2025
Mga Kaluluwang Mapagpakumbaba sa Altar Lumuluhod
Nobyembre 2025


11:24

Mga Kaluluwang Mapagpakumbaba sa Altar Lumuluhod

Sa paggawa at pagtupad natin sa ating mga tipan, ibinibigkis natin ang ating sarili sa Tagapagligtas, at lalo tayong nakatatanggap ng Kanyang awa, proteksiyon, pagpapabanal, pagpapagaling, at kapahingahan.

Salamat, choir, sa inyong patotoo sa pamamagitan ng bagong himno.

Ang bagong himno sa sakramento na “Ang Tinapay at Tubig ng Buhay” ay pumupuspos sa aking kaluluwa. Nakasaad sa isang linya ng himno, “Sa altar, bagbag kong puso’y ‘sinusuko sa Kanya.”

Lumalim ang pagkaunawa ko sa mga salitang iyon hindi nagtagal matapos lisanin ng aming pamilya ang Newbury Park, California, upang maglingkod sa Utah Ogden Mission noong 2015. Nakatanggap ako ng paanyayang libutin ang Hill Air Force Base malapit sa Layton, Utah. Hindi pa ako kailanman nakapunta sa isang base-militar, ni nakakilala ng military chaplain o ng kalalakihan at kababaihang nagtatrabaho upang pangalagaan at protektahan ang kanilang bansa.

Si Chaplain Harp, tulad ng libu-libong iba pang boluntaryo at propesyonal na chaplain na naglilingkod sa ating mga bilangguan, ospital, at base-militar sa iba’t ibang panig ng mundo, ay nagbigay-inspirasyon sa akin. Ang huling pinuntahan namin ay ang santuwaryo. Tinanong ko ang chaplain kung nagdaraos siya ng mga serbisyo para sa lahat ng taong nagnanais na magnilay, manalangin, magmuni, at sumamba. Nagpunta siya sa pader sa harapan ng kapilya at kinuha niya ang isang krus mula sa likod ng mga kurtina. Sinabi niya na ginagamit niya ang krus para sa mga pagsamba ng Protestante at Katoliko. Tinanong ko kung ano ang gamit niya para sa ating mga kapatid na Judio, at siya ay nagpunta sa kabilang panig ng pader at inilabas niya ang Bituin ni David.

Pagkatapos ay nagtanong ako, “Ano ang ginagawa mo para sa mga pagsamba ng Banal sa mga Huling Araw?” Inalis niya ang mga simbolong iyon at itinuro ang malaking altar na kahoy sa gitna ng santuwaryo. Sinabi niya na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw ay naghahanda at nagbabasbas ng tinapay at tubig sa ibabaw ng altar. Itinanong ko kung ang malaki, at tila nakapirming altar ay inaalis bago ang mga pagsamba ng ating mga kapatid na Judio, Muslim, Katoliko, o Protestante. Sinabi niya na hindi inaalis ang altar, dahil ginagamit din ito sa ilang paraan ng ilan sa mga relihiyong iyon.

Si Abraham ay gumawa ng altar, iginapos si Isaac, at handa nang isakripisyo ang kanyang kaisa-isang anak, ngunit pinigilan ang kanyang kamay, at sinabi niya, tulad ng sinabi ng Panginoon, “Narito ako”! Ilang beses nagboluntaryo ang Dakilang Ako o ang isa sa Kanyang mga propeta at sinabing, “Narito ako”?

Sa Kanyang Sermon sa Bundok, inanyayahan tayo ng Tagapagligtas na makipagkasundo sa ating mga kapatid bago tayo lumapit sa altar. Itinuro ni Pablo na tayo ay “pinababanal” sa altar sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang propetang si Lehi ay “iniwan ang kanyang tahanan … at ang kanyang mahahalagang bagay. … [Pagkatapos] siya ay gumawa ng isang dambana …⁠ at gumawa ng isang pag-aalay … , at nagbigay-pasasalamat sa Panginoon.”

Itinuturo sa atin ng Biblia at ng Aklat ni Mormon na sambahin ang Anak ng Diyos sa mga altar. Bakit?

Ang ating mga unang magulang, sina Eva at Adan, ay gumawa ng mga altar at sumamba sa harap ng mga altar. Matapos silang paalisin sa Halamanan ng Eden at sumamba sa loob ng “maraming araw,” isang anghel ang dumalaw at may isang madamdaming tanong na maaaring itanong din sa bawat isa sa atin: “Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon?”

Sumagot si Adan, “Hindi ko batid.”

Ang tugon ng anghel sa mapagpakumbabang sagot ni Adan ay nakamamangha: “Ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama. … Kaya nga, gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman.”

Ang hapag ng sakramento at mga altar ng templo ay sumisimbolo sa sakripisyo ni Jesucristo at ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala.

