2025
Humayo Ka at Gayundin ang Gawin Mo
Nobyembre 2025


10:28

Humayo Ka at Gayundin ang Gawin Mo

Gusto kong itampok ang mga missionary na tinawag sa mga service assignment. Mga halimbawa sila sa atin.

Habang naglalakbay ang Tagapagligtas sa Bethsaida, nagdala ang ilang tao ng isang bulag sa Kanya. Marahil inasam nila na makakita mismo ng isang himala. “Hinawakan [ng Tagapagligtas] sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon” upang lihim itong pagalingin. Noong una, tila hindi naging mabisa ang pagpapagaling. “Tumingala ang lalaki at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.” Buong habag na “ipinatong na muli [ni Jesus] sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay, [at pinatingala ito].” Sa dagdag na haplos ng mga kamay ng Tagapagligtas, ang bulag ngayon ay “[nakakita … nang] maliwanag.”

Isang halimbawa lamang ito kung paano nakalarawan sa buhay ng Tagapagligtas ang paulit-ulit at mapagkumbabang mga paglilingkod. Ipinaalala Niya sa atin na Siya “ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” at pagkatapos ay hinikayat tayong sundan ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng higit pang paglilingkod, na nagbibigay sa mga humihingi, at nagmamahal sa ating kapwa. Nang may nagtanong, “Sino ang aking kapwa?” Ikinuwento ni Cristo ang talinghaga ng mabuting Samaritano, na may utos na “humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”

Ang mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga halimbawa ng mabuting Samaritano sa makabagong panahon na hinihikayat ni Cristo na tularan natin. Gusto kong itampok ang mga missionary na tinawag sa mga service assignment. Mga halimbawa sila sa atin kung paanong ang paglilingkod ay (1) nagbubukas ng mga puso sa ebanghelyo ni Jesucristo, (2) nagtutulot sa ating lahat na maglingkod anuman ang ating sitwasyon, at (3) naghahatid ng kapangyarihan ni Cristo sa ating buhay.

Una, ang Paglilingkod ay Nagbubukas ng mga Puso sa Ebanghelyo ni Jesucristo

Noong mga 91 BC, nagpakilala kay Haring Lamoni si Ammon, isang missionary sa Aklat ni Mormon, sa pagsasabing, “Nais kong manirahan sa mga taong ito [nang] ilang panahon; … [at] magiging tagapagsilbi ninyo ako.” Dahil sa kanyang paglilingkod sa hari, binigyan si Ammon ng oportunidad na “[makapagsalita] nang walang takot, …at sabihin [kay Haring Lamoni kung] sa anong kapangyarihan” niya isinagawa ang kanyang paglilingkod. Bilang kapalit, nangako ang hari na “ano man ang naisin [ni Ammon] … ay ibibigay [ng hari].” Ang tanging hiling ni Ammon ay na makinig ang hari sa mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang paglilingkod ni Ammon ay nagresulta sa “libu-libong kaluluwa [na nahikayat na magsisi].”

Sa ating panahon, patuloy na inaakay ng paglilingkod ang iba sa ebanghelyo. Si Sister Bevan ay naglilingkod noon bilang teaching missionary nang magsimula siyang magkaroon ng mga problema sa kalusugan at kinailangan niyang umuwi para magpagamot. Sa halip na ma-release, nagawa niyang patuloy na maglingkod bilang service missionary sa kanilang bayan.

Habang nasa isang parke, nahikayat sina Sister Bevan at ang isa niyang kaibigan na kausapin ang isang ina na may apat na maliliit na anak, ngunit nag-atubili sila at nakaalis ang pamilya. Kinabukasan, nagbalik sila sa parke, na ipinagdarasal na naroon sana ang pamilyang ito. Mahimalang naroon at nakaupo ang ina sa mismong lugar na inupuan nito kahapon. Sa pagkakataong ito ay nilapitan ni Sister Bevan at ng kanyang kaibigan ang ina, nakipagkilala rito, at natuklasan nila na kailangang-kailangan nito ng temporal na tulong. Naglaan sila ng tulong at pagkatapos ay inanyayahan ito na pag-aralan ang ebanghelyo.

