Upang Lahat ay Mapasigla
Kapag nakapokus tayo kay Jesucristo, nagtuturo ng Kanyang doktrina, at masigasig na nag-aaral, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na palalimin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at tulungan tayong maging lalong katulad Niya.
Isang kuwentong isinalaysay tungkol sa binatilyong estudyante sa unibersidad na nahirapan sa isang mahirap na klase, kaya nagbayad siya ng tutor para tulungan siya. Nang matatapos na ang kurso, ipinahayag ng propesor na maaaring magdala ng isang papel sa final exam ang mga estudyante na maaari nilang ilagay ang anumang gusto nila. Naghanda ang ilang estudyante sa pamamagitan ng mga munting note o tala na may impormasyon mula sa mga lecture at textbook, na mababasa lamang gamit ang magnifying glass. Pero dumating ang binata sa final exam na may dalang blangkong papel at isang estranghero. Nang tanungin siya ng propesor, sumagot ang binatilyo, “Sabi po ninyo puwede akong magdala ng isang papel na may nakalagay na kahit ano.” Pagkatapos ay inilagay niya ang papel sa sahig sa tabi ng kanyang desk at sinabi, “Gusto ko pong tumayo ang tutor ko sa ibabaw ng papel ko.”
Ang Espiritu Santo
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na biniyayaan ng pagsama ng isang miyembro ng Panguluhang Diyos, maaaring mapasaatin ang tulong ng perpektong Tagapagturo. Alam ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay, pinatototohanan ang katotohanan, at “[ipinapaalala sa atin ang] lahat.” Madalas magsalita si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa kahalagahan ng marinig ang tinig ng Panginoon. Itinuro niya sa atin kung paano anyayahan ang patnubay ng Espiritu Santo at paulit-ulit na nagsumamo sa atin na dagdagan ang ating espirituwal na kakayahang tumanggap ng paghahayag.
Ngayo’y inaanyayahan ko kayong isipin ang tungkulin ng Espiritu Santo, na partikular na nauugnay sa pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan at sa simbahan. Ang Espiritu Santo ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya at habang nagsisikap tayong mamuhay nang karapat-dapat sa mahalagang kaloob na ito. Naka-outline sa inspiradong manwal ng Simbahan na Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ang karagdagang mga alituntuning itinatag ng Panginoon na tutulong na maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Ang isa sa mga alituntuning ito ay ang mag-anyaya ng masigasig na pag-aaral. Dati-rati, maaaring naisip natin na ang pagtuturo ay pagkakataon para anyayahan ng isang magulang o guro ang Espiritu sa sarili nilang paghahanda at pagkatapos ay ibahagi ang natutuhan nila sa mga bata o miyembro ng klase, na ang tungkulin ay makinig. Pero mas epektibo pa kapag dumating din tayong handa, bilang mga mag-aaral, at kapag lumikha ang mga guro ng mga karanasan sa pagkatuto na nagtataguyod ng personal na paghahayag nang direkta sa ating puso’t isipan. Pagkatapos, kapag binigyan tayo ng mga oportunidad na ibahagi ang ating natututuhan sa pamamagitan ng ating pag-aaral at mula sa Espiritu Santo, tinutulungan natin ang isa’t isa na maturuan at mapasigla. Kapag ipinamumuhay natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo, muling pinatototohanan ng Espiritu ang katotohanan ng mga iyon.
Sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang sakdal na halimbawa. Inanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na maging masigasig na mga mag-aaral at alagaan ang sarili nating patotoo. Inanyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo na maghandang matuto, ibahagi ang kanilang natututuhan, at kumilos nang may pananampalataya. Ipinagdasal Niya sila, nakita Niya ang kanilang banal na potensyal, nakinig Siya sa kanila, at tinulungan Niya silang malaman na sila ay minamahal at kailangan.
Bilang mga guro, maaari tayong higit na magtuon sa pag-unlad ng mga mag-aaral, sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, at sa pagtulong sa kanila na magkaroon ng mga espirituwal na gawi ng habambuhay na pagkadisipulo. Bilang mga mag-aaral, kapag ginagamit natin ang ating kalayaan sa proseso ng pagkatuto, ipinapakita natin sa Espiritu Santo ang ating kahandaang maturuan Niya.
