2025
Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso
Nobyembre 2025


10:41

Ang Panginoon ay Tumitingin sa Puso

Ang tanging kailangan ng Diyos para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin at tulungan tayong maging katulad ng nais Niyang kahinatnan natin ay ang ibaling sa Kanya nang lubusan ang puso ng bawat isa sa atin.

Nang inutusang pumili ng bagong hari ng Israel mula sa mga anak ni Jesse, ang propetang si Samuel, matapos tingnan ang panganay na anak ni Jesse na si Eliab, ay masiglang bumulalas ng, “Tunay na ang hinirang ng Panginoon ay nasa harap niya.” Pero hindi si Eliab ang hinirang na lingkod ng Panginoon. Binalaan ng Panginoon si Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig; sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Kahit hindi si David ang pisikal na pinakamalakas o pinakamahusay sa kanyang mga kapatid, matatag ang kanyang puso sa paningin ng Diyos. Minahal niya ang Diyos nang buong puso at may matinding hangaring sundin Siya. Hindi natitinag ang kanyang pananampalataya sa pag-ibig, kapangyarihan, at ipinangakong mga pagpapala ng Diyos, tulad ng ipinakita niya kalaunan nang walang-takot niyang nilabanan at tinalo si Goliath sa tulong ng Panginoon.

Itinuturo sa atin ng kuwentong ito na ang tanging kailangan ng Diyos para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin at para matulungan tayong maging katulad ng nais Niyang kahinatnan natin ay dapat ibaling nang lubusan ng bawat isa sa atin ang ating puso sa Kanya. Sa isang abugado, iniutos Niya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo.” Kay Propetang Joseph Smith, sinabi Niya, “Dinggin, hinihingi ng Panginoon ang puso at ang isang nagkukusang isipan.” At sa mga Nephita, ipinaabot ng Tagapagligtas ang paanyayang ito: “Mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.”

Bakit kaya? Itinuro ng Tagapagligtas na kung lubos na nakabaling ang ating puso sa Kanya, dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, maaari tayong mabiyayaan ng lakas at espirituwal na mga kaloob na kailangan natin upang madaig ang ating mga hamon sa mundo, labanan ang tukso, tumanggap ng patnubay at pang-unawa, at makadama ng kagalakan at kapayapaan sa ating buhay. “Mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.” Sinabi Niya na maaari Niyang “[gawin] ang mahihinang bagay na maging malalakas” at biyayaan tayo ng lahat ng kailangan natin upang magtagumpay sa buhay na ito at tumanggap ng buhay na walang hanggan. “Mapapalad ang mga may malinis na puso,” sabi Niya, “sapagkat makikita nila ang Diyos.”

Naniniwala ako na ito ang dahilan kaya si Jesucristo, kahit paano, ay napakadalas iwasto ang mga eskriba at Fariseo noong panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa. Bagama’t masipag sumunod sa Kanyang utos, ginawa nila iyon para sa mga maling kadahilanan. Pinagalitan Niya sila, na sinasabing, “Ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin.”

Isang matinong paalala ito sa lahat ng Kanyang mga disipulo na hindi lamang ito tungkol sa ginagawa natin—sa ating mga salita at gawa—kundi ang dahilan din kaya natin ginagawa ang inutos sa atin ni Jesucristo—ang ating mga hangarin at layunin. Sabi Niya, “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso.” Ang nais ng ating Ama sa Langit ay higit pa sa pagsunod at paglilingkod na awtomatikong ginagawa ng Kanyang mga anak. Nais Niyang gawin natin ang mga bagay na iyon nang may tunay na layunin, dahil mahal natin Siya nang buong puso. Nais Niyang hangarin natin na maging katulad Niya.

Ngayon, kung ang espirituwal na kalusugan ng ating puso ang pangunahing alalahanin ng Tagapagligtas—na hinahanap Niya sa isang tunay na disipulo—paano natin masusuri ang ating puso at malalaman kung tama iyon sa paningin ng Diyos?

