2025
Iayon ang Iyong Puso kay Jesucristo: Ang Sagradong Kaloob ng Musika sa Primary
Nobyembre 2025


10:37

Iayon ang Iyong Puso kay Jesucristo: Ang Sagradong Kaloob ng Musika sa Primary

Ang mga awitin sa Primary ay mga sermon para sa mga disipulo ni Jesucristo, mga patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at mga dasal na may musika.

Ang isa sa mga pagpapala ng paglilingkod ko sa Primary ay natutuhan ng puso ko na mahalin ang mga wikang hindi ko sinasalita. Nagalak ako sa pagkakaroon ng koneksiyon sa mga kapwa Banal gamit ang wika ng sagradong musika. At lalo na sa mga simpleng awitin ng Primary, nahigitan ng Banal na Espiritu ang mga balakid ng wika at pinuspos ang puso ko ng Kanyang mga pagbulong. Sa tinig ng mga bata, ang pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesucristo ay naipahayag sa malinaw at tumatagos na katotohanan.

Kahit hindi ako lumaki sa Primary, mabilis naituro sa akin ng Espiritu ang kasagraduhan ng mga awitin nito, at naging bahagi na ito ng aking personal na pagsamba. Ang mga awitin sa Primary ay may banal na impluwensiya sa buhay ko at napasigla ang kaluluwa ko, itinuro sa akin ang mga walang hanggang katotohanan, at mas inilapit ako sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Minsang itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang pagkanta ng mga himno ay isa sa mga pinakamainam na paraan para matutuhan ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo.” Totoo ito para sa ating lahat pero mas espesyal ito para sa mga bata. Ang musika sa Primary ay isa sa mga pinakamainam na gamit ng Diyos sa pagtatanim ng mga binhi ng patotoo sa puso ng mga pinakabatang disipulo ng Tagapagligtas. Ang mga magulang, lider, at guro ay napangangalagaan ang binhing iyon habang sila ay nagpapatotoo at nag-aanyaya sa mga bata na magpatotoo tungkol sa lahat ng natututuhan nila tungkol sa Ama sa Langit; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo.

Nitong mga huling taon ng aking serbisyo, nag-ukol ako ng oras sa pagkanta at pag-aaral ng musika sa Primary habang pinag-iisipan ang ilang tanong:

  • Sa paanong paraan nagiging espirituwal na wika na gamit ng mga bata ang mga awitin sa Primary na natutuhan sa kanilang kabataan para magpatotoo habang sila ay nabubuhay?

  • Paano nakatutulong ang pagkanta ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga bata na maalaala ang Panginoon bilang bahagi ng kanilang tipan at maihanda sila para sa Kanyang mga ordenansa?

  • At paano makatutulong ang mga awitin sa Primary na maisulat ang mga batas ng Diyos sa puso ng mga pinakabatang disipulo na ito?

Nang magsimula ang Primary noong 1878, napansin ng unang pangulo na si Aurelia Spencer Rogers na “kailangan ang pagkanta.” Ang musika ay palaging nasa sentro sa pagtuturo ng ebanghelyo sa mga bata. Ang mga awitin sa Primary ay maaaring maging unang espirituwal na wika ng isang bata dahil ang simple at hindi malilimutang mga himig ay nagiging tinig ng mga katotohanan ng ebanghelyo. May kapangyarihan ang mga awiting ito na manatili sa mga bata habambuhay, nagiging bahagi ng kanilang pagkadisipulo at likas at normal na paraan para magpatotoo sila tungkol sa Tagapagligtas.

Pagtuturo ng Doktrina ni Jesucristo sa Pamamagitan ng Awitin

Ang mga awitin sa Primary ay maaari ding maging mabisang kagamitan sa pagtuturo ng doktrina. Ang ilang awitin ay mga kuwento ng buhay at ministeryo ng Tagapagligtas. Ang iba naman ay nagtuturo tungkol sa Kanyang mga katangian, gaya ng Kanyang pananampalataya, Kanyang pag-asa, at Kanyang pag-ibig sa kapwa. At ang pinakasagradong mga awitin ay nagpapatotoo sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala at sa pagmamahal na nagmumula sa gawaing iyon ng kaligtasan.

Itinuro ng isang propeta ng Panginoon, si Pangulong Russell M. Nelson: “Ang [musika] ay maaaring patuloy na makaimpluwensiya sa kabutihan habang maliliit pa ang mga bata. … [Ito] ay may kapangyarihang magbigay ng espirituwal na pangangalaga. Ito ay may kapangyarihang magpagaling. May kapangyarihan itong bigyang-daan ang pagsamba; tinutulutan tayong pagnilayan ang Pagbabayad-sala ng [Tagapagligtas] at Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, kasama ang nakaliligtas na mga alituntunin at nagpapadakilang mga ordenansa nito. Ang musika ay nagbibigay ng kapangyarihan para maipahayag natin ang mapanalanging mga kaisipan at magpatotoo sa mga sagradong katotohanan.”

