2025
Pangulong Russell M. Nelson: Propeta at Apostol
Sa Alaala: Pangulong Russell M. Nelson


“Pangulong Russell M. Nelson: Propeta at Apostol,” Liahona, Nob. 2025.

Sa Alaala

Pangulong Russell M. Nelson: Propeta at Apostol

“Pinatototohanan ko na ang Diyos ay ating Ama. Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na sa lupa. Ang Kanyang katotohanan, mga tipan, at mga ordenansa ang nagbibigay-kakayahan sa atin na madaig ang takot at harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya!”

Si Russell M. Nelson na may hawak na mga banal na kasulatan

Noong 1979, si Dr. Russell M. Nelson, isang thoracic surgeon at Sunday School General President ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay dumalo sa isang pulong kung saan hinimok ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga naroon na magsikap pang lalo na maiparating ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, lalo na sa China. “Dapat nating matutuhan ang kanilang wika. Dapat natin silang ipagdasal at tulungan,” ang hamon na ibinigay ni Pangulong Kimball.

Tinanggap ni Dr. Nelson ang hamong iyon. Di-nagtagal siya at ang kanyang asawang si Dantzel ay nag-aral ng Mandarin. Kung magkakaroon ng pagkakataon na gumawa ng higit pa, gusto niyang maging handa.

Sa taon ding iyon, dumating ang pagkakataon. Sa isang pagpupulong ng mga propesyonal, may nakilala si Dr. Nelson na isang prominenteng Chinese surgeon. Dahil sa pag-aaral niya ng Mandarin, nagawa ni Dr. Nelson na simulan ang pakikipag-usap sa wikang Chinese. Naging maayos ang samahan ng dalawa, at inanyayahan ni Dr. Nelson na bisitahin ng Chinese doctor ang Utah. Kapalit nito, inanyayahan si Dr. Nelson na bisitahin ang China bilang isang honorary professor of surgery.

Si Russell M. Nelson na nakatingin sa modelo ng isang puso

Maraming ulit na nakabisita si Dr. Nelson sa China. Hinilingan pa siyang magpunta para operahan ang isang sikat na Chinese opera singer. Hindi lamang iginalang ng mga nakilala niya ang kahusayan niya sa medisina kundi pinasalamatan din nila ang pakikipag-usap niya sa kanila gamit ang kanilang sariling wika. Ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga Tsino ay naging kasangkapan sa pagkakaroon ng magandang relasyon ng Simbahan at ng China. At lahat ng ito ay naging posible dahil tinanggap niya ang hamon ng propeta.

Sa pagbabalik-tanaw sa hamon ni Pangulong Kimball, sinabi ni Pangulong Nelson: “Hindi ko siya narinig na nagsabing, ‘Lahat maliban kay Brother Nelson ay dapat gawin ang mga bagay na iyon.’ At naniwala ako sa kanya. Nagsikap ako, at si Dantzel din, habang tinuturuan ng Mandarin.” Sumulong siya nang may kumpiyansa, na nagtitiwala sa mga salita ng propeta.

Ang kahandaang sumunod ay katangian ng buhay ni Pangulong Nelson. Alam niya na ang pagsunod sa banal na tagubilin ay naghahatid ng mga pagpapala, sa tuwina, kahit na ang mga pagpapala ay hindi nakikita sa loob ng maraming taon.

ang batang si Russell M. Nelson kasama ang kanyang mga magulang at kapatid

Ang batang Russell Nelson (center front) kasama ang kanyang mga magulang at kapatid.

Pananampalataya sa Murang Edad

Si Russell Marion Nelson ay ipinanganak sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Setyembre 9, 1924, kina Marion C. at Edna Anderson Nelson. Ganito ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa kanyang mga magulang: “Pinanaig nila ang pagmamahalan sa kanilang tahanan. … Magkakasama kaming nagbasa, kumanta, naglaro, at nagtrabaho.”

Ang tahanan ng mga Nelson ay isang lugar na masaya, may pagmamahalan, at pagtutulungan. Ang edukasyon ay napakahalaga kina Marion at Edna. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Handa silang gawin ang anumang sakripisyong kailangan upang tulungan kaming mga anak na makamit ang mga bagay na nais naming gawin o marating. … Kung wala ang kanilang panghihikayat at lubos na pagtiyak sa kahalagahan ng pag-aaral at paglilingkod, hindi magiging ganito ang buhay ko ngayon.”

Bagama’t sinuportahan ng mga magulang ni Russell ang pagiging aktibo niya sa Simbahan, sila ay mas aktibo sa komunidad kaysa sa Simbahan. Nag-alala ang batang Russell na baka hindi mabuklod kailanman ang kanyang pamilya. Gayunman, nagtiwala siya na sasagutin ng Panginoon ang kanyang mga panalangin para sa kanyang pamilya. At pagkaraan ng maraming taon, nasagot ang mga iyon. Noong Marso 26, 1977, sina Marion at Edna at kanilang mga anak ay ibinuklod sa Provo Utah Temple. Sinabi ni Pangulong Nelson na ito ang pinakamagandang regalo na ibinigay ng kanyang mga magulang sa kanilang pamilya.

