Ang Nakasentro sa Pamilya na Ebanghelyo ni Jesucristo
Ang ating doktrina at ating paniniwala sa mga walang hanggang pamilya ay nagpapalakas at nagbubuklod sa atin.
Mapagmahal kong mga kapatid, salamat sa inyong mga dalangin para sa akin. Nadama ko ang mga iyon.
I.
Ang doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasentro sa pamilya. Ang templo ay mahalaga sa ating doktrina tungkol sa pamilya. Ang mga ordenansang natatanggap doon ay nagbibigay-daan sa atin na makabalik bilang mga walang hanggang pamilya sa piling ng ating Ama sa Langit.
Noong pangkalahatang kumperensiya ng Abril 2025, ipinabatid ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagtatayo ng 200 bagong templo. Gustung-gusto niyang ipahayag ang mga bagong templo sa pagtatapos ng bawat pangkalahatang kumperensiya, at lahat tao ay nagalak kasama niya. Gayunpaman, dahil sa malaking bilang ng mga templo na ngayon ay nasa pinakaunang mga yugto ng pagpaplano at pagtatayo, nararapat na pabagalin natin ang pag-anunsiyo ng mga bagong templo. Samakatwid, sa pagsang-ayon ng Korum ng Labindalawang Apostol, hindi kami mag-aanunsiyo ng anumang mga bagong templo sa kumperensiyang ito. Susulong tayo ngayon sa pagbibigay ng mga ordenansa sa mga miyembro ng Simbahan sa mga templong inanunsiyo, at kung naaangkop, magpapatuloy tayo sa pag-aanunsiyo at pagtatayo ng bagong mga templo.
Ang bahagi ng aking mensahe na kababanggit ko lang ay isinulat pagkatapos ng kamatayan ng ating pinakamamahal na si Pangulong Russell M. Nelson. Ang susunod ngayon ay isinulat at inaprubahan ilang linggo na ang nakararaan, ngunit kinakatawan pa rin nito ang aking mga turo, na binigyang-inspirasyon ng Panginoon.
II.
Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak, na ibinigay 30 taon na ang nakalipas, ay nagsasaad na “ang pamilya ay inorden ng Diyos” at “ang sentro ng plano ng Lumikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Sinasabi din nito na “nananatiling may bisa ang utos ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang mundo.” At, “ipinapahayag pa natin na iniutos ng Diyos na ang mga sagradong kapangyarihan ng paglikha ay dapat gamitin lamang sa pagitan ng lalaki at babae, na legal na ikinasal bilang mag-asawa.” Gaya ng itinuro ng dating si Elder Russell M. Nelson sa mga taga-Brigham Young University, ang pamilya ay “mahalaga sa plano ng Diyos. … Sa katunayan, ang layunin ng plano ay para dakilain ang pamilya.”
Ang Simbahan ni Jesucristo ay kilala kung minsan bilang Simbahan na nakasentro sa pamilya. Totoo naman! Ang ating kaugnayan sa Diyos at ang layunin ng ating mortal na buhay ay ipinaliwanag sa mga tuntunin ng pamilya. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang plano ng ating Ama sa Langit para sa kapakanan ng Kanyang mga espiritung anak. Talagang masasabi natin na ang plano ng ebanghelyo ay unang itinuro sa atin sa council ng isang walang hanggang pamilya, ito ay ipinatupad sa pamamagitan ng ating mga mortal na pamilya, at ang nilalayon nitong tadhana ay dakilain ang mga anak ng Diyos sa mga walang hanggang pamilya.
III.
Sa kabila ng konteksto ng doktrinang iyon, mayroong oposisyon. Sa Estados Unidos tayo ay dumaranas ng pagkasira ng kasal at panganganak. Sa loob ng halos isang daang taon, bumaba ang proporsyon ng mga sambahayan na pinamumunuan ng mga mag-asawa, at gayon din ang rate ng panganganak. Ang mga kasal at panganganak ng mga miyembro ng ating Simbahan ay mas positibo, pero bumaba rin nang malaki ang mga ito. Mahalaga na hindi mawala sa mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang pang-unawa sa layunin ng kasal at kahalagahan ng mga anak. Iyan ang kinabukasan na sinisikap nating makamtaan. “Ang kadakilaan ay responsibilidad ng buong pamilya,” itinuro sa atin ni Pangulong Nelson. “Sa pamamagitan lamang ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo mapapadakila ang mga pamilya.”
Ang pagbaba ng bilang ng kasal at pag-aanak sa buong bansa ay nauunawaan sa makasaysayang mga kadahilanan, pero ang mga pinahahalagahan at gawi ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat bumuti—huwag sumunod—sa mga uso na iyon.