Kailan lamang, nang umuwi kaming mag-asawa mula sa aming misyon sa Portugal, nagpasuri kami sa mga doktor para malaman ang aming pisikal na kalusugan. Ang ilan sa mga pagsusuring iyon ay nakatuon sa kalusugan ng aming puso—tulad ng mga blood test, echocardiogram, at stress test. Naniniwala ako na naglaan din sa atin ang Tagapagligtas ng isang set ng mga espirituwal na pagsusuri para malaman ang espirituwal na kalagayan ng ating puso. May ilan akong ibabahagi sa inyo.

Pagsusuri sa Inyong Puso Gamit ang mga Espirituwal na Pangsuri

Una, ang Ating Pokus, mga Prayoridad, at mga Layunin

“Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso,” pagtuturo ni Jesus. Ang kayamanan ay isang bagay na mahalaga sa atin, isang bagay na pinagsisikapan at binibigyan natin ng atensyon. Kung paano natin pinipiling gugulin ang ating panahon at ituon ang ating atensyon, gayundin kung ano ang naghihikayat sa atin na gawin ang ginagawa natin, ay malinaw na nagpapakita ng nilalaman ng ating puso. Nagbabala ang Tagapagligtas na samantalang marami ang Kanyang tinawag, iilan lamang ang pinili “sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad [sila] ng mga parangal ng tao.” Inuuna ko ba ang Tagapagligtas sa buhay ko? Nakatuon ba ako sa Kanyang kaluwalhatian sa lahat ng aking ginagawa?

Pangalawa, ang Kahandaan Nating Sundin ang mga Utos ng Diyos

Sa buong banal na kasulatan, iniugnay ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta ang kayabangan at pagsuway sa pagkakaroon ng matigas na puso. Pinangaralan ni Nephi ang kanyang mga kapatid, na sinasabi, “Ano’t hindi ninyo sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon? Bakit kayo ay masasawi, dahil sa katigasan ng inyong mga puso?” Sa mga Banal sa Missouri, nagbabala ang Panginoon, “Subalit siya na hindi gumagawa ng anumang bagay hangga’t hindi siya inuutusan, at tumatanggap ng kautusan na may pusong nag-aalinlangan, at tinutupad ito nang may katamaran, siya rin ay mapapahamak.” Samantalang hindi inaasahan ng Tagapagligtas na maging perpekto tayo sa pagsunod sa Kanyang mga utos, hinihilingan Niya tayong hangarin at pagsikapang sundin nang buong puso ang mga iyon.

Pangatlo, ang Kasigasigan Nating Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan at Paghahangad ng Paghahayag

Pinayuhan ng Panginoon si Oliver Cowdery na “pahalagahan ang mga salitang ito sa iyong puso.” Inaanyayahan tayo na masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan at, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, hangaring magtamo ng pang-unawa at pagsaksi sa katotohanan ng ebanghelyo sa ating puso.

Pinagalitan ng propetang si Abinadi ang mga saserdote ng masamang si Haring Noe sa paggawa niyon, na sinasabi, “Hindi ninyo ginamit ang inyong mga puso sa pang-unawa; samakatwid, hindi kayo naging matalino.” Taos ko bang sinisikap na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw at taos-pusong inuunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng pagdarasal?

Pang-apat, ang Ating mga Iniisip at Sinasabi

Itinuro ng Tagapagligtas na “nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip” at na “sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” Ang kalidad ng ating mga iniisip at sinasabi ay magandang batayan ng kadalisayan ng ating puso. Naghihikayat ba ako ng napakaraming negatibong pag-iisip tungkol sa mga gawain o hangarin ng iba, o maging tungkol sa sarili ko? Napakabilis ko bang manghusga at humatol sa iba? Hinahangad ko bang humanap ng dahilan o pangatwiranan ang aking mga pagkakamali? At paano naman ang mga sinasabi ko? Nagpapasigla at nakakahikayat ba ang mga iyon sa mga tao sa paligid ko? O madalas bang lumikha ang mga ito ng alitan at sama ng loob?

Nang matapos ang mga pisikal na pagsusuri sa akin, sinabi sa akin ng doktor na, sa pangkalahatan, malusog ang puso ko—pero may ilang problema na kailangang ayusin ngayon, bago lumala ang mga iyon. Pagkatapos ay nagreseta siya ng ilang pagbabago sa estilo ng pamumuhay. Gayundin, kapag espirituwal ninyong sinuri ang inyong puso at napansin ninyo na may ilang negatibong sintomas na unti-unting nagsisimula, huwag sana kayong mataranta! Naglaan ang Tagapagligtas ng magaling na espirituwal na gamot at panggagamot para tulungan kayo. Nangako pa nga siyang bigyan kayo ng bagong puso! Narito ang ilang gawaing makakabuti sa espirituwal na kalusugan ng inyong puso.