Maagang mga Paghahanda

Noong bata pa si Russell, nagpasiya siyang mag-aral ng medisina. Ninais niyang saliksikin ang mga bagay na hindi pa nalalaman, at nais niyang paglingkuran ang mga tao. Sa pagbabalik-tanaw sa desisyong ito, sinabi niya: “Naisip ko na ang pagiging ina ang pinakamainam na trabaho na magagawa ng isang tao. … Ang pangalawang trabaho ay sa medisina. Doon ay matutulungan ko araw-araw ang mga tao at matuturuan ko sila.”

Kaya’t nang makatapos ng high school noong 1941, sinimulan ni Russell ang premedical studies sa University of Utah. Dahil sa kawalang-katiyakan na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tinapos ni Russell ang apat na taong pag-aaral sa loob ng tatlong taon. Bagama’t abalang-abala siya sa pag-aaral, nag-ukol pa rin siya ng panahon na sumali sa mga pagtatanghal at iba pang mga aktibidad. Sa isa sa mga pagtatanghal na ito niya nakilala ang isang dalaga na kalaunan ay naging asawa niya. Nang una niyang makita si Dantzel White na nagpapraktis sa entablado, itinanong niya, “Sino ang magandang babaeng iyon na umaawit?”

Sina Russell at Dantzel

Sina Russell M. Nelson at kanyang asawang si Dantzel sa University of Utah noong 1942.

Noong Agosto 31, 1945, sina Russell at Dantzel ay ikinasal sa Salt Lake Temple. “Tiyak ko na ito ang pinakamahalagang bagay na nagawa ko,” paggunita niya noong 1982. “Naging katuwang ko siya sa buhay, binigyan ako ng sampung magagandang anak, at ibinigay niya sa akin ang lahat ng magagandang bagay na iyon na hindi nahahawakan o nakikita na ibinibigay ng isang kabiyak para tulungan ang kanyang asawa na magsikap para magtagumpay at maging mapagmalasakit.”

Nang matanggap niya ang kanyang bachelor‘s degree noong Hunyo 1945, si Russell ay nasa kanyang unang taon na ng pag-aaral ng medisina, at tinapos niya ang apat na taong kurso ng medisina sa loob ng tatlong taon. Noong Agosto 1947, sa edad na 22, natanggap niya ang medical degree nang may pinakamataas na karangalan.

Si Russell M. Nelson na nakatoga

Si Russell M. Nelson na nagtapos sa University of Utah ng doctor of medicine degree noong Agosto 1947.

Pagsunod sa mga Batas ng Langit

Kasunod ng pagtatapos ni Dr. Nelson sa paaralan ng medisina, sila ni Dantzel ay lumipat sa Minnesota, USA. Doon ay sumali siya sa isang research team para bumuo ng isang artipisyal na heart-lung machine. Dinisenyo at binuo mismo ng team ang bawat bahagi nito.

Sa buong pananaliksik niya, nahikayat si Dr. Nelson ng pagkaunawa niya tungkol sa pagsunod sa mga batas ng Diyos. Alam niya na “lahat ng kaharian ay may batas na ibinigay” (Doktrina at mga Tipan 88:36) at na kabilang dito “maging ang pagpapala ng tibok ng puso.” Kung mauunawaan ng kanyang team ang mga batas na iyon, maaari nilang gamitin ang mga iyon upang pagpalain ang mga maysakit.

“Para sa akin ang ibig sabihin nito ay kung kami ay magsisikap, mag-aaral, at itatanong ang mga wastong tanong sa aming mga siyentipikong eksperimento, matututuhan namin ang mga batas na sumasaklaw sa tibok ng puso. Ngayon, matapos malaman ang ilan sa mga batas na iyon, alam namin na maaari naming mapatigil pansamantala ang tibok ng puso, magsagawa ng maseselang pag-aayos sa nasirang mga balbula o ugat, at pagkatapos ay patibukin muli ang puso.”

Isang Pioneer at Lider

Matapos ang trabaho niya sa paggawa ng heart-lung machine, nagpatuloy si Dr. Nelson sa pagsasaliksik ng mga paraan upang mapabuti ang open-heart surgery. Noong 1955, isinagawa niya ang unang matagumpay na open-heart surgery gamit ang isang heart-lung machine sa Utah.

Sa kabila ng tagumpay na ito, hindi pa rin pamilyar ang open-heart surgery. Umabot sa kaalaman ni Dr. Nelson ang tungkol sa isang pamilya na namatayan ng panganay na anak na lalaki dahil sa congenital heart disease o sakit sa puso mula pagkasilang. Ganito rin ang naging kalagayan ng kanilang anak na babae. Delikado ang kanyang kalagayan, ngunit nangako siya na gagawin niya ang lahat para sa batang iyon. Nakalulungkot na namatay ang bata pagkatapos ng operasyon. Kalaunan, isa pang anak na babae ang dinala sa kanya mula sa pamilya ring iyon, na isinilang na may diperensya rin sa puso. Muli siyang nagsagawa ng operasyon, pero namatay rin ang batang ito. Si Dr. Nelson ay labis na nagdalamhati. Sumumpa siya na hindi na siya muling mag-oopera sa puso ng tao.

