Alamin Kung Sino Talaga Kayo
Nasaan man tayo sa ating landas ng pagkadisipulo, ang ating buhay ay magkakaroon ng mahalagang pagbabago kung mas nauunawaan natin kung sino talaga tayo.
Ilang taon na ang nakalipas, nagkaroon ng pambihirang karanasan ang aming anak na babae sa kanyang misyon. Nang may pahintulot niya, magbabahagi ako ng sipi ng isinulat niya sa amin noong linggong iyon:
“Kahapon, hiniling ng isang nagbabalik na miyembro na dumalaw kami sa lalong madaling panahon. Pagdating namin, nakita namin siya sa sahig, hindi mapigilan sa pag-iyak. Habang umiiyak siya, napag-alaman naming siya ay nawalan ng trabaho, mapapalayas sa kanyang apartment, at muling mawawalan ng tirahan.”
Pagpapatuloy ng aming anak na babae: “Nagsimula akong aligagang magsaliksik sa aking mga banal na kasulatan, sinusubukang maghanap ng isang talata—anuman—na makatutulong sa kanya. Habang hinahanap ko ang perpektong talata, naisip ko, ‘Ano ang ginagawa ko? Hindi ito ang gagawin ni Cristo. Hindi ito isang problemang kaya kong lutasin, ngunit siya ay isang literal na anak na babae ng Diyos na nangangailangan ng aking tulong.’ Kaya isinara ko ang aking mga banal na kasulatan, lumuhod ako sa tabi niya, at niyakap ko siya habang sabay kaming umiiyak hanggang sa handa na siyang tumayo at harapin ang pagsubok na ito.”
Matapos aluin ang babaeng ito, ginamit ng aming anak na babae ang mga banal na kasulatan upang subukang matulungan siya na maunawaan ang katotohanan ng kanyang banal na halaga at maituro sa kanya ang isa sa pinakapangunahing katotohanan ng ating buhay—na tayo ay mga minamahal na anak na lalaki at anak na babae ng Diyos, isang Diyos na nakadarama ng perpektong habag para sa atin kapag tayo ay nagdurusa at na handang tulungan tayo na makabangon muli.
Kapuna-puna na ang unang punto ng doktrina na itinuturo ng ating mga missionary ay na ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Ang bawat kasunod na katotohanan ay nagpapatatag sa pangunahing pagkaunawa sa kung sino talaga tayo.
Itinuro ni Susan H. Porter, Primary General President: “Kapag nalaman at naunawaan ninyo kung gaano kayo ganap na minamahal bilang anak ng Diyos, babaguhin nito ang lahat ng bagay. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo tungkol sa inyong sarili kapag nagkakamali kayo. Babaguhin nito ang nararamdaman ninyo kapag may mahihirap na bagay na nangyayari. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa mga kautusan ng Diyos. Babaguhin nito ang inyong pananaw hinggil sa iba, at sa inyong kakayahang gumawa ng kaibhan.”
Ang pagbabagong ito ay inilalarawan habang nagbabasa tayo tungkol sa karanasan ni Moises noong nakausap niya ang Diyos nang harapan. Sa pag-uusap na iyon, paulit-ulit na itinuro ng Diyos kay Moises ang tungkol sa kanyang banal na pamana, sinasabing “Moises, … ikaw ay aking anak.” Ipinaliwanag ng Diyos na si Moises ay kawangis ng Kanyang Bugtong na Anak. Malinaw na naunawaan ni Moises kung sino siya, na mayroon siyang kailangang gawin, at na mayroon siyang isang mapagmahal na Ama sa Langit.
Pagkatapos ng karanasang ito, ang kaaway ay dumating upang tuksuhin siya at agad siyang tinawag nito na, “Moises, anak ng tao.” Ito ay isang karaniwan at mapanganib na armas ng kaaway. Habang ang ating Ama sa Langit ay palagi at mapagmahal na nagpapaalala sa atin na tayo ay Kanyang mga anak, ang kaaway ay palaging nagtatangkang tawagin o bansagan tayo ayon sa ating mga kahinaan. Ngunit nalaman na ni Moises na siya ay higit pa sa isang “anak ng tao.” Ipinahayag niya kay Satanas: “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos.” Gayundin, kapag nahaharap tayo sa mga hamon ng mortalidad o kapag nadarama nating nagtatangka ang sinuman na tawagin tayo ayon sa ating mga kahinaan, kailangan nating manindigan sa kaalaman tungkol sa kung sino talaga tayo. Dapat maghangad tayo ng pagkilala mula sa Diyos, hindi sa kung sino man. At habang ginagawa natin ito, tayo rin ay maaaring matapang na magpahayag, “Ako ay anak ng Diyos.”
Sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, itinuro ng ating minamahal na Pangulong Russell M. Nelson: “Kaya sino kayo? Unang-una sa lahat, kayo ay isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, at isang disipulo ni Jesucristo. Kapag tinatanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong panghuling mithiin na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.”
Hindi nagkataon lamang na ito na marahil ang pinakamadalas banggitin sa banal na kasulatan, ipinapaalala sa atin ng Diyos ang ating ugnayan sa Kanya. Sa lahat ng pangalang maaaring gamitin upang tukuyin Siya sa panalangin sa sacrament, hiniling Niya na tawagin Siyang “Diyos, ang Amang Walang Hanggan.”
Kapag alam natin kung sino talaga tayo, mas titibay ang ating paniniwala na ang ating mapagmahal na Ama sa Langit ay naglaan ng plano upang makabalik tayo sa Kanyang piling. Itinuro ni Elder Patrick Kearon: “Ang magandang plano ng ating Ama, maging ang Kanyang ‘kamangha-manghang’ plano, ay nilayon upang iuwi kayo, hindi upang hindi kayo papasukin. … Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo.” Pag-isipan iyon nang sandali—ang ating makapangyarihan sa lahat at mapagmahal na Ama ay “patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo.”
Nasaan man tayo sa ating landas ng pagkadisipulo, ang ating buhay ay magkakaroon ng mahalagang pagbabago kung mas nauunawaan natin kung sino talaga tayo. Nais kong magmungkahi ng dalawang paraan kung paano natin mapalalalim ang pagkaunawa na ito.
Una, Panalangin
Habang sinisimulan ng Tagapagligtas ang Kanyang mortal na ministeryo, Siya ay inakay sa ilang upang “makasama ang Diyos.” Marahil ay kailangan nating baguhin ang ating pananaw at sa halip na magsambit lamang ng ating mga panalangin ay gumugol tayo ng sapat na oras upang makipag-ugnayan talaga at “makasama ang Diyos” araw-araw.
Napansin ko na ang kalidad ng aking mga panalangin ay bumubuti kapag gumugugol ako ng ilang minuto upang maghandang makipag-usap sa aking Ama. Ipinapakita sa atin ng mga banal na kasulatan na ito ay isang huwarang mabisa. Ito man ay si Joseph Smith; si Nephi, na anak ni Helaman; o si Enos, lahat sila ay dumaan sa ilang uri ng pagninilay at pagbubulay bago naganap ang kanilang nakatalang pakikipag-usap sa Diyos. Sinabi ni Enos na ang kanyang kaluluwa ay nagutom noong ang mga salita ng kanyang ama ay tumimo nang malalim sa kanyang puso. Itinuturo sa atin ng bawat isa sa mga halimbawang ito na kailangan nating espirituwal na maghanda para sa ating oras sa araw-araw na “makasama ang Diyos.”
Sa mga Nephita, nagtagubilin ang Tagapagligtas, “Kung kayo ay mananalangin, pumasok kayo sa inyong silid, at kung maisara na ninyo ang inyong pintuan, manalangin kayo sa inyong Ama.”
Ito man ay sa isang aparador o isang silid, ang alituntunin ay maghanap ng lugar kung saan maaari kayong mapag-isa upang manalangin, upang matulutan ang inyong kaluluwa na mapanatag, at upang madama ang mga pahiwatig ng “marahan at banayad na tinig.” Maaari tayong maghanda sa pamamagitan ng pagninilay-nilay tungkol sa mga bagay na ipinagpapasalamat natin at sa mga tanong o alalahanin na nais nating ibahagi sa ating Ama. Dapat nating sikaping iwasan ang paulit-ulit at nakagawiang paraan ng panalangin sa halip ay makipag-usap sa ating Ama, nang malakas kung maaari.
