Mapapalad ang mga Tagapamayapa
Ang pagiging tagapamayapa ay nagsisimula pa rin sa pinakapangunahing bahagi—sa ating puso. Pagkatapos ay sa mga tahanan at pamilya.
Maligayang pagdating sa pangkalahatang kumperensiya. Laking pasasalamat natin na tayo ay natipon.
Sa pag-aabang natin sa mga kaganapan nitong kumperensiya, batid namin ang mga nangyari sa mga linggo bago ito sumapit. Napagtanto namin na ang ating mga puso ay nagdadalamhati, at nakadarama ang ilan ng kawalang-katiyakang dulot ng karahasan o trahedya sa buong mundo. Maging ang mga debotong tao na nagtitipon sa mga sagradong lugar—kabilang sa ating banal na simbahan sa Michigan—ay nawalan ng buhay o mga mahal sa buhay. Mula ito sa puso ko, natatanto na marami sa inyo ang nabibigatan ang puso dahil sa dinanas ninyo, ng inyong pamilya, at ng ating mundo simula noong nakaraang kumperensiya.
Capernaum sa Galilea
Isipin na kunwari ikaw ay isang tinedyer sa Capernaum, malapit sa Dagat ng Galilea, sa panahon ng ministeryo ni Jesucristo. Kumalat ang balita na may isang rabbi—isang guro—na ang mensahe ay nakakaakit sa maraming tao. Nagplano ang mga kapitbahay na magpunta sa isang bundok kung saan tanaw ang dagat para makinig sa Kanya.
Naglakad kang kasama ng iba sa maalikabok na mga lansangan ng Galilea. Pagdating doon, nagulat ka sa dami ng mga tao na naroon para pakinggan itong si Jesus. May ilan na bumubulong ng, “Mesiyas.”
Nakinig ka. Naantig ng Kanyang mga salita ang iyong puso. Sa mahabang paglalakad pauwi, pinili mong tumahimik sa halip na makipag-usap.
Pinag-isipan mo ang kagila-gilalas na mga bagay—mga bagay na higit kaysa sa batas ni Moises. Binanggit Niya na dapat ibaling ang isa pang pisngi at mahalin ang iyong mga kaaway. Nangako Siya, “Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”
Ang totoo, habang nadarama mo ang bigat ng mahihirap na araw—kawalang-katiyakan at pangamba—parang malayo ang kapayapaan.
Bumibilis ang iyong mga hakbang; hinihingal ka na pagdating mo sa bahay. Nakatipon ang iyong pamilya; hiniling ng iyong ama, “Sabihin mo sa amin ang narinig at nadama mo.”
Sinabi mong inanyayahan ka Niya na paningningin ang iyong liwanag sa harap ng iba, na hangarin ang kabutihan kahit kapag inuusig. Iyong inulit, “Mapapalad ang [mga] tagapamayapa: sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”
Ang tanong mo’y, “Kaya ko ba talagang maging tagapamayapa kapag magulo ang mundo, kapag ang puso ko ay puno ng pangamba, at kapag tila napakalayo ng kapayapaan?”
Sumulyap ang iyong ama sa iyong ina at magiliw na sumagot, “Oo. Sinisimulan natin ito sa pinakamahalagang bahagi—sa ating mga puso. Pagkatapos ay sa ating mga tahanan at pamilya. Sa paggawa nito, ang pagiging tagapamayapa ay maaaring lumaganap sa ating mga kalye at nayon.”
Paglipas ng 2,000 Taon
Lumipas ang 2,000 taon. Hindi na ito kailangang isipin—ito na ang ating realidad. Bagama’t ang bigat na nadarama ngayon ng bagong henerasyon ay iba sa nadama ng kabataang iyon sa Galilea—pagkakahati, pagiging sekular, pagganti, matinding galit sa lansangan habang nagmamaneho, pagkapoot, at pagdagsa [ng mga mensahe] sa social media—ang dalawang henerasyon ay nahaharap sa mga kultura ng pagtatalo at tensiyon.
Salamat na lang at ang ating mga kabataan ay nakatuon sa kanilang mga Sermon sa Bundok: seminary, mga For the Strength of Youth conference, at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Dito ay natatanggap nila ang gayunding mga imbitasyon mula sa Panginoon: paningningin ang kanilang liwanag sa harap ng iba, maghangad ng kabutihan kahit may pang-uusig, at mahalin ang kanilang mga kaaway.
Tumatanggap din sila ng nakahihikayat na mga salita mula sa buhay na mga propeta ng Pagpapanumbalik: “kailangan ng mga Tagapamayapa.” Hindi sumang-ayon nang may paggalang. Palitan ang pagtatalo at kapalaluan ng pagpapatawad at pagmamahal. Bumuo ng mga tulay ng kooperasyon at pagkakaunawaan, hindi ng mga bakod ng pagtatangi o paghihiwalay. At ang pangako ring iyon: “Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.”