Bagama’t kasama niyang nagdalamhati si Dantzel, matalino nitong sinabi sa kanya na kung titigil siya, kailangang pag-aralan ng ibang tao ang alam na niya. “Hindi ba’t mas mainam ang patuloy na magsikap kaysa tumigil ngayon at hayaang maranasan din ng iba ang hirap na dulot ng pag-aaral ng bagay na alam mo na?”

Kaya, si Dr. Nelson ay muling bumalik sa laboratoryo at operating table at lalo pang pinagbuti ang pagtatrabaho kaysa dati. Sa huli, siya ay naging isa sa mga pinakamahuhusay na heart surgeon sa bansa. Noong 1983 lamang—ang taon bago siya tinawag bilang Apostol—nakapagsagawa na siya ng 360 mga operasyon.

Inilaan ni Dr. Nelson ang kanyang mga talento sa pagsasaliksik, pagtuturo, at pag-oopera. Naglingkod siya sa maraming maimpluwensyang lokal, nasyonal, at internasyonal na propesyonal na kakayahan. Siya ay sertipikado ng American Board of Surgery at ng American Board of Thoracic Surgery at pagkatapos ay nagsilbi sa loob ng anim na taon sa American Board of Thoracic Surgery. Naglingkod si Dr. Nelson bilang pangulo ng Thoracic Surgical Directors Association, Society for Vascular Surgery, at Utah State Medical Association. Naglingkod din siya bilang direktor ng American Board of Thoracic Surgery.

Sa LDS Hospital, siya ay naglingkod bilang chairman ng Division of Thoracic Surgery at vice-chairman ng board of governors. Tumanggap siya ng maraming parangal, kabilang na ang “Citation for International Service” mula sa American Heart Association, at ang “Golden Plate Award” mula sa American Academy of Achievement. Ginawaran din siya ng tatlong honorary professorship mula sa mga unibersidad sa People’s Republic of China.

pamilya ni Russell M. Nelson

Ang pamilyang Nelson noong 1982.

Pagmamahal sa Tahanan

Sa paglipas ng mga taon, ang pamilyang Nelson ay lumaki at biniyayaan ng siyam na anak na babae at isang anak na lalaki. Sa kanyang abalang iskedyul at maraming responsibilidad, hindi palaging nakakauwi si Russell para makasama ang kanyang pamilya. Ngunit sinabi ng kanyang asawang si Dantzel patungkol sa kanya, na, “Kapag nasa bahay siya, talagang nasa bahay siya!” Hindi kailanman nag-alinlangan ang pamilya sa kanyang pagmamahal sa kanila.

Ang tahanan ng mga Nelson ay puno ng musika, tawanan, at paglilingkod. Tiniyak nila na mapag-aralan ang mga banal na kasulatan at makapag-family home evening nang magkakasama. Nagbibiyahe silang pamilya at nanonood ng mga ball game nang magkakasama.

Pinalaki nina Russell at Dantzel ang kanilang pamilya nang may pagmamahal at pagtitiyaga. Sa bibihirang pagkakataon, pinagsasabihan ni Russell ang kanyang mga anak na babae na nasa ibaba, “Maaari bang huwag kayong masyadong maingay mga anak; may mga tao na nakasalalay ang buhay sa mahimbing na pagtulog ng inyong tatay!”

Dahil madalas siyang magbiyahe papunta sa mga miting tungkol sa medisina, karaniwan ay may kasama siyang kahit isang miyembro lang ng pamilya, para matiyak na mananatili siyang malapit sa lahat ng kanyang mga anak. Isang lider ng Simbahan ang minsang nagsabi sa kanya na ang gayong gawi ay “matalinong pamumuhunan.” Tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson: “Sa buong buhay ko, tumugon ako sa maraming titulong itinawag sa akin, kabilang na ang doktor, kapitan, propesor, at elder. Ngunit ang titulo na pinaka-iginagalang ko ay ang asawa, ama, at lolo.”

Habang lumalaki ang pamilya at umaalis na sa tahanan ang mga anak, nakahanap sila ng mga paraan upang manatiling malapit sa isa’t isa. Sinimulan nila ang Nelson News, isang buwanang pahayagan na may isang artikulo mula sa bawat miyembro ng pamilya at kalendaryo ng mahahalagang kaganapan sa pamilya. At sa bawat buwan ay mayroon silang salu-salo ng pamilya at party para ipagdiwang ang lahat ng kaarawan at anibersaryo sa buwang iyon. Alam ng mga taong hindi makapunta roon na lagi silang naaalala.

Ang Pananampalatayang Maglingkod

Sa kabila ng mabigat na iskedyul niya bilang isang labis na iginagalang na surgeon, inuuna ni Dr. Nelson ang kanyang pamilya at paglilingkod sa Simbahan. Bago tinawag bilang Apostol, naglingkod siya bilang stake president, regional representative, at Sunday School General President.

Si Russell M. Nelson bilang Sunday School General President kasama ang iba pa

Sina Pangulong Harold B. Lee (kaliwa) at Pangulong N. Eldon Tanner (kanan) ng Unang Panguluhan kasama ang bagong Sunday School General Presidency—Pangulong Russell M. Nelson (gitna) kasama ang mga tagapayo na sina Joseph B. Wirthlin at Richard L. Warner—at ang kanilang mga pamilya.