Sa paggawa at pagtupad natin sa ating mga tipan, pagtanggap ng mga ordenansa ng sakramento sa simbahan at ng endowment at pagbubuklod sa templo, ibinibigkis natin ang ating sarili sa Tagapagligtas, at lalo tayong nakatatanggap ng Kanyang awa, proteksiyon, pagpapabanal, pagpapagaling, at kapahingahan.

Awa at Proteksiyon sa Pamamagitan ng mga Tipan

Noong 15-taong-gulang ako, tinanong ko ang aking ama kung puwede akong hindi pumunta sa sacrament meeting—isang araw lamang ng Linggo sa Enero para sa espesyal na American football game. Sinabi niya na nasa hustong gulang na ako upang magdesisyon para sa sarili ko at hiniling niya sa akin na pag-isipan ang isang payo. Sabi niya, “Kung pipiliin mong hindi pumunta sa sacrament meeting nang isang beses, napakadali nang piliing gawin itong muli.”

Kung ang Tagapagligtas ang dakilang tagapag-ugnay, ang kaaway naman ang tagapaghiwalay. Siya, si Satanas, ay tinutukso tayo na ihiwalay ang ating sarili sa mga inilaang lugar ng pagsamba at sa proteksiyon ni Jesucristo. Kapag sinasamba natin ang Tagapagligtas, tumatanggap tayo ng “kapangyarihang salungatin ang likas na daloy ng kamunduhan.” Kapag nag-uukol tayo ng oras sa pakikipag-ugnayan sa Kanya, tayo ay pinangakuan na “ma[li]ligtas mula kay Satanas.” “Pagkatapos, kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang … nagpapalakas na kapangyarihan.” Talagang pinahahalagahan ko ang pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga tipang ginawa sa mga banal na altar.

Ang pag-unawa sa walang hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, ay nagbibigay ng espirituwal na proteksiyon laban sa mga panunukso ng kaaway. Mas malamang na makita ng binatang si Elder Jaggi sa Mexico, ni Zuster Jaggi sa Belgium, at ng iba pang mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang mga kaibigan na nabibinyagan at tumatanggap ng kaloob na Espiritu Santo kung dadalo ang mga kaibigang ito sa sacrament meeting sa unang linggo na nakontak sila ng mga missionary.

Mas malamang na mabuklod ang isang young adult sa Tonga o Samoa sa bahay ng Panginoon kung naghanda siya para sa endowment at natanggap ito kaagad pagkatapos ng graduation sa paaralan. Sa endowment, ang mga miyembro ay inaanyayahang ipamuhay, sundin, at tuparin ang limang batas na nagbibigay ng lakas at proteksiyon sa kanilang buhay. Kapag nakikipagtipan tayo sa Panginoon, may nabubuong ugnayan. Ipinapakita natin ang ating katapatan at pagmamahal sa Kanya. Nadaragdagan ang ating lakas at kapangyarihan sa bawat pangakong ginawa at tinupad natin.

Pagninilay at Pagpapabanal

Kapag mapagpakumbaba at simbolikong lumuluhod tayo sa mga altar ng Panginoon, oportunidad ito upang magnilay, “tumigil sa kapalaluan ng [ating] mga puso, … [nagpapakumbaba ng ating] sarili sa harapan ng Diyos.” Bago kami lumabas ng mga kaibigan ko noong binatilyo pa ako, madalas sabihin ng aking ina, “Alalahanin mo kung sino ka, at abisuhan at kuwentuhan mo ako kapag nakauwi ka na.” May ilang pagkakataon na hindi ko nagawa iyon dahil masyadong gabi na akong nakakauwi. Nanghihinayang ako na hindi ko nagawa ang mahahalagang pakikipag-usap na iyon kay Inay.

Ngayon nasasabik ako na makaugnayan ang aking Ama sa Langit. Sa aking araw-araw na personal na pagsamba, lumuluhod ako upang manalangin, sa tabi ng aking kama o kasama ang aking pamilya, at nakikinita ko ang aking sarili na nakaluhod sa mga altar, pinagninilayan at sinusuri ang aking buhay. Iniisip ko ang sakramento, maging ang mga buong piraso ng tinapay, na pinagpira-piraso para sa atin, na ang bawat isa ay simbolo ng binugbog at pinahirapang katawan ng ating Tagapagligtas. Naalala ko ang itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang bawat piraso ng tinapay ay natatangi, tulad ng pagiging natatangi ng mga taong kumakain nito.” Kapag lumuluhod ako upang manalangin, iniisip ko kung paano ko isusuko ang aking kalooban sa Diyos.

