Ang libing ni Pangulong Nelson ay ginanap kasunod ng isang papugay na idinaos para sa kanya noong Oktubre 1 na ibinrodkast mula sa Tabernacle sa Temple Square. Sina Pangulong Oaks, Elder Holland at Eyring, Presiding Bishop Gérald Caussé, Elder Carl B. Cook ng Panguluhan ng Pitumpu, at Primary General President na si Susan H. Porter ay nagbigay ng mga papuri, na nagbabahagi ng magiliw na personal na karanasan sa paglilingkod kasama si Pangulong Nelson at ng kanilang damdamin tungkol sa kanyang ulirang buhay, ministeryong tulad ng kay Cristo, at mga inspiradong turo.

Sa kanyang papugay, tinawag ni Pangulong Oaks si Pangulong Nelson na “isang propeta ng pag-ibig” na “nangaral ng ebanghelyo ng pagmamahal.”

Para sa iba pa tungkol sa buhay at ministeryo ni Pangulong Nelson, tingnan sa Sa Alaala: Pangulong Russell M. Nelson, 1924–2025, na inilathala bilang suplemento sa mga magasin ng Simbahan sa Nobyembre 2025.