Noong tawagin at i-set apart ni Elder Spencer W. Kimball (1895–1985) si Dr. Nelson bilang stake president noong 1964, nagbiro si Elder Kimball, “Lahat ng nainterbyu namin dito ay nagsabing maaaring magawa mo ang iyong tungkulin, pero wala kang oras. May oras ka pa ba?”

“Hindi ko po alam ang tungkol diyan,” sagot ni Russell, “pero nananampalataya po ako!”

Ipinagtapat ni Russell kay Elder Kimball na isa sa kanyang pinakamatinding hamon ay ang mahirap na pagsasagawa ng operasyon upang palitan ang mga aortic valve o balbula ng puso. Marami ang namamatay sa operasyon, at bawat pasyente ay nangangailangan ng personal na pangangalaga nang maraming oras at araw.

“Sa basbas na ipinagkaloob niya sa akin nang araw na iyon,” paggunita ni Pangulong Nelson, “partikular niya akong binasbasan na bumaba ang bilang ng mga namamatay lalo na sa pag-opera sa aortic valve, at ang operasyon ay hindi na mangailangan pa ng aking maraming oras at lakas na tulad ng dati. Nang sumunod na taon, bumaba nga ang oras na kailangan sa operasyon, at nagkaroon ako ng panahon para maglingkod sa tungkuling iyon at sa iba pang mga tungkulin. Katunayan, bumaba ang bilang ng mga namatay sa panahong ito—napakababa at kasiya-siya. Ang nakatutuwa roon, iyon mismo ang operasyong ginawa ko kay Pangulong Kimball makalipas ang walong taon.”

Puso ng Isang Propeta

Habang naglilingkod si Pangulong Kimball bilang Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, dumanas siya ng matinding problema sa puso at alam niyang maaari siyang mamatay. Noong 1972, si Pangulong Kimball at ang Unang Panguluhan ay nakipagkita kay Dr. Nelson para humingi ng payong medikal. Dahil sa edad ni Pangulong Kimball, hindi mairekomenda ni Dr. Nelson ang kinakailangang operasyon.

Pumayag si Pangulong Kimball, sinasabing, “Matanda na ako at handang mamatay.”

Sa puntong ito, si Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ay tumayo, hinampas nang malakas ang mesa, at sinabing, “Spencer, tinawag ka! Hindi ka pa mamamatay! Dapat mong gawin ang lahat ng kailangan mong gawin upang pangalagaan ang iyong sarili at patuloy na mabuhay.” Kaya nagpasiya si Pangulong Kimball na magpaopera.

Bago ang operasyon, binigyan ng basbas ng Unang Panguluhan si Dr. Nelson, tinitiyak sa kanya na magiging matagumpay ang operasyon at na hindi siya kailangang matakot sa kanyang mga kakulangan, sapagkat siya “ay ibinangon ng Panginoon upang gawin ang operasyong ito.”

Matagumpay na naisagawa ang operasyon, at alam ni Dr. Nelson na utang niya ang tagumpay sa Panginoon. Nang malapit nang matapos ang operasyon, nakatanggap siya ng malakas na impresyon na ang lalaking kakaopera lamang niya ay magiging Pangulo ng Simbahan.

Nang maorden si Pangulong Kimball bilang bagong Pangulo ng Simbahan noong 1973, sumulat si Dr. Nelson na tinitiyak sa kanya bilang kanyang surgeon na hindi magiging hadlang ang kanyang kalusugan sa kanyang bagong tungkulin. Isa lamang ito sa maraming beses na nagawa niyang pagpalain ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa kanyang kahusayan bilang isang doktor.

Si Russell M. Nelson kasama sina Spencer W. Kimball at Gordon B. Hinckley

Si Elder Russell M. Nelson na nakikipagkamay kay Pangulong Spencer W. Kimball, at nakatingin si Pangulong Gordon B. Hinckley.

Isang Bagong Tungkulin

Noong Abril 7, 1984, si Dr. Nelson ay naging Elder Nelson nang tawagin siya ni Pangulong Spencer W. Kimball bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang kanyang tungkulin ay ikinagulat ng kanyang pamilya kung kaya’t ang isang anak na babae, na nagdadalantao noon, ay napaanak. Pinasalamatan ni Elder Nelson ang pag-anunsyo ng tungkulin na “nakatulong” sa pagsilang ng ika-22 apo ng mga Nelson.

Gaano man kalawak ang kanyang training at karanasan bilang isang doktor, alam ni Elder Nelson na nagmula sa Diyos ang pinakadakilang kapangyarihan at na ang paglilingkod sa Kanya ang pinakadakilang gawain.

“Kakaunti lamang ang magagawa ng mga tao nang sila lang mag-isa upang pagalingin ang maysakit o nasirang katawan ng tao,” sabi ni Elder Nelson. “Sa pamamagitan ng pag-aaral may kaunti pa silang magagawa; sa pamamagitan ng mga advanced medical degree at training, may karagdagan pa silang magagawa. Gayunman, ang tunay na kapangyarihang magpagaling ay isang kaloob mula sa Diyos.”

Hindi nagtagal matapos tawagin si Elder Nelson bilang Apostol, isang ulat ang ibinigay sa isang miting ng mga propesyonal na hindi na magsasagawa si Dr. Nelson ng cardiac surgery “dahil ginawa siyang ‘santo’ ng kanyang simbahan.’”

