2025
Umasa sa Diyos at Mabuhay
Nobyembre 2025


14:14

Umasa sa Diyos at Mabuhay

Sa pag-asa lamang sa Diyos maaaring umunlad ang mga indibiduwal, pamilya, at pati na ang mga bansa.

Noong nakaraang Hunyo, may naganap na nakakikilabot na aksidente sa bansang Lesotho sa timog Africa. Isang maliit na bus na may sakay na 20 young women ng Maputsoe Branch ng Simbahan at pito sa kanilang mga lider ang papunta noon sa lungsod ng Maseru para sa isang pagtitipon ng mga young women mula sa district nila. Habang tinatahak nila ang highway na may dalawang lane noong madaling-araw na iyon, isang kotse na papasalubong sa kanila, na nagtatangkang mag-overtake sa isa pang sasakyan, ay napunta sa linyang tinatakbuhan ng bus. Wala nang panahon o oras para makaiwas sa banggaan, at sa loob ng ilang segundo lamang ay nagsalpukan ang mga sasakyan, gumulong sa daan, at sumiklab ang apoy.

Sa kabuuan, 15 katao ang namatay sa aksidente, kabilang dito ang anim na young women, dalawang Young Women leader, at ang branch president at kanyang asawa. Ang mga nakaligtas, kapamilya, at kaibigan ay nakadama ng iba’t ibang emosyon, kasama na rito ang galit, depresyon, at pati na ang panghihinayang. Sa kabila ng mga damdaming ito at mga tanong na hindi nagkaroon ng kasagutan, inalo nila ang isa’t isa at bumaling sa Diyos sa pamamagitan ng sagradong musika, mga banal na kasulatan, at panalangin, kung saan sila nakasumpong ng kapayapaan. Nagpatotoo ang nakaligtas na labimpitong-taong-gulang na si Setso’ana Selebeli, “Mahal tayo ni Jesucristo at karamay natin Siya, kahit pa nasasaktan ang ating puso.”

Mga Miyembro sa Lesotho

Ang isang kabataang babae at isang lider na naospital dahil sa mga paso sa katawan ay magkasamang pinag-aralan ang Aklat ni Mormon. Sinabi ng isa sa kanila, “Kamakailan lamang, nagbabasa kami sa Moroni, at sinasabi ni Moroni ang eksaktong nararamdaman ko. … Kapag nagsasalita siya, parang sinasabi niyang, ‘Kailangan mong pag-aralan ang mga salitang ito dahil isinulat ang mga ito para sa iyo upang tulungan kang malampasan ito.’”

Libing sa Lesotho

Sa pinagsamang burol ng mga nasawi, ipinayo ng Area Seventy na si Elder Siyabonga Mkhize, “Kailangang bumaling tayong lahat sa Panginoon sa panahong ito at hilingin sa Kanya na aluin ang ating puso at … pawiin ang sakit na nararamdaman natin.” Himok ng Young Women president na si Mampho Makura mula sa karatig na Leribe Branch: “Bumaling sa Panginoon, at magkaroon ng lakas na tanggapin ang Kanyang kalooban. Si Jesucristo ang ‘may akda at tagatapos ng ating pananampalataya’ [Hebreo 12:2]. Huwag umiwas ng tingin, sa halip ay tumingin [at umasa] sa Kanya.”

Umasa sa Kanya. Inuulit ng kanyang mga salita ang payo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman: “Tiyaking aasa ka sa Diyos at mabubuhay.” Binanggit ni Alma ang naging karanasan ni Lehi at ng kanyang mga tao sa paggamit ng Liahona bilang pagkakahalintulad: “Kasindali ng pagbibigay-pansin sa salita ni Cristo, na magtuturo sa iyo sa tuwid na daan patungo sa walang hanggang kaligayahan, gayon din para sa ating mga ama na bigyang-pansin ang aguhong ito, na nagturo sa kanila sa tuwid na daan patungo sa lupang pangako.” Sinabi ni Alma: “Kung sila ay titingin ay mabubuhay sila. … Ang kung tayo ay titingin maaari tayong mabuhay magpakailanman.”

Sa isa pang okasyon, binanggit ni Alma ang halimbawa ng tansong ahas na itinaas ni Moises noong natuklaw ng mga makamandag na ahas ang sinaunang mga Israelita. Sinabi ng Panginoon kay Moises na gumawa ng pigura ng ahas at itaas ito sa isang tikin, at nangako na “bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon.” Ipinaliwanag ni Alma na ang tansong pigura ay kahalintulad o sumisimbolo kay Jesucristo na itataas sa krus. Marami ang tumingin at nabuhay, ngunit ang ilan, ayon sa mga salita ni Alma, ay “napakatigas” kaya tumanggi silang tumingin at mga nasawi.