Itinuro ni Elder David A. Bednar na “ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. Ang pakikibahagi ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi nagpapatawad ng mga kasalanan. Ngunit kapag naghanda tayo nang seryoso at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.”

Kapag inaalala namin ni Amy ang aming mga karanasan sa buhay, nagagalak kami sa kaloob na perpektong pagmamahal at sakripisyo ni Jesucristo. Nakikita rin namin kung paano nagpakawala ng poot ang impiyerno. Paano natin madaraig ang panghuhusga, pagkabalisa, depresyon, kanser, diyabetis, online bullying, ninakaw na identidad, pagkalaglag ng mga sanggol sa sinapupunan, pagkamatay ng anak, kapatid, at ama? Dahil ininom ni Jesus ang mapait na saro ng paghihirap, ang saro ng poot—para sa akin, para sa aking pamilya, para sa ating lahat!

Ang Tagapagligtas sa Getsemani

Gethsemane [Getsemani], ni Adam Abram, sa kagandahang-loob ng altusfineart.com © 2025

Ang “mapait na saro” na ininom Niya sa Halamanan ng Getsemani at ang “tumindi” pang pagdurusa sa krus sa Kalbaryo, ang nagbigay-daan upang mailagay natin sa mga altar ng Panginoon ang mga paghihirap, kawalang-galang, karahasan, kabangisan, at takot na nararanasan natin at “[mapabanal tayo] sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo,” sa tuwina.

Sabi ni Sister Patricia Holland, “Ang taimtim kong dalangin para sa inyo at sa sarili ko ngayon ay isuko natin nang lubos ang ating kalooban, mapagpakumbabang magsisi at magtiwala sa mga pangako at kapayapaan ng Diyos saanman tayo naroon at anuman ang nagawa natin.”

Isang Lugar ng Paggaling at Kapahingahan

Kapag lumalapit tayo sa altar, hindi tayo nagtatamo ng gantimpala; natututuhan natin ang tungkol sa Tagapagbigay ng Kaloob. Sa pagkatuto at pakikipagtipan na iyon ay dumarating ang paggaling. Sabi ni Nephi, “Pinuspos Niya ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman.” At paanyaya ng ating mapagmahal na Tagapagligtas, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”

Noong maliliit pa ang aming dalawang nakatatandang anak na babae, sina Mackenzie at Emma, isa sa mga paborito nilang kuwento ang The Chronicles of Narnia: The Lion, the Witch and the Wardrobe. Gustung-gusto namin ang leon na si Aslan. Isa sa mga di-malilimutang gabi namin sa pagbabasa ng aklat ay nang ialay ng dakilang leon ang kanyang buhay para kay Edmund. Hindi malilimutan dahil napaluha ang mga magulang at mga anak nang paslangin ng Witch ang leon sa ibabaw ng Mesang Bato. Hindi malilimutan dahil nagpatuloy ang pag-asa, sa kabila ng trahedya, hanggang sa maganap ang kagila-gilalas na pangyayari. Narinig ang mga tili ng kagalakan sa munting silid na iyon nang si Aslan ay muling nabuhay at nagsabing, “Kung [alam ng Witch ang tunay na kahulugan ng sakripisyo], … [malalaman] niya na [kung] ang nagboluntaryong biktima na hindi nakagawa ng kataksilan ay [pinaslang] sa halip na isang taksil, ang Mesang [Bato] ay mabibiyak, at ang kamatayan ay [magsisimulang madaig].”

Pinagagaling ni Jesucristo ang lahat ng sugat. Ginawang posible ni Jesucristo ang pagkabuhay na muli.

Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022, ikinuwento ni Pangulong Russell M. Nelson ang paglilibot ng isang grupo sa temple open house. Isang batang lalaki ang kasama roon. Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Nang pumasok ang grupo sa isang silid para sa endowment, itinuro ng bata ang altar, kung saan lumuluhod ang mga tao upang makipagtipan sa Diyos, at sabi nito, ‘Uy, ang galing naman. Narito ang isang lugar upang makapahinga ang mga tao sa kanilang paglalakbay sa templo.’

“… Malamang wala siyang ideya tungkol sa tuwirang ugnayan sa pagitan ng pakikipagtipan sa Diyos sa templo at ng kagila-gilalas na pangako ng Tagapagligtas:

“‘Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.

“‘Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“‘Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan’ [Mateo 11:28–30; idinagdag ang diin].”

“Ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo,” subalit inanyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo, kayo at ako, sa hapag ng sakramento na magpahinga roon na kasama Niya. Kapag ang “[mga kaluluwang mapagpakumbaba] sa altar lumuluhod,” nananagana ang kapayapaan. Nakaunat ang mga bisig ng ating Tagapagligtas; nakalatag ang Kanyang hapag. Halina’t sambahin natin ang Anak ng Diyos sa Kanyang mga banal na altar. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.