Noong bata pa ako 80 taon na ang nakalipas, nanirahan ako sa bukid ng lolo’t lola ko sa isang lugar na halos lahat ng nangyayari sa maghapon ay nasa pamamahala ng pamilya. Walang telebisyon o iba pang electronikong kagamitan na gumagambala sa mga aktibidad ng pamilya. Sa kabaligtaran, sa urbanisadong lipunan ngayon, kakaunting miyembro ang nakararanas ng mga aktibidad na nakasentro sa pamilya. Ang urbanisadong pamumuhay at modernong transportasyon, organisadong libangan, at mabilis na komunikasyon ay pinadali para sa mga kabataan na ituring ang tahanan nila na parang boardinghouse kung saan sila natutulog at kumakain paminsan-minsan pero kakaunti ang patnubay ng magulang sa kanilang mga aktibidad.
Ang mga impluwensya ng magulang ay nabawasan din sa paraan ng hanap-buhay ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan. Noong nakaraan, isa sa malalaking impluwensya ng nagkakaisang pamilya ay ang karanasan ng sama-samang pakikibaka sa paghahangad ng iisang mithiin—tulad ng paglinis ng mga sakahan o paghahanap-buhay. Ang pamilya ay isang organisado at pinangangasiwaang unit ng produksyon ng ekonomiya. Ngayon, karamihan sa mga pamilya ay mga yunit ng pagkonsumong ekonomiko, na hindi nangangailangan ng mataas na antas ng organisasyon at kooperasyon ng pamilya.
IV.
Habang nababawasan ang impluwensiya ng magulang, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay mayroon pa ring responsibilidad na bigay ng Diyos na turuan ang kanilang mga anak na maghanda para sa tadhana ng ating pamilya sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25). Kailangan itong gawin ng marami sa atin kapag hindi tradisyonal ang lahat ng ating mga pamilya. Ang diborsyo, kamatayan, at paghihiwalay ay mga realidad. Naranasan ko iyon sa pamilyang kinalakihan ko.
Ang tatay ko ay namatay noong pitong taong gulang ako, kaya ako at ang mas bata kong kapatid na lalaki at babae ay pinalaki ng balong ina. Sa pinakamahirap na sitwasyon, nagpatuloy siya. Siya ay nag-iisa at nahihirapan, pero sa tulong ng Panginoon, ang kanyang mabisang pagtuturo ng doktrina ng ipinanumbalik na Simbahan ang gumabay sa amin. Nanalangin siya na tulungan siya ng langit sa pagpapalaki sa kanyang mga anak, at pinagpala siya! Lumaki kami sa masayang tahanan kung saan ang aming pumanaw na ama ay parang naroon lang. Itinuro niya na nagkaroon kami ng ama at may asawa siya at palagi kaming magiging isang pamilya dahil sa kasal nila sa templo. Pansamantalang wala ang tatay namin dahil tinawag siya ng Panginoon sa ibang gawain.
Alam ko na maraming iba pang mga pamilya ang hindi gaanong masaya, pero maituturo ng bawat nag-iisang ina ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang mga biyaya ng kasal sa templo. Magagawa mo rin ito! Tinitiyak ng plano ng Ama sa Langit ang posibilidad na ito para sa lahat. Lahat tayo ay nagpapasalamat sa kasal sa templo at sa mga inaasahang pagpapala ng pagkabuklod bilang pamilyang walang hanggan. Tulad ng aking ina, gustung-gusto naming banggitin ang pangako ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob na “ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2). Angkop ito sa bawat pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw, kumpleto man o hindi kumpleto sa kasalukuyan. Tayo ay simbahan ng pamilya.
Ang ating doktrina at ating paniniwala sa mga walang hanggang pamilya ay nagpapalakas at nagbubuklod sa atin. Hindi ko malilimutan ang pangako ng aking lolo sa ina na si Harris, noong mga bata pa kami na nakatira sa kanyang bukirin malapit sa Payson, Utah. Ibinigay niya sa akin ang malungkot na balita na namatay ang tatay ko sa malayong Denver, Colorado. Tumakbo ako sa kwarto at lumuhod sa tabi ng kama, na umiiyak nang todo. Sinundan ako ni lolo at lumuhod sa tabi ko at sinabing, “Ako ang magiging ama mo.” Ang magiliw na pangakong iyon ay makapangyarihang halimbawa ng magagawa ng mga lolo’t lola para punan ang mga kakulangan kapag ang mga pamilya ay nawalan o nawawalan ng miyembro.
Ang mga magulang, mag-isa o may-asawa—at ang iba pa, tulad ng mga lolo’t lola, na gumaganap sa tungkuling iyon para sa mga bata—ay ang mga dalubhasang guro. Ang kanilang pinakamabisang aral ay sa pamamagitan ng halimbawa. Ang samahan ng pamilya ang perpektong lugar para ipakita at matutuhan ang mga walang hanggang pinahahalagahan tulad ng kasal at mga anak, layunin ng buhay, at ang tunay na pinagmumulan ng kagalakan. Ito rin ang pinakamagandang lugar para matuto ng iba pang mahahalagang aral sa buhay, tulad ng kabaitan, pagpapatawad, pagpipigil sa sarili, at ang kahalagahan ng edukasyon at tapat na trabaho.