Ang puso ng bagong henerasyon ngayon ay puno ng patotoo kay Jesucristo at pag-asa sa hinaharap. At sila man ay nagtatanong, “Maaari ba talaga akong maging tagapamayapa kung magulo ang mundo, ang puso ko’y puno ng pangamba, at parang malayo ang kapayapaan?”
Ang matunog na sagot minsan pa ay oo! Tanggap natin ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”
Ngayon, ang pagiging tagapamayapa ay nagsisimula pa rin sa pinakapangunahing bahagi—sa ating puso. Pagkatapos ay sa mga tahanan at pamilya. Sa paggawa nito, ang paglikha ng kapayapaan ay lalaganap sa ating mga kapitbahayan at komunidad.
Isaalang-alang muna natin ang tatlong lugar na ito kung saan ang makabagong Banal sa Huling Araw ay lumilikha ng kapayapaan.
Paglikha ng Kapayapaan sa Ating Puso
Ang una ay sa ating puso. Isang nakikitang elemento ng ministeryo ni Cristo ay kung paano lumapit sa Kanya ang mga bata. Naroon ang pahiwatig. Ang pagtingin sa dalisay at inosenteng mapagpayapang puso ng isang bata ay maaaring maging inspirasyon sa ating mga puso. Narito ang isinagot ng ilang bata sa Primary sa “Paano ba maging tagapamayapa?”
Ibinabahagi ko ang mga sagot nila nang direkta mula sa kanilang puso! Sinabi ni Luke, “Palaging tulungan ang ibang tao.” Ibinahagi ni Grace kung gaano kahalaga na patawarin ang isa’t isa, kahit parang hindi ito patas. Sabi ni Anna, “May nakita ako na walang makalaro, kaya’t nakipaglaro ako sa kanya.” Sinabi ni Lindy na ang pagiging tagapamayapa ay pagtulong sa iba. “At gawin mo rin ito sa iba. Magpapatuloy lang ito.” Sabi ni Liam, “Huwag maging salbahe sa mga tao, kahit na salbahe sila sa iyo.” Sabi ni London, “Kung may nanunukso o salbahe sa iyo, sabihin mong, ‘Tama na.’” Puna ni Trevor, “Kung isang donut na lang ang natira at gusto mo ito, magbigay ka.”
Ang mga sagot na ito ng mga bata ay patunay sa akin na isinilang tayong lahat na may banal na tendensiya sa kabaitan at pagkahabag. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang nangangalaga at nagpapatibay sa mga banal na katangiang ito, pati na ang paglikha ng kapayapaan, sa ating puso, na nagpapala sa atin sa buhay na ito at sa susunod.
Paglikha ng Kapayapaan sa Tahanan
Ikalawa, ang paglikha ng kapayapaan sa ating tahanan gamit ang huwaran ng Panginoon para impluwensiyahan ang ating mga ugnayan sa isa’t isa: panghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, at pag-ibig na hindi nagkukunwari.
Narito ang isang kuwento na nagpapakita kung paano lumikha ng kapayapaan ang isang pamilya, na isinasabuhay ang mga alituntuning ito.
Nahihirapan noon ang mga bata sa pamilyang ito sa kanilang relasyon sa isang adult na madalas ay masungit, mapang-insulto, at bastos. Ang mga bata, nasasaktan at walang magawa, ay nagsimulang mag-isip kung ang tanging paraan ay gayahin ang hindi magandang asal na iyon.
Isang gabi, sama-samang hayagang pinag-usapan ng pamilya ang tensiyon at ang idinudulot nito sa kanila. At lumitaw ang isang ideya—hindi lamang solusyon kundi isang eksperimento.
Sa halip na tumahimik o gumanti, may gagawin ang mga bata na hindi inaasahan: tutugon sila nang may kabaitan. Hindi lang magalang na pagtitimpi kundi sadya at taos-pusong pagbanggit ng magigiliw na salita at mabubuting gawa, kahit ano pa ang iganti sa kanila. Pumayag ang lahat na subukan ito, pagkatapos ay muli silang magsasama-sama at magninilay.
Bagama’t nag-aatubili ang ilan noong una, nangako silang gagawin ang plano nang buong puso.
Ang sumunod na nangyari ay talagang pambihira.
Nagsimulang mabawasan ang malamig na pakikitungo. Ang pagsimangot ay napalitan ng mga ngiti. Ang adult, na dating malayo at malupit, ay nagsimulang magbago. Ang mga bata, na lumakas ang loob dahil sa pinili nilang makipag-ugnayan nang may pagmamahal, ay natuwa sa pagbabago. Napakalaki ng pagbabago kung kaya ang nakaplanong kasunod na miting ay hindi na kinailangan. Malaki ang nagawa ng kabaitan.
Sa paglipas ng panahon, ang tunay na bigkis ng pagkakaibigan ay nabuo at napasigla ang lahat. Para maging mga tagapamayapa, pinapatawad natin ang iba at sadyang iniaangat ang iba sa halip na siraan sila.