Natanto ko na sa kaguluhan ng ating buhay, kapag tayo ay nakikipagbuno sa maliliit na bata o abala sa mga sunud-sunod na miting, maaaring wala tayong pribilehiyo ng mga tahimik na aparador o maingat na paghahanda—ngunit ang mga yaong tahimik, mabilis, at agarang panalangin ay maaaring maging higit na makabuluhan kapag nagsikap tayo na “makasama ang Diyos” nang mas maaga sa araw na iyon.
Maaaring may ilang tao na matagal nang hindi nakapanalangin o ibang hindi nakadarama na dinirinig ang kanilang mga panalangin. Ipinapangako ko sa inyo na kilala kayo, mahal kayo, at nais makarinig mula sa inyo ang inyong Ama sa Langit. Nais Niyang makipag-ugnayan sa inyo. Nais Niyang tandaan ninyo kung sino kayo.
Itinuro kamakailan ni Elder Jeffrey R. Holland: “Gaano man kayo kadalas manalangin, gawin pa ninyong mas madalas. Gaano man kayo katindi manalangin, gawin pa ninyong mas matindi.”
Dagdag pa sa mas pinadalas at pinatindi na ating mga panalangin, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw at pagsamba sa templo ay makatutulong na ihanda ang ating mga isipan para sa paghahayag. Habang sinisikap nating pagbutihin ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit, pagpapalain Niya tayong mas lubos na madamang tayo ay Kanyang mga anak.
Pangalawa, Kilalanin Na Si Jesus Ang Cristo
Ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin na Kanyang mga anak ay ang katotohanang ipinadala Niya ang Kanyang Anak, ang ating personal na Tagapagligtas, upang tulungan tayong makauwi. Kung kaya’t kailangan natin Siyang kilalanin.
Ilang taon na ang nakararaan, habang naglilingkod ako bilang isang stake president, nagpasa ako ng rekomendasyon para sa isang brother upang maglingkod bilang ordinance worker sa templo. Matapos ipaliwanag kung gaano kaposible na maging mahusay na ordinance worker siya, hindi sinasadyang napindot ko ang “Huwag iendorso” na nagpasa sa rekomendasyon. Matapos ang hindi matagumpay na pagsubok na bawiin ang mensahe, tinawagan ko ang temple president at sinabi ko, “Nakagawa ako ng isang malaking pagkakamali.” Walang atubiling sinabi ng mabuting temple president na ito, “President Eyre, wala kang anumang nagawa na hindi maaaring patawarin at itama sa huli.” Napakagandang katotohanan. Tunay nga, si Jesucristo ay “makapangyarihang magligtas.”
Noong 2019, nagkaroon ng makabuluhang pagbabago sa mga tanong para sa temple recommend. Dati, ang itinatanong ay kung mayroon kayong patotoo tungkol sa papel ni Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos. Ngayon, ang itinatanong na ay kung mayroon kang patotoo tungkol sa Kanyang papel bilang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi lamang mabisa para sa iba; ito rin ay mabisa para sa inyo at sa akin. Siya ang aking Tagapagligtas. Siya ang inyong Tagapagligtas. Bawat isa sa atin. Sa pamamagitan lamang Niya kayo at ako makababalik upang makapiling ang ating Ama.
Kaya nga, mga kapatid, hanapin natin Siya. Pag-aralan natin ang Kanyang banal na ugnayan sa Ama at sa bawat isa sa atin. Danasin natin ang awit ng mapagtubos na pag-ibig na personal na dumarating sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating Manunubos kapag tayo ay nagsisisi. Kapag kinikilala natin “[siya] na makapangyarihang magligtas,” mauunawaan natin na tayo, bilang mga anak ng Diyos, ay Kanyang kagalakan—Kanyang pinakamahalagang pokus—at tayo ay talagang karapat-dapat iligtas isa-isa.
Pinatototohanan ko na tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit. Kapag nalaman natin ang walang hanggang katotohanang ito sa pamamagitan ng dakilang panalangin, personal na paghahayag, at paglapit kay Jesucristo, maaari na nating matapang na ipahayag ngayon at palagi na, “Ako ay anak ng Diyos.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.