Itinanong ni Alma:

“Kung kayo ay mapagagaling sa pamamagitan lamang ng pagbaling ng inyong mga mata upang kayo’y gumaling, hindi ba kayo mabilis na titingin, o nanaisin pa ninyong patigasin ang inyong mga puso sa kawalang-paniniwala, at maging mga tamad, na hindi ninyo ibabaling ang inyong mga mata, upang masawi kayo?

“ … Samakatwid [ibaling] ninyo ang inyong mga mata at [magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na muli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na muli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa.”

Mangyari pa, ang payong “umasa sa Diyos at mabuhay” ay makahulugan sa atin hindi lamang sa kawalang-hanggan, kundi gumagawa rin ng malaking kaibahan sa uri at kalidad ng ating buhay sa mundong ito. Tandaan ang mga salitang sinabi ng dalagitang si Sister Selebeli sa Lesotho—“Mahal tayo ni Jesucristo at karamay natin Siya, kahit pa nasasaktan ang ating puso.”

Likas sa isang makasalanang daigdig—kung saan nananalanta ang diyablo at hindi perpekto ang lahat ng tao—ang makaranas ng mga pagkadismaya at sama ng loob, pagdurusa at lungkot, kabiguan at pagkatalo, pag-uusig at kawalan ng katarungan. Sa pag-asa lamang sa Diyos maaaring umunlad ang mga indibiduwal, pamilya, at pati na ang mga bansa. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Dahil, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, tinubos ng Tagapagligtas ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo [tingnan sa Alma 7:11–13], kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.”

Walang pangako na paulit-ulit na mababasa sa Aklat ni Mormon maliban dito: “Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain; datapwat habang hindi ninyo sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay itatakwil mula sa aking harapan.” Ang naranasang buhay ng mga tao sa Aklat ni Mormon sa lumipas na mga siglo ay nagpapatunay sa katotohanan ng mga salitang ito. Ibig sabihin ng “umunlad” ay matamasa ang patnubay at mga pagpapala ng langit sa kanilang buhay. Ibig sabihin ng “umunlad” ay matamo ang mga antas ng maayos na ekonomiya na magbibigay sa kanila ng pagkakataong makasal, bumuo ng mga pamilya, at tugunan ang mga pangangailangan ng iba. Kabilang sa “pag-unlad” ang kakayahang madaig ang paghihirap at pagsubok. Sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo, “lahat ng bagay ay [gumawa] sa ikabubuti [nila],” dinalisay sila, at pinalalim ang kanilang kaugnayan sa Kanya.

Ipinaliwanag ni Alma na ang ibig sabihin ng umasa sa Diyos ay sumunod sa Kanyang mga utos, patuloy na magsumamo sa Kanya para itaguyod Niya, humingi ng payo sa Kanya sa lahat ng inyong mga ginagawa, puspusin ang inyong puso ng pasasalamat sa Kanya sa araw at gabi. Ang mga utos at payo ng Diyos ay nasa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod. Ang mga alituntunin at mithiing nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay pinakamagandang halimbawa. Isa pang gabay ang matatagpuan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ang tema ng Young Men at Young Women para sa taong ito ay “Isaalang-alang si Cristo,” na hango sa nakapapayapang atas ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” Nasasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ang ilan sa pinakamahahalagang kautusan at pamantayan ng Diyos at itinuturo nito kung paano aasa sa Panginoon upang makagawa ng mabubuting pagpapasiya. Ito ay gabay hindi lamang para sa mga kabataan kundi para sa ating lahat.

Isang napakaimportanteng halimbawa, ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naglalaman ng mahalagang tagubilin sa kabanata na pinamagatang “Ang Inyong Katawan ay Sagrado.” Iniaatas nito na: “Tratuhin ang iyong katawan—at ang katawan ng iba—nang may paggalang. Habang gumagawa ka ng mga desisyon tungkol sa iyong pananamit, estilo ng buhok, at hitsura, itanong sa iyong sarili, ‘Iginagalang ko ba ang aking katawan bilang sagradong kaloob ng Diyos?’”

Ipinapahayag pa rin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Panatilihing sagrado ang sex at ang damdaming seksuwal. Hindi ito dapat maging paksa ng mga biruan o libangan. Sa labas ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, mali ang hipuin ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng ibang tao kahit nakadamit. Sa iyong mga pagpili kung ano ang gagawin, titingnan, babasahin, iisipin, ipo-post, o ite-text, iwasan ang anumang bagay na sadyang pumupukaw ng pagnanasa sa iba o sa iyong sarili.”