Dahil sa paglilingkod at paanyayang iyon, nabinyagan ang ina at ang panganay nitong anak, na sinundan ng sumunod sa panganay pagkaraan ng isang taon. Nananatili silang aktibo hanggang ngayon. Batid ni Sister Bevan na ang karanasang ito ay inspirado ng langit at “pinatunayan [sa kanya] na [siya] ay nasa mismong lugar kung saan kinailangan ng Diyos na naroon [siya].”

Tulad nina Ammon at Sister Bevan, kapag pinaglilingkuran natin ang iba, tayo ay “[nagpapakita] sa kanila ng mabubuting halimbawa” at nais nilang malaman ang “[dahilan] tungkol sa pag-asang nasa [atin].”

Inaanyayahan tayo ni Jesus na “humayo [at] gayundin ang gawin.”

Pangalawa, ang Paglilingkod ay Tinutulutan Tayong Lahat na Maglingkod Anuman ang Ating Sitwasyon

Nanawagan si Pangulong Russell M. Nelson sa “bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa at maglingkod sa misyon” at para sa bawat may kakayahang dalagita na “ipagdasal na malaman kung nais ng Panginoon na magmisyon [siya].” Nangako siya na “ang desisyon ninyong magmisyon, proselyting man ito o service mission, ay magpapala sa inyo at sa maraming iba pa.” Binago ng mga service mission ang kahulugan ng salitang may kakayahan. Bawat karapat-dapat na binatilyo at dalagita ngayon na nais maglingkod sa full-time mission para sa Panginoon ay maaaring gawin ito, na may kakaunting eksepsiyon.

Si Elder Holgado ay isang halimbawa ng may kakayahang maglingkod anuman ang personal na sitwasyon. Isinilang siya na may pambihirang genetic disorder, na nakahadlang sa kanya na maglingkod sa teaching mission. Tinawag si Elder Holgado bilang service missionary at nagboluntaryo sa bishops’ storehouse, kung saan tinulungan niya ang iba na matanggap ang tulong na kinailangan nila. Nagsalansan siya ng mga estante, nagsupot ng mga gulay, at nagpitpit ng mga kahong karton.

Nang magsalita si Elder Holgado sa sacrament meeting pagkatapos ng kanyang misyon, ibinahagi niya na “kailangan ng Diyos ng mga service missionary. Kailangan Niya ng mga tao na magmamahal at maglilingkod sa iba. Ang mga taong ito ay nag-i-stock ng toilet paper, nagsusupot ng broccoli, gumagawa ng mga muwebles, at mababait sa mga tao.”

Hindi mo kailangang magkaroon ng service assignment o magsuot ng name tag para gumawa ng mabuti. Bawat paglilingkod ay kinikilala ng Tagapagligtas. May kakayahan tayong lahat na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may mapagmahal na kabaitan. Lahat tayo ay maaaring maglingkod sa isang tao sa ngalan ni Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mamuhay bilang mga halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo. Ang paglilingkod ay tinutulutan tayong ilaan ang ating sarili bilang mga buhay na sakripisyo na katanggap-tanggap sa Diyos.

Inaanyayahan tayo ni Jesus na “humayo [at] gayundin ang gawin.”

Pangatlo, ang Paglilingkod ay Naghahatid ng Kapangyarihan ni Cristo sa Ating Buhay

Ang isang binatang missionary na nalipat sa service assignment mula sa isang teaching assignment ay nahirapan sa ilang personal na hamon kaya kinailangan niya ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Cristo. Ang lubos na nakalaang paglilingkod ang naghatid ng kapangyarihang iyon sa kanyang buhay. Sabi niya, “Nadama ko na noong nahihirapan ako, nadama ko na pinasisigla ako si Cristo. May isang bagay na espesyal sa pagkakita sa Kanya na pinagpapala ang mga tao sa pamamagitan ng food pantry, sa templo, at sa pamamagitan ng Kanyang ebanghelyo.”

Nagsimulang makadama ang elder na ito ng mas matinding kagalakan, at napagpala siya at ang kanyang buong pamilya ng kanyang bagong-tuklas na kasigasigan. Pumasok ang Espiritu sa kanilang tahanan nang mas sagana, sama-sama silang dumalo sa templo nang mas regular, at higit na nagtuon ang kanilang pamilya kay Cristo. Naniniwala ang missionary na ito na iniligtas ni Cristo ang kanyang buhay at pinagpala ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng paglilingkod.

Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang kahandaang maglingkod at palakasin ang iba ay nagsisilbing sagisag ng kahandaan ng isang tao na mapagaling” ng kapangyarihang tumubos ng Tagapagligtas.

Inaanyayahan tayo ni Jesus na “humayo [at] gayundin ang gawin.”

Ang mga Service Missionary ay mga Halimbawa ng mga Banal na Disipulo ni Jesucristo

Kapag pinagpala kayo o ang isang kapamilya ng isang tawag na maglingkod bilang service missionary, isang sandali iyan para ipagdiwang. Ang inyong pamilya ay magkakaroon na ngayon ng isang naka-set apart na kinatawan ng Panginoong Jesucristo na nakatira sa inyong tahanan. Makabubuti iyan para sa inyong lahat. Hindi dapat magkaroon ng kabiguan sa anumang tawag na maglingkod. Umaawit tayo, “Tutungo ako saan man” at “Susundin ang Inyong utos.” Narito ang isang oportunidad na ipakita na tapat tayo sa sinasabi natin!

Sa inyong lahat na naglilingkod, at lalo na sa mahigit 4,000 nakababata pang service missionary, mahal namin kayo! Kung ang mga teaching missionary ang bibig ng Panginoon, ang mga service missionary naman ang mga kamay ng Panginoon, at hindi kayo mababang klaseng mga missionary. Bawat isa sa inyo ay mahalaga sa pagtitipon ng Israel. Itinuro ni Pangulong Nelson na “tuwing gumagawa tayo ng kahit ano na makatutulong sa kahit sino … para gawin at tuparin ang kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong tayo na tipunin ang Israel.”

Tinitipon ninyong mga service missionary ang Israel sa napakaraming paraan, at binabago ng inyong paglilingkod ang mga buhay. Madalas ay hindi ninyo alam kung sino ang nakikinabang sa inyong paglilingkod, ngunit alam ng Diyos. Laging tandaan na “yamang [pinaglilingkuran ninyo ang] isa sa pinakamaliit sa mga … ito], ay sa [Kanya kayo naglilingkod].” Naririnig namin ang boses ninyo kapag nagboboluntaryo kayo sa mga call center ng Simbahan; nakikita namin ang inyong mga ngiti kapag tumutulong kayo sa mga organisasyon sa komunidad; at nadarama namin ang inyong liwanag kapag naglilingkod kayo sa mga templo. Pinakakain ninyo ang nagugutom, dinadamitan ang nakahubad, at pinaiinom ang nauuhaw.

Kailangan nating lahat na humayo at gayundin ang gawin.

Ang Paglilingkod ay Mahalagang Bahagi ng Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo

Ang paglilingkod ay may kapangyarihang buksan ang mga puso sa ebanghelyo at tinutulutan tayong lahat na ibigay ang ating buong kaluluwa kay Cristo. Binabago nito ang ating puso upang maging higit na katulad Niya, at sa paggawa nito, tinutulungan natin ang iba na maging mas mabuti. Minsa’y itinanong ni Pangulong Nelson, “Sa daigdig na ito na hinahagupit ng espirituwal na pagkawasak, makagagawa ba ng kaibhan ang mga tao?” Ang sagot niya: “Oo! … ‘Ang mga … pinagtipanang tao ng Panginoon, … nasasandatahan ng … kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian’ … [ay maitataas] ang mga buhay ng buong sangkatauhan.” Sa pamamagitan ng paglilingkod binabago natin ang mga puso—at ang mundo.

Si Cristo ay “naglibot na gumagawa ng mabuti.” Pinaglingkuran Niya ang maysakit, binigyan ng paningin ang bulag, at binisita ang api. Nagluto Siya ng pagkain, tumulong sa mga handaan ng kasal, at nagpakain ng libu-libong nagugutom. Habang naglilingkod tayo sa ngalan ni Cristo sa isang tao, higit tayong nagiging banal at karapat-dapat sa kaloob na buhay na walang hanggan. Si Jesucristo ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ang ating Manunubos. Siya ang ating dakilang halimbawa ng paglilingkod. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na humayo at gayundin ang gawin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Marcos 8:22–26.

