Huwag Itatakwil ang Iyong Tunay na Katapatan
Mabilis kayong makahihingi ng banal na tulong at pagpapagaling sa kabila ng inyong mga kapintasan bilang tao.
Itinuro minsan ng isang guro sa paaralan na ang isang balyena—kahit malaki—ay hindi makalululon ng tao dahil maliit ang lalamunan ng mga balyena. Isang batang babae ang tumutol, “Ngunit si Jonas ay nilulon ng isang balyena.” Sumagot ang guro, “Imposible iyan.” Hindi pa rin kumbinsido, sinabi ng batang babae, “Kung ganun, kapag nakarating na ako sa langit, tatanungin ko po siya.” Ngumisi ang guro, “Paano kung si Jonas ay makasalanan at hindi napunta sa langit?” Sumagot ang batang babae, “Kung gayon, kayo po ang magtanong sa kanya.”
Tumatawa tayo, pero hindi natin dapat palampasin ang kapangyarihang inaalok ng kuwento ni Jonas sa bawat “mapagpakumbabang naghahanap ng kaligayahan,” lalo na sa mga nahihirapan.
Inutusan ng Diyos si Jonas na “pumaroon … sa Nineve” para magturo ng pagsisisi. Pero ang Nineve ay malupit na kaaway ng sinaunang Israel—kaya agad na nagpunta si Jonas sa eksaktong kabaligtarang direksiyon, sakay ng bangka, papuntang Tarsis. Habang siya ay naglalayag palayo sa kanyang tungkulin, isang bagyong nagpapalubog ng mga barko ang namuo. Nakatitiyak na ang pagsuway niya ang dahilan, si Jonas ay nagboluntaryo na itapon siya sa dagat. Pinakalma nito ang nangangalit na dagat, na nagligtas sa kanyang mga kasamahan sa barko.
Himala, nakatakas si Jonas sa kamatayan nang lamunin siya ng isang “[malaking] isda” na “inihanda” ng Panginoon. Pero nanlupaypay siya sa labis na madilim at nakakadiring lugar na iyon sa loob ng tatlong araw, hanggang sa tuluyan siyang iniluwa sa tuyong lupa. Pagkatapos ay tinanggap niya ang kanyang tawag na mangaral sa Nineve. Gayunpaman, nang magsisi ang lungsod at hindi nawasak, nagalit si Jonas sa awa na ipinakita sa kanyang mga kaaway. Matiyagang itinuro ng Diyos kay Jonas na mahal Niya at sinisikap Niyang iligtas ang lahat ng Kanyang mga anak.
Hindi lamang isang beses nagkamali sa kanyang paglilingkod, si Jonas ay nagbigay ng masidhing patotoo na sa mortalidad, “lahat ay nahulog.” Bihira tayong magpatotoo tungkol sa Pagkahulog. Ngunit ang pagkakaroon ng pang-unawa sa doktrina at espirituwal na saksi kung bakit ang bawat isa sa atin ay nahihirapan sa mga hamon sa moralidad, kalusugan, at personal na mga sitwasyon ay malaking pagpapala. Dito sa lupa, tumutubo ang masasamang damo, nababali maging ang matitibay na mga buto, at lahat ay “hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Ngunit ang mortal na kalagayang ito—na bunga ng mga pagpili nina Eva at Adan—ay mahalaga sa mismong dahilan kung bakit tayo nabubuhay: “upang [tayo] ay magkaroon ng kagalakan”! Tulad ng natutuhan ng ating unang mga magulang, sa pamamagitan lamang ng pagtikim ng pait at pagdama ng sakit ng isang nahulog na daigdig natin maiisip, lalo pa’t matatamasa, ang tunay na kaligayahan.
Ang patotoo tungkol sa Pagkahulog ay hindi dahilan para pangatwiranan ang kasalanan o hindi gawin ang mga tungkulin sa buhay, na palaging nangangailangan ng kasipagan, kalinisang-puri, at pananagutan. Pero dapat nitong pawiin ang ating mga pagkabigo kapag mayroong mga pagkakamali o nakikita natin na nagkakaproblema sa moralidad ang isang kapamilya, kaibigan, o lider. Kadalasan, ang mga bagay na tulad nito ay nagdudulot sa atin na malubog sa mapanirang kritisismo o sama ng loob na sumisira sa ating pananampalataya. Subalit ang matibay na patotoo tungkol sa Pagkahulog ay makatutulong sa atin na maging lalong katulad ng Diyos gaya ng inilarawan ni Jonas, na, “mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig” sa lahat—pati na sa ating sarili—sa ating hindi maiiwasang hindi sakdal na kalagayan.
Higit pa sa pagpapakita ng mga epekto ng Pagkahulog, ang kuwento ni Jonas ay makapangyarihang nagtuturo sa atin sa Kanya na makapagliligtas sa atin mula sa mga epektong iyon. Ang pagsasakripisyo ni Jonas sa sarili para iligtas ang kanyang mga kasamahan sa barko ay talagang tulad ni Cristo. At nang tatlong beses na pinilit si Jesus na magpakita ng isang mahimalang tanda ng Kanyang pagka-Diyos, sinabi Niya na “hindi [sila] bibigyan ng tanda maliban sa tanda ni Jonas,” ipinapahayag na si Jonas ay “nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa.” Bilang simbolo ng sakripisyong kamatayan at maluwalhating Pagkabuhay na Muli ng Tagapagligtas, maaaring may mga kahinaan si Jonas. Pero ito rin ang dahilan kung bakit ang kanyang personal na patotoo at pangako kay Jesucristo, na inialay sa tiyan ng balyena, ay napakasidhi at nagbibigay-inspirasyon.