Bilang mga magulang, lider, at teacher, kasama sa ating pagsisikap ang tulungan ang mga bata na matanggap ang ipinangakong mga pagpapala na ito sa pamamagitan ng sadyang pagtuturo ng mga katotohanang ito ng ebanghelyo na nasa musika. Itinuro din ni Pangulong Nelson na “matututuhan ng mga bata ang doktrina kapag natututo silang kumanta gaya ng matututuhan nila ang doktrina sa klase.” Ang mga awiting ito ay magiging imbakan ng mga sermon na puno ng pananalig na nagtutuon sa mga bata tungo sa Tagapagligtas at tinutulungan silang magkaroon ng debosyon sa Kanyang ebanghelyo.

Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang awitin ng mga matwid na nagmumula sa puso ay kalugud-lugod sa Tagapagligtas. Talagang nagagalak ako sa kaluguran na hatid ng mga tinig ng pinakabatang mga disipulo ng Tagapagligtas. Alam kong nakararating sa langit ang kanilang mga awitin na may panalangin bilang pagpapakita ng pananampalataya na nag-aanyaya sa Banal na Espiritu na pagtibayin ang mga walang hanggang katotohanan at malumanay at magiliw na anyayahan ang iba na tanggapin ang panawagan ng ating Tagapagligtas na sumunod sa Kanya at bumalik sa piling Niya. Gaya ng ipinaalala sa atin ni Elder Henry B. Eyring, sa mga sandaling iyon ng pagkadama sa Espiritu tayo may katibayan na may epekto ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay.

Katotohanang Nakaukit sa Puso

Ang musika sa Primary ay himala na tataglayin sa habambuhay na pagkadisipulo na tatahakin ng ating mga anak. Ang isang awitin na natutuhan natin sa edad na anim ay may kapangyarihang manatili sa atin—at maaaring magbalik makalipas ang mga dekada sa mga sandali ng pagdedesisyon, tukso, pighati, o kagalakan. Marahil sa ating pagtanda, ang mga titik ng “I Will Follow God’s Plan [Susundin Ko ang Plano ng Diyos]” ay magsisilbing espirituwal na angkla na paalala sa patotoo ng Apostol na si Pablo tungkol sa katiyakan ng mga pangako sa atin ng Diyos. O maaaring ipaalala ng mga ito sa atin na dahil tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, ang Kanyang mga tipan ay may alok na malaking kaaliwan at isang kanlungan at inaanyayahan tayong itatag ang ating pag-asa at katiyakan kay Jesucristo at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan.

Ang mga adult na miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, sa mahihirap na panahon, ay madalas alalahanin at bumaling sa mga awitin sa Primary na natutuhan nila noong bata pa sila. Para sa marami, itinaguyod ng mga awiting ito ang nabubuo nilang pananampalataya noon kay Jesucristo at kadalasan na doon nagsisimula ang pagbabalik-loob sa Kanyang ebanghelyo. Pinangalagaan ng mga magulang, lider, at guro ang pananampalatayang iyon sa paglipas ng mga taon sa maingat na pagtuturo, pagkanta, at pagpapatotoo sa mga bata.

Sinabi sa akin ng isang sister na mahalaga sa kanya ang musika sa Primary, at makalipas ang 20 taon ito raw ang nagpabilis ng kanyang patuloy na pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nagpatotoo ang isa pang miyembro na nagtanim ang Primary ng binhi ng mustasa ng pananampalataya noong bata pa siya at iyon ang dahilan kung bakit nakabalik sila sa Simbahan ng Panginoon nang sila ay nasa mga 30s na. Nangako ang Tagapagligtas, “Ang Mang-aaliw … ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat.” Ang musika sa Primary ay maaaring isang paraan ng katuparan ng pangakong iyon.

Makikita sa isa pang paboritong awitin sa Primary ang bisa ng simpleng pananampalataya at nagtatagal na patotoo:

‘Pag S’ya ang kasama sa paglalakad,

Ang Espiritu’t liwanag Kanyang igagawad.

Puso ko’t isipan ay babaguhin N’ya.

S’ya’y makakasama patungo sa Ama.