Syempre, maraming miyembro ng Simbahan ang may minamahal na mga kapamilya na hindi tanggap ang mga pinahahalagahan at inaasahan ng ebanghelyo. Kailangan ng mga miyembrong ito ang ating pagmamahal at pasensya. Sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa, dapat nating tandaan na ang pagiging perpekto na hanap natin ay hindi limitado sa mga nakaka-stress na mga sitwasyon ng mortalidad. Ang dakilang turo sa Doktrina at mga Tipan 138:57–59 ay tumitiyak sa atin na ang pagsisisi at espirituwal na pag-unlad ay maaaring magpatuloy sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng mortalidad. Mas mahalaga, habang nagkakaisa ang mga pamilya para palakasin ang isa’t isa, dapat nating alalahanin na ang mga kasalanan at hindi maiiwasang pagkukulang na nararanasan nating lahat sa mortalidad ay mapapatawad sa pamamagitan ng pagsisisi dahil sa maluwalhati at nakapagliligtas na Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
V.
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating tunay na huwaran. Tayo ay pagpapalain kung gagawin nating huwaran ng ating buhay ang Kanyang mga turo at magsasakripisyo. Ang pagsunod kay Cristo at paglilingkod natin sa isa’t isa ang pinakamainam na lunas sa pagiging makasarili at indibiduwalismo na tila karaniwan ngayon.
May tungkulin din ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng praktikal na kaalaman bukod sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Nagkakaisa ang mga pamilya kapag magkasama silang gumagawa ng mga bagay na makabuluhan. Ang mga hardin ng pamilya ay bumubuo ng mga ugnayan sa pamilya. Ang masayang karanasan sa pamilya ay nagpapatibay sa ugnayan ng pamilya. Ang kamping, mga aktibidad sa sports, at iba pang libangan ay lalong mahalaga sa pagtibay ng mga pamilya. Dapat bumuo ang mga pamilya ng mga family reunion para alalahanin ang mga ninuno, na humahantong sa templo.
Dapat turuan ng mga magulang ang mga bata ng mahahalagang skill sa buhay, kabilang ang pagtatrabaho sa bakuran at tahanan. Ang pag-aaral ng mga wika ay kapaki-pakinabang na paghahanda para sa paglilingkod ng missionary at modernong buhay. Ang mga guro ng mga subject na ito ay maaaring mga magulang o lolo’t lola o mga kamag-anak. Ang mga pamilya ay umuunlad kapag sila ay natututo bilang grupo at nagsasanggunian sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pamilya at mga miyembro nito.
Maaaring sabihin ng ilan, “Pero wala kaming oras para sa alinman sa mga iyon.” Para makahanap ng oras na gawin ang tunay na kapaki-pakinabang, makikita ng maraming magulang na maaari nilang i-on ang kanilang pamilya kung io-off nilang lahat ang kanilang mga teknolohiya. At mga magulang, tandaan, ang talagang gusto ng mga batang iyon para sa hapunan ay ang oras na kasama ka.
Malaking pagpapala ang dumarating sa mga pamilya kung sama-sama silang nananalangin, lumuluhod sa gabi at umaga para mag-alay ng pasasalamat sa mga pagpapala at manalangin para sa mga karaniwang alalahanin. Pinagpapala rin ang mga pamilya habang sama-sama silang sumasamba sa Simbahan at sa iba pang debosyonal. Ang buklod ng pamilya ay pinatitibay din ng mga kuwento ng pamilya, paglikha ng mga tradisyon ng pamilya, at pagbabahagi ng mga sagradong karanasan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang “mga kuwento ng inspirasyon mula sa ating sariling buhay at ng ating mga ninuno … ay makapangyarihang kagamitan sa pagtuturo.” Kadalasan sila ang pinakamahusay na mapagkukunan ng inspirasyon para sa atin at sa ating mga inapo.
Pinatototohanan ko ang Panginoong Jesucristo na Bugtong na Anak ng Diyos na ating Amang Walang Hanggan. Inaanyayahan Niya tayong sundin ang landas ng tipan na humahantong sa muling pagsasama ng pamilya sa langit. Ang kapangyarihan ng priesthood na magbuklod, na pinamumunuan ng mga susi na ipinanumbalik sa Kirtland Temple, ay pinagsasama ang mga pamilya sa kawalang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16). Kasalukuyang ginagamit ang mga ito sa dumaraming bilang ng mga templo ng Panginoon sa buong mundo. Ito ay totoo. Maging bahagi tayo nito, ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.