Nagpapasalamat ako sa isang guro na nag-anyaya sa akin na maging mas mabuting mag-aaral. Nang magsimula ako sa kolehiyo, nagkamali akong isipin na ang paaralan ay isang bagay na kailangang tiisin para mapayagang sumali sa sports. Isang araw, matapos basahin ang isang papel na isinulat ko, sinabi sa akin ng aking propesor na naisip niya na isa akong matalinong analytical thinker. Ni hindi ko alam ang ibig sabihin niyon. Sinabi niya na sa mas nakatuon na pagsisikap, maaari akong maging mahusay na estudyante. Hindi ko naisip iyon kahit kailan. Binago ng kanyang interes, paghihikayat, at mga paanyaya ang takbo ng aking pag-aaral at lubos na pinagpala ang buhay ko.
Ituro ang Doktrina
Ang isa pang alituntuning mahalaga sa pag-anyaya sa Espiritu Santo ay ang magturo ng tunay na doktrina. Ibig sabihin, ang ating pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ay nakaugat sa salita ng Diyos at na hindi natin pinupukaw ang interes ng iba o iniisip-isip ang hindi pa naihayag ng Panginoon. Sa halip, nakapokus tayo sa mahalaga at walang-hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo, na nagtutulot sa Espiritu na patotohanan ang katotohanan. Muli, sinusundan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.”
Ang totoong doktrina ay makikita sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta. Ang payo ng Panginoon na pag-aralan ang mga banal na kasulatan nang mag-isa at bilang mga pamilya at magsimba bawat linggo para pag-aralan ang Kanyang ebanghelyo ay naglalaan ng nakamamanghang balangkas para mapag-aralan ang Kanyang doktrina at marinig ang Kanyang tinig. Sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan para maunawaan ang salaysay, ang mga alituntuning itinuturo ng mga ito, at ang paggamit ng mga katotohanang ito sa ating buhay. Kaylaking pagpapala ang mapasaatin ang mga banal na kasulatan. Isipin sina Eva at Adan, Abinadi, o kahit ang Dalubhasang Gurong si Jesucristo, na bumibisita sa ating tahanan o klase para turuan tayo. Magagawa nila kapag nagpakabusog tayo sa salita ng Diyos. Sa palagiang pagsisikap, matututo tayong maunawaan at mahalin ang mga banal na kasulatan at magtiwala na naroon ang mga sagot sa mga tanong ng kaluluwa.
May isang pagkakataon bago kami ikinasal na nahirapan ang asawa kong si Kristi na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at maunawaan ang Kanyang plano para sa kanya. Nang humiling siya ng patnubay sa panalangin, dumating ang isang impresyon na dapat siyang dumalo sa institute, kaya nag-enrol siya sa isang klase sa Bagong Tipan. Ang paraan ng pagtuturo ng institute teacher mula sa mga banal na kasulatan, maging ang paraan ng paghawak niya sa mga iyon, ay nagpakita kung gaano niya kamahal ang salita ng Diyos. Nang dumalo siya, ibinulong sa kanya ng Espiritu Santo na nasa mga banal na kasulatan ang kailangan niya. Dahil sa pagmamahal ng kanyang guro para sa mga banal na kasulatan at mga pahiwatig ng Espiritu Santo, nagkaroon siya ng hangarin na simulang pag-aralan nang seryoso ang salita ng Diyos—na naging habambuhay na paglalakbay na may malalim na pagbabalik-loob at nakalaang paglilingkod.
Magpokus kay Jesucristo
Sa huli, ayon sa mungkahi sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, dapat ay laging nakatuon kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto. Maaari tayong mangusap nang mas madalas at mas mapitagan tungkol sa Kanya at maghangad ng mas maraming oportunidad na magpahayag ng patotoo, pasasalamat, at pagmamahal sa Kanya. Anumang tagpo, kapag inaalala natin Siya, maaaring mapasaatin “ang Kanyang espiritu upang makasama [natin].”
Ang isang paraan para maisentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo ay ang bigyang-diin na Siya ang sakdal na halimbawa, ang sagisag at pagpapahayag ng lahat ng alituntunin ng ebanghelyo. Kahit hindi Siya tuwirang tinutukoy sa isang salaysay sa banal na kasulatan, maaari pa rin natin Siyang ituro bilang halimbawa ng alituntuning itinuturo. Maitatanong natin, “May naiisip ba kayong pagkakataon na ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng alituntuning ito?”