Habang kumakanta ang mga bata, nagpapahayag sila ng hangarin ng isang disipulo at natututuhan ang huwaran kung paano mamuhay nang naaayon sa tipan. Magagamit ng Espiritu ang musika para maukit ang mga walang hanggang katotohanan sa kanilang batang puso. At, darating ang panahon na maaaring piliin ng mga bata na iayon at ibaling ang kanilang puso at kanilang buhay kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Kanya.

Pag-alaala sa Ating mga Tipan at Paghahanda para sa mga Ordenansa

Makatutulong ang sagradong musika na maisulat sa puso ang doktrina ni Cristo at maihanda tayo na tanggapin ang Kanyang mga ordenansa. Iniuugnay nito ang doktrina ng Tagapagligtas sa ating alaala at ang alaala na iyan sa ating pagkadisipulo sa Kanya.

Bilang mga Primary leader, may pagkakataon tayo at sagradong responsibilidad na tiyakin na ang musika sa Primary ay itinuturo nang may galak, nang may pang-unawa sa doktrina, at may Espiritu. Kabilang dito ang pag-anyaya sa mga bata na pansinin ang nadarama nila habang kumakanta sila at pagtulong sa kanila na makilala na ang damdaming iyon ay mula sa Espiritu Santo. Tumutulong ang mga pagsisikap na ito na ihanda ang ating mga anak para sa mga sagradong ordenansa gaya ng binyag at kumpirmasyon, at pinasisigla ang kanilang alaala sa tipan sa regular nilang pagpapanibago ng kanilang mga pangako sa Diyos.

Sa Huling Hapunan, matapos pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento, itinala ni Mateo na “pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.” Bawat linggo, ang nabinyagan at nakumpirmang mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, pati ang mga batang nabinyagan sa edad na walo, ay naghahanda para tanggapin ang sakramento ng Panginoon. Sa pagkanta ng sagradong musika, ang kongregasyon ng mga anak ng Diyos ay binibigyan ng pagkakataon na ihanda ang kanilang puso para sa sagradong ordenansa na iyon upang taglayin ang Kanyang pangalan, palagi Siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga kautusan.

Pangwakas na Patotoo

Mahal na mga kaibigan, nagpapatotoo ako na ang mga awitin sa Primary ay nagtuturo ng mga walang hanggang katotohanan at doktrina na umaakay sa atin tungo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Inaanyayahan ko kayong isaalang-alang ang mga saligang katotohanan na isinulat sa inyong puso sa mga simpleng aral ng mga awiting ito at patotohanan ang mga katotohanang iyon sa mga pinakabatang disipulo ng Tagapagligtas habang itinuturo ninyo sa kanila ang mabuting balita ng ebanghelyo sa pamamagitan ng awitin.

Alam ko na ang ating Diyos Ama, sa Kanyang walang katapusang pagmamahal, ay isinugo ang Kanyang Pinakamamahal na Anak sa lupa para turuan tayo, ipakita sa atin ang daan, at tubusin tayo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Alam ko na ang buhay at ministeryo ng Tagapagligtas ay tunay at personal. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwento ng Kanyang pagpapagaling, Kanyang kabaitan, at Kanyang mga himala.

Alam ko na naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang taos-pusong mga panalangin ng Kanyang mga anak, anuman ang kanilang edad, kalagayan, o wika. Pinakikinggan Niya ang tahimik na mga pagsamo ng ating puso.

Pinatototohanan ko na pinasan ni Jesucristo ang bigat ng ating mga kasalanan, dalamhati, at sakit sa Getsemani. Kusa Siyang nagdusa dahil sa pagmamahal Niya para sa atin at ginawa Niyang posible na mapatawad tayo at makabalik sa ating tahanan.

Alam ko na tayo ay literal na mga anak ng Diyos, na nilikha sa Kanyang wangis, pinagkalooban ng banal na potensiyal, at inaanyayahang muling mamuhay sa Kanyang piling kung pipiliin nating sundin si Jesucristo.

Alam ko na si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa, at sa pagsunod natin sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod, pagpapatawad, at pagmamahal sa iba, lalo tayong nagiging tulad Niya sa bawat araw.

At alam ko na ang mga banal na templo ang Kanyang bahay rito sa mundo. Sa loob ng mga ito, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan, tumatanggap ng mga walang hanggang pagpapala, at nalalaman pa ang tungkol sa Kanya at mas nadarama ang Kanyang presensiya. Ang templo ay lugar ng pagkatuto, kapayapaan, at paghahanda para sa ating buhay.