Ang pagsamo ni Jonas ay pagsamo ng isang mabuting tao na may suliranin, na siya rin ang may-gawa. Para sa isang banal, kapag ang sakuna ay dulot ng hindi magandang ugali, komento, o desisyon, sa kabila ng napakaraming iba pang mabubuting hangarin at marubdob na pagsisikap na maging matwid, maaari itong maging lubhang nakapanlulumo at magparamdam sa tao na pinabayaan siya. Pero anuman ang sanhi o antas ng sakuna na ating kinakaharap, palaging may tuyong lupa para sa pag-asa, paghilom, at kaligayahan. Pakinggan si Jonas:
“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati … ; mula sa tiyan ng Sheol ako’y sumigaw. …
“Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman; …
“Kaya’t aking sinabi, ‘Ako’y inihagis mula sa iyong harapan; gayunma’y muli akong titingin sa iyong banal na templo.
“Kinukulong ako ng tubig sa palibot, [maging sa kaluluwa:] ang kalaliman ay nasa palibot ko, ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
“Ako’y bumaba sa mga ugat ng mga bundok. … Gayunma’y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay. …
“Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay … naalala ko ang Panginoon; at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
“Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan ay [nagtatakwil] ng kanilang tunay na katapatan.
“Ngunit ako’y mag-aalay sa iyo na may tinig ng pasasalamat. Aking tutuparin ang aking ipinanata. Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”
Kahit maraming taon na ang nakalipas, masasabi ko sa inyo nang eksakto kung saan ako nakaupo at nang eksakto kung ano ang nadama ko, nang, sa kaibuturan ng tiyan ng isang personal na impiyerno, natuklasan ko ang banal na kasulatang ito. Para sa sinuman ngayon na nadarama ang tulad ng nadama ko noon—na kayo ay itinaboy, lumulubog sa pinakamalalim na katubigan, na may mga damong-dagat na nakabalot sa inyong ulo at mga bundok sa karagatan na bumabagsak sa paligid ninyo—ang aking pakiusap, na binigyang-inspirasyon ni Jonas, ay: huwag itakwil ang inyong tunay na katapatan. Mabilis kayong makahihingi ng banal na tulong at pagpapagaling sa kabila ng inyong mga kapintasan bilang tao. Ang kahanga-hangang awa na ito ay dumarating sa pamamagitan ni Jesucristo. Dahil kayo ay ganap Niyang kilala at minamahal, iniaalok Niya ito sa inyo bilang inyong “pag-aari,” ibig sabihin ay akmang-akma ito sa inyo, idinisenyo upang mapawi ang inyong mga indibidwal na paghihirap at pagalingin ang inyong mga partikular na sakit. Kaya, para sa kapakanan ng langit at sa inyo, huwag ninyong talikuran iyon. Tanggapin ito. Magsimula sa pamamagitan ng pagtanggi na makinig sa “mga [pagpapahalaga] sa mga walang kabuluhan” ng kaaway na tutukso sa inyo na isipin na ang kaginhawahan ay matatagpuan sa paglayag palayo sa inyong mga espirituwal na responsibilidad. Sa halip, sundin ang halimbawa ng nagsisisi na si Jonas. Magsumamo sa Diyos. Bumaling sa templo. Kumapit sa inyong mga tipan. Paglingkuran ang Panginoon, ang Kanyang Simbahan, at ang iba nang may sakripisyo at pasasalamat.
Ang paggawa ng mga bagay na ito ay nagdudulot ng pang-unawa tungkol sa espesyal na pag-ibig na hatid ng tipan ng Diyos para sa inyo—na tinatawag ng Bibliyang Hebreo na hesed. Makikita at madarama ninyo ang kapangyarihan ng tapat, hindi napapagod, hindi nauubos, at “magiliw na awa” ng Diyos na maaaring magdulot sa inyo na maging “malakas… sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” mula sa anumang kasalanan o anumang dagok. Maaaring mahirapan kayong makita ito sa simula dahil sa matinding paghihirap. Pero habang patuloy ninyong tinutupad “ang inyong ipinanata,” ang gayong pangitain ay patuloy na magliliwanag sa inyong kaluluwa. At sa pangitaing iyon, hindi lamang kayo makahahanap ng pag-asa at paghilom, kundi, kahanga-hanga, makahahanap kayo ng kagalakan, maging sa gitna ng inyong mga suliranin. Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson nang napakahusay, “Kapag nakatuon ang ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya.”
Nahaharap man tayo sa isang malalim na problema na tulad ng kay Jonas, o sa pang-araw-araw na hamon ng ating hindi sakdal na mundo, ang paanyaya ay gayon pa rin: Huwag itakwil ang inyong tunay na katapatan. Tumingin sa tanda ni Jonas, ang buhay na Cristo, Siya na bumangon mula sa Kanyang tatlong araw na libingan na nagtagumpay sa lahat—para sa inyo. Bumaling sa Kanya. Maniwala sa Kanya. Panglingkuran Siya. Ngumiti. Sapagkat sa Kanya, at sa Kanya lamang, matatagpuan ang ganap at masayang paghilom mula sa Pagkahulog, paghihilom na kailangang-kailangan at mapagpakumbabang hinahanap nating lahat. Pinatototohanan ko na iyan ay totoo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.