Maaari din tayong magtuon sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa Kanyang mga titulo, tungkulin, at katangian, na naghahangad hindi lamang na malaman ang Kanyang nagawa kundi na mas maunawaan din kung sino Siya. Halimbawa, kapag pinag-aaralan ang alituntunin ng pagsisisi, mahalagang maunawaan kung paano magsisi. Ngunit mahalaga ring tandaan ang nagawa ni Jesucristo para maging posible ang pagsisisi at maunawaan kung ano ang itinuturo sa atin ng pagsisisi tungkol sa Kanya, tungkol sa Kanyang tunay na likas na pagkatao at mga katangian. Ano ang sinasabi ng oportunidad nating magsisi tungkol sa Kanyang pagmamahal, pasensya, at awa, sa paniniwala Niya sa ating banal na potensyal, sa kahandaan Niyang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan, at sa kagalakang nadarama Niya sa pagpapatawad? At ang pag-unawa sa Kanyang mga titulo—tulad ng Kordero ng Diyos, Manunubos, at Manggagamot—ay tumutulong sa atin na makita na ang pagsisisi ay Kanyang paanyayang malinis, mabago, at mapagaling tayo. Ang pagpokus sa nagawa Niya para sa atin at ang sinasabi niyon kung sino Siya ay makakatulong sa atin na magkaroon ng “pananampalataya tungo sa pagsisisi.”
Kung minsan, maaaring hindi kaagad makita ang mga katangian ng Tagapagligtas na naka-outline sa isang salaysay sa banal na kasulatan. Halimbawa, kapag nagbabasa tungkol sa pagbuo ni Nephi ng isang barko, maaaring magpokus lang tayo kay Nephi. Ngunit ang pagpokus sa Tagapagligtas ay makakatulong sa atin na makita na hindi iningatan ang talaang ito para turuan tayo tungkol sa kadakilaan ni Nephi kundi para ipakita sa atin ang kadakilaan ng Diyos—na binibigyan Niya tayo ng lakas na sundin ang Kanyang mga utos at inililigtas tayo sa mga oras ng pangangailangan.
Maaari din tayong magtuon sa mahalagang tungkulin ni Jesucristo sa perpektong plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Maaari nitong baguhin ang takbo ng ating buhay para makita ang ating kalagayan gamit ang mga lente ng walang-hanggang plano ng Diyos sa halip na makita ang plano sa pamamagitan ng lente ng ating temporal na kalagayan. Ang ebanghelyo ay hindi listahan ng mga dapat gawin; ito ay ang mabuting balita na nadaig ni Jesucristo ang kasalanan at kamatayan. Sa pagtatamo ng Kanyang kamangha-manghang biyaya sa pamamagitan ng pagtupad ng ating mga tipan sa Diyos tayo maaaring mamuhay nang masaya ngayon at maghanda para sa buhay sa piling ng ating Ama sa Langit sa kawalang-hanggan. Habang natututo tayong makita ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, mas makikilala natin Sila at makikita ang Kanilang pagmamahal at impluwensya nang mas madalas at mas malakas sa ating sariling buhay.
Lagi kong maaalala ang Espiritung nadama ko noong kabataan ko nang magturo ang aming guro tungkol sa mga huling araw ng buhay ng Tagapagligtas. Tinulungan niya kaming makita ang kabuluhan ng mga kaganapan sa silid sa itaas, sa Getsemani, sa Golgotha, at sa libingang walang laman. Ibinahagi niya ang kanyang malaking pasasalamat para sa Tagapagligtas at ang kanyang malaking hangaring sundan Siya. Ang kanyang turo ay isang paanyaya na patotohanan ng Espiritu Santo si Jesucristo. At ang Espiritung aking nadama sa klaseng iyon ay nagpalalim sa aking pananampalataya at nagpaibayo sa aking pagmamahal at pagpapahalaga sa Tagapagligtas. Ang impluwensya ng gurong iyon ay nanatili sa akin sa buong buhay ko. Tulad ng sabi ng isa pang guro, “Mapapainit natin ang ating mga kamay sa [alab ng kanyang] pananampalataya.”
Katapusan
Sa ating tahanan at mga miting sa Simbahan, kapag nakapokus tayo kay Jesucristo, itinuturo natin ang Kanyang doktrina, at masigasig tayong nag-aaral, inaanyayahan natin ang Espiritu Santo na palalimin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at tulungan tayong maging lalong katulad Niya, na siyang layunin ng lahat ng pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo.
Nagpapasalamat ako sa mga guro sa aking buhay, mula sa butihing mga magulang at lokal na mga lider at guro hanggang sa mga lalaki at babaeng natawag na magturo at magpatotoo mula sa pulpitong ito, na tumutulong sa atin na makilala at sundin si Jesucristo. At nagpapasalamat ako sa Espiritu Santo, ang perpektong Tagapagturo. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ko nalalaman na mahal tayo ng Ama sa Langit at may sakdal na plano para sa atin; na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan; at na ang Kanyang ebanghelyo at Simbahan ay naipanumbalik na. Mapagpasalamat kong pinatototohanan ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.