Nagpapatotoo ako na ang pagsisikap natin para ituro at kantahin ang mga awiting ito sa Primary sa ating mga anak ay hindi lamang magandang bahagi ng tradisyon ng ating relihiyon. Ito ay mga sermon para sa mga disipulo ni Jesucristo, mga patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at mga panalanging may musika. Mapaniningning ng sagradong musika ang Liwanag ni Cristo sa nakikinig dito at maaari itong ibuhos sa puso ng umaawit nito. Mahal na mga kaibigan, gusto pa rin ni Jesus na tayo ay maging sinag ng araw. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Worship through Music,” Ensign, Nob. 1994, 10.

  2. “Ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin” (Doktrina at mga Tipan 25:12).

  3. “Ang sagradong musika ay mahalagang bahagi ng sacrament meeting at iba pang mga miting sa Simbahan. … Nagtitipon ang mga miyembro sa sacrament meeting para alalahanin si Jesucristo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento. Nagtitipon sila para magkaroon ng pananampalataya at patotoo at para sambahin ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Ang musika ay dapat piliin upang makatulong na makamit ang mga layuning ito. … Ang sacrament hymn ay dapat tumukoy sa sacrament mismo o sa sakripisyo ng Tagapagligtas” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 19.3, 19.3.2, Gospel Library).

  4. “Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso” (Jeremias 31:33).

  5. Aurelia Spencer Rogers, sa “A History of the Primary Organization,” history.ChurchofJesusChrist.org.

  6. Russell M. Nelson, “Power and Protection Provided by Worthy Music” (Brigham Young University devotional, Lunes, Mayo 4, 2008), 4, 5, speeches.byu.edu.

  7. Russell M. Nelson, sa “Keep Singing Songs That Teach Doctrine, Says President Nelson” (video), ChurchofJesusChrist.org.

  8. “Umaasa kami na ang mga pinuno, mga guro, at mga miyembro na tinatawag upang magsalita sa kongregasyon ay madalas babaling sa himnaryo upang makahanap ng mga sermon na nakalahad nang buong kapangyarihan at ganda sa berso. …

    “Ang musika ay may walang hanggang kakayahan para sa paghimok ng mga mag-anak tungo sa higit na espirituwalidad at pagmamahal sa ebanghelyo. Dapat punuin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga tahanan ng tunog ng karapat-dapat na musika. …

    “Turuan ang inyong mga anak na mahalin ang mga himno. Awitin ang mga ito sa Sabbath, sa [home evening], tuwing nag-aaral ng banal na kasulatan, sa oras ng panalangin. Umawit habang kayo’y nagtatrabaho, habang kayo’y naglalaro, at habang kayo’y sama-samang naglalakbay. Umawit ng mga himno bilang panghele upang magpalakas ng pananampalataya at patotoo sa inyong maliliit na anak” (“Paunang Salita ng Unang Panguluhan,” Mga Himno, ix, x).

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:12.

  10. “Kung nadama ninyo ang impluwensiya ng Espiritu Santo … , maaari ninyo itong gawing katibayan na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay” (Henry b. Eyring, “Gifts of the Spirit for Hard Times,” [Brigham Young University devotional, Set. 10, 2006], 5, speeches.byu.edu).

  11. Tingnan sa Mga Hebreo 6:17–19.

  12. Tingnan sa Moroni 7:41.

  13. Juan 14:26.

  14. “Kasama Ko si Cristo sa Paglalakad,” Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan, Gospel Library.

  15. Mateo 26:30.

  16. “Bagama’t ang sakramento ay para sa mga miyembro ng Simbahan, wala dapat gawin upang pigilan ang iba na makibahagi nito” (Pangkalahatang Hanbuk, 18.9.3). Angkop para sa maliliit na bata na makibahagi ng sacrament bago sila sumapit sa edad ng pananagutan para mas magkaroon sila ng pagpapahalaga sa sakripisyo ni Jesucristo at maghandang pumasok sa mga sagradong tipan sa Diyos balang-araw.

  17. Tingnan sa “Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21.

  18. Tingnan sa “Ang mga K’wento kay Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 36.

  19. Tingnan sa “Panalangin ng Isang Bata,” Aklat ng mga Awit Pambata, 6–7.

  20. Tingnan sa “Getsemani,” Mga Himno—Para sa Tahanan at sa Simbahan, Gospel Library.

  21. Tingnan sa “Ako ay Anak ng Diyos,” Aklat ng mga Awit Pambata, 2–3.

  22. Tingnan sa “Sinisikap Kong Tularan si Jesus,” Aklat ng mga Awit Pambata, 40–41.

  23. Tingnan sa “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.

  24. Tingnan sa “Isang Sinag ng Araw,” Aklat ng mga Awiting Pambata, 60.