Pagpapaibayo ng Espirituwal na Kalusugan ng Inyong Puso

Una, Patatagin ang Inyong Relasyon kay Cristo

Kapag naglalaan tayo ng oras araw-araw na lalong lumapit kay Cristo, nagbabago ang ating puso. Ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, na sinamahan ng taos na panalangin at regular na pag-aayuno, ay magpapaibayo ng inyong pagmamahal sa Tagapagligtas at magpapalakas ng inyong pananampalataya at hangarin na magsisi at mapagpakumbabang ihandog ang inyong puso sa Diyos. Isipin ang halimbawang ito mula kay Nephi: “Dahil dito, ako ay nagsumamo sa Panginoon; at masdan, dinalaw niya ako, at pinalambot ang aking puso kung kaya’t pinaniwalaan ko ang lahat ng salitang sinabi ng aking ama.”

Kapag patuloy nating inalagaan ang binhi ng pananampalataya sa pamamagitan ng ating matwid na mga hangarin at gawain, daranasin natin ang pagpapabanal ding iyon ng ating puso na tulad ng mga Nephita: “Sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos.”

Pangalawa, Iayon ang Inyong Kalooban sa Kanya

Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos⁠.” Inaanyayahan Niya tayong ipakita ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagtupad sa mga ito. Kapag nagsisikap tayo araw-araw na sundin ang Kanyang mga utos, taos na nagsisisi sa ating mga kasalanan, at matiyagang tinataglay sa ating sarili ang Kanyang pangalan at iniaayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, maaari tayong samahan palagi ng Espiritu Santo.

Nagpatotoo si Nephi, “Alam ko na kung inyong susundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag … , inyong tatanggapin ang Espiritu Santo.” Gagabayan kayo ng Espiritu Santo at tutulungan kayong malaman ang kalooban ng Panginoon at gumawa ng mabubuting pagpili.

Panghuli, Maglingkod sa Diyos at sa Iba nang Inyong Buong puso

Inaanyayahan tayong lahat ng Tagapagligtas na “[paglingkuran] siya nang buong puso.” Kapag pinili nating gawin ang bawat bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon—tulad ng pagsunod sa mga kautusan, pagtanggap ng sakramento, pagsamba sa templo, at paglilingkod sa iba—nang taos-puso at may tunay na layunin, bawat paglilingkod at pagsamba ay nagiging makapangyarihang espirituwal na karanasan na nagpapalakas sa ating pananampalataya at patotoo at pinupuspos ang ating puso ng kagalakan at pagmamahal para sa Diyos at sa ating kapwa-tao.

Maririnig pa rin ang tanong ng propetang si Alma hanggang ngayon: “Kayo ba ay espirituwal na isinilang ng Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?”

Mga kapatid, inaanyayahan ko kayong ibigay ang inyong buong puso sa Tagapagligtas ngayon. Hayaang maging taos at may layunin ang bawat pagsamba at paglilingkod. Isantabi ang mga paggambala ng mundo at sikaping magkaroon ng makabuluhang oras para sa Panginoon araw-araw sa inyong buhay. Buong pusong magsisi at bumalik sa Kanya, at patatawarin Niya kayo at yayakapin sa mga bisig ng Kanyang pagmamahal. Huwag hangarin ang mga bagay ng mundong ito, kundi piliing itutok ang inyong mata sa Kanyang kaluwalhatian at hangarin ang mas mabubuting bagay. Alam Niya ang inyong mga iniisip at mga hangarin ng inyong puso, at kapag lumapit kayo sa Kanya, bibiyayaan Niya kayo ng lakas, kumpiyansa, kapayapaan, at kagalakan sa buhay na ito at ng isang lugar sa Kanyang selestiyal na kaharian nang buong kawalang-hanggan.

Alam ko na si Jesucristo ay buhay. Siya ang ating Manunubos. At mahal Niya kayo at ako nang Kanyang buong puso. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.