2025
Kasimplihan kay Cristo
Nobyembre 2025


11:18

Kasimplihan kay Cristo

Ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo sa pinasimple at nakapokus na paraan ay tutulong sa atin na makasumpong ng kagalakan sa pang-araw-araw na buhay.

1. Pambungad

Tatlumpu’t tatlong taon na ang nakararaan, natanggap ko ang tawag na maglingkod bilang missionary sa Utah Ogden Mission. Mangyari pa, dahil ako ay mula sa Europa, ang ilang tradisyon sa Utah tulad ng “berdeng Jell-O na may mga karot” at “funeral potatoes” ay kakaiba sa akin!

Gayunman, lubos akong humanga sa katapatan at pagkadisipulo ng marami sa mga Banal, ang malaking bilang ng mga taong dumadalo sa mga miting ng Simbahan, at ang antas ng mga isinasagawang programa ng Simbahan. Nang matapos ang misyon ko, gusto kong matiyak na ang kagalakang nadama ko at ang espirituwal na lakas at pag-unlad sa kaisipan ay maranasan din ng magiging pamilya ko. Determinado akong bumalik kaagad para mamuhay sa “anino ng walang hanggang mga burol.”

Gayunman, may ibang plano ang Panginoon. Sa unang Linggo ko sa bahay, tinawag ako ng aking matalinong bishop na maglingkod bilang Young Men president sa aming ward. Sa paglilingkod sa kahanga-hangang grupong ito ng mga kabataang lalaki, agad kong natutuhan na ang kagalakang nagmumula sa pagiging disipulo ni Cristo ay walang gaanong kinalaman sa dami ng mga miting ng Simbahan o sa antas ng mga programa.

Kaya nang pakasalan ko ang maganda kong asawang si Margret, masaya kaming nagpasiyang manatili sa Europa at palakihin ang aming pamilya sa aming bansang Germany. Magkasama naming nasaksihan ang itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson nang maraming taon: “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.” Kapag nakatuon ang ating buhay kay Cristo at sa mensahe ng Kanyang ebanghelyo, mararanasan natin ang buong pagpapala ng pagkadisipulo saanman tayo naninirahan.

2. Ang Kasimplihan na Na kay Cristo

Gayunman, sa mundong lalong nagiging sekular, kumplikado, at nakalilito, na may kakaiba at kadalasang magkakasalungat na mensahe at hinihingi, paano natin maiiwasang maging bulag ang ating mga mata at maging matigas ang ating puso at manatiling nakatuon sa mga “malinaw at mahahalagang bagay” ng ebanghelyo ni Jesucristo? Sa panahon ng kaguluhan, nagbigay ng magandang payo si Apostol Pablo sa mga Banal ng Corinto sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila na magtuon sa “katapatan at kadalisayan kay Cristo.”

Ang doktrina ni Cristo at ang batas ng ebanghelyo ay napakasimple kaya kahit ang maliliit na bata ay kayang maunawaan ang mga ito. Matatamo natin ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo at matatanggap ang lahat ng espirituwal na pagpapalang inihanda ng ating Ama sa Langit para sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, pagpapabanal sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, at pagiging tapat hanggang wakas. Inilarawan ni Pangulong Nelson ang paglalakbay na ito nang napakaganda bilang “landas ng tipan” at ang proseso ng pagiging “tapat na disipulo ni Jesucristo.”

Kung napakasimple ng mensaheng ito, bakit kadalasan ay napakahirap ipamuhay ang batas ni Cristo at sundin ang Kanyang halimbawa? Maaaring mali ang pagkaunawa natin sa kasimplihan bilang isang bagay na madaling makamit nang walang pagsisikap o pagsusumigasig. Ang pagsunod kay Cristo ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap at patuloy na pagbabago. Kailangan nating “hubarin ang likas na tao at … [maging tulad ng isang maliit na] bata.” Kabilang dito ang ating “pagtitiwala sa Panginoon” at pagpayag na alisin ang pagiging kumplikado, tulad ng ginagawa ng maliliit na bata. Ang pagsasabuhay ng dalisay na doktrina ni Cristo sa pinasimple at nakatuong paraan ay tutulong sa atin na magalak sa ating pang-araw-araw na buhay, pumatnubay sa ating mga tungkulin, masagot ang ilan sa pinakamahihirap na tanong sa buhay, at magbigay ng lakas na harapin ang ating pinakamalalaking hamon.

Ngunit paano natin maisasagawa ang kasimplihang ito sa ating buhay bilang mga disipulo ni Cristo? Ipinaalala sa atin ni Pangulong Nelson na magtuon sa “dalisay na katotohanan, dalisay na doktrina, at dalisay na paghahayag” habang hinahangad nating sundin ang Tagapagligtas. Ang regular na pagtatanong ng, “Ano ang nais ipagawa sa akin ng Panginoong Jesucristo?” ay naghahayag ng malalim na patnubay. Ang pagsunod sa Kanyang halimbawa ay nagbibigay ng ligtas na landas sa kawalang-katiyakan at isang mapagmahal at gumagabay na kamay na hahawak sa araw-araw. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan at Mabuting Pastol. Siya ang ating Mang-aaliw at Tagapagligtas. Siya ang ating Bato at Kanlungan. Siya ay Isang Kaibigan—ang kaibigan mo at kaibigan ko! Inaanyayahan Niya tayong lahat na mahalin ang Diyos, sundin ang Kanyang mga utos, at mahalin ang ating kapwa.