Paglikha ng Kapayapaan sa Ating mga Komunidad
Ikatlo, paglikha ng kapayapaan sa ating mga komunidad. Sa magulong panahon ng World War II, itinuro ni Elder John A. Widtsoe: “Ang tanging paraan para makabuo ng payapang komunidad ay humubog ng kalalakihan at kababaihang gustung-gusto at lumilikha ng kapayapaan. Bawat indibiduwal, batay sa doktrina ni Cristo … ay hawak sa kanyang mga kamay ang kapayapaan ng buong mundo.”
Inilalarawang mabuti ng kasunod na kuwento ang tuntuning ito.
Ilang taon na ang nakalipas, dalawang lalaki—isang Muslim na imam at isang Kristiyanong pastor mula Nigeria—ang nakatayo sa magkabilang panig ng mapait na pagkakahati ukol sa relihiyon. Bawat isa ay nagdusa nang matindi. Gayunman, sa nagpapagaling na kapangyarihan ng pagpapatawad, pinili nilang lumakad nang magkasama sa isang landas.
Sina Imam Muhammad Ashafa at Pastor James Wuye ay naging magkaibigan at magkatuwang sa kapayapaan kahit magkaiba sila. Magkasama silang nagtatag ng isang sentro para sa pag-uugnay ng iba’t ibang relihiyon. Ngayon ay tinuturuan nila ang iba na palitan ng pag-asa ang galit. Bilang dalawang beses na mga nominado para sa Nobel Peace Prize, kamakailan sila ay naging mga kauna-unahang tumanggap ng Commonwealth Peace Prize.
Itong dating magkaaway na ito ay magkasama na ngayon sa muling pagbuo ng nasira, buhay na mga saksi na ang imbitasyon ng Tagapagligtas na maging mga tagapamayapa ay hindi lamang posible—ito ay mabisa.
Kapag nalaman natin ang kaluwalhatian ng Diyos, “hindi [na tayo] mag-iisip na saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa.” Sa ating mga kongregasyon at komunidad, nawa ay piliin nating ituring ang isa’t isa bilang mga anak ng Diyos.
Isang Linggong Plano na Maging Tagapamayapa
Bilang buod, mayroon akong imbitasyon. Kailangan ng aksiyon sa paglikha ng kapayapaan—ano kaya ito, para sa bawat isa sa atin, simula bukas? Maaari bang isaalang-alang ninyo ang isang tatlong-linggong plano na may tatlong hakbang para maging tagapamayapa?
-
Isang tahanang walang pagtatalo: Kapag nagsisimula na ang pagtatalo, tumigil sandali at magsimula muli gamit ang mababait na salita at gawa.
-
Pagbuo ng digital na tulay: Bago mag-post, sumagot, o magkomento online, itanong, Makabubuo ba ito ng tulay? Kung hindi, itigil ito. Huwag ipadala ang mensahe. Sa halip, magbahagi ng kabutihan. Itaguyod ang kapayapaan bilang kapalit ng poot.
-
Pakikipag-ayos at pagsama-samang muli: Maaaring maghanap ang bawat kapamilya ng hindi magandang ugnayan para humingi ng paumanhin, mag-minister, makipag-ayos, at magsamang muli.
Katapusan
Ilang buwan na ang nakalipas mula nang madama ko ang hindi maikakailang impresyon na humantong sa mensaheng ito: “Mapapalad ang mga Tagapamayapa.” Sa pagtatapos, ibabahagi ko ang mga impresyon na nakabaon sa puso ko sa panahong ito.
Ang paglikha ng kapayapaan ay katangiang katulad ng kay Cristo. Ang mga tagapamayapa ay tinatawag kung minsan na walang-muwang o mahina—ng lahat ng panig. Gayunman, ang pagiging tagapamayapa ay hindi pagiging mahina kundi pagiging malakas sa paraan na maaaring hindi maunawaan ng mundo. Kailangan sa paglikha ng kapayapaan ang lakas ng loob at kompromiso pero hindi kailangan ng sakripisyo ng prinsipyo. Ang paglikha ng kapayapaan ay pakikipag-ugnayan nang may bukas na puso, hindi ng saradong isipan. Ito ay paglapit sa isa’t isa nang may nakaunat na bisig, hindi nakasaradong kamao. Ang paglikha ng kapayapaan ay hindi isang bagay na bago. Ito ay itinuro mismo ni Jesucristo, kapwa sa mga tao noon sa Biblia at sa Aklat ni Mormon. Ang paglikha ng kapayapaan ay itinuro na noon ng mga makabagong propeta sa simula pa lang ng Pagpapanumbalik hanggang sa ngayon.
Tinutupad natin ang ating banal na papel bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit sa pagsisikap natin na maging mga tagapamayapa. Pinatototohanan ko si Jesucristo, na Prinsipe ng Kapayapaan, ang Anak ng buhay na Diyos, sa pangalan ni Jesucristo, amen.