Nang ikuwento ito ni Elder Nelson, ipinaliwanag niya na “mali ang akala ng ilan na [ang salitang saint o banal] ay nagpapahiwatig ng beatification o pagiging perpekto. Hindi iyan totoo! Ang isang banal ay nananampalataya kay Jesucristo at nalalaman ang Kanyang sakdal na pagmamahal. … Ang isang banal ay naglilingkod sa iba, batid na sa higit na paglilingkod, mas malaki ang pagkakataon ng Espiritu na magpabanal at magpadalisay.”

Matapos maglingkod sa loob ng 31 taon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, si Elder Nelson ay na-set apart bilang Pangulo ng korum noong Hulyo 2015, kasunod ng pagkamatay ni Pangulong Boyd K. Packer.

Ang Buhay ay Hindi Madali

Sa isang mensahe sa kumperensya, sinabing minsan ni Pangulong Nelson na “ang buhay ay hindi nilayong maging madali. … Ang tagumpay ay dumarating lamang sa mga taong nagkakaroon ng pananampalataya na manatili sa landas—sa makipot at makitid na landas.”

Sa kanyang buhay, totoong nagkaroon din si Pangulong Nelson ng mga hamon sa buhay. Noong 1991, nasuring may kanser ang kanyang anak na si Emily. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, ang kanyang asawa ay nasuring may lymphoma. Bagama’t gumaling kalaunan si Dantzel, si Emily ay pumanaw matapos ang mahabang pakikibaka laban sa sakit.

Pagkatapos, noong 2005 si Dantzel ay hindi inaasahang biglaang pumanaw. Sa pangkalahatang kumperensya pagkatapos ng kanyang kamatayan, sinabi ni Pangulong Nelson: “Si Dantzel ay hindi lamang minahal at mapagmahal na asawa. Siya ay isang guro: sa kanyang [mabuting] halimbawa, itinuro niya ang pananampalataya, kabutihan, pagsunod, at awa. Itinuro niya sa akin kung paano makinig at magmahal. Dahil sa kanya, nalaman ko ang lahat ng pagpapala na maaaring dumating sa isang asawa, ama, at lolo.”

Isa pang malungkot na pangyayari ang naganap noong unang bahagi ng 2019, nang pumanaw ang pangalawa niyang anak na babae, si Wendy, dahil sa kanser. “Ang aming mga luha ng kalungkutan ay mapapalitan ng mga luha ng pag-asa habang lumalawak ang aming pananaw na pangwalang-hanggan,” sabi ni Pangulong Nelson sa libing ni Wendy.

Ministeryo at mga Paglalakbay

Si Pangulong Nelson ay palaging nagpapatotoo tungkol sa pagkakaugnay ng siyensya na alam na alam niya at ng Paglikha at plano ng Diyos na pinagtibay niya. Kapag pinag-uusapan ang tungkol sa mga kamangha-manghang bagay sa katawan ng tao, sabi niya: “Mali ang iniisip ng ilang tao na nagkataon lamang ang mga kamangha-manghang pisikal na katangiang ito o bunga lamang ito ng isang malaking pagsabog sa kung saan. Itanong ninyo sa inyong sarili, ‘Kapag sumabog ang isang palimbagan, may mabubuo bang diksyunaryo?’” Ang kanyang mga karanasan sa edukasyon at propesyon ay suporta lamang sa kanyang espirituwal na paniniwala sa pagbalanse ng mga ideyang ito.

Palagi siyang nagsasalita tungkol sa kanyang paggalang sa kababaihan at sa lakas ng kababaihan sa ebanghelyo. Ibinahagi niya ang natutuhan niya kay Eva tungkol sa priesthood at sa pagtutulungan ng mag-asawa. Hinikayat niya ang mga miyembro na unawain kung paano “natatanggap ng kalalakihan at kababaihan ang pinakamataas na ordenansa sa bahay ng Panginoon nang magkasama at pantay.” Sa isang mensahe sa kumperensya noong Oktubre 2015, hiniling niya sa kababaihan ng Simbahan na “kumilos at sumulong! Gawin ang inyong responsibilidad sa inyong tahanan, komunidad, at kaharian ng Diyos—nang mas mahusay kaysa rati.”

Noong 2006 pinakasalan ni Pangulong Nelson si Wendy L. Watson, isang propesor at clinician sa marriage and family therapy. Sa 2009 World Congress of Families, kung saan kapwa sila nagsalita ni Wendy, sinabi niya, “Alam ko rin kung paano mapagpalang muli ng aking Ama sa Langit sa pagpapakasal sa ikalawang pagkakataon, sa isang babae rin na mahabagin at mabait, na muling kumumpleto sa aking pamilya.” Magkasamang naglakbay sina Pangulo at Sister Nelson sa mundo sa matapat na paglilingkod.

Si Pangulong Nelson kasama ang kanyang asawang si Wendy

Si Pangulong Russell M. Nelson at ang kanyang asawang si Wendy noong 2018.