  2. Mateo 20:28.

  3. Tingnan sa Mateo 5:41.

  4. Tingnan sa Mateo 5:42.

  5. Tingnan sa Mateo 22:39.

  6. Tingnan sa Lucas 10:29–37.

  7. Para sa impormasyon tungkol sa mga young service missionary at kung paano mag-apply para maglingkod, bisitahin lamang ang ChurchofJesusChrist.org/service-missionary.

  8. Alma 17:23, 25.

  9. Tingnan sa Alma 17:31–39; 18:9–10, 20.

  10. Alma 18:21.

  11. Tingnan sa Alma 18:22.

  12. Alma 26:22.

  13. Si Sister Bevan ay naglingkod sa isang teaching mission sa Florida Tampa Mission at sa isang service mission sa Orem Utah Mission.

  14. Personal na interbyu kay Janae Bevan na ginawa noong Hunyo 10, 2025. Ang kuwento at mga sipi ay ginamit nang may pahintulot.

  15. Alma 17:11.

  16. 1 Pedro 3:15.

  17. Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6–7.

  18. Nagpapasalamat ako kay Sister Amy A. Wright, First Counselor sa Primary General Presidency, na malawak na nagturo ng alituntuning ito.

  19. Rubinstein-Taybi syndrome.

  20. Personal na interbyu kina Scott at Tricia Holgado na idinaos noong Hunyo 3, 2025. Ang kuwento at mga sipi ay ginamit nang may pahintulot.

  21. Pahayag ng layunin ng service missionary: “Tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may mapagmahal na kabaitan na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Maglingkod sa Kanyang pangalan sa bawat isa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo at mamuhay bilang halimbawa ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagtupad ng tipan sa Diyos, at [pagiging tapat] hanggang wakas” (Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary, 1.0, Gospel Library).

  22. Tingnan sa Roma 12:1.

  23. Personal na interbyu kay Jordan Fry na idinaos noong Hunyo 12, 2025. Ang kuwento at mga sipi ay ginamit nang may pahintulot.

  24. Russell M. Nelson, “Jesucristo—ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2005, 87.

  25. Noong Hulyo 2022, naglingkod kami ni Sister Evanson bilang mga mission leader para sa Utah Orem Mission. Kasama ang siyam na iba pang mission sa mundo, binigyan kami ng pribilehiyong makilahok sa isang pilot project na isinama ang mga young service missionary sa aming mission. Matapos ang una naming miting, isinulat ko sa aking journal: “Ngayong gabi ay nagkaroon kami ng napakaespesyal na miting. Nakilala namin ang mahigit 140 bagong missionary sa aming mission at ang kanilang mga magulang. Punung-puno ang chapel at gym, at nagdaos kami ng isang masiglang miting na puspos ng Espiritu, para malugod na tanggapin ang mga service missionary sa Utah Orem Mission. Napuspos ako ng pagmamahal namin para sa kanila. Lahat ay handang maglingkod. Napakagandang tingnan niyon.” Ang sitwasyon ng mga missionary na ito ay pinalawak mula sa dating mga teaching missionary na nagpapagaling sa mga sakit hanggang sa mga missionary na hindi nagsasalita na naka-wheelchair. Pagkaraan ng miting na iyon, sinabi sa akin ni Sister Evanson, “Pakiramdam ko ay kumpleto na ngayon ang ating mission.”

  26. Tingnan sa David A. Bednar, “Tinawag sa Gawain,” Liahona, Mayo, 2017, 67–70.

  27. “Tutungo Ako Saanman,” Mga Himno. blg. 171.

  28. Tingnan sa Mateo 23:11.

  29. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–93.

  30. Mateo 25:40.

  31. Tingnan sa Mateo 25:34–36.

  32. Tingnan sa Omni 1:26.

  33. Russell M. Nelson, “Paghahanda ng Sarili para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 39.

  34. Mga Gawa 10:38.

  35. Tingnan sa Marcos 1:30–31.

  36. Tingnan sa Marcos 8:22–26.

  37. Tingnan sa Lucas 19:1–10.

  38. Tingnan sa Juan 21:9.

  39. Tingnan sa Juan 2:1–10.

  40. Tingnan sa Juan 6:5–13.

  41. Tingnan sa Mateo 25:34; Roma 12:1.