Kapag pinili nating tularan ang Kanyang halimbawa at sumulong nang may pananampalataya kay Cristo, yakapin ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at alalahanin ang ating mga tipan, pinupuspos ng pagmamahal ang ating puso, pag-asa at pagpapagaling, at ang kapaitan ay napapalitan ng pasasalamat at pagtitiyaga na maghintay para sa mga ipinangakong pagpapala. Kung minsan, maaaring kailanganin nating ilayo ang ating sarili sa nakapapahamak na sitwasyon o humingi ng propesyonal na tulong. Ngunit sa bawat sitwasyon, ang pagsasabuhay ng mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo ay tutulong sa atin na makayanan ang mga hamon sa buhay sa paraan ng Panginoon.

Kung minsan ay minamaliit natin ang lakas na natatanggap natin mula sa mga simpleng gawain tulad ng panalangin, pag-aayuno, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, araw-araw na pagsisisi, pagtanggap ng sakramento linggu-linggo, at regular na pagdalo sa templo. Ngunit kapag natanto natin na hindi natin kailangang “gumawa ng mahirap na bagay” at itinutuon natin ang ating sarili sa pagsasabuhay ng dalisay at simpleng doktrina, nakikita natin kung paanong “napakaganda ng nagagawa” ng ebanghelyo para sa atin, maging sa pinakamahihirap na sitwasyon. Nakahahanap tayo ng lakas at “tiwala sa harap ng Diyos,” kahit dumaranas tayo ng sakit ng kalooban. Maraming beses na tayong pinaalalahanan ni Elder M. Russell Ballard, “Sa kasimplihan [tayo] magkakaroon ng … kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan.”

Ang pagsasabuhay ng kasimplihan na na kay Cristo ay naghihikayat sa atin na ipriyoridad ang mga tao kaysa sa mga proseso at walang-hanggang ugnayan kaysa panandaliang pag-uugali. Nakatuon tayo sa “mga bagay na pinakamahalaga” sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa halip na magambala sa pagtapos ng mga gawain natin sa ministering. Nag-uukol tayo ng oras na maiprayoridad ang mga bagay na magagawa natin sa halip na mabigatan ang kalooban sa mga bagay na hindi natin magagawa. Sabi ng Panginoon: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.” Ito ay lubos na nakahihikayat na kumilos sa simple at mapagpakumbabang paraan, anuman ang ating sitwasyon.

3. Oma Cziesla

Ang lola kong si Marta Cziesla ay magandang halimbawa ng paggawa ng “maliliit at mga simpleng bagay” upang maisakatuparan ang mga dakilang bagay. Ang magiliw na tawag namin sa kanya ay Oma Cziesla. Tinanggap ni Oma ang ebanghelyo sa munting nayon ng Selbongen sa East Prussia kasama ang aking lola-sa-tuhod noong Mayo 30, 1926.

Lola ni Elder Cziesla (kanan)

Si Marta Cziesla (kanan) noong araw ng kanyang binyag.

Minahal niya ang Panginoon at ang Kanyang ebanghelyo at determinado siyang tuparin ang mga tipang ginawa niya. Noong 1930 pinakasalan niya ang lolo ko, na hindi miyembro ng Simbahan. Sa pagkakataong ito naging imposible na para kay Oma na dumalo sa mga miting ng Simbahan dahil ang sakahan ng lolo ko ay malayo sa pinakamalapit na kongregasyon. Ngunit tumuon siya sa kaya niyang gawin. Patuloy na nagdasal si Oma, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at kumanta ng mga awitin ng Sion.

Maaaring inakala ng ilang tao na hindi na siya aktibo sa kanyang pananampalataya, pero malayo iyon sa katotohanan. Nang isilang ang tiyahin at tatay ko, nang walang priesthood sa tahanan at walang mga miting sa Simbahan o access sa mga ordenansa sa malapit, ginawa niyang muli ang makakaya niya at pinagtuunan ang pagtuturo sa kanyang mga anak “na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” Binasahan niya sila ng mga banal na kasulatan, kumanta kasama nila ng mga awitin ng Sion, at nanalanging kasama nila—araw-araw. Isang 100 porsiyentong karanasan sa Simbahan na nakasentro sa tahanan.