Ipinapaalala nito ang payo kamakailan ni Pangulong Nelson:

“Ang paglabag sa banal na batas na ito [ng kalinisang-puri] ay magpapakumplikado nang mas mabilis sa inyong buhay kaysa sa halos lahat ng bagay. Para sa mga nakipagtipan sa Diyos, ang imoralidad ay isa sa mga pinakamabilis na paraan para mawala ang inyong patotoo.

“… Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay isang pribilehiyo ng pagiging diyos na pinapayagan ng Ama sa Langit na gamitin ng Kanyang mga mortal na anak. Kaya nga, nagtakda ang Diyos ng malinaw na mga tuntunin para gamitin ang buhay at banal na kapangyarihang ito. Ang pisikal na intimasiya ay para lamang sa isang lalaki at isang babae na ikinasal sa isa’t isa.

“Karamihan sa mundo ay hindi naniniwala rito, ngunit ang opinyon ng publiko ay hindi ang tagapagpasiya sa kung ano ang totoo. Ipinahayag ng Panginoon na walang taong imoral ang magtatamo ng kahariang selestiyal. … Kung hindi kayo naging malinis, nakikiusap ako sa inyo na magsisi. Lumapit kay Cristo at tanggapin ang Kanyang pangako ng lubos na kapatawaran kapag lubos ninyong pinagsisihan ang inyong mga kasalanan [tingnan sa Isaias 1:16–18; Doktrina at mga Tipan 58:42–43].”

Tandaan na sa pangako sa Aklat ni Mormon, hindi kahirapan ang kabaligtaran ng pag-unlad—kundi ang itakwil mula sa presensiya ng Panginoon. Ang presensiya Niya ay tumutukoy sa impluwensiya ng Kanyang Espiritu sa buhay ng tao. Lahat ay nagtataglay ng Liwanag ni Cristo nang isilang sila sa mundo. Bukod pa rito, ang ilan ay nagpapabinyag at tumatanggap ng kaloob at karagdagang liwanag na Espiritu Santo. Siya ay naghahatid ng inspirasyon at gabay, pinahuhusay at dinadalisay ang mga likas na talento at abilidad ng isang tao, at tumutulong para makaiwas tayo sa masasamang impluwensiya, sa mga maling desisyon, at sa pagtahak ng mga landas na walang patutunguhan.

Tulad ninyo, may ilang kakilala ako na minsang nagtamasa ng kaloob na Espiritu Santo ngunit dahil sa kabiguang sumunod sa mga utos ng Diyos, nawala ang pagpapalang iyon. May isang tao akong naaalala na binawi ang kanyang pagiging miyembro ng Simbahan dahil sa pagkakasala. Sinabi niya na ang una niyang naging reaksiyon ay magdamdam. Sa pakiramdam niya, siya ay hinusgahan ng mga di-perpektong lider. Alam niya na mali ang kanyang inasal, perot nangatwiran siya sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga kamalian at kahinaan ng iba. Kalaunan, naging komportable siya sa klase ng pamumuhay sa labas ng Simbahan na walang obligasyon na mga calling at inaasahang pagdalo para sumamba at maglingkod sa iba.

Nagpatuloy ito nang ilang panahon, ngunit nagsimula niyang maramdaman nang matindi ang pagkawala ng Espiritu Santo—ng presensiya ng Diyos—sa kanyang buhay. Dahil sa karanasan, alam niya kung paano tumanggap ng ginhawa, gabay at tiwala na dala ng Espiritu sa araw-araw, at hinanap-hanap niya ito. Sa wakas, ginawa niya ang kinakailangan upang makapagsisi at maging karapat-dapat muli na mabinyagan sa tubig at sa Espiritu.

Tila walang katapusan ang paghahanap ng mga tao ng iba’t ibang mapagkukunan ng kahulugan sa buhay, kaligayahan, at tulong. Karamihan ay “[tumitingin] nang lampas sa tanda.” Ngunit hindi natin kailangang maging “mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral [o mga bagong uso].” Sa pag-asa sa Diyos, makahahanap tayo ng kapayapaan sa paghihirap, at makapagpapatuloy sa paglago ang ating pananampalataya kahit sa mga panahon ng pag-aalinlangan at hamong espirituwal. Maaari tayong tumanggap ng lakas sa harap ng oposisyon at pagkawalay. Maaari nating matukoy ang kaibahan ng kasalukuyang realidad ng buhay mula sa konsepto ng idealismo. Talagang walang ibang paraan maliban sa inorden mismo ng Diyos: “Kayo’y bumaling sa akin, at kayo’y maliligtas, lahat ng dulo ng lupa! Sapagkat ako’y Diyos, at walang iba liban sa akin.”