Ang kanyang paglilingkod ay tunay na pambuong mundo. Inilaan niya ang Sapporo Japan Temple, ang Concepción Chile Temple, at ang Rome Italy Temple at nakibahagi sa iba pang mga paglalaan ng templo sa iba’t ibang dako ng mundo, pati na ang Payson Utah Temple, ang Kyiv Ukraine Temple, at ang Accra Ghana Temple. Inilaan din niya ang Life Sciences Building sa Brigham Young University noong Abril 2015. Inilaan niya ang 31 bansa para sa pangangaral ng ebanghelyo. Tumulong siya para madala ang ebanghelyo sa mga bansa sa Silangang Europa at nakita sa panahon ng kanyang ministeryo ang opisyal na pagkilala sa Simbahan ng mga 30 bansa.

Saanman siya maglakbay, espesyal ang pagtuon ng pansin ni Pangulong Nelson sa mga bata. Habang nagsasalita sa isang kongregasyon ng mahigit 4,000 miyembro ng Simbahan na nagtipon sa British Columbia, Canada, natutuwa siyang makita ang mga bata na nakaupong kasama ng kanilang mga pamilya. Habang nagsasalita siya, hiniling niya sa mga bata na tumayo sa kanilang kinauupuan at ikaway ang kanilang mga kamay. Ngumiti si Pangulong Nelson nang magsitayuan ang mga bata sa kalipunan ng mga tao at tuwang-tuwang nagsikaway. “Ang galing,” sabi niya. “Ngayon nakikita ko na kayo.” Ang kanyang kabaitan at liwanag ay umabot sa milyun-milyong mga anak ng Diyos sa buong mundo—kapwa sa matatanda at mga bata.

Sina Pangulo at Sister Nelson na binabati ang mga miyembro sa England

Sina Pangulo at Sister Nelson na binabati ang isang pamilya sa makasaysayang Hyde Park Chapel sa London, England, Abril 2018.

Ipinamumuhay ang Kanyang Mensahe

Ang paraan ng pamumuhay ni Pangulong Nelson ang pinakadakilang patotoo at patunay na maibibigay niya tungkol sa Tagapagligtas.

Dumating ang isa sa mga sandaling ito nang magbigay ang kapwa niya Apostol na si Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng isa sa kanyang mga huling mensahe sa kumperensya. Nagsalita si Elder Wirthlin tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal sa tao na katangian na dapat makita sa atin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Habang nagsasalita siya, nagsimula siyang manginig at hindi niya ito mapigilan, at tahimik na lumapit si Elder Nelson at inakbayan siya at inalalayan siya sa natitirang bahagi ng kanyang mensahe. Iyon ay isang makapangyarihan, at tahimik na sermon tungkol sa pagmamahal na dapat nating ipakita sa iba.

“Matagal ko nang natutuhan na maging masunurin sa mga kahanga-hanga, magigiliw na mga bulong ng Espiritu—ang malalakas na pahiwatig na iyon na sundin ang payo,” sabi ni Pangulong Nelson. “Lalong nakapanghihinayang ang malaman na, habang tayo ay kuntento na sa kasalukuyang kalagayan sa buhay, ang Panginoon ay gumagawa ng isang bagay sa atin na hindi abot ng ating imahinasyon. Ang iniuutos lang Niya sa atin ay ihanda ang ating sarili—ituwid ang ating mga kamalian at sa bawat araw ay sikaping maging higit pa sa gusto nating marating.”

Si Pangulong Nelson ay palaging nakikinig sa malalakas na pahiwatig na iyon. Ang dalawang batang babaeng inoperahan niya ngunit hindi niya nailigtas, noong bago pa lamang siya sa kanyang propesyon, ay maraming taon na bumagabag sa kanyang isipan, lalo na nang malaman niya na galit pa rin sa kanya at sa Simbahan ang pamilya ng mga batang iyon. Sa loob ng halos 60 taon ay nagdalamhati siya sa alaala ng pagkawalang iyon at nalungkot para sa pamilya. Ilang beses niya silang sinubukang kontakin, pero hindi siya nagtagumpay.

At noong 2015, nagising siya isang gabi at nadama ang presensya ng dalawang batang babae na nakikiusap sa kanya. Ganito ang paglalarawan niya: “Bagama’t hindi ko sila nakita o narinig, nadama ko ang kanilang presensya. Espirituwal kong narinig ang kanilang mga pakiusap. Ang mensahe nila ay maikli at malinaw: ‘Brother Nelson, hindi kami nakabuklod kaninuman! Matutulungan ba ninyo kami?’”

Minsan pang sinubukan ni Pangulong Nelson na kontakin ang naiwang ama at nakababatang kapatid na lalaki, at sa pagkakataong ito nagtagumpay siya. Mapagpakumbaba siyang lumuhod sa harapan ng ama, binanggit ang pakiusap ng mga anak na babae, at nag-alok na isagawa ang mga ordenansa ng pagbubuklod. Sinabi niya na mangangailangan ng panahon at pagsisikap, dahil ang ama at kapatid na lalaki ay hindi pa nakatanggap ng endowment. Puspos ng Espiritu ang silid, ang ama at kapatid ay pumayag na gawin ang mga kinakailangang paghahanda. Kalaunan naiyak sa tuwa si Pangulong Nelson nang isagawa niya ang mga pagbubuklod para sa pamilya sa Payson Utah Temple.