Noong 1945, ang lolo ko ay naglingkod sa digmaan bilang sundalo malayo sa tahanan. Nang papalapit na ang mga kaaway sa kanilang bukid, kinuha ni Oma ang kanyang dalawang maliliit na anak at iniwan ang pinakamamahal nilang sakahan para maghanap ng kanlungan sa mas ligtas na lugar. Matapos ang mahirap at mapanganib na paglalakbay, sa wakas ay nakahanap sila ng kanlungan noong Mayo ng 1945 sa hilagang Germany. Walang natira sa kanila kundi mga damit lang na suot nila. Pero nagpatuloy si Oma sa magagawa niya: nanalangin siya kasama ang kanyang mga anak—araw-araw. Kinanta niya sa kanila ang mga awitin ng Sion na isinaulo niya nang buong puso—araw-araw.

Napakahirap ng buhay, at sa loob ng maraming taon ang nasa isip lang niya ay masigurong may sapat na pagkain sila. Ngunit noong 1955, ang tatay ko, na noon ay 17 taong gulang, ay nag-aaral sa trade school sa lungsod ng Rendsburg. Naglakad siya sa isang gusali at nakita ang isang maliit na karatula sa labas na nagsasabing “Kirche Jesu Christi der Heiligen der Letzten Tage”—“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Naisip niya, “Nakakatuwa; ito ang simbahan ni Inay.” Kaya pagkauwi niya, sinabi niya kay Oma na natagpuan na niya ang simbahan nito.

Isipin ninyo kung ano kaya ang nadama ni Oma pagkaraan ng halos 25 taon na walang kontak sa Simbahan. Determinado siyang dumalo nang sumunod na Linggo at kinumbinsi ang tatay ko na samahan siya. Ang Rendsburg ay mahigit 20 milya (32 km) ang layo mula sa munting nayon kung saan sila nakatira. Ngunit hindi ito nakahadlang kay Oma na magsimba. Nang sumunod na Linggo,nagbisikleta siya kasama ang tatay ko papunta sa simbahan.

Nang magsimula ang sacrament meeting, naupo ang tatay ko sa huling hanay ng mga upuan, umaasang matapos na ito agad. Simbahan ito ni Oma at hindi sa kanya. Hindi siya naganyak sa nakita niya: iilang nakatatandang kababaihan ang naroon at dalawang bata pang missionary na mahusay na nangangasiwa sa lahat ng bagay sa miting. Ngunit nagsimula na silang kumanta, at kinanta nila ang mga awitin ng Sion na narinig ng tatay ko simula noong bata pa siya: “Mga Banal, Halina,” “Aking Ama,” “Purihin ang Propeta.” Ang marinig na kinanta ng munting kawan na ito ang mga awitin ng Sion na alam na niya mula noong bata pa ay nakaantig sa kanyang puso, at nalaman niya kaagad at walang pag-aalinlangan na totoo ang Simbahan.

Ang unang sacrament meeting na dinaluhan ng lola ko pagkaraan ng 25 taon ay ang meeting kung saan natanggap ng tatay ko ang personal na pagpapatibay ng katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Nabinyagan siya makalipas ang tatlong linggo, noong Setyembre 25, 1955, kasama ang lolo ko at tiyahin ko.

Mahigit 70 taon na ang lumipas mula ng pangyayaring iyon sa maliit na sacrament meeting na iyon sa Rendsburg. Madalas kong isipin si Oma, kung ano kaya ang nadama niya sa malulungkot na gabing iyon habang ginagawa ang maliliit at simpleng bagay na kaya niyang gawin, tulad ng pagdarasal, pagbabasa, at pagkanta. Habang nakatayo ako rito ngayon sa pangkalahatang kumperensiya at nagkukwento tungkol sa aking Oma, ang kanyang determinasyong tuparin ang mga tipan niya at magtiwala sa Panginoon sa kabila ng kanyang mga paghihirap ay nagpadama sa akin ng pagpapakumbaba at pasasalamat—hindi lamang para sa kanya kundi para sa marami sa ating mga kahanga-hangang Banal sa buong mundo na nakatuon sa kasimplihan kay Cristo sa kanilang mahihirap na kalagayan, marahil ay kaunti lang ang nakikitang pagbabago ngayon pero may tiwala na mangyayari ang mga dakilang bagay balang-araw.

4. Maliliit at mga Karaniwang Bagay

Natutuhan ko sa pamamagitan ng sarili kong karanasan na ang maliliit at mga karaniwang bagay ng ebanghelyo at tapat na pagtutuon kay Cristo ay nagdadala sa atin sa tunay na kagalakan, nagdudulot ng malalaking himala, at nagkakaloob sa atin ng tiwala na lahat ng ipinangakong pagpapala ay mangyayari. Totoo ito para sa inyo tulad ng totoo ito para sa akin. Sa mga salita ni Elder Jeffrey R.Holland, “May mga pagpapalang dumarating kaagad, may ilang huli na, at may ilang hindi dumarating hangga’t hindi tayo nakararating sa langit; ngunit para sa mga taong tumatanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito.” Ito ay pinatototohanan ko rin sa pangalan ni Jesucristo, amen.