Ang ibig sabihin ng umasa sa Diyos ay hindi lamang maging isa Siya sa ating mga priyoridad; bagkus, ang ibig sabihin nito ay Siya ang ating pinakapriyoridad. Muli kong babalikan ang nakakikilabot na banggaan ng mga sasakyan sa Lesotho nitong nakaraang Hunyo. Habang nakahiga sa kama sa ospital, sinabi ng isa sa mga lider ng Young Women na nakaligtas, na noo’y hindi naniniwala sa Diyos bago sumapi sa Simbahan, na layunin niya ngayong alamin kung bakit naligtas ang kanyang buhay. “Aalamin ko ang kasagutan sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod sa Diyos, kung mahahanap ko ang sagot,” sabi niya. “Iniisip ko noon na mahal ko ang Diyos, pero ngayon, mahal na mahal ko Siya. Siya ngayon ang [numero-unong] priyoridad ko sa buhay.”

Pinatototohanan ko na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo na perpektong nagkakaisa sa salita, isip, layunin, at gawa, ay iisang Diyos, na maaasahan natin para sa lahat ng mabubuting bagay. Nagpapatotoo ako sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na pinanggagalingan ng kapangyarihan upang matupad ang napakagandang pangakong ito: “Bumaling kayo sa akin, at maging tapat hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na nagpapakatapat hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Ryan Jensen, “Survivors of Deadly Bus Crash in Lesotho Share Grief—and Faith—in Wake of Tragedy,” Church News, Hulyo 18, 2025, thechurchnews.com; Ryan Jensen, “‘God Is Still God’—Remembering the Lives Lost in Lesotho Bus Accident,” Church News, Hulyo 19, 2025, thechurchnews.com.

  2. Alma 37:47.

  3. Alma 37:44.

  4. Alma 37:46; idinagdag ang diin.

  5. Tingnan sa Mga Bilang 21:5–6.

  6. Mga Bilang 21:8.

  7. Tingnan sa Alma 33:19.

  8. Alma 33:20.

  9. Alma 33:21–22. Sa pagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas ng apo ni Alma na si Nephi, idinagdag niya, “At kung gaano karami ang tumingin sa ahas na yaon ay nabuhay, gayon din kasindami ng titingin sa Anak ng Diyos na may pananampalataya, nang may nagsisising espiritu, ay mabubuhay, maging sa yaong buhay na walang hanggan” (Helaman 8:15).

  10. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96.

  11. 2 Nephi 1:20.

  12. Roma 8:28.

  13. Nakikita natin sa paligid ang mga ibinubunga ng pag-asa sa Diyos at napapasaatin ang Kanyang Espiritu. Halimbawa, nalaman sa isang research na ang “espirituwal na pag-unlad ay may kaugnayan sa proteksiyon laban sa depresyon at pag-abuso sa droga, at sa pagtulong sa mga young adult na magkaroon ng mas magagandang ugnayan, mas may layuning pagtatrabaho, at mas matatag na damdamin” (Cornelia Powers, “The New Spiritual Leader on Campus,” Atlantic, Mayo 18, 2025, theatlantic.com).

    Ang mga antas ng paulit-ulit na kalungkutan, emosyonal na pag-iisa, at pagkabalisa sa pangkalahatang populasyon ay salungat sa malawakang mas malusog na klase ng pamumuhay, pisikal at mental na sigla, mas matataas na antas ng edukasyon, at mga positibong pananaw sa buhay na batay sa pananampalataya sa gitna ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ito ay hindi dahil sa tayo, bilang isang grupo ng mga tao, ay hindi kailanman nakaranas ng mga problema na karaniwan sa mundo. Kundi, dahil sa pag-asa kay Jesucristo, tayo ay mananaig.

  14. Tingnan sa Alma 37:35–37.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:4.

  16. Doktrina at mga Tipan 6:36.

  17. Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022), 24, 25.

  18. Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 118; binigyang-diin sa orihinal.

  19. Tingnan sa Juan 1:9; Moroni 7:16; Doktrina at mga Tipan 84:45–46; 93:2.

  20. Jacob 4:14.

  21. Efeso 4:14.

  22. Isaias 45:22.

  23. Mapule Joyce Takane, sa Jensen, “Survivors of Deadly Bus Crash in Lesotho Share Grief—and Faith—in Wake of Tragedy,” thechurchnews.com.

  24. Tingnan sa 1 Juan 5:7; 3 Nephi 11:36; Doktrina at mga Tipan 20:28; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Diyos, Panguluhang Diyos,” Gospel Library.

  25. 3 Nephi 15:9.