Manatili sa Landas ng Tipan

Nang pumanaw si Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) noong unang bahagi ng Enero 2018, ang Korum ng Labindalawa ay nagpulong at nanalangin upang humingi ng patnubay mula sa Panginoon para sa pagtawag sa isang bagong propeta. Si Russell M. Nelson ay na-set apart noong Enero 14, 2018, bilang propeta at ika-17 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang kanyang unang pahayag sa publiko bilang Pangulo ay narinig mula sa annex ng Salt Lake Temple, kung saan niya hinikayat ang mga miyembro ng Simbahan na “manatili sa landas ng tipan” at ibinigay ang makapangyarihang pangakong ito: “Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman.”

Sinabi niya na nais ng bagong Unang Panguluhan na “mag-umpisa na isinasaisip ang katapusan,” ipinaliliwanag na “ang katapusan kung saan ang bawat isa sa atin ay pilit na pinagsisikapang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan.”

Sa pagtukoy muli sa landas ng tipan, inanyayahan niya ang mga taong umalis na magbalik, tinitiyak sa kanila na “may lugar para sa inyo dito, sa Simbahan ng Panginoon.”

ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa Rome Italy Temple Visitor’s Center

Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa Rome Italy Temple Visitor’s Center noong Marso 2019.

Pagtanggap at Pagkilos ayon sa Paghahayag

Hindi malilimutan ng mga miyembro ng Simbahan ang kasabikan sa unang pangkalahatang kumperensya na pinamunuan ni Pangulong Nelson bilang propeta at Pangulo. Sa kumperensyang ito, ibinalita ni Pangulong Nelson na ang mga high priest at elder sa bawat ward ay pagsasamahin sa isang korum “upang mas mabisang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon.” Ibinalita rin niya ang katapusan ng home at visiting teaching at ang pagkakaroon ng “isang mas bago, mas banal na pamamaraan ng pangangalaga at paglilingkod sa iba,” isang pagbabago na magpapasimula sa isang “bagong kabanata sa kasaysayan ng Simbahan.” At sa pagtatapos ng kumperensya, ibinalita ni Pangulong Nelson ang pitong bagong templo.

Si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tila nagsalita para sa lahat nang sundan niya ang pangalawang ibinalita ni Pangulong Nelson: “Ang pinaka-hindi malilimutang mga sandali sa buhay ay ang mga sandali kung kailan nararamdaman natin ang pagbugso ng paghahayag. Pangulong Nelson, hindi ko alam [kung] ilan pang mga “pagbugso” ang kaya naming tanggapin ngayong katapusan ng linggo.”

Ang pagbuhos ng paghahayag na ito ay patuloy na naglalarawan sa ministeryo ni Pangulong Nelson bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Matapos ang unang kumperensyang iyon, si Pangulong Nelson at ang kanyang asawang si Wendy ay naglakbay sa buong mundo na nakikipagpulong at nagtuturo sa mga miyembro ng Simbahan, maging sa mga lugar kung saan kababalita pa lamang niya na magtatayo ng mga templo.

Si Pangulong Nelson na nakatayo sa tabi ng iba pa at kumakaway sa mga nagtipong miyembro ng Simbahan

Sina Pangulo at Sister Nelson at Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol na binabati ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Peru noong Oktubre 2018.

Sa isang pandaigdigang debosyonal, nanawagan siya at si Sister Nelson sa mga kabataan ng Simbahan na makibahagi sa “pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo,” ang pagtitipon ng Israel.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nagpalabas siya ng pahayag tungkol sa kahalagahan ng paggamit sa tamang pangalan ng Simbahan, na isang pagbibigay-diin, sabi niya, na “ikinikintal ng Panginoon sa aking isipan.”

Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018, lalo pang binigyang-diin ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng paggamit ng buong pangalan ng Simbahan. Ipinahayag niya rin ang panibagong pagtutuon sa pagtuturo ng ebanghelyo at pag-aaral sa tahanan, sinasabing “panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating mga branch, ward, at stake.” Dahil sa planong nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan, ang tatlong oras na iskedyul tuwing Linggo ay pinaikli at ginawang dalawang oras at pinasimulan ang bagong kurikulum para sa mga indibiduwal at pamilya na pag-aaralan sa tahanan. Sa pagtatapos ng kumperensya, ibinalita ni Pangulong Nelson ang 12 pang templo—ang pinakamaraming bilang ng mga templo na ibinalita sa isang pagkakataon.

Bilang propeta, ipinakita sa atin ni Pangulong Nelson ang ibig sabihin ng hangarin ang kalooban ng Panginoon at kumilos kaagad ayon sa paghahayag, at hinikayat niya ang lahat ng miyembro ng Simbahan na gayon din ang gawin:

“Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag. …

“… Napakarami pang bagay na nais ng Ama sa Langit na malaman ninyo. …

“… Ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, … ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating.”

Si Pangulong Nelson na binabati ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Guatemala City

Si Pangulong Nelson na binabati ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Guatemala City noong Agosto 2019.

Isang Sagradong Pangako

Sa kanyang unang mensahe sa kumperensya bilang Apostol, tinukoy ni Elder Nelson ang mga tipang ginawa niya sa templo, na nagsasabing: “Muli kong pinagtitibay ang pangakong iyon, na ibigay ang lahat ng mayroon ako sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Sa pagtanggap sa tungkuling ito, batid na ang mga hamon, responsibilidad, at mga susi ay ipagkakaloob at na darating din ang mga panunukso, ipinapangako ko ang pagsisikap ko, ang lakas ko, at ang lahat ng mayroon ako.”

Makalipas ang maraming taon, at dalawang araw matapos ma-set apart bilang propeta, ibinigay ni Pangulong Nelson ang gayon ding pangako, nagsasabing: “Ipinahahayag ko ang aking debosyon sa ating Diyos Amang Walang Hanggan at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Kilala ko Sila, mahal ko Sila, at nangangakong paglilingkuran Sila—at kayo—sa bawat natitirang hininga ng buhay ko.”

Tinupad ni Pangulong Nelson ang sagradong pangakong ito hanggang sa huli. Naging malinaw sa lahat ng nakakikilala sa kanya o nakarinig sa pagsasalita niya na lubos ang tiwala niya na ang pagsunod sa Panginoon ang tumitiyak sa mga pagpapala ng Panginoon. Si Pangulong Nelson ay tunay na huwaran ng isang tumutupad sa tipan. Tinupad niya ang kanyang “mga tipan nang ganap.”

Minsang sinabi ni Pangulong Nelson sa isang pangkalahatang kumperensya, “Sa paglakad ninyo sa landas ng kabutihan ng Panginoon, pagpapalain kayong magpatuloy sa Kanyang kabutihan at magiging liwanag at tagapagligtas sa Kanyang mga tao.”

Ang buhay ni Pangulong Russell M. Nelson ay naging liwanag at patuloy na magiging tulad ng liwanag.

Si Pangulong Nelson na nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 36.

  2. Tingnan sa Spencer J. Condie, Russell M. Nelson: Father, Surgeon, Apostle (2003), 215.

  3. Sa Condie, Russell M. Nelson, 219–20.

  4. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 30.

  5. Sa Condie, Russell M. Nelson, 24, 25.

  6. Sa Condie, Russell M. Nelson, 26.

  7. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 27–28.

  8. Sa Condie, Russell M. Nelson, 40.

  9. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 44.

  10. Sa Lane Johnson, “Russell M. Nelson: A Study in Obedience,” Ensign, Ago. 1982, 24.

  11. Tingnan sa Marvin K. Gardner, “Elder Russell M. Nelson: Applying Divine Laws,” Ensign, Hunyo 1984, 10.

  12. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 133–34; Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 96.

  13. Condie, Russell M. Nelson, 363.

  14. Dantzel Nelson, sa Johnson, “Russell M. Nelson: A Study in Obedience,” 23.

  15. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 58.

  16. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 98.

  17. Russell M. Nelson, “The Family: The Hope for the Future of Nations” (mensahe sa World Congress of Families, Ago. 12, 2009), chap. 6 sa Hope in Our Hearts (2009), 42.

  18. Tingnan sa “Elder Russell M. Nelson of the Quorum of the Twelve Apostles,” Ensign, Mayo 1984, 87–88.

  19. Tingnan sa Condie, Russell M. Nelson, 153–56.

  20. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Call to the Holy Apostleship,” Ensign, Mayo 1984, 52.

  21. Sa Gardner, “Elder Russell M. Nelson: Applying Divine Laws,” 8.

  22. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Thus Shall My Church Be Called,” Ensign, Mayo 1990, 16.

  23. Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” Ensign, Nob. 1987, 86.

  24. Russell M. Nelson, “Panahon na para Maghanda,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 16.

  25. Sa “Ministeryo ni Pangulong Nelson Nagpapatuloy,” Ensign o Liahona, Mayo 2019, 120.

  26. Russell M. Nelson, “Salamat sa Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 78–79.

  27. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Lessons from Eve,” 87.

  28. Russell M. Nelson, “Woman—Of Infinite Worth,” Ensign, Nob. 1989, 20.

  29. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” 97.

  30. Russell M. Nelson, “The Family: The Hope for the Future of Nations,” 42.

  31. Tingnan sa Aubrey Eyre, “Look Back at the Most Tender Moments President Nelson Shared with Church Members in 2018,” Church News, Dis. 20, 2018, ChurchofJesusChrist.org.

  32. Tingnan sa Joseph B. Wirthlin, “Ang Dakilang Utos,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 28–31.

  33. Sa Condie, Russell M. Nelson, 192.

  34. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Halaga ng Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2016, 66–67.

  35. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Ensign o Liahona, Abr. 2018, 7.

  36. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 54.

  37. Russell M. Nelson, “Ministering,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 100.

  38. Jeffrey R. Holland, “Be With and Strengthen Them,” Ensign or Liahona, May 2018, 101.

  39. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  40. Tingnan sa Sarah Jane Weaver, “‘Mormon’ Is Out: Church Releases Statement on How to Refer to the Organization,” Church News, Ago. 16, 2018, ChurchofJesusChrist.org.

  41. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 87–90.

  42. Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 7.

  43. Tingnan sa “Twelve Temples Announced as October 2018 General Conference Closes,” Newsroom, Okt. 7, 2018, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  44. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95–96.

  45. Russell M. Nelson, “Call to the Holy Apostleship,” 52.

  46. Russell M. Nelson, “Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7.

  47. Russell M. Nelson, “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 41.

  48. Russell M. Nelson, “Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” 36.